Eleven

2265 Words
Tila namanhid ang katawan ko. Tatakbo na sana ako palabas, kung hindi lang ako kaagad na naharangan ng mga bantay sa backstage. Ilang beses kong sinubukang tibagin ang pagkakaharang nila, pero dahil sa malalaking tao sila hindi pa rin ako nakalusot. Wala akong nagawa kundi linguning muli ang monitor. Nanghihinang tumayo si Felice. Walang emosiyong makikita sa mukha ngunit tila gripo ang luha dahil sa tuloy-tuloy na pag-agos. Hinawakan ko kaagad ang kaniyang braso nang tuluyan niya nang marating ang pinto na kinatatayuan ko. Hindi niya ako tinignan. Inalis niya ang kamay ko at naglakad papunta sa comfort room na meron sa backstage. Nakaramdam ako nang awa. Hindi ko na alam kung may solusiyon pa ba ito. Lalong naging mahirap dahil sa nangyari. Susundan ko na sana siya, pero nahinto ako nang may magsalita sa likuran ko. "Mukhang nanganganib yata ang kaibigan mo." Nang lingunin ko ito ay si Kianya na nakangisi ang nakita ko. Prenteng nakasandal sa pader na katapat ng pinto. Wala akong oras para makipag-alaskahan sa kaniya. "I'm here for an advice... I just want to inform you since it feels like you don't wanna ask. And it's also ny fault why she's here." "Sa tingin mo ba nasa wisyo ako para tanggapin ang biro mo?!" Dahil sa ginawa kong pagsigaw ay napalapit sa akin ang mga bantay. Kaagad na itinaas ni Kianya ang kaniyang kanang kamay para pahintuin ang mga ito. Tinignan niya ako na tila pekeng nasaktan sa aking sinabi. "Sa oras na hindi sumipot ang ikasiyam na nabunot maaaring makaligtas ang mumunti mong kaibigan, pero kung hindi mukhang maididilig ang dugo niya sa bulaklak ng Erurena." "Akala mo ba hahayaan kong mangyari 'yon?" Nagawa ko pang ngumisi kahit na naiiyak na ako sa inis. "Paano? No one could stop what's bound to happen. Puwera na lang kung..." "Kianya, hinahanap ka na roon." Pumasok sa pinto ang ikaanim na ranggo na tinignan pa ako mula ulo hanggang paa. Ngumisi si Kianya bago ako talikuran at lumabas ng pinto. Kumalma na rin ang mga guwardiya. Kapag hindi dumating si Spark, malaki ang tiyansa na siya ang ialay, pero... kung oo paano si Felice? Tinanguhan ako ni Valentin. Malungkot akong tumingin sa kaniya. Hindi pa rin lumalabas ng pinto si Felice. Hinahanap na rin ng mga bantay si Spark. Wala pa rin ito. Binigyan siya ng isang minuto. Gusto kong ipagdasal na sana hindi na ito dumating. Nanghihina akong napaupo sa sahig. Inalis ko ang maskara at ang wig na suot. Kahit airconditioned ang buong paligid ay pinagpapawisan pa rin ako sa kaba. Natigilan ako nang marinig ang pamilyar na kantang mula sa entablado. Tuluyan na akong nawalan nang pag-asa. Dumating siya. Naramdaman ko ang papalapit na si Valentin. Tinulungan niya akong tumayo. Kinuha ang wig at maskara na hawak ko. "Alam kong hindi mo na kailangang maghanda dahil alam mo na ang kakalabasan nito, pero sana Frezz dito man lang sa gagawin mo maging kampante ka. Hindi pa tapos ang laban, nagsisimula pa lang." Wala akong nagawa kundi ang matulala. Natapos nang magperform si Spark. Papalapit na sa akin ang mga guwardiya. Magsasalita na sana ako, pero naunahan ako ni Valentin. "Sandali lang, magpapalit lang siya." Dahil sa sarado ang C.R. dahil hindi pa lumalabas si Felice doon ay sa isang kuwartong kurtina ko hinubad ang clown costume. Tumambad sa akin ang makinang na asul na bestida. Ito ang bestida na nakita ko sa stock building, binalikan namin ni Valentin ito kahapon para may