Eight

2374 Words
Simula nang mawalan ako ng magulang madalas na akong ma-bully; sa labas man o sa loob ng eskuwelahan. Hindi ako nagsusumbong, hindi dahil sa takot ako sa kanila kundi dahil alam ko namang may magliligtas sa akin. Iyon ay ang kababata kong si Silver. Ni minsan hindi siya pumalya. Kahit hindi man palaging dumadating sa tamang oras, ang mahalaga ay dumarating siya. Ngunit kanina, ilang ulit ko nang tinawag ang pangalan niya... wala pa rin. Hindi siya dumating. Walang Silver na dumating. "I'm sorry, I'm late..." Dahan-dahan kong nilingon ang unang ranggo na siyang nagsalita. Kaagad na lumingon ang mga ranggo sa kaniya. Nanatili sa akin ang kaniyang paningin. kahit nakatingin ako sa kaniya, lumilipad pa rin ang aking isipan. Naguguluhan ako. "Bawiin mo ang sinabi mo." Lumapit ang ikatlong ranggo sa kaniya. "Remember our rules." Nagsimula ng magbulungan ulit ang mga estudyante. Dahil doon, naudlot ang aking luha. "Frezz!" Mula sa kumpol ng mga estudyante ay lumabas si Nash na kasunod si Felice at Maika. Yumuko ang tatlo nang makita ang pitong ranggong nasa harapan nila. "Anong nangyari sa'yo?" Tumuloy ang tatlo papalapit sa akin. "Mas makabubuti kung dadalhin niyo na siya sa clinic nang magamot na ang mga sugat niya," anang ikapitong ranggong si Nathalie. Tipid na yumuko si Maika sa ikapitong ranggo bago bumaling sa akin. "Frezz tara na..." Nanatili ang paningin ko sa unang ranggo. Tila parehas kaming nakapako sa kinatatayuan. Lalapit na sana siya, ngunit kaagad siyang napigilan ng ikaanim na ranggo. Ang lata ng softdrink. Gusto kong matawa sa inis. Silver. "Umalis na tayo," anang pa ng ikaanim. Hindi nagpapigil ang unang ranggo at tinahak ang natitirang espasiyo papalapit sa akin. Awtomatikong napaatras ang tatlo nang hawakan na ako nito sa braso. "Why are you touching her?!" Naroon ang gulat at inis sa boses ni Kianya. "Kianya." Humarang si Ysabelle, ang ikaapat na ranggo. "Let him," anang ikatlong ranggo na si Clen. Tututol pa sana si Kianya ngunit, ang salita na ng unang ranggo ang nagpatigil sa kaniya. "Dalhin ninyo ang dalawa sa opisina ng mga opisyales." Tinignan nito ang magkasintahan. Kaagad na nagkatinginan si France at Jeremy. Kumilos ang ilan sa ranggo, nanatili pa rin sa puwesto si Kianya, Seb at Clen. "Ano pa ang ginagawa niyo rito?" Sa loob ng limang segundo ay nawala ang mga estudyanteng nakapalibot sa amin nang sabihin iyon ni Silver. Kusang tumayo sina France at Jeremy na inakay paalis ni Nathalie, Ysabelle at Dash. Naiwan naman si Clen, Seb at siyempre ang pangalawang ranggo na si Kianya. "Huwag niyo po sanang mamasamain, pero kaya na naman po naming alagaan si Frezz." Nanatiling nakayuko si Nash nang sabihin iyon. "Tama siya, ipaubaya mo na lang sa kanila ang babaeng iyan." Naroon pa rin ang inis at pagdisgusto sa tono ni Kianya. Hindi ito pinansin ng unang ranggo na nakatingin pa rin sa akin. "Let me take you to the clinic." "Kaya ko na." Nagtangis ang aking ngipin. "...nang mag-isa. " Nakita ko kung paano siya natigilan. Nagkaroon nang panandaliang katahimikan sa paligid. "Tignan mo nga naman," asik kaagad ni Kianya. Sa ikalawang pagkakataon ay walang pumansin sa kaniya. Lumapit ulit si Nash. "Kami na ang bahala sa kaibigan namin, unang ranggo." Matalim kong tinignan ito bago talikuran. "Pagkatapos niyang magamot, kailangan niyang dumiretso sa opisina ng mga opisyales." Narinig ko pang sinabi ng ikaanim na ranggo habang nagpatuloy ako sa paglakad palayo. Halos hindi na ako makahinga dahil sa pagpigil ng luha at hikbi. Nakagat ko ang aking labi nang tuluyan na akong maiyak. Pakiramdam ko, pinaglaruan ako. Kung siya nga ang kababata kong lagi kong kasama sa tuwing nalulungkot ako, na nagpapasaya at nagliligtas sa akin noon. Hindi ko siya mapapatawad. Nangako siya. "Sinungaling." Nang