Prologue
"Stop this nonsense, Claire!"
Hinaklit niya ako sa braso. Halos bumaon ang daliri niya sa aking balat ngunit hindi ko iyon ininda. Pabalewalang tinanggal ko ang kanyang hawak sa akin bago umaapoy ang mata sa galit na tinitigan ko siya.
" Bakit mo ba 'to ginagawa?"
Hindi makapaniwalang ngumisi ako.
"Bakit hindi? Ako pa rin ang legal mong asawa, Nathaniel. Sa mata ng batas kahit hindi kailanman sa mata ng tao, ako lang ang nag-iisang nagmamay-ari at may karapatang umangkin sa'yo. Sa akin ang apelyido mo...sa akin ang mga ari-arian mo, sa akin ang buhay mo, sa akin ang puso mo!" Nanginginig ang kalamnang sigaw ko.
Pagod na nagpakawala siya ng malalim na buntong-hininga. Nakaguhit ang lungkot at sakit sa kanyang mga mata, bagsak din ang mga balikat. Pero walang-wala iyon kung ikukumpara sa pait at poot na nararamdaman ko. Napakatagal na panahong kinimkim ko ang lahat sa aking puso.
"Nagkakasakitan lang tayo, Claire. Kaya tigilan na natin ang lahat. Pakawalan mo na ako."
Tears are starting to sting in my eyes. Tila gusto ng sumabog ng dibdib ko sa tindi ng samu't saring emosyong pumupuno sa akin.
Ang lalaking nasa aking harapan...ang tanging lalaking minahal ko ng lubos...ang aking pinakasalan...ang pinagbuhusan ko ng buhay ko...ang aking asawa. Ibinigay ko sa kanya ang lahat ng meron ako. My faith, my loyalty, my life, my love...my all.
Pinagsilbihan ko siya pati ang pamilya niya. Nagpaalipin ako sa kanyang mama. Isinantabi ko ang pangarap ko...ang ambisyon ko para sa pagmamahal ko sa kanya. Maging ang sarili kong magulang ay nagawa kong talikuran para sa kanya.
Pero nang nawala ang kaisa-isa naming anak ay kinalimutan niya ang lahat ng pangako niya sa akin?
Bakit? Hindi ba naging sapat lahat ng isinakripisyo ko?
Inihinto ko ang pag-ikot ng sarili kong mundo at pilit na sumabay sa agos ng salawahan niyang pagmamahal upang sa huli ay masaktan at mawasak.
Kahit na ng malaman kong may iba siyang babae at nabuntis niya ito ay mas pinili kong magpakatanga. Nagpaka-martyr ako para lang hindi niya iwan.
But what did I get in return?
He abandoned me. He chose his mistress over me.
Ang lahat ng kabutihan ko...ang lahat ng sakripisyo ko...ang lahat ng pagmamahal ko...binalewala niya at kinalimutan.
At ngayon, pagkalipas ng maraming taon, nagbabalik siya upang hingin ang kalayaan niya sa akin. Isang pirma sa isang kasulatang tuluyang maghihiwalay sa amin. Para ano? Para mapakasalan niya ang kabit niya at mabuhay sila ng masaya kasama ang anak nila?
Pagkatapos ako? Maiiwang nag-iisa at habang-buhay na magiging durog mula sa lahat ng kabiguang dulot ng mapanlinlang na pag-ibig niya.
"Parang awa mo na, Claire...tapusin na natin 'to."
Umiiling-iling ako. May kumawalang butil ng luha mula sa aking mga mata pero hindi ko 'yon pinunas upang hayaang maglandas sa aking mga pisngi.
Ang mga mata niyang puno ng pagmamahal kung tumitig sa akin noon, ngayon ay puno ng pagmamakaawa upang palayain ko siya.
Hindi ako papayag. Hinding-hindi niya makukuha ang gusto niya.
"Nakalimutan mo na ba? Nangako ka sa akin. Ang sabi mo...hinding-hindi mo ako iiwan...hindi mo ako pababayaan. Sumumpa ka sa akin na magsasama tayo ng habang-buhay at tanging kamatayan lamang ang makakapaghiwalay sa atin. Kaya hinding-hindi ako mawawala sa buhay mo!"
Gusto kong labanan niya ang bawat maaanghang na salitang binibitawan ko. Gusto kong pantayan niya ang galit na ibinubuga ko. Dahil lalo akong nasasaktan sa pinapakita niyang pagmamakaawa.
Dahil lalo lang nitong pinapatunayan na wala nang kahit na katiting na pagmamahal ang natitira sa puso niya para sa akin.
Pero sa halip na mangyari ang aking nais ay dahan-dahan siyang lumuhod sa harap ko.
" I am begging you, Claire...let me go. So I can give my daughter a complete family."
Tumigil ng ilang sandali ang aking hininga habang unti-unting isinisiksik ko sa isip ang mga binitawan niyang salita. Napasinghap ako ng malakas ng maproseso at maunawaan ng utak ko ang bawat niyang kataga. Tila punyal na tumarak sa dibdib ko ang mga binitawan niyang salita.
"Please, Claire..." Ginagap niya ang kamay ko at mahigpit na hinawakan bago idinikit sa kanyang pisngi.
Ang sakit! Sobra! Ang puso kong may lamat ngayon ay tuluyan ng nabasag. Nahihirapan akong huminga.
Hanggang ngayon ay sinasaktan pa rin niya ako. Hanggang ngayon ay paulit-ulit niyang pinaparamdam na pagkakamali lang ako sa buhay niya. Hanggang kailan ako masasaktan?
" Nathan! Anong ginagawa mo? Huwag mong luhuran ang basurang 'yan!" si Marjorie. Nilapitan nito si Nathan at pilit na itinatayo. Ngunit hindi nagpatinag ang huli. Nanatili ang mga kamay nitong nakahawak sa akin. Galit na galit na pinagpag iyon ni Marjorie hanggang tuluyang makalas sa akin.
" Desperada!" singhal ni Marjorie.
"Tinatawag mo ba ang sarili mo," nang-uuyam na balik ko.
Tumaas ang palad ni Marjorie at umakmang sasampalin ako.
"Sige, subukan mo! At sisiguraduhin kong malamig na rehas ang susunod mong hihimasin!" Iniumang ko pang lalo ang pisngi rito.
" Isinusuka ka na, Claire. Pero nagpipilit ka pa ring bumalik. Ako na ang mahal ni Nathan! Ako ang pinipili niya! Sa akin na siya!"
Lumagapak ang isang malutong na sampal sa pisngi ni Marjorie. Natigalgal ito
" Aray ha! Ang tigas pala talaga ng mukha mo," komento ko habang hinahaplos ang palad na kunwari'y nasaktan. " Hindi ka lang desperada, ilusyunada ka pa. Ako. Si Mrs. Claire Atanacio Lorenzo...bukod tanging asawa ni Nathaniel. Hangga't nananatiling nakakabit sa pangalan ko ang apelyido niya, mananatili siyang akin at hinding-hindi magiging sa'yo!"
Umasim ang mukha ni Marjorie at tumalim ang titig sa akin. Halatang hindi nagustuhan ang sinabi ko.
" Tama na, Claire!"
Puno ng pagkamuhing tinitigan ko si Nathaniel.
Matigas ang anyong tinuyo ko ng likod ng palad ang aking mga luha.
He doesn't deserve my mercy. Instead, my revenge is what should be given to him. Siya at ang kabit niya.
Ipalalasap ko sa kanila ang walang katumbas na pighati at dusang kapalit ng kanilang kataksilan sa akin.
Sisiguraduhin ko...ang lahat ng nawala sa akin... hindi lang doble ngunit tatlong ulit pa ang mawawala sa kanila.
Ipinapangako ko, hinding-hindi niya makukuha ang kalayaang inaasam upang tuluyang maging masaya.