Bumusina si Nathan sa tapat ng isang malaking gate bago iyon bumukas. Namamanghang nakatanaw ako sa labas ng bintana. Nauna itong bumaba pagkaparada ng sasakyan. Tahimik na sumunod ako. Isang malapalasyong bahay ang nasa aking harapan. Napakagara at napakarangya ng kabuuan nito. Kung itatabi ang munti naming barong-barong ay magmumukha itong basura. Mas lalong nadoble ang kaba ko. Mas ramdam ko ngayon ang agwat ng katayuan ng buhay namin ni Nathan sa isa't isa.
Inakbayan ako ni Nathan at iginiya papasok. Ayaw magpaawat ng kaba sa aking dibdib. Ito ang unang beses na makakatuntong ako sa kanilang tahanan.
"Good afternoon po, Sir Nathan," bati ng isang kasambahay pagpasok namin sa pinakasala ng bahay. May pagkaseryoso ang mukha nito at sa tantiya ko ay nasa kwarenta anyos na ito.
"Good afternoon Manang Eden. Si Mama?"
" Tumawag po kanina, delay daw po ang flight niya kaya bukas pa makakauwi," magalang na sagot nito kay Nathan.
"Gano'n po ba? Ito nga pala ang asawa ko si Claire."
"A-asawa po?" gulat na tanong nito bago ako pinasadahan ng tingin mula ulo hanggang paa. May pagdududa sa paraan ng pagtitig nito sa akin. "Nagpakasal na pala kayo sir?"
"Opo. Pansamantala ay dito muna kami maninirahan ng asawa ko. Ibigay 'nyo sana sa kanya ang respetong tulad sa ibinibigay 'nyo sa akin."
May nakikita akong pagtutol sa mukha nito pero sa huli ay tumango bilang tugon.
"Masusunod po."
"Magpapahinga po muna kami sa aking silid."
Muli, pagtango ang naging sagot nito.
"May nais po ba kayong ipaluto para sa hapunan?" habol ni Manang Eden ng nasa puno na kami ng hagdan.
"May gusto ka bang kainin? Kahit na ano, ipapaluto ko," baling sa akin ni Nathan.
Umiling ako. "Sigurado ka?"
"Oo," maikling sagot ko.
"Kayo na po ang bahala Manang. Samahan 'nyo na lang po ng pansit palabok. Paborito kasi 'yon ni Claire."
Napangiti ako sa sinabi Nathan. Natatandaan kasi nito ang paborito kong pagkain.
Ipinagkawing niya ang aming mga daliri at hawak kamay na tinungo namin ang ikalawang palapag ng bahay.
Nalula ako sa laki ng kanyang silid. Maging ang kama ay napakalapad.
"Gusto mo bang maligo muna o gusto mong sabay na tayo?" wika ni Nathan na nakatayo sa aking harapan. Mapungay ang tingin habang unti-unting tinatanggal sa pagkakabutones ang pang-itaas na baro. Nahihiyang nagyuko ako ng ulo nang mahantad sa aking paningin ang kanyang kahubdan.
Narinig ko ang mahina niyang pagtawa na nagpaangat muli ng aking tingin.
"My innocent young wife," nangingiting sambit niya. Pinaglandas niya ang kanyang hintuturo sa aking pisngi patungo sa aking labi. "Napakamahiyain kahit na buntis na dahil sa'kin." He leaned forward and kissed me.
"Mahal na mahal kita, Claire," bigkas niya. Nagtitigan kaming dalawa. Ang bukas ng kanyang mata ay puno ng pagmamahal at kumikislap dahil sa kasiyahan. Ang puso ko labis ang pagkabog. Maaring napakabilis ng mga pangyayari pero tulad niya ay sobrang kasiyahan ang nadarama ng puso ko.
Umikot siya sa aking likuran at ibinaba ang zipper ng aking suot na bestida. Hinubaran niya ako hanggang walang matirang saplot sa aking katawan. At nang ako'y tuluyang matalupan ay sinapo niya ako sa aking puwitan at kinarga patungo sa banyo.
Sabay kaming naligo hanggang ang bawat dantay ng kanyang palad sa aking balat ay mauwi sa isang mainit na pagniniig.
Paulit-ulit akong inangkin ni Nathan. Hindi ko na nagawang bumaba pa para kumain. Mas pinili kong manatili na lamang sa kama at matulog.
