Humihikab pa ako habang naglalakad pababa ng hagdan pero rinig na rinig ko na kaagad mula sa kinaroroonan ko ang ingay nila Papa sa sala. Nabigla ako nang makit ako doon si Kervy. Ang aga naman niya! Balak ko pa nga sanang bumalik sa tulog! Napalingon silang lahat sa akin. “Pambihira ka, Suzetthe. Anong petsa na at kagigising mo lang? Kanina pa nga narito ang manliligaw mo,” wika ni Papa. Bahagya lang akong ngumiti kay Kervy at sumenyas. Dumiretso muna ako sa banyo para maghilamos at mag-tooth brush. Nakakahiya. Mukha pa naman akong bruha sa umaga. Wala naman kasi akong malay na nandyan na pala siya. Alas-siete pa nga lang ata ng umaga eh! Sinikop ko ang aking buhok para maitali saka pinunasan ng tuwalya ang aking mukha. Inamoy ko ang hininga ko kung okay na ba bago tuluyang lumabas.

