Matapos nga ang isang linggo ay umalis na sina Tito Lyndon. Sa loob ng isang linggo ay naging close kami ni Argus. Ang sabi niya ay bibisitahin niya ako ng madalas kapag sa siyudad na sila naninirahan. Natuwa naman ako roon kahit papaano ay madali na rin sa akin ang bisitahin sila kapag dito na sila sa bansa nanirahan.
“Alam mo na ba?”
Napalingon ako kay Caitlyn habang kumakagat ako sa aking burger. Break time namin at nagmemeryenda lang muna kami. Wala akong ideya kung ano ang tinutukoy niya.
“Ang ano?” Tanong ko sa kan’ya matapos kong lunukin ang nasa bibig ko.
Uminom muna siya sa kan’yang juice bago ako sinagot.
“May girlfriend na pala si Ivo,” sambit niya.
Sakto namang bagong kagat lamang ako sa aking burger at hindi sinasadyang mabilis ko iyong nalunok nang dahil sa sinabi niya. Nabulunan ako, mabuti na lamang at mabilis akong nakainom ng tubig ko.
“What?” Gulat na tanong ko kay Caitlyn nang mahimasmasan na ako.
Inabutan ako ni Caitlyn ng tissue, tinanggap ko naman iyon.
“Saan mo naman nalaman iyan?” Dagdag na tanong ko sa kaibigan.
Hindi pa man nakakasagot si Caitlyn ay may pumasok na sa isipan ko. Iyong babae noon na kasama niya sa labas ng gate ng university. May kung anong kirot ang namuo sa aking dibdib nang maalala ko ang nakita kong iyon.
“Bali-balita pa lamang naman iyon,” sambit ni Caitlyn.
“Pero hindi naman iyon kakalat kung walang basehan,” malungkot na sabi ko.
“Sabagay tama ka naman. Ikaw kasi abala ka sa Argus na iyon, ayan tuloy naunahan ka na sa crush mo,” paninisi pa sa akin ni Caitlyn.
Sumimangot lang ako sa kan’ya. Syempre magiging abala ako kay Argus minsan ko lang naman iyon makasama.
“Mas mabuti pa itatanong ko na lang ng deretso kay Ivo,” matapang na sambit ko.
Wala naman sigurong masama kung itatanong ko iyon. Gusto ko lang naman malaman, isa pa ay kung sakaling may girlfriend na nga siya, hindi ko naman siya aagawin. Siguro ay hihintayin ko na lamang silang maghiwalay.
“Pero may good news naman akong nalaman,” nakangising sambit ni Caitlyn.
Agad naman akong nabuhayan nang sabihin niya iyon. Ano naman kayang good news iyon?
“Hiwalay na sila?” Mabilis na hula ko.
Malakas siyang humalakhak sa naging hula ko. Pati ako ay nadala rin sa pagtawa niya.
“Baliw ka ba? Ang bilis naman!” Tumatawang sambit niya.
“Malay ko ba,” tumatawang sabi ko sa kan’ya.
Masama bang isipin na ganoon ang nangyari. Malay ko ba kung lowkey lang sila noon tapos noong lumabas na ang tungkol sa relasyon nila ay saktong naghiwalay na rin sila.
Nang tumigil na kaming dalawa sa pagtawa ay saka niya lang sinabi kung ano iyong good news na nalaman niya.
“He’s working a part time job!”
Napatitig ako kay Caitlyn, alam kong malaking tulong iyon sa pinansyal ng pamilya ni Ivo pero is that supposed to be a good news?
“And?”
“He’s working at the coffee shop across the street of our school!”
Mabilis na nagliwanag ang mukha ko nang dahil sa sinabi niya. Kung ganoon ay araw-araw ko nang makikita si Ivo! Good news nga iyon!
Kahit noong nakabalik na kami ni Caitlyn sa klase ay hindi pa rin nawala sa isip ko ang tungkol sa pagpa-part time ni Ivo sa tapat ng school namin. Hindi ko na kailangan gumawa ng dahilan para lamang makita siya. Tadhana na ang naglapit sa amin!
Masayang-masaya ako nang sumapit na ang hapon. Sa wakas ay pwede na akong magtungo sa coffee shop at makita si Ivo.
“Tatambay ba tayo?” Excited na tanong sa akin ni Caitlyn.
Mabuti na lamang talaga at supportive sa akin ang kaibigan ko. Handa niya talaga akong samahan para lang makita ang crush ko.
“Oo naman, let’s see kung totoo ba ang nasagap mong mga tsismis!”
Masigla kaming lumabas ng eskuwelahan at nang nasa tapat na kami ng coffee shop ay kalmado lang kami. Kunwari ay madalas naman kaming magmeryenda rito kahit na ang totoo ay hindi naman talaga kami kumakain dito.
Nang matanaw ko sa counter si Ivo ay agad kaming nagkatinginan ni Caitlyn. Totoo nga!
Lumapit kaming dalawa sa counter para mag-order. Kunwari ay wala kaming pakialam na makita si Ivo kahit na ang totoo ay nagwawala sa loob ang kilig.
“Anong sa inyo?” Tanong ni Ivo sa aming dalawa.
Nilibot ko ang paningin ko sa mga cake na naka-display. Ang totoo ay wala naman akong hilig sa matatamis pero sa ngalan ng pagkagusto ko sa kan’ya ay titiisin ko.
“One slice of mocha cake and an ice coffee for me,” sagot ko bago binalingan si Caitlyn para sa kan’yang order.
“Ice coffee rin and a slice of chocolate cake,” sambit ng kaibigan ko.
He repeated our order. Matapos naming magbayad ay sinabi niyang maghintay na lang kami sa table para sa order namin.
Para kaming kinikiliti nang makaupo na kami ni Caitlyn. Kilig na kilig ako dahil nakita at nakausap ko na naman si Ivo. Sana tuwing hapon ay narito siya para palagi ko siyang makikita.
“Totoo nga ang tsismis,” mahinang humagikhik si Caitlyn.
“Pero sana ‘yong isang tsismis hindi totoo,” sambit ko naman.
Ilang saglit lamang kaming naghintay ni Caitlyn at dumating na ang order namin. Iyon nga lang, hindi si Ivo ang naghatid no’n sa table namin. Pero ayos lang dahil pumwesto naman kami kung saan malaya kong masusulyapan si Ivo.
Maya’t maya akong tumitingin sa kan’ya, mabuti na lamang at abala siya kaya hindi niya iyon napapansin. Masyadong maraming umo-order, nakapagtataka na maraming tao ngayon dito. Dati naman ay hindi ganito, pansin ko rin na kadalasan ay mga babae ang dumarating.
Muntik ko nang makalimutan crush nga pala ng bayan si Ivo. Kaya kung mag hiwalay man sila ng girlfriend niya, marami pa rin akong kaagaw sa kan’ya.
Habang nakatitig ako kay Ivo ay bigla itong lumingon kung saan ako naroroon. Nasamid ako sa iniinom kong ice coffee sa sobrang gulat. Mabilis akong umiwas ng tingin sa kan’ya.
Pinagtawanan naman ako ni Caitlyn habang panay ang ubo ko.
May kamay na nag-abot sa akin ng tissue at naglapag ng isang basong tubig sa table.
“T-Thank you…”
Pagtingala ko ay isang ubo pa ang napakawalan ko nang makita ko ang guwapong mukha ni Ivo. I looked at the counter, iba na ang naroroon na nag-aasikaso.
“Ayos ka lang?” Seryosong tanong niya.
Napalunok ako at nagsimula nang sinukin.