Prologue
“Ate, andiyan na si Tatay!” Nagmamadaling katok ng bunsong kapatid kong si Otep sa pinto ng aking silid. Dali-dali kong sinukbit ang shoulder bag sa balikat. Ang blazer naman ay sinampay sa braso. Pinasadahan ng suklay ang hanggang beywang na mahaba kong buhok. Kontento na sa ayos at hindi man lang nakuhang maglagay ng kahit anong kolorete sa mukha ay lumabas na ako ng aking silid. Lunes ngayon kaya pihadong pahirapan na naman sa pag-abang ng masasakyan. Punuan pa naman ang mga namamasadang fx kapag ganitong araw. Kailangan ko ng magmadali para hindi maipit sa traffic. Kung tutuusin ay maaga pa naman pero ayaw ko kasi talagang nale-late lalo na sa unang araw ng linggo.
Beep! Beep! Beep! Rinig na rinig ko pa ang sunod-sunod na pagbusina ni tatay ng kanyang tricycle habang pababa ako ng hagdan.
“Ate baon namin!” Habol sa akin ng kapatid na si Boyet ng nasa balkonahe na ako. Nginitian ko ito bago dinukot ang pitaka sa bag. Bumunot ako ng dalawang singkwenta at isandaang pisong papel. Inabot ko ito sa kapatid.
“Oh! Ibigay mo sa kuya Jay mo ang isandaan tapos tag-singkwenta kayo ni Otep,” bilin ko.
“ Wala bang dagdag, ate?” Hirit pa nito sa akin.
“Dagdag ka diyan? Baka ipanglaro mo lang sa computer shop kaya tama na ‘yan.” Nakataas pang isang kilay na sagot ko.
“ Ate naman…”nakangusong sagot naman nito sa akin.
“Pasalamat ka nga singkwenta pesos baon mo. No’ng ako nag-aaral ng high school, maswerte kung mabigyan na ako ng beinte pesos ni nanay. Kaya huwag ka ng magreklamo. Uwi agad pagkatapos ng klase, ha.” Magpoprotesta pa sana ito ngunit tinanggap na lang ang perang iniaabot ko. Kakamot-kamot sa ulo na tumango pa ito sa akin.
Pabirong ginulo ko pa ang buhok nito bago tinungo ang nakaabang na tricycle ni tatay.
“ Nga pala ‘nak. Manghihiram sana ako sa’yo. Dalawang libo lang. Kailangan na kasing ipaayos ‘tong tricycle at medyo pangit na kasi ang takbo. Kailangan na rin ipare-allign. Change oil na din.” Medyo nag-aalangan pang sabi sa akin ng tatay pagkababa ko ng tricycle. Kinuha ko ang wallet sa bag at sinipat ang laman nito. May natitira pa naman akong limang libo. Sasahod na ako ngayong parating na biyernes. Sasapat pa ang pera ko. Kinuha ko ang tatlong libo at iniabot sa ama.
“Ito po ‘tay. Siguradong di na kayo makakapasada kung magpapaayos kayo ng tricycle. ‘Yong isang libo po ipambili ‘nyo na lang po ng bigas at ulam. Pag may sumobra po pang gasolina ‘nyo na.”
Maluwang ang ngiti sa labi na tinanggap naman ito ng aking ama.
“ Salamat anak! ‘ Yaan mo mamaya ipagluluto kita ng paborito mong ulam.” Tuwang-tuwang saad pa nito.
“Sige po ‘tay. Asahan ko po ‘yan. Una na ako!” Nakangiting paalam ko dito sabay halik sa pisngi.
Naglakad na ako patungo sa sakayan ng fx. May kahabaan na ang pila pagdating ko. Naghintay pa ako ng ilang minuto bago tuluyang nakasakay.
Pagkaupo ay agad kong hinalungkat ang cellphone ng marinig na tumunog iyon mula sa loob ng aking bag.
Jay: ‘Te, finals na namin next week. Pambayad sa tuition ko, ‘wag mo kalimutan!
Me: Oo na! Sa biyernes ko na maibibigay pagkakuha ko ng sweldo.
Jay: Thank you ate! Kaya lab na lab ka namin eh!
Napangiti ako pagkabasa ng reply ng kapatid ko. Binalik ko ang cellphone sa loob ng bag. Sinandal ko ang ulo sa salamin ng bintana at tinuon ang pansin sa labas.
Araw-araw ganito ang takbo ng buhay ko. Isang responsableng anak na panganay at ate. May apat na kapatid na lalaking inaalagaan at isang amang inaalalayan. Mula ng mamatay ang nanay may labindalawang taon ng nakakaraan ay inako ko na ang pagiging bread winner ng pamilya. Hindi sapat ang kinikita ni tatay sa pamamasada ng tricycle. Kaya imbes na tapusin ang pag-aaral ay huminto ako para maghanapbuhay. At the age of eighteen, I stopped from studying. I chose to work so that my brothers can continue their studies. Undergraduate. Kaya kung hindi part time ay contractual lang ang nakukuha kong trabaho. Ayos lang naman sa akin basta ang importante ay mayroon akong kinikita at iniuuwing pera sa bahay. Kaya kung ano-anong trabaho na ang pinasok ko makatulong lang sa pamilya.
Fastfood crew, sales lady, at ahente ng kung ano-anong pwedeng ibenta.
