Pinanood ko ang practice ni Felice. Sabado ngayon at bukas na ang araw ng pag-aalay. Pinayagan ng mga opisyales na gamitin ng mga kalahok ang kahit na anong facility para sa pag-eensayo kaya naman napili namin ang bakanteng classroom sa pinakataas ng building.
"Ikaw na, Frezz." si Felice. "May sakit ka ba? Ang tamlay mo yata?"
Umiling ako.
"Ayaw mo bang mag-practice?" si Nash. "Bukas na 'yon, baka magkamali ka."
Lumapit si Maika at hinawakan ang balikat nito. "Puwede bang iwanan niyo muna kami? We need to talk about something."
Tumingin sa kaniya si Nash at napakamot pa sa batok niya. Kunot-noo namang sumunod si Felice.
"Sandali..." nahinto ang dalawa. "Siguraduhin mong hindi ka makikinig."
Ngumuso si Nash. "Okay, hindi."
Nang makasigurong wala na ang dalawa ay roon lang nagsalita si Maika. "Magaling si Felice. Nakita mo naman 'yung ginawa niya kanina, 'di ba? Malabong matalo siya. Kaya hindi mo na kailangang gawin ang binabalak mo."
Napayuko ako. "Alam ko, pero paano bukas? Hindi natin kontrolado ang lahat. Hindi natin alam kung anong puwedeng mangyari. Lahat gagawa ng makasariling desisyon para lang manalo. Lalo na't buhay ang pinag-uusapan dito."
"Naniniwala akong hindi kayo matatalo."
"Mauunang mag-perform sa akin si Felice. Kapag nakita kong maganda ang naging performance niya. Hindi ko na itutuloy ang plano ko." Malalim ang naging pagbuntong hininga ko. "Pero sa ngayon, kailangan ko munang magpanggap na ginagawa ito. Huwag mo hayaang isa man sa kanila ay malaman ang binabalak ko."
Umiling siya. "Itatago ko hangga't kaya ko, pero sana... sana manalo kayo ni Felice."
Ngumiti ako at tinapik siya sa balikat. "Hindi ko maipapangako, pero gagawin ko ang lahat ng makakaya ko para sa ikabubuti ng lahat."
Pagkatapos naming mag-usap ay lumabas muna ako ng studio. Sinabi ko kay Nash na medyo nagugutom ako, pero ang totoo may isa pa akong pinupuntahan sa tuwing nag-eensayo. Natigil ako sa paglalakad nang makarinig ng musika. Tunog ng... orchestra. Nanggaling iyon sa bakanteng classroom na hindi nalalayo sa pinanggalingan ko.
Lumapit ako sa pinto at binuksan iyon. Gulat kong tinignan ang isang babaeng sumasayaw. Hindi. Magkaparehas sila ng performance ni Felice, magkaparehas sila ni Angeliq Wang.
Ang naramdaman kong pag-asa kanina ay nawala. Nanikip ang dibdib ko dahil sa pagkadismaya. Mas magaling magsayaw si Angeliq kaysa kay Felice at siguradong mas may tiyansang manalo si Angeliq.
Si Kirby at Odyssey na lang ang hindi ko pa nakikita. Tatlong puwesto na lang ang natitira. Kung magiging magaling din sina Odyssey at Kirby mapupunta sa kanila ang dalawang puwesto. Isang puwesto na lang ang maiiwan para kompletuhin ang siyam na maliligtas at kaming dalawa na lang ni Felice ang maiiwan. Isa sa amin ang mananalo, isa ang iaalay.
Kaagad kong hinanap ang kinaroroonan nila Odyssey at Kirby. Huminto ako sa harapan ng isang pinto isa itong bodega sa dorm, sa ikatlong palapag.
Pinihit ko ang pintuan at doon ko nakita ang isang lalaking may hawak na kutsilyo na itinitira sa isang paikot na roleta. Napalingon ito nang makitang pumasok ako. Nakakatakot ang paraan ng pagtingin niya. Maputi siya at matangkad, kung hindi nga lang mohawk ang gupit niya ay guwapo siya.
"Pumasok ka nang walang paalam," malamig niyang sabi. "Ikaw ang dating pangalawang ranggo, hindi ba? Anong ginagawa mo rito?"
Pinunasan niya ng isang puting tela ang kutsilyo.
