" Manong, nandiyan po ba si Nathaniel?" tanong ko sa gwardiya na nakaposte sa gate ng building.
" Sino ho sila?" magalang na tanong nito sa akin.
" Pakisabi po si Claire...Claire Atanacio,"sagot ko.
Pumasok ito sa loob at naiwan akong nakatulala sa ilalim ng sikat ng araw. Walang ibang masisilungan kundi ang kapirasong bubong sa guard house.
Tagaktak ang pawis ko, nanunuyo na rin ang lalamunan at nagmamaktol na ang aking sikmura. Ang isip ko tuliro. Paulit-ulit kong kinalampag ang pinto ng bahay. Pero namaos at napagod na ako ay hindi talaga ako pinagbuksan ng pinto ni Tatay. Gusto ni ate Riza na papasukin ako pero hindi niya magawa dahil nagbanta si Tatay na sa oras na tulungan ako ay palalayasin niya rin si ate at ang buong pamilya nito. Hindi ko maaatim na madamay pati ang mga pamangkin ko. Kaya mabigat ang loob na lumisan ako sa amin.
Dahil biglaan ay wala man lang ako kahit singkong duling sa bulsa. Naisip kong puntahan si Nathan dito sa trabaho niya. Pero dahil wala akong pera ay napilitan akong lakarin ang papunta rito.
Ito ang unang beses na nakapunta ako rito. Nabanggit na ito sa akin ni Nathan at nagbakasakaling maabutan ko siya rito. Wala rin akong dalang cellphone kaya hindi ko man lang siya ma-contact.
" Miss," narinig kong tawag sa akin ng gwardiya.
"Po?" lumapit ako dito ng lakihan nito ng bukas ang bahagyang nakaawang na gate.
" May ka-meeting pa raw si Sir Nathaniel. Pero ang sabi ng sekretarya papasukin ka sa opisina niya. Diretsuhin mo lang 'yang pasilyo na 'yan. Sa dulo may makikita kang pinto. Doon na mismo ang opisina ni Sir Nathaniel."
Nagpasalamat ako sa gwardiya. Matapos, bitbit ang maliit kong bag ay hinayon ko ang daan na itinuro nito.
Kumatok muna ako sa pinto ng opisina nito bago pinihit pabukas.
" G-good afternoon," alanganing bati ko sa babaeng mabungaran na nakaupo sa likod ng mesa pagbukas ko ng pinto.
Tumayo ito pagkakita sa akin.
" Good afternoon po. Pasok ka ma'am."
Tipid akong ngumiti dito. Iginiya ako nito sa isa pang pinto sa loob ng kwarto ring iyon.
Bumungad sa akin ang isang mas maliit na silid. Isang mesa na may swivel chair at isang pahabang sofa ang naroon. Iminwestra nitong maupo ako.
Nilapitan nito ang aircon at pinaandar. Nahiya ako bigla sa itsura ko. Oversized shirt, short na pambahay at tsinelas na goma lang ang suot ko. Magulo ang walang suklay ko pang buhok at nanlilimahid na rin ako sa pawis. Gusgusin akong tignan. Napahigpit ako ng hawak sa bitbit kong bag. Nakakahiya. Baka madumihan ko pa ang sofa. Pero mabait ang sekretarya ni Nathan na may maamong mukha at palaging nakangiti. Wala rin akong nakikitang panghuhusga sa paraan ng pagtingin niya sa akin.
" Gusto 'nyo po ba ng juice,kape o tubig?" alok nito sa akin.
" T-tubig na lang please," mahinang sagot ko.
Tumango ito matapos ay lumabas na ng silid. Maya-maya ay bumalik ito may dalang isang maliit na bote ng mineral water at biscuit.
"Salamat...uhm..."
" Nica na lang po, Ma'am."
Tipid akong ngumiti. " Claire na lang din."
Agad akong kumain at uminom pagkalabas nito. Mabuti na lamang at may kasamang biscuit ang binigay nito. Kahit paano ay nalamnan ang aking tiyan.
Naghanap ako ng maaring pagtapunan ng kinainan. Sa gilid ng pinto ay may maliit na trash bin. Itinapon ko roon ang hawak.
Muli akong bumalik sa pagkakaupo sa sofa at sumandal dito. Tulalang napatitig ako sa puting kisame.
Binabalot ng labis na takot at pangamba ang loob ko. Hindi ko alam Kung anong mangyayari sa akin ngayong wala na ako sa poder ni Tatay.
Paano na ang pag-aaral ko? At paano kung hindi tanggapin ni Nathan sakaling ipaalam ko dito ang pagbubuntis ko? Saan na ako pupunta?
Nangingilid na naman ang aking mga luha. Sa apat na buwan ng pagiging boyfriend ko siya ay ramdam ko ang sincerity ng pagmamahal niya sa akin. Mahal na mahal ko rin siya. Mabait si Nathan. Alam ko ring may kaya siya pero kahit kailan ay hindi niya pinaramdam na magkaiba ang estado namin sa buhay. Hindi ko rin pinagsisisihan na ipinagkaloob ko ang sarili sa kanya. Kung meron mang akong pagsisisi sa dibdib, iyon ay ang nasaktan ko ng husto ang tatay. Kasalanan ko. Tumatak ng husto ang mga binitawang salita ni Tatay. Parang mga suntok na tumama sa puso ko na nagpapasakit ng husto sa dibdib ko.
Biglang bumukas ang pinto.
" Claire!"
Napatayo ako sa upuan at agad yumakap kay Nathan. Tumingkayad ako upang maabot ang mga balikat niya at mahigpit na kumapit. Ibinaon ko ang mukha sa malapad niyang dibdib at doon ako umiyak ng umiyak.
Hinawakan niya ako ilalim ng aking panga at matamang tinignan ang mga mata ko.
" Ano'ng nangyari sa'yo? Bakit ka umiiyak?" may bahid ng pag-aalalang tanong niya.
Pinadaanan niya ng kanyang mga daliri ang mga luhang naglandas sa aking pisngi.
" S-si Tatay...pinalayas ako!" humihikbing sagot ko.
Nagsalubong ang kilay ni Nathan," Bakit?"
" Kasi...b-buntis ako Nathan. Galit na galit sa akin si Tatay," pagkukuwento ko pero hindi ko na binanggit pa ang kagustuhan ni Tatay na ipalaglag ko ang ipinabubuntis.
" Sandali, buntis ka?" tanong nito.
" Oo," kinakabahang sagot ko. Pinagmasdan ko ang mukha ni Nathan. Bakas ang pagkabigla sa kanyang mukha ngunit dagli ding napalitan ng kasiyahan na sinabayan ng pagkislap ng mata niya sa aking sinabi.
"Buntis ka?" di makapaniwalang tanong niya.
Tumango ako.
Gumuhit ang isang matamis na ngiti sa kanyang mukha.
" Nagpacheck-up ka na ba? Nagpa-ultrasound ka na ba? Ano'ng sabi ng doktor? Babae ba o lalaki magiging anak natin?" sunod-sunod na tanong ni Nathaniel.
Napatawa ako ng mahina at tuluyan ng napatigil sa pag-iyak. Agad napawi ang pangamba. Gustong matunaw ng puso ko sa nakikitang galak mula rito.
" Hindi pa. Balak ko sanang sabihin muna sa'yo. Kaya lang pinalayas na ako ni Tatay. Paano'ng gagawin ko?"
Ginagap niya ang aking kamay.
" Stop crying, Claire."
Suminghot ako. Inabot ko ang panyong inaabot niya. Ipinunas ko sa mga mata ko bago siningahan.
"Pa'no na ako ngayon, Nathan?" humihikbing tanong ko.
Sinapo niya aking pisngi.
" Pananagutan kita Claire...kayo ng magiging anak natin," dagdag pa niya.
Yumuko si Nathan upang maabot ang aking labi at ginawaran ako ng isang matamis na halik. Ramdam ko ang pagmamahal sa kanyang halik na tila nagsasabi sa akin na magiging ayos din ang lahat. "Don't worry too much. Tutuparin ko ang pangako ko sa'yo."
Niyakap niya ako ng mahigpit.
"Ang galing ko palang umasinta, bilog agad!" dagdag pa nito na sinundan ng mahinang tawa.
" Nathan naman, eh!" inis na hinampas ko ito sa braso. Hinuli niya ang kamat ko at hinalikan.
" Magiging tatay na ako! Thank you, Claire. You made me the happiest. "
Tumalon ang puso ko. Mali ang nagawa ko sa magulang ko. Pero sa nakikita kong pagpapahalaga sa akin ni Nathan ay nais kong papaniwalain ang sarili na worth it ang desisyon kong piliin na huwag pigilan ang pag-usbong ng munting buhay sa sinapupunan ko. Sa ngayon ay aasa akong darating din ang panahon na mapapatawad at matatanggap ako ni Tatay.
Pinagpahinga ako ni Nathan sa loob ng opisina niya. Nagpadeliver din siya ng pagkain at sabay kaming kumain. Pero buong oras na magkasama kami, maya-maya ay may katawagan ito. Inutusan niya akong maligo sa munting banyo sa loob ng opisina niya. Nagtaka pa ako ng iabot niya sa akin ang isang paperbag na may lamang puting bestida at na may katernong sapatos. Pumasok ang sekretarya niya at tinulungan akong mag-ayos.
"Ang ganda naman ng magiging misis ko."
Namula ang pisngi ko. Hindi ko inasahan ang tinawag niya sa akin.
May dumating na abogado. Napakabilis ng pangyayari.
Hindi pa rin ako makapaniwala habang tinitigan ko ang aking daliri kung saan nakasuot ang aming wedding ring. Isang simpleng singsing na yari sa ginto at may maliit na bato.
"I now pronounce you, husband and wife. Maari mo ng halikan ang iyong asawa."
Hinapit ako ni Nathan sa beywang bago siniil ng halik. Natapos ang araw na 'yon na taglay ko na ang titulong Mrs. Claire Atanacio-Lorenzo.
" I promise you, Claire...ikaw lang ang babaeng mamahalin ko. Magiging tapat akong asawa sa'yo. Hinding-hindi kita sasaktan. Ibibigay ko ang lahat sa'yo at sa magiging anak natin. Mahal na mahal kita."
Naluluhang ngumiti ako.
" Mahal na mahal din kita, Nathan," ganti ko. Pinupog niya ng halik ang mukha ko bago muling hinagkan ang labi ko.
" Sa bahay na tayo uuwi."