Kung titignan ay tila magkasing-edad lamang kami pero alam kong hindi. Sigurado akong siya ang anak ni Tito Lyndon, he’s Argus for sure. Lumapit ako sa kan’ya and I extended my arms.
“I’m Karissa,” nakangiting pakilala ko sa kan’ya.
Tinanggap niya ang palad ko.
“A-Argus,” sambit niya sa pangalan niya.
Nang magdikit ang aming mga kamay ay kitang-kita ko ang mabilis na pamumula ng kan’yang tainga. Mukhang mahiyain siya, hmmm…
Sabay-sabay kaming kumain ng dinner at napag-usapan nila sa dinner na isang linggo lamang mananatili rito ang pamilya nila. Napasimangot na lamang ako dahil sobrang iksi lamang ng panahon na iyon. Pero hindi naman ako pwede magreklamo dahil inaasikaso ni Tito Lyndon ang kompanya nila ni Mommy. Si Argus naman ay nag-aaral pa rin, ang sabi naman nila ay baka next year ay lilipat na siya sa city mag-aral.
“Really, Tita?” Masayang tanong ko nang sabihin nito na maaaring dito na sila tumira sa bansa.
“Yes, Karissa,” nakangiting sagot niya sa akin.
Masayang-masaya ako nang dahil doon, sa wakas ay pwede ko silang dalawin sa siyudad sa tuwing weekends o kapag wala akong pasok.
Nang sumapit naman ang sabado ay hindi ako masasamahan ni Caitlyn sa Sta. Ana resort dahil may lakad sila ng pamilya nila. My Mom suggested na isama ko si Argus para na rin makapamasyal ito. Wala namang problema ito sa akin kaya agad akong pumayag. Para ko na rin namang nakababatang kapatid si Argus.
Nagpahatid na lamang kami sa driver at magpapasundo na lamang mamaya kapag natapos ko na siyang ipasyal.
“What’s that?” Tanong sa akin ni Argus habang naglalakad kami sa dalampasigan.
Nilingon ko siya at nakitang tinuturo niya ang paper bag na dala ko.
“Ito?” Tinaas ko ang paper bag.
“Yeah.”
“Short ‘to ng crush ko,” nakangising sagot ko sa kan’ya.
Kumunot naman ang noo niya sa naging sagot ko. Bakit naman kaya? Huwag niyang sabihin na nagulat siya dahil may crush na ako? Duh! I’m seveenteen na kaya, soon eighteen na ako, normal lang na magkagusto ako sa isang tao.
“I’m pretty sure, you have a girlfriend already,” sambit ko.
Normal naman iyon sa ibang bansa. Hindi na talaga ako magugulat kung nagka-girlfriend na siya kahit na thirteen pa lamang siya.
“What?” Napangiwing tanong niya.
Natawa naman ako sa naging asta niya, mukhang wala pa siyang girlfriend.
“Wala,” natatawang sagot ko.
Nilibot ko ang paningin ko at tinanaw ang hanay ng mga bangka. Wala pa ang bangka nila Ivo, ililibot ko na lamang muna si Argus habang wala pa si Ivo.
“Do you know what kind of fish is that?” Tanong ko kay Argus at tinuro ang isdang dala ng isang mangingisda.
“No, what is that?” He asked me curiously.
Nagkibit balikat ako, hindi ko rin naman alam e.
He chuckled.
“Akala ko naman alam mo,” natatawang sambit niya.
Mabilis akong napalingon at napatitig sa kan’ya nang marinig ko siyang magsalita ng tagalog. Talagang namangha ako sa boses niya.
“What?” Takang tanong niya nang mapansin na nakatitig ako sa kan’ya.
Natawa na lamang ako at umiling sa kan’ya.
Nagpatuloy na kami sa paglalakad-lakad. Bakit kaya wala pa si Ivo?
Habang tumatagal ay nagiging komportable na kaming dalawa sa isa’t isa ni Argus. Nagkukulitan kami sa tabing dagat habang hinihintay ko si Ivo. Naroon ang maghabulan kami at magbuhusan ng tubig. Nabasa na nga ako, hinayaan ko na lang kahit na wala naman kaming dalang pamalit. Magpapasundo na lamang agad kami sa driver.