makarating sa clinic ay kaagad akong inasikaso ni Nurse Pamela na siya ring nag-alaga sa akin noong matamaan ako ng dart ng unang ranggo. "Miss, wala ba kayong betadine? Masakit iyan, e," si Felice nang makita ang alcohol na ipapahid sa'kin. Umiling ang nurse habang nakangisi. "Mas maganda na ito para maramdaman niya kung gaano kasakit para sa susunod ay hindi na siya umulit." Tinignan ko ang nurse na nginitian lang ako. "Ipinagbabawal rito ang mga panlunas na hindi ka makakaramdam ng sakit, katulad na lang ng painkillers at betadine," si Maika. "Kaya mo namang tiisin 'di ba? Siguradong may mas masakit pa riyan." Lahat ng sinabi niya ay may laman. Iba talaga ang nagagawa ng mga katulad niyang peculiar in mind. "Ang dami mong alam, 'no?" biro pa ni Nash na sa akin naman sunod na bumaling. "Masiyado ka kasing matapang! Ganoon ba kalakas ang sapak ni Jeremy at umiyak ka nang ganiyan?" "Nash." Pinalo ito ni Felice sa braso. Imbis na mainis ay nagtaka pa ako. "Paano mo naman nalamang nasapak ako?" "Si Asque, pumunta sa classroom at tinawag ako. Sobrang layo ng room namin sa rambol niyo kaya natagalan pa ako. Lokong bakla iyon, hindi pinaliwanag nang mabuti kung nasaan ka. Nahirapan pa akong maghanap hanggang sa makasalubong ko itong dalawa." Si Valentin ang tinutukoy niya. Ngayon ko lang naalala na may kailangan nga pala ako sa kaniya. "Biyernes ngayon, 'di ba?" Tumango ang tatlo. "May tugtog ngayon ang banda nila Valentin. Sa gym tama?" "E, ano naman?" si Nash. "Manonood ako," sagot ko. Matapos lagyan ng band aid ang pisngi ko na pumutok dahil sa suntok ni Jeremy ay tumayo na ang nurse hawak ang tray na pinaglalagyan ng gamot. "Sana naman ay ito na ang huling punta mo rito, Frezzilliana." Nagtagal ang titig niya sa akin, mayroong bagay sa kaniyang mga mata na hindi ko mabasa. Nang mawala sa paningin ang nurse ay 'tsaka ko inaya ang tatlo na umalis na. "Hindi natakot sa'yo sila Jeremy?" si Maika. "Alam na ba nila?" Tinignan ko muna si Felice at Nash na nasa kabilang gilid, may sariling mundo. "Peculiar in hearing si France. Narinig niya kami sa canteen." "Mas naunang pumasok si France at Jeremy rito kaysa sa akin. Sa unang araw pa lang ng pagpasok ko rito, nakita ko na kung paano magbida bidahan ang dalawang iyon. Pole dance kay France at fencing kay Jeremy. Iyon ang talent nila, malabong hindi manalo. They are expert at both." Tatlo na lang sa mga nabunot ang hindi ko pa nakikilatis, si Kirby Anatello, si Angeliq Wang at si Odyssey Ponce. "Alam kong mahihirapan kayo ni Felice," dugtong niya pa. "Pero sana hindi mo ituloy ang binabalak mo." Hindi na ako nagulat na alam niya na naman ang iniisip ko. "Kung wala na talagang pagpipilian iyon ang gagawin ko. Sana hindi makarating sa kanila..." Dumako ang paningin ko kay Felice at Nash na naghahampasan na. Napayuko si Maika at napailing. Alam kong susundin niya ako, pero malamang labag iyon sa kalooban niya. "Nandito na tayo," si Nash. Nakaharap kami ngayon sa isang kulay puting gusali; ang opisina ng mga opisyal. Matatanaw ito mula sa classroom namin ni Nash, pero napakalabo na tignan dahil sa layo. Sa likod nito makikita ang gym na sunod kong pupuntahan. "Hanggang dito na lang kami, Frezz. Bawal kasi kami pumasok diyan hangga't hindi kami involve. Alam mo na, rules," dugtong pa ni Nash. Tumango ako. "Frezz," si Felice. "Ipagtanggol mo ang sarili mo, ha? Sabi ng kaibigan ko." Awtomatikong kumunot ang noo ko nang ibulong niya ang huling sinabi. Matapos silang tignan isa-isa ay tuluyan ko nang pinihit ang pinto. Tumambad sa akin ang napaka laking espasyo. Pormal at magarbo ang disenyo. Nakaupo sa isang malaking pahabang lamesa ang Dean, si Mr. Tokuguri ang school director, si Mr. Natividad at ilan pa sa opisyales na hindi ko kilala. Sa likod naman nila ay nakapila ang mga ranggo. Dumako