"Kamusta si nanay? Ang tatay? Ang mga pamangkin ko?"
"Dati...Ikaw ang kamusta?"
Galing akong doktor. Scheduled check-up ko. Isiningit ko lang ang makipagkita kay ate. Dito sa isang fastfood malapit sa klinikang pinuntahan ko kami nagpasyang magkita. Dati ay kasama ko si Nathan sa tuwing pumupunta ako sa doktor. Naipakilala ko na rin siya kay ate Riza.
Kaya lang nitong nakaraang mga araw ay napapadalas ang pag-o-overtime ni Nathan. Wala akong ideya kung paano pinapatakbo ang negosyo nila. Ang alam ko lang ay mahirap ang maghanapbuhay. Nakikita ko lagi ang kapagalan sa mukha ni tatay noon kada uuwi matapos ng maghapong pamamasada. Malayong-malayo ang trabaho ni Nathan kay tatay pero parehong trabaho pa din. Si Nathan ang nagmamay-ari ng kumpanya samantalang si tatay ay nakikipasada lang. Malaki ang kaibahan pero parehong kailangang magsikap para kumita ng pera. At mahirap ang kumita ng salapi.
Malapit na akong manganak kaya siguro mas nagbababad sa opisina si Nathan. Dahil pinaghahandaan niya rin ang panganganak ko.Alam ko namang hindi biro ang gastusan sa pagkakaroonn ng anak. Nagkautang pa nga noon si tatay para lang matulungan si ate na mabayaran ang bill nito sa pangaganak.
Napabuntong-hininga ako sa tanong ni ate. Hindi ko alam kung anong meron sa tanong niya na hindi ko magawang sumagot agad. Blangko akong napatitig sa kanya ng ilang segundo. Napahugot ako ulit ng mas malalim na hininga.
" Ganoon ba kahirap sagutin ang tanong ko? Buntong-hininga talaga, Claire? "
" Nag-a-adjust pa rin kasi ako, ate. Pero okay lang naman ako...kami ni Nathan. "
Umarko ang isang kilay ni ate. " Kabuwanan mo na sa susunod na buwan. Ibig sabihin anim na buwan na kayong nagsasama sa iisang bubong. Hindi ka na dapat nahihirapan kasi asawa mo lang naman ang pakikisamahan mo. Pwera na lang kung...teka, di ba kasama 'nyo pa sa bahay ang biyenan mo? Tinatrato ka ba ng maayos? "
Hindi ako nakasagot. Inaabot ko ang baso ng orange juice na nakalapag sa harap ko at sumimsim.
" Dapat nga ay bumubukod kayo. May-kaya naman ang asawa mo. Madali na lang sa kanya na kumuha ng bagong bahay para malipatan 'nyo."
Napag-usapan na namin ni Nathan ang tungkol sa bagay na 'yon. Pinakiusapan niya ako na kung pwede ay doon na lang muna kami tumira sa bahay ng mama niya.
Nag-iisang anak si Nathan. Matagal ng yumao ang kanyang ama. Wala rin silang malalapit na kamag-anak. Dahil doon kaya gusto nitong makasama pa ang sariling ina.
Hindi ko naman masisisi si Nathan kung bakit hindi niya maiwan ang ina. Kahit ako, nahihirapan na malayo ako ngayon sa magulang ko. Oo at patago kaming nagkikita ni ate pero hindi pa rin sapat 'yon. Namimiss ko na ang tatay at nanay. Hindi ko magawang dumalaw muli. Dahil ng minsang tinangka namin ni Nathan ay padabog lamang kaming pinagsarhan ng pinto ni tatay.
Hindi pa rin nababawasan ang galit sa akin ni tatay. Hindi ko naman pwedeng ipilit na tanggapin niya akong muli.
" Paano pala ang pag-aaral mo? Ang sabi mo ay itutuloy mo kapag nakapanganak ka na. Ano'ng sabi ng asawa mo?"
"Hindi ko pa ulit nababanggit sa kanya, ate. " Noong huling binanggit ko iyon kay Nathan ay ni-dismiss niya lang na para bang ayaw niyang pag-usapan namin.