Nang sumapit ang tanghali ay wala pa rin si Ivo kaya naman nagtungo na lang muna kami sa isang sea food restaurant para kumain.
Basa kaming pareho ni Argus pero ayos lang naman dahil marami rin naman na kumakain na basa rito.
“How’s the food?” Tanong ko kay Argus habang kumakain kami.
“It’s good,” tipid na sagot niya.
Sabagay isda pa lang naman ang natitikman niya. Kanina ko pa napapansin na hindi siya kumakain ng hipon. Pinigilan ko ang sarili ko na matawa, malamang ay hindi siya marunong magbalat ng hipon.
I peeled a lot of shrimp and put all of that into his plate. Napatingin siya sa akin nang gawin ko ang bagay na iyon.
“T-Thanks,” nahihiyang sambit niya.
“From now on, ate mo na ako kaya ‘wag kang mahihiya sa akin,” paalala ko sa kan’ya.
Pilit lang siyang ngumiti sa akin at tumango, hindi na siya komontra. Dapat lang na parang magkapatid na kami dahil sa mga magulang namin.
Pagkatapos naming kumain ay bumalik na muli kami sa tabing dagat at nagkulitan. Maghapon na kaming basa at halos padilim na noong sumuko na akong hintayin si Ivo.
Nilalamig na rin ako dahil maghapon na akong basa ng tubig dagat.
“Let’s go home,” malungkot na sambit ko.
Mukhang hindi naman mangingisda o nangisda ngayon si Ivo. Ang akala ko pa naman ay makikita ko siya. Ilang araw ko na ring hindi ito nakikita, miss ko na siya.
“Are you sure? You look sad,” puna ni Argus.
Pilit akong ngumiti at tumayo na sa pagkakaupo sa buhangin. Pagpihit ko ay saktong bumungad sa akin ang papalapit na si Ivo. Mukhang kararating lang niya at bago pa lang sila papalaot.
Nakatayo lang ako at hinintay siyang makalapit sa akin. Si Argus naman ay nagpaalam sa akin na hihintayin na lamang ako sa gate ng resort kung saan naghihintay ang driver namin.
“Kanina ka pa?” Tanong niya sa akin.
Marahan akong tumango, totoo namang kanina pa ako. Pero ayos lang naman at nakapag-bonding kami ni Argus. Kahit papaano ay may ginawa naman akong masaya ngayong maghapon.
Kinuha ko ang paper bag sa gilid at inabot iyon sa kan’ya. Haaay, wala na akong dahilan para makipagkita pa sa kan’ya.
“Ito na pala ‘yong short mo, salamat. Pasensya na kung ngayon ko lang ito nabalik,” sabi ko sa kan’ya.
Tinanggap naman niya iyon at bahagyang sinilip ang loob ng paper bag. Tinignan niya siguro kung talagang naroon nga ang kan’yang short.
“Maghapon ka nang basa?” Tanong niya nang pasadahan niya ng tingin ang kabuuan ko.
Tumango ako.
“Oo, nagkakulitan lang kami ni Argus,” paliwanag ko sa kan’ya kahit hindi ko naman alam kung interesado siya malaman.
“Hindi ba naisip ng boyfriend mo na baka magkasakit ka? Hapon na, malamig na ang simoy ng hangin tapos basang-basa ka pa,” inis na sambit niya.
Napatitig ako sa kan’ya, para siyang ama na pinapagalitan ang anak. Hinubad niya ang suot niyang jacket at binalot iyon sa akin.
“Umuwi ka na agad at kung pwede ‘wag na muna kayo mag-aircon sa sasakyan. Baka sipunin ka,” sambit niya bago ako iniwan doon na nakatulala.
Ilang segundo pa akong nakatulala roon bago ko naisip ang nauna niyang sinabi. Boyfriend? Anong boyfriend?! Wala akong boyfriend!