ang paningin ko sa unang ranggo na nasa gitna. Tumingin din ito sa akin. Malamig akong nag-iwas ng paningin. Sa magkabilang gilid naman ay may dalawang katamtamang laki at haba na lamesa. Tumayo ako sa kanan, sa kaliwa naman sina France at Jeremy na kaharap ko ngayon. "Magsiupo kayo," anang Dean bago tumingin sa puwesto nina France. "Maaari na kayong maglahad ng pangyayari sa inyong panig." Hindi makatingin nang diretso sa mga opisiyales si France, pero nang sa akin na dumapo ang paningin niya ay kaagad na tumalim ang titig niya. "Naglalakad po ako kanina para umuwi, alas kuwatro hanggang alasingko po ang klase ko at nagulat na lang po ako nang mabangga niya ako." Tinuro niya ako. "Then, sabi niya nagmamadali raw po siya." "Humingi ba siya ng tawad?" ang Dean. Napayuko si France. "O-opo." Walang mangyayari kung tatanggi si France. Peculiar in mind and Dean at siguradong ang ilan rin sa mga opisyales. "Kung ganoon, bakit umabot sa ganito? Napakasimpleng bagay ay ganito ang naging resulta, Miss Mestacio. Nakikita niyo ba ang mga itsura niyo ngayon? Pareparehas kayong may mga bangas." Mahinahon ang pagkakasabi ng Dean, ngunit naroon ang inis. "Dahil niyabangan niya po ako kaya nainis ako," katuwiran pani France. Napailing ang ilan sa mga opisyales. "Enough. Maupo ka na." Dumako ang paningin sa akin ng Dean. Tamad akong tumayo at tinignan ang dalawang magkasintahan na parang papatay ng tao sa paraan ng pagtitig. "Sinabunutan niya ako. Kaya tinulak ko siya. Sinabunutan niya ulit ako kaya sinipa ko naman siya-" Nahinto ako sa pagsasalita nang marinig ang pagtawa ni Dash. Natahimik naman kaagad ito nang tignan siya ng lahat. Muling bumaling sa akin ang Dean. "Continue." Tinanguhan ko siya para magpatuloy. "Tapos dumating ang prinsipe niya." Nakangisi kong tinignan si Jeremy. "Tinanong kung ano ang ginawa ko sa 'girlfriend' niya. Sinagot ko naman, kaya sinapak niya ako ng tatlong beses." "Bakit hindi ka lumaban?" Hindi ko inaasahang isisingit iyon ni Mr. Natividad. "Anong magagawa ng pagiging dati mong ranggo?" Natahimik ako. "Iyon na nga po ang gusto naming sabihin." Batid kong para iyon sa mga opisyales, pero sa akin nanatili ang paningin ni Jeremy, nangaasar. "Hindi siya ang dating pangalawang ranggo." Nakaramdam ako nang matinding kaba, pinilit na manatili sa pagkakatayo. "She's just a copycat. Kaya ganiyan na lang ang nagawa namin sa kaniya. Kung hindi siya nagpanggap, e, 'di sana hindi magugulo ang araw ng pag-aalay," sabat naman ni France. Hindi ko alam kung ano ang gagawin. Huli na ako. "Lumalayo na tayo sa pinag-uusapan." Napunta ang lahat ng paningin sa unang ranggo nang sabihin iyon. Nag-iwas kaagad ako ng paningin nang lingunin niya ako. "Paumanhin saikō ranku, pero ang babaeng iyan ay nilapastangan ang pangalan ng totoong dating pangalawang ranggo-" "Halt." Nahinto si Jeremy sa salita ng Dean. "Tingin mo ba ay ganoon kami kababa para hindi malaman iyan? Who told you that she ruined that name when it was originally hers?" Naiwang gulat ang lahat. Hindi ko na alam kung ano ang magiging reaksiyon ko. Alam kong hindi niya ako pinagtatanggol at nagsasabi lang siya ng totoo, pero hindi pa rin ako makaramdam ng ginhawa. "Dito na natatapos ang paghahatol." Tumayo si Mr. Tokuguri. "Kapag kumalat ang pangyayaring ito, alam ko na kung sino ang mananagot. Naiintindihan niyo?" Malamig itong tumingin kay Jeremy at France na hindi na nakapagsalita at tumango na lang marahil sa pagkabigla at kaba. Hindi ko maintindihan ang kilos nila. Bumaling ang director sa unang ranggo. "Sa linggo sa araw ng pag-aalay, siguraduhin mong magiging pantay ang paghahatol mo sa mga bata." Yumuko ang pitong ranggo, maging ang Dean at si Mr. Natividad. Naiwan naman akong nakanganga. Bakit pakiramdam ko ay ipinagtatanggol ako? Kumain muna kami ng hapunan bago pumunta sa gym. Ipinagluto kami ni Nash, sa unit namin kumain din sina Felice at Maika. Kuwinento ko sa kanila ang nangyari, kahit sila ay nagtaka. Maliban na lang kay Felice na walang ideya. "Pulido niyo na ba talaga ang talents niyo?" paninigurado ni Nash. "Baka sa isang araw kabahan kayo at makalimutan niyo." "Sino bang hindi kakabahan doon? Aray! Tsk." Napahawak pa ako sa sugat ko sa pisngi. Napangiwi naman ang tatlo. "Sa tingin ko okay na naman. 