Kinabukasan ay maaga akong gumising. Ito ang pangalawang araw bilang mag-asawa. Mahimbing pang natutulog si Nathan kung kaya't naisipan kong ipaghanda siya ng almusal. Dali-dali akong naligo. Hinalungkat ko ng maliit na bag na pinaglalagyan ng mga damit ko. Iilang piraso lang ang laman. Nang walang matipuhan ay tumayo ako at tinungo ang isa pang pinto sa silid. Napangiti ako ng buksan iyon. Tama ako. Walk in closet ito ni Nathan. Kagat labing humila ako ng isang puting t-shirt niya at agad na sinuot. Dahil sa liit ko ay halos umabot sa tuhod ko ang laylayan nito. Para akong naka-daster. Humawak ako sa tapat ng aking dibdib at dinala sa ilong ang damit. Ang bango! Napahagikhik ako. Asawa na ako ni Nathan kaya hindi naman siguro masamang suotin ko ang damit niya. Sinulyapan ko ito na mahimbing pa rin na natutulog. Padapa, nakukubli ang kalahati ng katawan sa ilalim ng kumot at hantad ang malapad na likod. Ang sarap na muling humiga sa tabi nito at damhin ang init ng katawan nito. Pero kailangang pigilan ko ang sarili. Nakayapak na lumabas ako ng silid. Palinga-linga na tinungo ko ang hagdan. May narinig akong mga kaluskos mula sa kusina hudyat na may gising na rin bukod sa akin.
" Good morning po," nahihiyang bati ko kay Manang Eden. Mukhang abala ito sa pagluluto ng almusal.
Pumihit ito paharap sa akin, " magandang umaga naman sa'yo hija."
Humakbang ako palapit rito upang makiusyoso.
" Pwede po ba akong tumulong?"
Napahinto ito sa ginagawa at napatitig sa akin.
"Baka mapagalitan ako ni Sir Nathan kapag naabutan ka dito sa kusina," may kasungitang sagot nito.
Umiling ako.
"Hindi po. Gusto ko lang po talagang ipagluto siya. Huwag po kayong mag-alala, hindi po magagalit si Nathan."
Kumibot ang labi ni Manang Eden bago tumango.
Magaan ang katawan na kumilos ako. Kahit na lumaki sa hirap ay hindi ako masyadong marunong pag dating sa mga gawaing bahay. Ayaw ni tatay. Pero kahit na ganoon ay may konting nalalaman ako pagluluto.
Naalala ko na naman ang tatay. Isa sa mga araw na 'to ay hihilingin ko kay Nathan na samahan akong dumalaw sa bahay namin.
Hinayaan ako ng mayordoma na magluto ngunit nang magprisinta akong maghugas ay binawalan na ako nito. Ako na lamang ang naghanda ng mesa. Nangingiti pa ako habang pinagmamasdan ang mga inihaing pagkain. Siguradong matutuwa nito si Nathan.
Pinadaanan ko ng palad ang aking noo na may mga namuong pawis. Maging ang leeg ko ay pawisan.
"Sino ka?" nasa ganoon akong ayos nang marinig ang boses mula sa isang may edad na babae na kakapasok lamang ng komedor. Naninigas at hindi ako nakasagot agad dahil sa pagkabigla.
"Sino ka? Ano'ng ginagawa mo rito sa pamamahay ko?" mas malakas at maawtoridad nitong tanong.
Napataas ang boses nito kung kaya't napalabas ng kusina si Manang Eden.
"Madam Josephine! Dumating na po pala kayo."
"Eden, sino 'tong babaeng ito? Kumuha kayo ng bagong katulong, bakit hindi 'nyo ipinaalam sa akin?" napameywang ito habang nakaduro ang isang daliri sa akin.
Naikuyom ko ang palad sa laylayan ng suot. Nagsisi ako bigla na damit ni Nathan ang suot ko. May palagay akong ito ang ina niya. Bigla akong nanliit. Ito ang unang beses na makaharap ko ito. Wala akong nalalaman na kahit ano tungkol dito. Pero ramdam ko ang pagiging istrikto nito.
"Si Sir Nathan po ang dapat 'nyong tanungin," ang naging tugon ni Manang Eden.