Hanggang isang araw ay inalok ako ng dati kong kaklase sa high school ng trabaho sa kumpanyang pinapasukan din nito. Nag-apply ako at pinalad na matanggap. Kaya heto, mula sa pagiging isang ordinaryong clerk ay isa akong purchasing officer sa isang construction firm. At ‘yon na nga ang naging regular kong trabaho sa loob ng maraming taon. Napagtapos ko na ang kapatid kong si Mark. Ngayon nga ay isa na itong registered nurse at sa Canada nagtatrabaho. Malungkot man na nasa malayo ang kapatid ay masaya naman ako sa narating nito. Kahit papaano ay nakakatulong ko na din ito sa pagpapaaral ng tatlo pa naming kapatid. Pero meron na itong dalawang anak at asawang binubuhay. Kaya kahit na alam kong maganda ang kinikita nito sa ibang bansa kahit kailan ay hindi ko ito inobligang magpadala ng pera. Kahit na nga minsan ay nahihirapan na akong pagkasyahin ang sinusweldo. Sa susunod na buwan ay gagraduate na ang kapatid kong si Jay sa kursong Secondary Education.
Madalas akong biruin nito na kapag nakagraduate at makapasa sa licensure exam ay pwede na raw akong magpaligaw.
Sasabayan pa ng tatay na pwede na raw akong mag-asawa at hindi naman siya magagalit kahit biglain ko pa. Tinatawanan at pinagkikibit balikat ko na lamang ang mga kantiyaw nila sa akin. Binibiro ko pa nga na magmamadre na lang ako. Paano ba naman kasi? Dinibdib ko ng husto ang pagkawala ni nanay. Laging tumatakbo sa isip ko ang mga habilin niya sa akin.” Kapatid muna bago ang sarili. Uunahin mo lagi kapakanan ng mga kapatid. Tandaan mo bilang panganay, kapag kami nawala ng tatay mo ikaw ang tatayong pangalawang magulang para sa kanila.”
I always remind myself of her last words. Kaya heto sa edad na trenta y uno, n.b.s.b. pa din ako. As in no boyfriend since birth! Wala namang nagbawal sa akin na magkaboyfriend. Hindi man ako mahilig mag-ayos at may pagkamanang manamit pero may nagtatangka pa ding manligaw. May face value din naman akong maituturing. Almond shape eyes na namana ko sa aking ina. May katangusang ilong, manipis at mapulang labi, at mala-hugis bigas na mukha. Hindi maikakaila na may natatangi din akong ganda. Pero kung di ko sinusungitan ay dinededma ko ang bawat lalaking umaaligid sa akin. Ilang engineer at architect na ba mula sa opisina ang sumubok na magpalipad-hangin sa akin. At lahat sila ay walang nagtagumpay na pasukin ang makapal na pader na pinalibot ko sa sarili. Pader na ginawa long pananggalang upang matupad ko ang gustong mangyari ni Nanay na gawin ko. Nagtatanong pa nga lang ng cellphone number ay binabara ko na. Kaya wala talagang nagtiya-tiyagang manligaw sa akin. Feeling yata nila eh! tiyahin ko si Miss Minchin dahil sa kasungitan ko. Kasalanan ba ‘yon? Pinili ko lang talaga na maging responsableng anak at ate. Nilaan ko ang oras ko sa trabaho at pamilya. Bahay, opisina, opisina, bahay, vice versa. Ni hindi ko na namamalayan na napag-iiwanan na pala ako. Na malapit na palang maubos ang araw ng bawat linggo at buwan na mag-isa pa rin ako.
Napabuntong-hininga ako. Pero minsan di ko maiwasang mainggit sa mga kaedaran ko na may kanya-kanyang pamilya. Ilang beses na ba akong naimbitahan na maging abay sa kasal? O di kaya’y maging ninang sa mga anak nilang bibinyagan? Ang iba pa nga sa mga naging kaklase ko ay nagpapaaral na ng anak sa elementarya. Samantalang ako, heto! Nagbibilang ng araw na mawawala na ang edad ko sa kalendaryo.
Ang ibang babae sa edad ko ay unti-unti ng tinutupad ang mga binuong pangarap kasama ang asawa at mga anak. Ako? Kung hindi souvenir mula sa binyag ay sandamakmak na pictures ng kasal na napuntahan ang naiipon ko Ilang beses na rin akong nakasalo ng bouquet ng bride pero hindi pa rin ako ang sunod na ikinakasal. Before the end of this month officially thirty-two years old na ako. Birhen na birhen pa na kahit halik ay hindi ko pa na-experience. Sometimes I just really wish I would bumped into that someone that will be my forever. Someone that I could spend the rest of my life with. Someone that I can share a cup of coffee while holding each other’s hand. Ang maikasal sa simbahan at magkaroon ng mga anak. Pero ewan. Baka nga tumandang dalaga na nga ako sa kakahintay ng mister right sa buhay ko!
“Sorry po, “ napabaling ako sa pasaherong umupo sa tabi ko ng masagi ang tuhod ko. Nangunot ang noo ko. Napalakas ang pagkakatama ng bag nito sa tuhod ko. Sisinghalan ko sana kaya lang ng makitang isang babaeng buntis iyon ay itinikom ko na lang ang bibig ko.
Nakaramdam ako bigla ng inggit. Kasama ng buntis ang asawa nito. Nakaakbay ang lalaki sa babae at pareho silang masayang nagkukuwentuhan buong biyahe.
Kailan ko kaya mararanasan nag ganoon?
Huwag naman sanang umabot pa sa puntong mamamatay na ako bago ko pa matikman ang tamis ng pag-ibig.