Tumigil si ate sa tangkang pagkagat sa burger niya. "Naku, Claire, ha! Hindi pwedeng ganyan. Hindi porke may- asawa ka na ay magiging sunod-sunuran ka na sa asawa mo. Oo at kailangan mong magpasakob sa asawa mo. Pero hindi ibig sabihin na lahat ng desisyon ay puros sa kanya. Kailangan ay may boses ka pa rin. Ang mga gusto mong mangyari dapat ay sinasabi mo sa kanya. Mas magiging maayos ang pagsasama 'nyo kung pakikinggan 'nyo ang isa't isa. "
Napakagat labi ako. Bakit parang nababasa ni ate sa isip ko ang sitwasyon na meron ako ngayon?
Papasok sa subdivision kung nasaan ang bahay nila Nathan ay wala akong makitang tricyle na dumaraan. Pwede naman akong maglakad na lang pero hindi ko kakayanin lalo na at malaki na ang tiyan ko. May kabigatan din ang dala kong ecobag na naglalaman ng mga gamit pang-baby na ibinigay ni ate kanina. Mga pinaglumaan ng mga pamangkin ko. Sayang din kasi kung bibili pa ako dahil sandali lang naman magagamit ang mga baby dress at lampin. Nasa dulong parte din kasi ang tahanan ng mga Lorenzo. Dapat talaga nakinig ako kay ate na huwag ng mag-jeep. May sapat na pambayad naman ako kung sasakay ako ng taxi, sapat ang ibinibigay na allowance sa akin ni Nathan. Tawagan ko kaya siya para magpasundo. Pero maaga pa. Mamaya pa ang uwi no'n galing sa trabaho.
"Claire?" gulat na napabaling ako sa humintong sasakyan sa gilid ko. Bahagya akong yumuko upang masilip ang driver nito sa nakababang salaming bintana.
"Zach?"
Bumaba si Zach sa kotse nito at ngayon nga ay nakatayo na sa harap ko. "Ikaw nga, Claire! Akala ko namamalik-mata lang ako. Ikaw pala talaga 'yan."
Makahulugan ako nitong tinignan nito hanggang sa bumaba ang tingin sa tiyan ko. Wala sa loob na napahaplos ako sa kabilugan nito.
Si Zach ay kaklase ko. Sila nila Heidi ang madalas kong kasama noon.
" Saan ka pupunta?" tanong nito ng hindi pa rin ako kumibo.
"Pauwi na. Nag-aabang lang ng masasakyang taxi."
"Hatid na kita," nag-aalangan pero nang buksan nito ang pinto sa passenger side ay sumakay na rin ako. Baka kasi pag tumanggi ako ay hindi rin ito umalis agad hangga't hindi pa ako nakakasakay. Zach is a good friend. May-kaya rin ang pamilya tula ni Heidi pero kahit kailan ay hindi nila ipinaramdam na naiiba ako sa estado ng buhay nila kahit na galing ako sa pobreng pamilya. Malayo sa biyenan ko.
"Kaya pala hindi ka na namin nakita ng mag-second sem. Nag-asawa ka na pala? Akala ko nga ay lumipat ka lang ng university or college."
Tipid akong ngumiti,"Wala ka ng makopyahan, ano?"
Ngumisi si Zach sa biro ko. " Well, partly...yes!" at sabay kaming nagtawanan. Itinuro ko ang daan patungo sa mismong street ng bahay ng mga Lorenzo.
Masayang nagkwento si Zach nang mga kaganapan sa eskwelahan matapos ng mahinto ako. Namiss ko bigla ay buhay estudyante.
" Pero seryoso, Claire...sayang ka...huwag ka sanang ma-offend, ha. Ang gaganda ng grades mo. Running for c*m laude ka pa naman. Sana ay makabalik ka sa pag-aaral."
Tumango ako at piniling huwag ng magkomento sa sinabi nito. Saktong nasa tapat na kami ng gate ng bahay.
Nauna na akong bumaba para kumatok. Pinagbuksan ako ng gwardiya ng makitang ako ang nasa labas. Sumunod sa akin si Zach bitbit ang ecobag na dalahin ko.
"Pasok ka muna, Zach. Ipaghahain kita ng merienda," nang nasa sala kami.
Inilapag nito ang bitbit sa tabi ko. " Hindi na, Claire. Maaabala ka pa. "
"Ikaw nga ang naabala ko."
"Ayos lang, malapit lang naman itong sa inyo."
"May bisita pala. Bakit hindi ko alam?" ang nakakayanig na boses ni Mama Josephine na pababa ng hagdan.
" Good afternoon, ho. Hinatid ko lang ho si Claire," paliwanag ni Zach.
Matalim itong tinitigan ni Mama.
Nahihiyang napakamot sa ulo si Zach.
Humihingi ng paumanhing sinulyapan ko siya.
" Next time na lang, Claire. Alis na ako."
"Salamat ulit," hinatid ko ito ng tanaw hanggang makalabas ng gate.
" Sa susunod, huwag kang nagpapasok ng kung sino-sino dito sa pamamahay ko ng hindi ko nalalaman!"
" Dati ko pong kaklase 'yon. Nagmagandang-loob na ihatid ako rito. Wala po kasing masakyan kani-"
"Hindi ko tinatanong! Sampid ka lang dito. Bahay ko 'to. Kaya ako pa rin ang magdedesisyon kung sino ang pwedeng maglabas-masok dito!"
Simula ng tumira ako dito ay hindi pa rin nagbabago ang pakitungo sa akin ni Mama. Palagi siyang ganyan kapag wala si Nathan. Pero pag nandiyan naman ay hindi ito halos kumikibo.
At sa tuwing ganito ay mas pinipili ko na lamang umiwas, magkukulong sa kwarto hanggang sa makauwi si Nathan. Sa mga sandaling oras na lumalabas ako ay doon lang ako nakakaramdam ng panandaliang kalayaan. Alam ko mahirap ang buhay may asawa. Hindi ko pa nga nailuluwal ang anak namin ay ramdam ko na agad. O siguro ay hindi ko lang talaga inasahan ang biglaang mga pagbabago sa buhay ko.
Itinikom ko ang bibig ko. Hindi ako makikipagtalo. Binastos niya ang kaibigan ko pero hindi 'yon dahilan para bastusin ko rin ito. Dinampot ko ang bag na dalahin. Akmang tatalikuran ko na ito ng bigla nitong hablutin ang bag sa kamay ko. Dahil manipis na ecobag lang iyon kaya napunit at kumalat sa sahig ang laman.
"Saan ka pupunta? Kinakausap pa kita tapos tatalikuran mo lang ako? Wala ka talagang modo! Palibhasa pinulot ka lang ng anak ko sa squatter na pinanggalingan mo!"
Lumuhod ako upang isa-isang pulutin ang mga damit na sumabog sa sahig.
" Ano 'yan? Mga lumang gamit ng baby? Ipapasuot mo sa magiging apo ko? Hoy, babae! Huwag na huwag mong masuotan ng basura ang apo ko! Baka mamaya magkaroon pa ng sakit sa balat ang apo ko!"
I gritted my teeth. Pagod na ako sa araw na 'to. Pero sumusobra na talaga ang bibig ng biyenan ko.
"Aakyat na po ako sa kwarto namin, Mama," tumayo na ako matapos pumpunin lahat ng nagkalat na damit. Kailangang makalayo na ako sa kanya dahil baka hindi na ako makapagpigil pa.
Pero hinila ni Mama ang bag na hawak ko. "Iwan mo ang mga 'yan! Ipapatapon ko," tuluyan ng napigtas ang pasensiya.
" Hindi po ito basura, Mama."
Naghilahan kaming dalawa.
"Bitawan mo sabi!"
Naiinis at nagbabadya na ang luha, bumitaw ako. Ngunit hindi ito napaghandaan ni Mama dahil malakas pa rin niyang hinila ang bag. Napasalampak ito sa sahig. Napaaray sa pagbagsak ng balakang nito.
"Claire!" nanlaki ang mata ko nang malingunan si Nathan. Salubong ang kilay at nagngangalit ang bagang. Agad nitong nilapitan ang ina at tinulungang tumayo. Pumalahaw ng iyak ang mama nito na ngayon ay namimilipit na sa sakit habang sapo ang nasaktang balakang.