"Gusto ko lang sanang-" Natigilan ako sa pagsasalita nang dumaan ang kutsilyo sa kaliwa kong balikat at tumusok sa pinto na nasa likod ko.
Peculiar in sight.
"Oops! Practice lang!" Kahit tumatawa siya ay naroon pa rin ang maangas niyang awra. "Naiintindihan mo ba ang sinasabi mo? Are you spying on me? Or us? Para makita kung hanggang saan kami at para mahigitan mo kami?" Diretsa niya. "Ang hirap nga naman sa mga ranggo. Dito na lumaki at hindi naranasan ang buhay sa labas. Kaya walang alam gawin kundi ang makipaglaban."
Nakukuha ko ang punto niya, pero hindi niya dapat sa akin sinasabi ang mga bagay na ito dahil hindi ako laki rito at naranasan ko ang buhay sa labas.
"Sa ating sampu isa ang mamamatay. Hindi ka ba natatakot para sa iba?"
Tumigil siya sa paglilinis ng kutsilyo at bumaling sa akin na tila natatawa. "Ngayon ka lang naghingi ng opinyon kung kailan kasali ka na? Tsk, mga ranggo nga naman. 'Wag mo sabihing ngayon ka pa nabahala dahil kamakailan lang naman ay halos wala kang pakialam kahit na may dumanak na dugo at masaksihan mo pa mismo sa harapan mo."
Dahil sa pinagsasabi niya unti-unti akong nagkakaroon ng ideya kung anong klaseng tao ang kakambal ko.
"Hindi kapakanan ko ang iniisip ko, Kirby. Ayos lang sa akin na ako ang matalo, ayokong may ibang ma-"
Tumawa siya kaya natigilan na naman ako sa pagsasalita. "Alam mo pa ba ang mga sinasabi mo dating pangalawang ranggo? Kailan ka pa nagkapuso? Simula ba nang magmahal ka ng hindi ranggo?"
Umulit iyon sa pandinig ko. Ngayon ay hindi ko na mapigilang hindi kuwestiyunin ang sarili ko. Ano ang nangyari sa kakambal ko?
"Umalis ka na, dating pangalawang ranggo. Hindi mo naman siguro magugustuhan kapag tuluyan na akong nawalan ng galang sa'yo, tama?"
Umalis ako. Hindi dahil sa natakot ako sa kaniya, kundi dahil sa gulat sa mga nalaman. Dumadami at lumalaki ang problema ko habang tumatagal ako sa eskuwelahang ito.
Sandali kaming nagkatinginan ni Odyssey na nakasandal sa railings ng hallway, katapat ang pintuan ng bodega.
Nanunuri ang maangas nitong titig, ngunit nanatiling tahimik.
Hindi na ako makatambay sa park kaya sa puno ako umupo kung saan sinipa ni Spark ang lata.
Naghahalo ang mga iniisip ko. Si Felice, si Spark, si Hennie at siya, ni hindi ko na maisip ang sarili. Hindi ako ganito noon. May pakialam ako sa iba. Tumulong ako, pero iyon ay hangga't hindi nakataya ang aking buhay. Ngayon, kahit buhay ko na ang pinag-uusapan nawawalan na akong pakialam.
Bukas na ang araw ng pag-aalay. Inaamin kong kinakabahan ako, pero mas lamang ang lungkot na nararamdaman.
"Mukhang malalim ang iniisip mo."
Napapitlag ako nang lumitaw ang ikatlong ranggo. Hindi ko inaasahang magte-teleport siya papunta rito. Hindi ako nakapagsalita.
"Bukas na ang laban, bakit hindi ka naghahanda?"
Dumidilim na kaya naman wala na masiyadong dumaraan na mga estudyante.
"Hindi na siguro kailangan."
Tumingin siya sa akin. "Bakit? Dahil ba sa magaling ka na o dahil kahit hindi pa nagsisimula ay umaayaw ka na?"
"Hindi ko alam. Ang alam ko lang dapat hindi sila mapahamak." Bakit ko nga ba siya kinakausap? "Ikaw, anong ginagawa mo rito?"
Nagbaba ito ng paningin damuhan. "Wala naman. I just want to know the difference between you and Hennie. Kung ano ang dahilan kung bakit ginamit niya ang pangalan mo at kung ano ang dahilan kung bakit siya tumakas-"
"Hindi ko rin alam at kung alam ko man hindi ko rin sasabihin sa'yo," diretso kong sinabi.
Ngumisi siya. "Peculiar in sight si Hennie, magaling sa pakikipaglaban kaya talagang pumapangalawa sa ranggo. She's consistent as the second rank. Her focus is always on every lesson. Maybe that's why she became a snob and distant."
Nanatili akong tahimik para makinig.
"Gusto ko lang malaman mo. Alam kong interesado ka rin naman na malaman kung sino siya. Since... according to the officials, hindi mo alam ang existence ng kakambal mo."
Gulat ko siyang tinignan. Naging hudyat iyon para dugtungan niya ang kaniyang sinasabi.
"When you confess your identity, kaagad naming ipinaalam iyon sa mga opisyales. They warned us not to say anything about you, not to spread the rumors until they find your twin."
"At bakit naman?" Kusang lumabas iyon sa aking labi.
"The officials seems protecting you, iyon ang nakakapagtaka." Napailing ang ikatlong ranggo. "Who are you?"
Maging ako nahihiwagaan. "Siguradong umuusok na naman ang ikalawang ranggo ninyo."
Natawa siya at napangisi lang ako.
"Nang matalo siya ni Kianya, marami ang nadismaya. Dapat ay mapupunta siya ikawalong ranggo, pero tinanggihan niya ang puwesto. Umalis siya sa ranggo. She's better than Kianya, who was a former third rank before. I'm confident that my suspension isn't wrong. She let Kianya win for her to have a reason to runaway."
"Bakit niya naman ginawa iyon?" Unti-unting bumilis ang pagtibok ng aking puso.
Nag-angat siya nang paningin. "No one knows the exact reason, at ito ang hinala ko na hindi ko sigurado."
Kakaibang pakiramdam ang ibinibigay sa akin ng mga nalalaman ko.
"May batas sa aming mga ranggo na bawal magmahal, pero nagmahal siya. Bukod sa hindi puwedeng magmahal ang mga ranggo ay hindi rin puwedeng magmahal ng ranggo ang hindi ranggo. Minahal niya pa rin si Spark."
"Talaga bang... may relasiyon sila?"
Nagkibit-balikat siya. "Spark should be in the rankings, but the Highest Yomashi let them choose who among them two will stay in the rankings and who will leave when they find out about that. Spark volunteered to leave his rank. Para sa kataastaasang Yomashi, ang pag-ibig ay sagabal para sa aming mga ranggo kaya naman isinabatas iyon. Iyon rin ang dahilan kung bakit inihiwalay ng silid kaming mga ranggo, natatakot silang maulit ang nangyari dati."
Awtomatikong umangat ang kilay ko nang bumaling siya sa akin. "Bakit?"
"Do you have any idea who's the highest Yomashi?"
Nagtatanong ko siyang tinignan.
"Highest... means he has eyes everywhere, so beware."
Linggo na ng hapon ngayon. May panahon pa ako para mag-practice dahil sa gabi pa gaganapin ang programa at pagkatapos ay ang pag-aalay. Walang takas.
"Sinigang ni Nash, coming up!" Hawak niya ang dalawang mangkok, inilapag sa lamesa.
"Wow! Siguradong busog na naman ako nito!" si Felice.
Nanatili lang kaming tahimik dalawa ni Maika.
"Bilisan niyong kumain. Kailangan niyo pang magbihis ni Frezz. Pupunta na tayo sa gym."
Pagkatapos kumain ay pumasok na ako sa kuwarto para magbihis. Pumunta na rin si Maika at Felice sa unit nila para maghanda.
Pinagmasdan ko ang susuotin.
Napapikit ako nang maalala ang sinabi sa akin ni Nash. Kailangan kong maka-graduate.
Nagpanggap siyang ako para hindi nila ako makuha. Wala na rin namang magbabago kapag naka-graduate na ako, hindi ba? Nakuha na rin naman nila ako. Ano pa bang dapat kong ikatakot?
Lumabas ako suot ang costume. Nadatnan ko naman si Nash, namumutla. Mukhang mas kinakabahan pa kaysa sa akin.
Tinignan niya ang kabuuan ko. "Bakit parang tumaba ka sa costume mo? 'Tsaka, hindi ka ba magfe-facepaint?"
"Baka kasi mahirapan akong alisin. Atsaka madami akong nakain kanina. Sarap mo kasi magluto, lumulobo na ako."
Kumunot ang noo niya. "Really? Fine... let's go."
Bago pa man siya makahakbang ay pinigilan ko na siya. "Masaya ako at naging kaibigan kita Nash, kahit sa maikling panahon lang."
Tumagal ang tinginan namin.
"Halika na nga! Inuto mo pa ako, e!" Inipit niya ang leeg ko sa kili-kili niya, ginulo ang wig ko.
Puno na ang gym nang makarating kami. Halos lahat ng estudyante ay napapatingin sa amin. Marahil ay dahil sa dalawa sa aming apat ang kasali. Nakakabingi ang mga bulungan. Nainis pa si Nash, susugudin pa sana ang isa sa mga nagsalita. Mabuti na lang at kaagad namin siyang napigilan.
Hinatid kaming dalawa ni Felice sa backstage, hinihintay na kaming makumpleto.
Pinanood ko si Felice na nag-stretching. Halatang kabado.
Naninikip ang dibdib ko. Naiipit ako sa sitwasyon.
Natanaw ko si Valentin na sinenyasan ako, tinatanong ang aking kalagayan. Tumango naman kaagad ako. Naroon ang buong banda nila, maliban kay Spark. Ilang minuto na lang magsisimula na, pero wala pa rin ito.
Nakaupo sa isang upuan si Kirby hawak ang kutsilyo na kanina niya pang pinupunasan, nakakatakot ang suot niyang puno ng kung anu-anong bagay na tila nakakatusok, mas mukha pa siyang rakista kaysa kila Valentin.
Sa gilid naman ay magkasama si France na kaunti lang ang saplot sa katawan at si Jeremy na tila prinsipe sa suot habang hawak ang espada niya. Inismiran ako ni France nang makitang nakatingin ako sa kanilang dalawa - tila sinasabing wala akong laban.
Nag-iwas na lang ako ng paningin at binalingan na lang si Greg na kumakain ng tinapay at juice sa isang gilid katabi ang mga lab materials. Dumapo ang mata niya sa akin, nginitian ako kaya nginitian ko na rin siya.
Sunod namang napako ang paningin ko kay Odyssey. Pinapaikot niya sa kaniyang daliri ang susi. Ano nga pa lang gagawin niya?
Pumasok ang isang babae sa pinto. Suot nito ang pulang damit pang-ballerina, si Angeliq Wang.
Nakita ko kung paano natigilan si Felice sa ginagawa nang makita niya rin ito. Kumikinang ang suot nito kaya bulag na lang ang hindi makakapansin.
"Frezz..." Napalapit sa akin si Felice.
"Wag kang mag-alala, mas magaling ka sa kaniya." Nginitian ko siya para kumalma, pero hindi iyon umubra.
"Frezz... baka matalo ako-"
"Felice, hindi ko hahayaang mangyari iyon. Kaya kumalma ka na, mananalo ka."
Naagaw ang atensiyon naming dalawa nang marinig ang tunog na nagmumula sa stage. Mikropono.
"Ito na ang araw na pinakahihintay ng lahat, ang araw ng pag-aalay." Kahit hindi ko nakikita ay alam kong si Mr. Natividad ang nagsasalita ngayon. "Ngayong gabi, masasaksihan natin ang sampung estudyanteng magtatanghal para ipaglaban ang kanilang buhay. Ngayong gabi, malalaman natin kung sino ang iaalay. Nasasabik na ba kayong malaman?" Sinundan ito ng matutunog niyang halakhak.
Walang akong sagot na narinig. Alam kong ang mga estudyanteng nanonood din ngayon ay hindi rin gusto ang mga nangyayari. Maaaring may kaibigan din silang kasama rito, o talaga lang na hindi nila gusto ang ideyang ito.
"Ihanda ang inyong mga mata at sabay-sabay na saksihan ang proseso ng pagaalay!"
Ilang minuto langh ay nawala na ang nagsasalita. Pumasok ang isang lalaking nakasuit at salamin. Una niyang inakay palabas ng tanghalan si Angeliq na kahit nakangiti ay alam kong kinakabahan.
Makalipas ang ilang segundo ay tumugtog na ang classical na tugtugin na siya ko ring narinig nang makita ko siyang nagpa-practice. Natapos ang tugtog at ang malulutong na palakpakan na lang ang naiwan.
Sumunod naman ay si Jeremy. May kasama itong isang lalaki na kaparehas niya ng suot.
Nakaayos ang pagtatanghal base sa pagkakasunod sunod ng pagkakabunot, kung ganoon ako ang huli.
Tunog lang ng mga espadang nagtatama ang narinig ko. Matapos ang tatlong minuto ay bumalik na sila sa backstage. Nginisian pa ako ni Jeremy, pinagtatawanan ang suot kong clown outfit.
Si Greg ang sunod na inakay ng guards, kakagat pa sana siya sa dala niyang chocolate bar, pero sinundo na siya kaagad. Tinulungan siya niyon na dalhin ang kariton na naglalaman ng mga Lab materials.
Kung wala lang ako sa puwesto ko ngayon, siguradong maaaliw na rin ako sa panonood, pero hindi, kasali ako sa mga laruan ngayong gabi.
Sunod na lumabas si Kirby, binitbit naman ng lalaking nakasuit ang malaking roleta nito. Puno ng natatakot na hiyawan ang narinig namin nang mag-umpisa siya. Siguradong ginawa niya na ngayong target ang isang tao na nakakabit sa roleta.
Nang matapos ang mga ito ay bumalik na sila kaagad sa backstage. Sunod namang lumabas si France na inismiran pa ang guard na sumundo sa kaniya. Mabagal na tugtugin ang naririnig ko ngayon, sabi ni Maika pole dancing daw ang talent ni France. Kailangan para sa talent na iyon ang matibay na katawan at tamang balanse. Mahirap gawin. Nginisian ako ni France nang makabalik sa backstage.
Nabasa ko pa sa isip niya ang kaniyang gustong sabihin, "Pakinggan mo kung gaano kalakas ang palakpak sa akin."
Ngumisi ako sa likod ng aking maskara.
Wala siya backstage si Phillip. Nalaman ko na lang na nasa labas pala ang talent niya nang bumukas ang malaking monitor sa loob ng backstage. Nakasakay sa isang kotse si Phillip, puno ng obstacle ang paligid. Isa iyon sa kotse na nakita ko.
Mabilis ang bawat pagpapatakbo niya. Magaling siya at nalulusutan bawat obstacle na madaanan niya.
Pagkatapos ay tamad na tumayo si Odyssey sa upuan niya. Imbis na sa pintuan papunta sa stage pumasok ay tinahak niya ang pintuan palabas ng gym. This time motor naman ang gamit niya. Nakakagulat dahil babae siya at ganoon siya kagaling magpatakbo. May mga pagkakataong umiikot pa siya sa ere at minsa'y umaalis sa pagkakaupo habang ang motor ay nakaangat pa rin.
Parehas kaming natigilan nang maglakad na papalapit sa amin ang mga guards. Sinusundo na ng mga ito si Felice. Nanginginig na sumunod si Felice papunta sa stage, tinignan niya pa muna ako bago umalis.
Bukas pa rin ang monitor. Lumipat ang setting sa tapat ng stage.
"Bakit ngayon lang 'to binuksan?" Talagang ipapapanood pa sa akin si Felice.
Mas nadagdagan lamang ang kaba ko.
Tutok sa monitor kong pinanood si Felice na nakatayo sa gitna habang magkahawak ang dalawang kamay. Namumula na ang mata niya habang nakatingin sa mga taong nanonood sa kaniya.
Nagsimulang tumugtog ang kanta sa nutcracker na solo niyang sasayawin. Kumuha siya ng ilang steps mula roon.
In-extend niya ang kamay niya at nagsimula nang umikot habang nakatingkayad ang paa. Pumunta siya sa gilid at kinuha ang nutcracker at isinayaw kasama niya.
"Anong nangyari?!"
"What the hell?!"
Napatayo ako nang biglang mamatay ang ilaw sa buong paligid.
Nagsimula nang tumibok nang malakas ang puso ko.
Wala pang limang segundo ay umilaw na ulit ang lahat maging ang monitor.
Doon ko nakita si Felice na nakaupo sa entablado.
"Ayokong mamatay Frezz."