maisuot ako ngayon. Bahagya kong nilugay at sinuklayan ang buhok ko gamit ang aking daliri. Nang lumabas ako ay kaagad na napatayo si France takip ang palad sa kaniyang bibig. Ngumisi si Kirby, napatigil naman sa akmang pagkain si Greg at kaagad na napalapit sa akin ang iba. Sasama na sana ako sa guwardiya, nang marinig ko ang pagtawag ni Felice sa akin. "F-frezz..." Dumako ang paningin niya sa hawak kong microphone. Nagtubig na naman ang mata niyang namamaga pa. "Frezz, a-anong ginagawa mo?" Nginitian ko siya. "Ikaw ang una kong nakilala sa school na 'to. Sa maikling panahon naging kaibigan kita. Gusto mo pang mabuhay 'di ba? Alam kong mas kailangan mong mabuhay kaysa sa akin." Napahagulhol siya, hindi niya binitawan ang braso ko. Pinigil ko ang sakit na namumuo sa aking lalamunan. Hindi ako dapat na umiyak. Nang marating ang pinto ay hinarang na siya ng mga bantay. Habang naglalakad ako ay kapansin pansin ang gulat sa mukha ng mga manonood. Nakahanda ang banda sa gitna ng stage, nginitian ako ni Valentin. Tumango ako at naglakad na papunta sa gitna. Nakita ko kung paanong tumayo si Nash para pigilan ako, pero mabilis siyang hinarang ni Maika. Pakiramdam ko'y tinutusok ang puso ko. Ang makitang nalulungkot sila sa ginagawa ko ay nagbibigay lungkot rin sa akin. Nanatiling nakaupo ang mga opisyales sa unahang parte ng mga manonood kahit na bakas ang pagtutol sa mukha ng Dean. Samantalang, si Mr. Natividad naman ay tila nagugustuhan ang nangyayari. Wala namang emosiyong makikita sa mukha ni Mr. Tokuguri. Nakaupo naman ang pitong ranggo sa harapan ng mahabang lamesa, sa gitna sa ibabang parte ng entablado kung saan mas maayos kaming mapapanood. Tumingin ako sa unang ranggo na walang reaksiyong nakatingin lang din sa akin. Dumako ang paningin ko kay Maika at Nash. Nag-iwas ng paningin si Maika. Kahit napakalma na ni Maika ay naroon pa rin ang galit sa mukha ni Nash. "Sorry..." alam kong kahit mahina lang ang pagkakasabi ko ay maririnig iyon ni Nash. Umatras ako at nilingon si Valentin. Senyales na magsimula na. Musika... musika ang pinaka inaayawan ng mga ranggo. Nakapikit kong dinamdam ang tugtog. Tumitig ako nang diretso sa unang ranggo na nakaupo sa gitna nang magsimulang kumanta. Bahagya kong nakikita ang kulay pilak nitong mata na nakatingin sa akin. Itinuro ko siya. Halos lahat ay nakatingin sa akin na para bang sila pa ang natatakot sa kahihinatnan ko. Gagawin ko na ang lahat ngayon, dahil ito na naman ang huling oras ko. I'm sorry, I'm late.. Napapikit ako nang marinig ang sinabi niya sa akin noong araw na napaaway ako kay France at Jeremy. Nanikip ang dibdib ko nang maalala ang mga salitang binitawan niya sa akin. Natapos ang kanta. Bumalik ako sa backstage at hinanap si Felice. Nang makita ko ito ay mabilis siyang tumakbo papalapit sa akin. "Frezz, why did you do that? Paano kung ikaw ang-" "Bobo. Malamang ginawa niya 'yon para sa'yo." Sumingit sa usapan si Kirby, hawak pa rin ang matalim nitong kutsilyo. Nandoon ang kataka takang inis sa mukha nito. Natahimik si Felice. Ngumiti ako, hindi nagsalita. Matagal kaming naghintay. Mayamaya pa'y pinatawag na kaming lahat sa entablado. Sabay-sabay kaming pumila roon, ayon sa pagkakasunod sunod sa pagkakabunot sa mga pangalan. Katabi ko ngayon si Spark na tila nakatingin sa malayo. "Magtatapos ang ating patimpalak matapos ianunsiyo ang siyam na maliligtas at ang isang iaalay sa bulaklak ng Erurena." Nilingon ko si Felice na nakayuko na ngayon. "Ang tatawagin ay umatras. Una, Phillip Quizon. Ikalawa, Kirby Anatello. Ikatlo, Jeremy Tuazon." Nakangisi siya nang umatras. "Ikaapat, Odyssey Ponce. Ikalima, Greg Martin Herrera. Ikaanim, Angeliq Wang at ang ikapito, France Mestacio." Tatlo na lang kaming natira - si Spark, ako at si Felice. Umiyak nang umiyak si Felice habang salikop ang kaniyang mukha. Gusto ko siyang lapitan, pero nakapagitna sa amin si Spark. "Ikawalo... Spark Weyn Tan." Napangiti ako nang mapait. Dalawa na lang kami. Napatayo si Maika at Nash nang makitang kaming dalawa na lang ni Felice ang natira. Dumako ang paningin ko sa mga ranggo. Seryoso ang karamihan, maliban kay Kianya na halata ang pagkainis. "Ikasiyam, Felice Clementio." Felice Clementio.. Natigilan si Felice sa pag-iyak. Kaagad itong tumingin ito sa akin. Namumutla at nanginginig ang labi. "H-hindi.. Frezz..." lalapitan niya sana ako, pero nagsalita ulit ang announcer. "Ikasiyam, Felice Clementio." Tinanguhan ko siya para umatras na. Wala siyang nagawa kundi ang sapilitang umatras. Tumakbo papalapit si Nash at sumunod naman si Maika sa kanya, hinarang sila ng mga guwardiya mula sa ibaba. Nanikip ang dibdib ko. Gusto kong umiyak, pero kapag ginawa ko iyon ay parang nagsisisi na rin ako sa sarili kong desisyon. "Frezz!" Patuloy pa rin ang pagpupumilit ni Nash na makapunta sa entablado. Nag-iwas ako ng paningin nang magsimula ng humagulhol si Maika. "At si Frezzilliana Hennie Vigo..." Nanahimik ang lahat nang marinig ang sinabi ng announcer. Maging ako ay kumunot ang noo. "Ikasiyam, Felice Clementio at si Frezzilliana Hennie Vigo." Nirolyo pabalik ng announcer ang hawak na itim na papel. "Ngayong taon ay walang napagpasiyahang ialay. Iyon ay ayon sa unang ranggo, maraming salamat." Hindi ako nakaatras sa kinatatayuan ko dahil sa gulat at pagtataka. Naudlot ang pagwawala ni Nash. Nagkatinginan kami ni Maika. Maging ang mga nasa likod kong nakaatras na ay bumaling na rin sa akin. Nangibabaw ang tunog ng mikropono. "Mr. Tokuguri the school director said that I should judge fair. So all of the ten students standing in front got 8.5 as the score," anang unang ranggo. Binalot ang paligid nang matinding katahimikan. Nakita ko kung paano nalaglag ang panga ng lahat. Walang nakaangal dahil sa unang ranggo na mismo nanggaling ang paliwanag. "This is the end of the program. May you all go back to your quarters." Matapos niyang sabihin iyon ay umalis na siya. Sumunod sa kaniya ang mga ranggo na gulat rin sa kaniyang hatol. Dumako ang paningin ko kila Mr. Tokuguri. Walang reaksiyon ang mga ito nang umalis na rin kasunod ang mga lalaking guwardiya. Bulungan ang namutawi sa lahat bago tahakin ang daan palabas ng gym. "Frezz!" Kaagad na tumakbo sila Nash sa stage at nilapitan kami ni Felice. Napangiti si Felice bago ako yakapin nang mahigpit. "Thank God. A-akala ko mamamatay na ako." Kakaiba ang ibinigay na titig ni Maika kay Felice bago ako binalingan. "Talagang magpasalamat ka." Matapos suminghal ni Kirby ay umalis na ito. Napangiwi ako sa iniasta nito. Simula nang matapos ako magperform ay iba ang naging trato nito kay Felice. Blangko ang ekspresyon na tinignan ni Odyssey si Felice kaya tuluyan na itong napayuko. "How weird..." Taka kong pinanood ang magkasunod na pag-alis ng dalawa. "Congratulations sa ating lahat! I hope we can spend some time together." Tinapik niya pa sa balikat si Felice bago