" Hindi ko kailangang magtanong sa anak ko. Pamamahay ko 'to at hindi kita kilala, babae. At ayaw na ayaw kong may ibang tao dito. Lumayas ka! Eden, pakisamahan palabas ang babaeng 'to!"
Nanlaki ang mata ko sa sinabi ng Ginang. Gusto kong sabihing at sabihing hindi ako ibang tao dahil ako ang asawa ng anak niya. Pero natatakot akong magsalita. Nanunuyo pa ang aking lalamunan at di ko mahagilap ang sariling boses.
" Bingi ka ba? Umalis ka rito sa pamamahay ko ngayon din! Kung hindi ipapakaladkad kita sa mga gwardiya!"
Nagpapasaklolong tumingin ako kay Manang Eden pero nakayuko ito. Sinubukan kong ibuka ang aking bibig para ipagtanggol ang sarili. Pero nahawakan na ako nito sa siko at kinaladkad palabas ng kusina.
Nagugulantang ako sa nakikitang inaasal ng aking biyenan. Kung hindi ito tinawag na madam ni Manang Eden ay iisipin kong hindi ito ang ina ni Nathan.
"Mama!"
Agad akong nilapitan ni Nathan.
" Ano'ng ginagawa 'nyo sa asawa ko?"
Kitang-kita ko ang biglang paglaki ng mata ng ginang sa sinabi ni Nathan.
" Asawa?!"
Hinapit ako ni Nathan sa beywang.
"Kahapon lang kami ikinasal, Mama."
Lalong lumala ang gulat na nakapaskil sa mukha ng mama ni Nathan.
" What?! Nagpakasal ka ng hindi ko alam? At saang kangkungan mo naman napulot 'yang babaeng 'yan?"
Naghuhurementadong sunod-sunod na tanong nito. Napatago ako sa likod ni Nathan. Kabado habang yukong-yuko.
" Mama, please. Calm down. May pangalan siya. Claire."
Umiling-iling si Madam Josephine.
"Buntis siya, Mama. Magkakaapo na kayo," dugtong pa ni Nathaniel.
Bumuka ang bibig ni Madam Josephine pero bago pa ulit ito makapagsalita ay hinila na ito ni Nathan palayo. Pumasok sila sa isang silid na sa tantiya ko ay ang study room.
Hindi ako mapakali habang naghihintay na nakaupo sa sofa. Malinaw pa sa sikat ng araw na ayaw sa akin ng Mama ni Nathan. At sa nakikita ko, mukhang mahihirapan akong makasundo ito. Pero pwede ring namang nabigla lang ito kaya ganoon ang naging reaksyon. Baka matatanggap din niya ako kalaunan.
Napaahon ako sa sofa ng bumukas ang pinto ng silid at iluwal si Nathan at ang mama nito. May banayad na ngiti sa mukha ng asawa ko habang balot pa rin ng disgusto ang anyo ng kanyang mama. Sabay silang naglakad palapit sa akin. Pero biglang nag-ring ang cellphone ni Nathan.
" Claire, you and Mama go to the dining. I'll just answer this call. Sunod ako pagkatapos."
Tipid akong ngumiti at tumango.
" Go ahead, hijo. Ako na bahala sa asawa mo."
Di ko matagalan ang matalim nitong titig na tila tumutusok sa bawat kong himaymay kung kaya't yumuko ako at hinintay itong mauna sa paglakad. Pero hindi 'yon nangyari. Nag-angat ako ng tingin at gayon na lamang ang takot ko ng makasalubong ang nagngangalit nitong titig sa akin.
" Nagkamali ang anak kong pinakasalan ka. At kung inaakala mong matatanggap kita bilang manugang dahil lang sa kasal na kayo ay nagkakamali ka. Kilala ko ang mga tulad mong nanggaling sa mababang uri. Mga mukhang pera! Kung inaakala mong magiging masarap ang buhay mo dito sa pamamahay ko, nagkakamali ka. Pagsisisihan mong nagpabuntis at nagpakasal ka sa anak ko. Hinding-hindi kita matatanggap bilang manugang, itatak mo 'yan sa kukote mo." Pigil ang galit sa boses nito bago ako tinalikuran.
Naiiyak na sinundan ko ito ng tingin.
Ang munting pag-asang meron ako magiging maayos ang pakikitungo nito sa akin ay tuluyang naglaho.