Nagtuloy lang kami sa paglabas ng gate ni Caitlyn. Hindi ko alam kung dapat ko bang lapitan si Ivo. Hindi ko naman alam kung bakit siya narito, siguro ay dahil sa nakababata niyang kapatid. Ang alam ko ay high school ang kapatid niyang babae. Baka sinusundo niya lang iyon. Umiwas ako ng tingin sa kan’ya baka mamaya isipin niya pa na nag-a-assume ako na ako ang pinunta niya rito.
Deretso lang sana ang paglalakad namin ng kaibigan ko nang mapansin kong naglakad na si Ivo at papalapit iyon sa akin. Ayoko pa rin na isiping ako ang pupuntahan niya, baka mapahiya ako. Baka naman nasa likuran ko na ang kapatid niya kaya mukhang papalapit siya sa akin.
Umiwas ako ng tingin sa kan’ya at pilit pinipigilan ang aking sarili na lumingon sa kan’ya. Kahit na talagang natutukso akong sulyapan siya.
“Issa,” his manly voice filled my ears.
Napalingon ako kay Ivo nang marinig ko iyon. Issa? Issa ba ang pangalan ng kapatid niya? Lumingon ako sa likod ko para tignan kung may kasunod kaming naglalakad ngunit wala naman akong nakita.
Nilingon kong muli si Ivo at nakadirekta sa akin ang kan’yang tingin. Tumigil na kami sa paglalakad at siniko pa ako ni Caitlyn.
“Una na ako, Karissa, bye!”
Tumakbo na palayo ang kaibigan ko at naiwan akong kaharap si Ivo.
“Ako ba?” Tanong ko sa kan’ya.
Hindi ko naman alam kung ako ba ang tinatawag niya. Karissa naman ang pangalan ko at hindi Issa. Baka naman iyon ang alam niyang pangalan ko? Sabagay magkatunog namang talaga.
Seryoso lang ang mukha niya habang nakatingin sa akin. Napabuntong hininga ako, doon sa babae kahapon ay ngumingiti at tumatawa siya samantalang ngayon ay tila galit sa mundo ang itsura niya.
“Oo,” tipid na sagot niya.
Kung mag-joke kaya ako, tatawa siya? Ay ano ba naman ‘tong naiisip ko? Tss, nababaliw na yata ako.
“Bakit?” Tanong ko sa kan’ya.
Kukunin na ba niya ang short niya? Hindi ko pa naman iyon dala ngayon, sa sabado ko na sana planong ibalik iyon sa kan’ya.
“Nanggaling ka sa university kahapon.”
Tumango ako kahit na hindi naman tanong ang tinuran niya. Hindi ko alam kung paano niya nalaman na nagpunta ako roon kahapon. Hindi niya naman kami nakita at wala rin naman akong kakilala roon na maaaring makapagsabi sa kan’ya.
“Paano mo nalaman?” Kuryusong tanong ko.
“Every guy knows you, sa tingin mo ay hindi kakalat sa buong eskuwelahan kung nandoon ka sa labas at halatang may hinihintay,” kunot noong sambit niya.
Hindi ko naman alam na kilala rin pala ako maging sa kanilang university. Bukod naman sa mayaman ang pamilya ko ay maganda talaga ako. Kung hindi lang ako nahihiya sa kan’ya, I would flip my hair.
Kung nakarating naman pala sa kan’ya bakit hindi agad siya lumabas. Siguro naman ay pumasok sa isip niya na maaaring siya ang pinunta ko roon.
“Pero hindi na kita nahintay, hindi ko rin naman alam kung may pasok ka ba,” sambit ko.
Tumango-tango siya sa sinabi ko. Hinintay kong may sabihin siya o itanong niya ang dahilan ng pagpunta ko sa eskuwelahan nila ngunit wala naman siyang sinabi. Nakatitig lamang siya sa akin at tila naghuhulaan kami ng kung anong sasabihin ng isa’t isa.
Ilang sandali pa ang lumipas bago ako tuluyang sumuko sa paghihintay ng kung ano mang sasabihin niya.
“Hindi ko dala ngayon ang short mo e, balak ko sanang sa Sta. Ana resort na lang iyon dalhin. Hindi ko alam ang schedule ng klase mo kaya hindi na ako magbabakasakaling pumunta sa university,” sabi ko sa kan’ya.
Napatitig ako sa kan’ya nang buksan niya ang bag niya at may nilabas doon na papel. He handed me the paper. Wala sa sarili ko iyong tinanggap. Looking at the paper, I notice that it was his class schedule!
“Just in case magbago ang isip mo, that’s my schedule. Para hindi ka na maghintay ng matagal,” sambit niya.
Hindi ko alam kung anong magiging reaksiyon ko. Gulat ako na binigay niya pa talaga sa akin ang class schedule niya para lamang sa pagbabalik ko ng short niya.
“Alis na ako, ingat ka sa pag-uwi,” sabi niya bago tinalikuran na ako.
Hindi ko alam pero napangiti ako. Parang lalo ko siyang nagugustuhan!
Kinabukasan ay kinukulit ako ni Caitlyn kung anong sinabi sa akin ni Ivo. Bilang bestfriend ko naman siya ay sinabi ko sa kan’ya. Tila siya pa ang kinikilig dahil sa mga hampas niya.
“Ano pupunta ba tayo ngayon?” Tanong niya nang mapansin na may five pm class sa schedule ni Ivo.
Umiling ako sa kan’ya, hindi muna kami pupunta. Ayokong mahalata agad ni Ivo na gustong-gusto ko siyang makita. Isa pa ay kapag binalik ko na sa kan’ya ang short niya ay mawawalan na ako ng dahilan para lapitan siya. Hindi pwede iyon!
Hanggang hapon ay kinukulit ako ni Caitlyn kung pupunta kami sa university pero hindi talaga nagbago ang isip ko. Kailangan ma-miss ako ni Ivo kahit na hindi ko naman alam kung may pakialam ba siya sa existence ko.
“Your Tito Lyndon and his family will stay here for a vacation. Bukas ang dating nila,” sabi ni Mommy habang nakatingin sa akin.
We are eating our dinner. Napangiti naman ako nang sabihin iyon ni Mommy, matagal-tagal na rin noong huling beses kong makita si Tito Lyndon.
Ang alam ko ay may anak na sila ni Tita Rose, hindi ko pa lang ito nakikita dahil sa ibang bansa naman tumira si Tita Rose. Madalas lang silang puntahan ni Tito Lyndon.
“Mag-stay na po ba rito sa bansa si Tita?” Tanong ko kay Mommy.
Tumango naman si Mommy sa naging tanong ko. Natuwa naman ako roon, sana ay makasundo ko ang anak nila kahit na mas bata iyon sa akin. At least magiging ate ako kahit na anak lang ni Tito Lyndon.
Kinabukasan mula sa aming klase ay nagmamadali na akong umuwi. Ngayon ang dating ni Tito Lyndon at sobrang miss ko na siya. Hindi ko na muna inisip si Ivo kahit na nakita ko pa ito sa gate noong lumabas ako. Sigurado namang sinusundo niya lamang ang kapatid niya.
Patakbo akong pumasok sa loob ng mansyon nang makauwi na ako.
Pagkapasok ko pa lang ay bumungad na sa akin sina Mommy at Daddy, kaharap ang mag-asawa nina Tito Lyndon.
“Tito!” I screamed and went to him.
Napahalakhak silang lahat sa naging asta ko. Sinalubong ako ni Tito at agad na binuhat. Lalo na silang natawa dahil ang laki ko na pero binuhat pa ako ni Tito Lyndon na tila ba isang bata.
“I missed you!” Sambit ko habang nakayakap sa leeg ni Tito.
“Dalaga ka na, pero baby ka pa rin namin,” sambit ni Tito matapos akong ibaba.
Natawa naman ako at gustong-gusto ko rin naman na bini-baby nila ako.
“Who is she?”
Napukaw ang atensyon ko ng isang batang lalaki. He’s tall and has a very white complexion.