Patakbong tumungo ako sa banyo. Yumuko ako sa lababo at dumuwal ng dumuwal. Halos isuka ko na pati ang bituka ko pero wala namang lumalabas.
Nanghihinang napahilamos ako sa aking mukha.
" Ilang araw ko ng napapansin, uma-umaga na lang sumusuka ka. Wala kang ganang kumain namumutla ka. Magtapat ka nga sa akin ni Claire. May sakit ka ba?"
Napatigil ako sa ginagawa ng marinig ko si ate na nagsasalita sa likuran ko.
Kabadong nag-angat ako ng tingin.
Hindi ko na ito matatakasan. Ilang buwan na lang at uumbok na ang aking tiyan. Mahahalata na nila ang isang bagay na natatakot akong malaman nila.
Mangiyak-ngiyak na tumitig ako kay ate. Kinagat-kagat ko ang nangangatal kong labi. Nananakit na ang dibdib ko dahil sa labis na takot at kaba. Maging ang hangin sa dibdib ko ay hindi ko maibuga ng maayos. Tila ako mahihimatay sa sobrang nerbiyos.
" Sandali, huwag mong sabihing..." bigkas ni ate.
"B-buntis p-po ako..." nanginginig ang labing kompirma ko sa kanyang iniisip.
Nanlaki ang mata ni ate. Nang makabawi sa pagkabigla dahil sa sinabi ko ay hinaklit niya ako sa aking buhok.
"Claire naman! Hindi ako nagkulang sa paalala sa'yo! Sabi mo pipilitin mong makapagtapos ng pag-aaral. Nangako ka Claire. Bakit naman nagpabuntis ka? "galit na galit na sigaw ni ate.
" A-ate, sorry po! Hindi ko naman sinasadya," hilam sa luhang pagsusumamo ko.
" Claire naman! Ano'ng magagawa ng sorry mo!"
Masaganang pumatak ang luha sa aking mga mata.
" Hindi ko naman po sinasadya ate. Hindi ko naman alam na mabubuntis ako. Isang beses lang namin ginawa ni Nathan," humihikbing sambit ko.
"Gaga! Naturingan kang nursing student, hindi mo naisip na pag nagpagalaw ka ng walang proteksiyon eh, mabubuntis ka talaga! Akala ko ba matalino?"
Inabot ko ang laylayan ng kamisetang suot ko at pinunasan ang mga luhang naglandas sa aking pisngi.
" Ate, hindi ko alam ang gagawin ko. Tulungan mo ako..." pagsusumamo ko rito.
Nameywang si ate sa harap ko.
" Wala na tayong magagawa pa sa sitwasyon mo. Buhay na 'yang nasa sinapupunan mo. Sino ba 'yang Nathan na 'yan? Alam na ba niyang nagdadalang-tao ka at siya ang ama?"
Umiling ako.
" Hindi pa niya alam ate. Tatlong araw pa lang simula ng mag-pregnancy test ako. Hindi ko pa nasasabi sa kanya. Pero sabi ni Nathan, kahit anong mangyari, pananagutan niya ako."
" Yon naman pala! Mabuti pa puntahan mo na 'yang Nathan na 'yan at mag-usap kayo. Dapat lang panagutan ka niya. Napakabata mo pa Claire. Sana hindi mo 'to ginawa," may bahid panghihinayang at lungkot akong nahimigan sa tono ni ate.
" Ang inaalala ko ay si Tatay. Nang mabuntis ako noon halos mapatay niya ako sa sobrang galit. Hindi ko alam kung ano'ng magiging reaksyon niya pag nalaman ang sitwasyon mo," nag-aalalang patuloy ni ate.
" Ano'ng gagawin ko ate? Natatakot ako!" Nagsimula na namang pumatak ang mga luha na kanina ay tumigil na sa pagpatak.
Naaawang lumapit sa akin si ate at niyakap ako.
" Tahan na, makakasama sa baby ang labis na pag-iyak."
Yumakap na rin ako kay ate at malayang umiyak.
" Ano'ng nangyayari diyan?"
Nanigas ako sa kinatatayuan ng marinig ang malakulog na boses ni Tatay.
Piping nahiling ko na sana lamunin na lang ako ng sahig na kinatatayuan.
"Bakit ka umiiyak?" nagtatakang tanong ni Tatay sa akin.
Nagtaas baba ang aking dibdib. Tila ako malalagutan ng hininga sa sobrang takot na nararamdaman.
" Riza?" baling ni Tatay kay ate ng hindi ko makuhang sumagot. Pero maski si ate ay hindi nagawang magsalita at nanatiling tikom ang bibig.
" Ano bang nangyayari sa inyong dalawa? Bakit umiiyak ang kapatid mo? Ano ba! Wala bang magsasalita sa inyong dalawa?"mataas ang boses na tanong ni Tatay.
Bahagya pa akong nagulat ng hampasin nito ang pinto. Tinignan ko si ate. Tinitignan rin niya ako at tila sumesenyas na pinapasunod ako na magsabi na.
" T-tay..." Huminga muna ako ng malalim bago nagpatuloy sa pagsasalita. "A-ano po k-kasi...ahm...huwag po sana kayong m-mabibigla. 'Tay buntis po ako," halos pabulong na bigkas ko.
" Ano kamo? Pakilakasan nga ang boses mo Claire at hindi ko masyadong marinig ang sinasabi mo," utos ni Tatay.
" B-buntis po ako," sa mas malakas na tinig ay lakas loob na bigkas ko.
Natahimik si Tatay sa sinabi ko.
Kinakabahang napatago ako sa likod ni ate.
Mabait ang Tatay. Pero pag ganitong tahimik siya ay labis na kinatatakutan namin siya ni ate.
Naniniwala ako sa pangako ni Nathan na pananagutan niya ako. Pero hindi ko pa nasasabi sa kanya. Balak ko siyang kausapin para sabay kaming magsabi kay Tatay. Ngayon ay kailangang ako muna mag-isa ang humarap sa aking ama.
"Ipalaglag mo."
Nagimbal ako sa sinabi ni Tatay.
"Ayaw mo?" Binalingan nito si ate. "Riza, eempake mo mga gamit ng kapatid mo."
"P-po?" takang sagot ni ate.
" Eempake mo mga gamit ng kapatid mo! Ngayon na!"
Pareho kaming napaigtad sa gulat ni ate ng pasigaw na ulitin ni Tatay ang kanyang sinabi.
Hintakot na napakapit ako sa braso ni ate.
" Bakit po 'tay?" matapang na tanong ni ate.
" Sumunod ka sa inuutos ko Riza! Huwag mo akong kwestiyonin!" singhal ni Tatay kay ate. " Matapos ay galit na galit ang matang binalingan niya ako. Hinaklit niya ako sa braso at hinila palabas ng bahay.
Halos madurog ang buto ko tindi ng pagkakadiin ng hawak ni Tatay.
Pilit itong pinipigilan ni ate pero tila bingi si Tatay na nagpatuloy sa mapwersang paghila sa akin.
Napasalampak ako sa lupa ng walang sabi-sabing itinulak ako ni Tatay.
" Lumayas ka!" sigaw ni Tatay.
" Tay...sorry po!" Umiiyak na bigkas ko.
" Riza! Ang mga damit ng kapatid mo kunin mo!" muling sigaw ni Tatay.
" P-pero 'tay, buntis po si Claire. Huwag 'nyo siyang palayasin. Maawa po kayo sa kanya," rinig kong pagsusumamo si ate.
" Kukunin mo mga gamit ng kapatid mo o kayo ng pamilya mo ang palalayasin ko?!" nagbabantang muling sigaw ni Tatay kay ate.
Natigilan si ate matapos ay tumitig sa akin. Labag sa kaloobang tumalima si ate.
Nagpatuloy ako sa pag-iyak.
" Tay, maawa na po kayo...huwag 'nyo po akong palayasin. Pakiusap 'tay...huwag 'nyo pong gawin sa'kin 'to," humahagulgol na pagmamakaawa. Lumapit ako sa paanan ni tatay ay yumakap sa kanyang mga binti. Ngunit umatras ito at padabog na umalis ang mga kamay kong nakahawak s kanyang binti.
" Nang mabuntis ng maaga ang ate mo, masakit man sa loob ay tinanggap ko. Dahil naisip ko meron pa akong isang anak. Nandiyan ka pa, Claire. May makakatulong pa sa akin para bumuti ang sitwasyon natin. May makakatulong pa para kahit papaano ay makaahon tayo dito sa hirap na kinasasadlakan natin. Nagsisikap akong naghahanapbuhay para matustusan ang pag-aaral mo. Okay lang sa akin kahit halos wala na akong tulog at pahinga para lang maibigay ko lahat ng pangangailangan mo. Ikaw na lang ang pag-asang meron ako, Claire. Pero ngayon, buntis ka! Sabihin mo nga sa akin pa'no ko tatanggapin ang sitwasyon mo?" naghihinanakit na wika ni Tatay.
Pambihirang pagkakataon na magsabi si Tatay ng nararamdaman niya. At masakit pala pakinggan pag ang magulang ang naglalabas ng hinaing. Nakakadurog ng puso.
" Pero 'tay, kahit naman po buntis ako pwede ko pa pong ipagpatuloy ang pag-aaral ko. Pwede ko pa po kayong matulungan," lumuluhang sagot ko.
Umiling si Tatay.
" Ganyan din ang sinabi ng ate mo noon. Pero hanggang ngayon hindi pa rin natutupad. Mas masakit ang ginawa mo anak kumpara sa ate mo. Pinaasa mo ako, anak. "
Namumula na rin ang mata ni Tatay dahil sa pagluha.
"Papapasukin kita kung ipalalaglag mo ang ipinagbubuntis mo."
Mariin akong umiling. Nasaksaktan ko si Tatay pero mas hindi ko kayang saktan ang munting buhay sa sinapupunan ko.
"Ayoko po..."garalgal ang tinig na sagot ko.
Umigting ang panga ni Tatay. "Pwes! Lumayas ka!"
" Huwag po...maawa po kayo 'Tay!" naglumuhod ako pero hindi ako pinakinggan ni Tatay.
"Maawa? Ikaw ang walang awa, Claire! Hindi mo iniisip ang lahat ng sakripisyo ko para sa'yo!" Naghihinagpis na pagtangisi ni Tatay.
Naikuyom ko ang palad sa tapat ng dibdib ko. Naninikip na ang paghinga ko sa labis na pag-iyak.
Pumasok si Tatay sa loob ng bahay at paglabas ay inihagis sa akin ang isang maliit na travelling bag laman ang aking mga damit.
" Lumayas ka! At huwag na huwag ka ng babalik! Nagpabuntis ka ng hindi iniisip ang mararamdaman ko. Kaya alis! Layas!" pagtataboy sa akin ni Tatay. Pumasok itong muli ng bahay. At pabalibag na isinara ang pinto.
Naiwan ako sa labas na hilam sa luha at hindi alam ang gagawin. Iniikot ko ang tingin sa paligid. May ilang kapitbahay ang nakamasid. Lahat sila ay mapaghusga ang uri ng tinging ibinabato sa akin.
"Tsk! Inuna ang kalandian. Sayang ka, Claire!" rinig kong komento pa ng isa.
" Ang taas pa naman ng pangarap ng Tatay mo sa'yo!"
"Disgrasyada!"
"Malandi rin tulad sa ate!"
Nahihiyang nagyuko ako ng ulo bago nagpasyang tumayo. Itinaas ko ang laylayan ng suot kong damit upang ipunas sa basang-basa kong mukha.
Tiningala ko ang ikalawang palapag ng bahay. Nakasilip sa bintana si ate na hilam rin ng luha ang mga mata.
"Sorry," ang nabasa kong bigkas ng labi niya.
Bumuntong-hininga ako ng malalim bago dinampot ang bag na hinagis ni Tatay.