umalis. Kunot-noo akong nakipagtitigan kay Spark na nakapamulsa ring nakatingin sa akin. Lumihis lamang ang paningin nito sa akin nang talikuran kami para tahakin ang daan palabas. "How fishy..." Nabaling ang paningin naming apat kay France. "Something really isn't right." "Let's go." Binalingan siya si Jeremy na nakasimangot nang nauna sa paglalakad. "Ikaw? Wala kang sasabihin?" Nagulat kami nang tanungin ni Nash si Greg na nagsisimula nang kumain ng sandwich. Ngumuso si Greg at nginitian muna ako bago umalis. Napatango ako sa kaniya. Dumapo ang paningin ko kay Nash. Inis itong nakipagtitigan sa akin matapos ay suminghal bago magwalkout. Alas-onse pa lang ng gabi. Matapos kong maihatid sina Felice at Maika sa kanilang unit ay lumabas ulit ako. Mukhang nagtatampo sa akin si Nash dahil sa ginawa ko. Hindi ko mapigilang hindi maisip na tama si France. Parang may hindi tama sa nangyari. Nahinto ako sa paglalakad nang makita ang isang pares ng sapatos sa harapan ko. Nag-angat ako ng paningin at doon ko nakita si Spark. Matalim ang pagkakatingin sa akin. Mas malala kaysa kanina. Balak ko na sana siyang lagpasan nang ngumisi siya, ngunit nandoon ang lamlam at inis sa mata. "Kailan ka pa naging ganiyan?" Sandali akong natigilan bago makapagsalita. "Anong sinasabi mo?" "Kailan mo pa inisip ang kapakanan ng iba? The Hennie I know won't even think about to sacrifice her life just for a friend, but... how could you? Nagawa mo sa isang kaibigan, pero sa akin mismo ay hindi?" "Wala akong naiintindihan sa mga sinasabi mo." Aalis na sana ako, pero nagibg madali para sa kaniya ang pigilan ako gamit ang paghila sa aking pulso na siyang nagpakaba sa akin. "Bitiwan mo ako." "Answer me." Nanatili kaming magkatalikuran, nanatili rin ang pagkakahawak niya sa akin. Padabog kong kinuha ang kamay ko. "Hindi ko alam." Dahil hindi naman dapat ako ang kinakausap niya. Narinig ko pa ang mumunti niyang tawa. "Don't you love me anymore - this fast? Because my feelings stayed the same." Sumeryoso ang anyo niya, nararamdaman ko iyon kahit magkatalikuran pa rin kami. "I will get you back, watch out." Pakiramdam ko'y nalaglag ako mula sa kinatatayuan ko nang sabihin niya iyon. Nang lingunin ko ang puwesto niya ay naglalakad na siya papalayo sa akin. Ano bang pinasok ng kapatid ko? May nararamdaman na naman akong kakaiba. Doon na nga tuluyang nanlaki ang mga mata ko nang magtama ang paningin namin ng unang ranggo. Bawat hakbang na ginagawa niya ay siya ring pagbukas ng makulimlim na ulap mula sa langit, at nang makalapit na siya ay tuluyan nang nagliwanag ang paligid dahil sa bilog na buwan. Hindi ako makagalaw sa kinatatayuan ko. Lalo akong kinabahan nang huminto siya sa harapan ko. Wala akong masabi kaya nanatiling nakasara ang bibig ko. "You're blocking the way." Para akong binuhusan nang malamig na tubig. Nasa tapat na pala ako ng swing, maraming puno ang nakahilera sa daan kaya sumikip ang paligid. Tumingin ako sa duyan sa likuran niya na gumagalaw pa. Siguro'y naroon siya kanina at malamang nakita niya kami ni Spark. "Move." Hindi ko ipinahalatang napahiya ako sa sinabi niya at tumabi na lang. "Sungit." Alam kong narinig niya ako, pero hindi man lang siya nag-abalang lumingon. Bagkus ay mabagal na naglakad palayo. Pumihit ako. Hindi ko alam na naglalakad na pala ako papunta sa kaniya. Sa isang iglap ay nayakap ko na siya sa likod nang mahigpit.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD