IHINILERA ni Esmeralda ang mga damit na natahi na niya. Si Jeremy mismo ang namili ng isusuot niya sa pagpunta sa beach bukas. Gusto daw nitong matiyak na maganda siya at hindi pangit ang isusuot niya. Nagustuhan kasi nito ang mga damit na siya mismo ang tumahi at nagdisenyo. Pero nag-aalangan siya na isuot iyon dahil baka isipin ni Amadeus ay gusto niyang magpaganda para dito. Sinapo ng dalaga ang pisngi at tiningnan ang sarili sa salamin ng tokador habang nakaupo sa kama. Nasa kabilang kuwarto lang ang lalaki at nakikipagkwentuhan kay Jeremy. Maghapon ang binata at ang mga kababaryo nila sa kanila dahil pinagplanuhan ang pagtatayuan ng shelter at ang pagtulong ng lalaki sa pagpapagawa sa bahay na nasalanta ng bagyo. Matapos iyon ay di na ito pinakialaman ng kapatid niya na sabik sa ate