'Yung sasayawin ko kasi ay ang sayaw na nagpanalo sa akin sa contest noong nakaraang taon. Nutcracker. Nakaduo ko si Chimea Paill! Kilala niyo?" Nagningning ang mata ni Felice nang ikuwento iyon. Halos sabay kaming umiling tatlo nila Nash at Maika. "Too bad, hindi niyo kilala. Kapag nakalabas na tayo rito ipapanood ko siya sa inyo," dugtong niya pa. Napayuko si Maika at Nash, maging ako ay nagtaka. "Bakit?" si Felice. Nagkatinginan ang dalawa. "Natatandaan niyo pa ba kung paano tayong lahat nakapasok dito?" si Maika. "Ako kasi nang ma-enrol rito, nadatnan ko na lang ang sarili kong nakatayo gitna ng mga gusali, sinalubong ng dalawang university AI-robots na dinala ako sa dean's office." "Anong ibig mong sabihin?" Hindi ako malinawan. "Pareparehas tayong walang lagusang dinaanan. Lahat tayo basta na lang lumitaw sa university." Kung ganoon, tama ang kutob ko. "Walang lagusan papasok. Ibig sabihin wala ring lagusan palabas," si Nash. "Kung meron man, walang nakakaalam kung nasaan." "So hindi na tayo makakalabas dito?" si Felice. Itinabi ni Nash ang plato niya. "Makakalabas, kapag graduated na. Katulad na lang ng parents natin. Ang mga magulang ko ay naging agent nang maka-graduate dito. Iyon ang purpose ng university na 'to. Ang mag-train ng mga peculiar para gawin agents sa loob at labas ng bansa. Under ng isang agency na kung tawagin ay Yoguri Corporation. Ang pamilya Yomashi at Tokuguri ang ancient founder ng lahat ng mga ito." "Ano naman ang ginagawa ng mga agents na iyon? Our very own parents?" si Felice na kagaya ko'y maraming gustong itanong. "Agents na pinapadala sa iba't-ibang panig ng bansa para kumitil ng buhay ng mga taong nagwawaldas ng pera ng gobyerno. Sa ganoong paraan kumikita sila, kasama na roon ang mga magulang natin," si Maika. "Japanese ang original founder ng agency at ng university. Ngayon, may pagtatalo between branch sa Asia at branch sa America. Dahil sa branch ng America, kahit hindi corrupt ay pinapatay nila... para sa pera." "Ibig sabihin, kapag naka-graduate tayo nakasunod na ang tungkulin natin sa Yoguri Agency?" Hindi ko na rin napigilan ang kyuryosidad. "Oo, walang nagtatangkang tumakas dahil kamatayan ang kahahantungan kapag lumabag. Isa lang ang ibig sabihin, kontrolado at planado na ang buhay natin," si Nash. Natigilan ako. "Bakit alam niyo ang tungkol dito?" "Bago matapos ang taon sinasabi na nila ito, lalo na sa mga ga-graduate. Para malinaw na sa kanila ang gagawin nila sa oras na makalabas sila ng university. Wala namang umayaw, dahil makakatulong din naman sila sa bansa." "Pero paano kapag hindi tayo maka-graduate? Is that possible?" si Felice. "Posible," si Maika. "Kaya kailangan maitaas ang ranggo mo kahit hindi ka man umabot sa sampu. Dahil ang limang maiiwan at mahuhuli ay... habang-buhay na ikukulong sa university na ito bilang taga-pagsilbi." Pumasok sa isip ko ang mga tao na nakasalamuha ko rito; ang matandang janitor, ang mga teachers, ang mga lalaking naka-suit, ang nurse, cafeteria staffs at ang mga babae na namamahala sa stock building kung saan kami kumuha ng mga costumes at gamit. Napailing si Nash. "Pagkatapos ng Tokuyu's Night of Sacrifice, magsisimula na ang tunay na grading. Hindi na lectures kundi actual, martial arts. Kaya dapat makapaghanda kayo nang mabuti."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD