Chapter 11

1623 Words
Magtitiis ako. Hindi dahil ugali ko ang magtiis. Kailangan. Sa dami ng pinagdadaanan ng pamilyang meron ako ngayon. Sa bigat ng problema kinakaharap ni Nathan. Sa lahat ng pagsubok. Pagtitiis. Hindi dahil mahirap ang sitwasyon ay susuko na lamang. Kung hindi magtitiis. Kung susukuan ang sitwasyon. Kung aayaw. Saan na patungo ang lahat? Hindi ba nabubuhay tayong lahat dahil lahat tayo ay gustong marating ang magandang kapalarang inihahanda sa atin ng diyos. Pero hanggang kailan ba dapat magtiis? Ang alam ko kasing pagtitiis ay noong nag-aaral pa ako. Kapag hindi sapat ang pera, magtiis kung anong meron. Kapag walang lutong ulam magtitiis sa de-lata. Kapag walang masakyan, magtitiis na maglakad. Ganoong kababang pagtitiis lang ang alam ko. Malayong-malayo sa pagtitiis na dapat danasin kapag nag-asawa na. Ang alam ko lang mahal ko ang asawa ko. Lilipas din ang lahat ng hirap. Malalampasan din lahat ng pagsubok. Kaya nga pinagdadaanan eh kasi dadaanan lang. Hindi tatambayan ng matagal. Sumumpa ako na mananatili sa tabi ng aking asawa sa hirap man o ginhawa. Hinding-hindi ako susuko alang-alang sa aking asawa. Para na rin sa aking anak. Nagmula ako sa isang pamilyang walang-wala. Ang makaraos at malampasan ang maghapon ng busog ang tiyan. Ang may maayos na tulugan sa gabi. Ito ang araw-araw na kinalakihan kong kailangang harapin na matatawag kong halimbawa rin ng pagtitiis. Naalala ko bigla ang tatay. Nang magkasakit ang nanay at maratay ay sinolo niya ang pagtataguyod sa amin ni ate. Saksi ako sa hirap ni tatay. Pero kahit kailan ay hindi ko nakita ang pagod niya sa tuwing tinititigan si nanay. Mas nangingibabaw ang pagmamahal. Siguro nga kaakibat ng pagmamahal ang pagtitiis. Kailangang magsakripisyo para sa mga taong minamahal mo. Masaklap lamang dahil wala pang nagiging bunga ang lahat ng pagtitiis at hirap para sa amin ni tatay. Marahil ang dinaranas ko ngayon ay bunga ng pagiging suwail kong anak. Pinaparanas sa akin ang bunga ng pagsuway ko sa magulang. Kaya magtitiis ako. Pagtitiisan ko ang biyenan ko. Pagtitiisan ko ang panghahamak nito. Pasasaan ba't magbabago rin ang tingin niya sa akin. Napakislot ako ng dampian ko ng ice bag ang napasong bahagi ng braso ko. Hindi naman namaltos pero pulang-pula. Namroblema ako. Hindi 'to dapat makita ni Nathan. Hindi ko na pinilit pa si mama na kumain. Pero nag-iwan ako ng blended na prutas na hinalo sa gatas nito. Kailangan ko pang maglinis ng buong bahay. Uunahin ko muna si Jr. Pinaliguan ko ito pagkatapos ay pinatulog. Nang nahihimbing na ito sa kwarto ay saka ko hinarap ang maghapong gawain. Isinalang ko sa washing machine ang mga labahan. Habang hinihintay na matapos ito sa pag-ikot ay nagsimula na rin akong maglinis. Tinapos ko lahat ng hugasan. Nag-mop ng sahig. Nagwalis sa palibot ng bakuran. Nang sa wakas ay matapos ko ang lahat ng gawain ko. Nagsasampay na ako ng marinig ko ang pag-doorbell ng kung sino. Basa laylayan ng damit, magulo ang walang suklay na buhok at tagaktak ang pawis, tumakbo na ako patungo sa gate para pagbuksan ang kumakatok. "Hi!" napakunot ang aking noo. Hindi ko kilala ang nasa labas. Mukhang nabasa nito ang nasa isip ko. "I'm Marjorie Castillo, nandiyan ba ang amo mo?" Pamilyar ang apelyido nito pero hindi ko talaga siya kilala. Sandali, amo ko? Napagkamalan niya akong katulong? Pinasadahan ko ng tingin ang sarili. Maluwag na t-shirt at cottom shorts lang ang suot ko. Sa dami ng ginawa ko ay dumungis na akong tignan. Mapagkakamalan nga akong katulong sa ayos ko. "Hey," napukaw ako ng ikaway-kaway nito ang kamay sa harap ko. Kumurap ako. "Hindi ko ho alam kung sinong tinutukoy 'nyo," magalang na sagot ko. Napasimangot ito. " Dito na nakatira ang mga Lorenzo hindi ba?" may pagtataray sa boses nito. " Our families our friends. I am here to visit Tita Josephine. Where is she? Kanina pa ako naghihintay dito. Ang init-init. Hindi mo ba ako papapasukin?" Nag-aalinlangan pa rin akong papasukin ito. Pero dahil binanggit nito si mama ay pinatuloy ko na. "Nasa kwarto niya si mama," sagot ko. Hindi naman kalakihan ang bahay kaya makikita niya ito agad. Pero bilang bisita ito ay sasamahan ko. "I can manage. Pakibukas na lang ng gate. Pakibaba na rin ng mga pasalubong ko para kay Tita." Napalabi ako pero sumunod din. Akala niya talaga katulong ako. Napanganga ako ng makita ang mga sinasabi nitong pasalubong. Puno ang likurang bahagi ng sasakyan ng samu't saring paperbags at may nakakahon pa. Sa dami nito ay hindi kakayanin ng isang bitbitan. At meron pa pala sa trunk ng kotse nito. Hindi ako magkandaugaga. "Kadarating ko lang from California kahapon, tita. I heard everything that happened from mom. Gosh! I can't believe it. Nawala na nga ang pabrika pati ang mansiyon 'nyo ay naibenta pa. That must be very frustrating for you." Masigla ang boses nito habang nagkukwento. Nakaupo ito sa tabi ng kama. Si mama naman ay kitang-kita nagagalak sa kausap. Natigilan ako. Hindi ko pa kahit kailan nakita ang ganoong ningning sa mga mata niya sa tuwing titignan ako. Dahil kung hindi matalim eh palaging nanlilisik ang salubong niyang tingin sa akin. Nagbibitaw ng biro ang bisita na nagpapatawa kay mama. They seems to be so close. "B-bigyan mo ng juice s-si Marj...b-bilisan mo!" baling sa akin ni mama. Masama na naman ang tingin niya sa akin. Tumango ako. "Your maid is stupid, tita. You should fire her and get another." Hindi ko pa mang tuluyang naisasara ang pinto ng kwarto ay narinig kong komento ni Marjorie. Napahigpit ang hawak ko sa doorknob. Hinintay kong itama ni mama ang maling akala nito. Pero nadismaya lang ako dahil ilang minuto ng nakalipas ay wala akong narinig. Nanlulumong pumunta ako ng kusina. Kinuha ko ang karton ng fresh orange juice sa loob ng ref at isinalin iyon sa isang malaking baso. Kumuha na rin ako ng sliced loaf bread at pinalaman ng sandwich spread na meron sa cabinet. Sinilip ko muna si Jr. sa kwarto. Mahimbing pa ring natutulog. "What is that?" nagtataray na tanong ni Marjorie ng ilapag ko sa bedside table ang tray na dala. "Merienda. Juice at tinapay." Tinaasan ako nito ng kilay. "Alam kong juice at tinapay 'yan. What I meant is...anong palaman ng tinapay? Zero transfat ba 'yan? What about the juice? Is that freshly squeezed? Hindi kasi ako umiinom ng manufactured...masyadong matamis. You see, I'm trying to maintain my figure. I follow a strict diet. Sayang naman ang mga branded clothes ko kung hindi ko masusuot dahil tumaba ako dahil sa pagkain ng tinapay at juice na hinain mo." Napanganga ako. Dahil lang sa juice at tinapay ang dami na nitong sinabi. May magandang paraan naman ng pagtanggi sa pagkain. Tulad ng salamat na lang pero busog pa ako. Hilaw akong ngumiti. Hindi na ako nagsalita kasi baka mahaba ulit ang isagot nito. Sa dami ng ginawa ko maghapon ay pagod na ako. Kung ayaw niya ng hinain ko ako na lang ang kakain nito. Bumalik akong kusina. Inilapag ko sa mesa ang tray. Hindi na nag-abalang humila ng upuan. Dinampot ko ang tinapay at malaking kagat ang ginawa. Ngumuya tapos ay kumagat ulit. Sunod naman ang juice. Lumagok ako sa baso at agad nangalahati ang laman. Masarap naman ah! Mga mayayaman talaga. Ang daming arte sa pagkain. Pero napaisip ako. Maganda nga ang pigura ni Marjorie. Labas ang bawat kurba ng katawan nito sa suot na bestidang hapit na hapit sa katawan. Ang haba ng legs. Litaw iyon dahil hanggang kalahati lamang ng hita ang haba ng suot nito. Maputi at makinis ang balat na akala mo nililiha. At ang mukha niya, maliit at bilugan. Artistahin ang datingan. Moderna at maganda si Marjorie. Pero bakit nga kaya ngayon ko lang siya nakita? Ni minsan din ay hindi sa akin nabanggit ni Nathan ang tungkol sa kaniya. Wala din akong matandaan na bumisita ito noong sa mansiyon pa kami nakatira. Hah! Masyado akong nag-iisip. Kung ganoon na lamang ang pagkagiliw rito ni mama, malamang ay talagang malapit ito sa pamilya. Tinapos ko na ang pagkain. Hinugasan ang pinagkainan. Sinipat ko ang wall clock na nakasabit sa sala. Malapit ng dumating si Nathan. Naligo ako. Paglabas ko ng banyo ay umupo ako sa tabi ng kama. Ang sarap tignan ni Jr habang natutulog. Napakapayapang tignan. Itinaas ko ang paa at tumabi ng higa dito. Hanggang sa hindi ko namalayang nakaidlip ako. Naalimpungatan ako sa tunog ng doorbell. Pupungas-pungas na lumabas ako ng kwarto. "Love, ang aga ng uwi mo," si Nathan na naghihintay na sa gate. "Hi, love!" bati nito sa akin. Agad ako nitong hinagkan sa labi ng makalasok na. "Namimiss ko na kasi ang maganda kong asawa," namula ang pisngi ko. "Sus! Nambola pa. Hindi pa ako nakakaluto." Yumakap sa akin si Nathan. Hinalikan ako sa leeg bago ipinatong ang baba sa balikat ko. "Ang bango pa nga!" dagdag pa nito bago ako pinupog ng halik sa balikat. Napahagikhik ako. "Huwag ka ng magluto. I brought take out. Bumili ako ng paborito mo." Napangiti ako ng malapad, "Palabok?" "Wala ng iba! Sandali at kukunin ko sa kotse." Bumalik ito sa labas. Pagbalik ay may isang maliit na bilao at groceries na itong dala. Inagaw ko na dito ang bitbit. Nagpauna na akong pumasok dahil ilalagay pa nito sa garahe ang kotse. "Nanay," inilapag ko muna ang mga bitbit ng marinig ang pagtawag ng anak. Nagising din sa wakas. Pinuntahan ko ito sa kwarto at kinarga. Paglabas namin ay siya ring labas ni Marjorie mula sa kwarto ni mama. Inismiran ako nito. Namamanghang sinundan ko ito ng tingin. "Nathan! You're finally here!" sinalubong nito ng yakap ang asawa ko sabay umakmang hahalik. Pero dahil nabigla ay umiwas si Nathan. Kaya ang halik na sana ay para sa pisngi ay lumapat sa labi.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD