Zaina Jhin
“Zaina, tara na kase sumama kana, minsan lang naman to,” pagpipilit sa akin ni Jozelle na sumama sa kanila. Kasalukuyan kaming naglalakad palabas ng gate ng aming school.
Birthday ng kaklase namin kayat inimbita kami nito para magmeryenda sa kanila. Sakto at uwian narin naman kase kayat halos karamihan ng kaklase namin ay mag sisisama.
Malungkot akong napabuntong hininga saka sila pinagmasdan habang naghihintay ng pagpayag ko.
“Sorry, hindi talaga pwede eh, madami pa akong aasikasuhin sa bahay namin. Baka may overtime si nanay wala pang pagkain mga kapatid ko,” nahihiya kong wika.
Bakas ang lungkot sa kanila matapos kong sabihin iyon kayat muli ay napabuntong hininga ako. Gusto ko din naman sumama sa kanila dahil mababait naman ang mga kaklase ko at maganda rin na makabonding ko sila. Ngunit hindi ko pwedeng unahin ang pag gala sapagkat may mga kapatid akong dapat asikasuhin.
“KJ mo naman Zaina Jhin,” sambit ng isa kong kaklaseng lalaki. Hindi ko na lamang siya pinansin upang hindi na humaba pa ang usapan.
“Sige na, uwe na ako mag iingat na lang kayo, Jozelle mauna na ako ah,” wika ko saka tumalikod na at nagsimulang maglakad patungo sa sakayan ng tricycle.
Naiwan silang nag uusap usap patungkol sa pag punta nila habang ako ay nag iisip kung may makakasabay ba ako sa tricycle. Mahal kase ang bayad sa tricycle kayat kailangan na may kasabay ako dahil 10 pesos na lang ang pera ko. Si Jozelle ang palagi kong kasama pag uwe ngunit sumama siya kayat heto ako maghahanap ng kasama. Hindi ko naman gustong pati si Jozelle ay hindi makasama dahil sa akin.
“Zaina! Saglit hintayin mo ko,” Napahinto ako sa paglalakad upang lingunin ang tumatawag sa akin. Nagulat ako nang makita ko si Jozelle na humahangos ng takbo.
“Buti inabutan pa kita,” hinihingal na sambit nito nang makalapit ito sa akin. Kinuha ko ang inuming dala ko mula sa aking bag saka ko ibinigay sa kanya upang makainom siya.
“Akala ko sasama ka sa kanila?” takang tanong ko habang umiinom siya. Matapos uminom ay ibinalik na niya sa akin kayat inilagay kong muli sa bag ko.
“Kase naman, narealized ko sayang mapasahe ko don, tapos wala ka pang kasama my friend,” nakangiti nitong sambit dahilan upang mapangiti din ako. Hindi ko inaasahan na gagawin niya iyon kayat talagang nakakataba ng puso.
“Salamat Jozelle, hindi mo naman kailangan gawin yun pero naalala mo pa ako, salamat talaga,” nahihiya kong sambit na tinawanan lang niya.
“Wala yun ganon talaga kapag mag kaibigan diba,” sambit nito na nginitian ko naman bilang sagot.
“Ayan na tricycle, sakay na tayo dali,” Agad akong hinila ni Jozelle matapos makita ang paubos ng tricycle. Dahil sa dami ng estudyante dito ay nagkakaubusan ng tricycle kayat talagang kailangan ay madalian ang kilos.
Isang sakay lang naman patungo sa bahay namin, ako ang mauuna bumaba dahil medyo malayo pa ang tahanan nila Jozelle.
Nang makarating ako sa amin ay inabutan ko ang mga kapatid kong nasa bahay na naming lahat. Naroon na din si Mamang kasama sina James at Josh dahil siya ang nag aalaga sa dalawa kong kapatid kapag pumapasok si nanay. Tuwing umaga ay dinadala yung mga bata doon kila mamang na malapit lang din dito sa amin. Tuwing hapon naman ay hinahatid dito sa bahay kapag nakauwe na sila Faye at Vina mula sa school.
Nagpalit ako agad ng pambahay mula sa aking suot na uniporme saka nagsimulang magligpit ng mga kalat na naiwan namin kaninang umaga. Si Faye naman ay naghugas ng pinggan habang ako naman ay nagsalang na ng sinaing. Si Nanay naman ang bahala sa ulam namin mamaya pag uwe niya.
“Oh gumawa na kayo ng assignment niyo,” wika ni Mamang sa mga kapatid ko na agad naman nilang sinunod.
“Mamang ako na po bahala sa kanila, magpahinga na po kayo, salamat po,” sambit ko sa lola namin. Alam kong pagod na rin ito sa maghapong pag aalaga sa mga kapatid ko kayat nakakahiya na.
“Sige ikaw na anak ang bahala sa mga kapatid mo ha, maya maya siguro nandyan na ang mga nanay nyo,” wika nito. Nagbilin pa muna ito sa mga kapatid ko na wag maging pasaway bago tuluyang umalis.
Ganito ang gawain naming magkakapatid sa araw araw pagkagaling sa skwela. Pagkatapos ng gawaing bahay ay saka naman kami mag aaral ng mga assignment namin. Hindi na nakakapaglaro ang mga kapatid ko sa labas kayat minsan ay kami na lamang ang naglalaro dito sa loob ng bahay.
Kapag madilim na at wala pa sila nanay ay sinasarado ko na agad ang pinto namin dahil wala naman kaming ibang kasama. May pagkakataon na natatakot ako dahil baka kung sino ang pumasok lalo pa at iba iba ang ugali ng taong narito sa Maynila. Ngunit nilalakasan lamang namin ni Faye ang loob namin dahil kami ang pinakamatanda at kailangan na hindi matakot ang mga nakababata kong kapatid.
“Si Nanay!” sabay sabay na wika ng mga kapatid ko nang marinig na namin ang pagdating ni nanay. Agad kong binuksan ang pinto saka sinalubong si nanay.
“Nak, pakihanda mo na muna ito para makapagluto na at makakain na tayo, magpapalit lang ako ng damit,” wika ni nanay matapos iaabot sa akin ang plastic na dala niya saka nagtungo sa aming kwarto.
“Anong ulam natin te?” tanong ni Vina habang binubuksan ko ang dala ni nanay.
“Manok iyan mga anak, bagong sahod ang nanay nyo kaya may masarap tayong ulam,” rinig kong wika ni nanay.
“Yehey!” masayang sambit ng mga kapatid ko, habang ako naman ay kaylawak ng ngiti. Nakakatuwa tuwing sahod ni nanay ay bumibili ito ng masarap na ulam. Mukang maaga ang sahod nila nanay ngayon dahil sa pagkakaalam ko ay sa isang araw pa ang sahod nila.
“Sige na doon na muna kayo, tatawagin ko na lang kayo kapag kakain na tayo,” sambit ni nanay kayat sumunod naman kami agad.
Habang naghihintay ay kinuha ko na ang bag ko saka sinimulang gumawa ng assignment ko.Natapos naman ako agad dahil ang ilan ay ginawa ko na sa school kapag may free time kami. Dahil wala naman na akong gagawin ay nagbasa basa na lamang ako ng mga aklat. Habang nagbabasa ay naalala ko ang pinahiram na pocket book ng kaklase ko. Bago sa akin iyon kayat nakaka excite na basahin, lalo pa at mukang maganda ang kwento dahil love story iyon.
Napahinto ako matapos ang ilang minutong pagbabasa. Napatitig ako sa title ng binabasa kong pocket book, “Inlove ako sa teacher ko,”
Naalala ko ang pangarap kong maging teacher. Mula nang maging guro ko si Ma’am Sheena ay nagustuhan ko ang maging isang guro, dahil natutuwa ako sa mga ginagawa nila. Para bang kaysarap na makapagturo ka sa mga bata, iyong makita mo silang natututo dahil sa tulong mo. Kaysarap siguro sa pakiramdam na makita mong magkaron ng magandang buhay ang mga naging estudyante mo gaya na lamang ng bida sa kwentong binabasa ko.
Subalit tama ang sinasabi doon, ang gawain ng isang guro ay hindi basta dahil kinakailangan ng tyaga at malaking pasensya. Napakalaki ng ambag ng isang guro para sa ating lipunan, kayat naisip ko bigla kakayanin ko ba iyon? Magagawa ko din bang maging responsableng guro na ibubuhos ang lahat ng oras para sa pagtuturo?
May responsiblidad din ako sa pamilya ko, marahil ay hindi ko na kakayanin kung kukuha pa ako ng ibang responsibilidad. Hindi naman sa naduduwag ako agad, subalit mahirap umako ng isang bagay na hindi naman sigurado kung mapaninindigan. Nagawa ko nang minsan na sumira sa binitawang salita, kayat siguro ay tama na iyon. Kailangan ko nang mag ingat sa mga susunod.
Sigurado namang makikita ko rin kung ano ang tunay kong gusto, iyong kaya kong panindigan. Basta ang mahalaga sa ngayon ay makapag aral ako, at masigurado ang magandang buhay para sa pamilya ko.
Kinabukasan, gaya ng dati ay maaga akong pumasok sapagkat mas gusto kong nasa school nang maaga upang may time pa akong magbasa. Hilig ko talaga ang magbasa ng ibat ibang libro, lalo na ngayon na may bago akong kinahihiligang basahin.
Ngunit kakapasok ko pa lamang sa aming gate at kasalukuyang naglalakad ay may mga estudyante na ang bumabati sa akin. Ang ilan ay hindi ko pa nga kilala kayat ganon na lamang ang pagtataka ko.
“Uy Zaina Jhin, ang ganda ng gawa mo ah, sa susunod papatulong ako sa project ko ah,” wika ng kaklase ko na nasalubong ko sa hagdan habang papunta ako sa classroom namin.
Nginitian ko na lamang ito dahil hindi ko naman nagets ang sinasabi niya. Subalit pagdating naman sa room namin ay panay rin ang bati ng mga kaklase ko kayat lalo lamang ako naguluhan.
“Ano bang meron?” magtatanong pa lamang sana ako ngunit pumasok na ang aming guro na kay lapad ng ngiti sa labi.
“Sakto pala nariyan kana Zaina Jhin, ibabalita ko lang sayo na sobrang natuwa si Mrs. Valdez dahil sa ganda ng ginawa mo sa office niya. Sa tuwa niya ay pinapakita at pinagmamalaki pa niya sa mga nagpupunta doon,” masayang balita ni mam. Doon ko naisip ang dahilan kung bakit madami ang bumabati sa akin.
“Salamat naman po at nagustuhan ni Mrs. Valdez,” natutuwa ko ding sambit.
Hindi doon natapos ang pagbati na natanggap ko dahil nasundan pa iyon ng pagbati mula sa ibang guro sa tuwing mag kaklase kami. Maging ang ilang estudyante mula sa ibang year ay nakita na rin kayat maingay na maingay ang pangalan ko.
“Zaina magkita nalang tayo sa room ha, pinapatawag ako ni Sir Castro eh,” sambit ni Jozelle habang pabalik na kami sa room galing sa canteen.
“Sige,” tanging naisagot ko dahil tumakbo na agad si Jozelle.
Tinanaw ko na lamang siya habang palayo saka muling ipinagpatuloy ang paglalakad. Napahinto naman ako nang biglang tumunog nag cellphone ko. Si nanay ang nagtext, sinabing may over time ulit sila, at saka nagsabi ng ilang mga bilin.
“Baka naman hindi ka magreply?” Napahinto ako sa paglalakad dahil sa boses na narinig ko. Napasilip ako sa gilid ng isang room dahil doon ko narinig ang pamilyar na boses. Nanlaki ang mga mata ko matapos makita si Jovann doon kasama ang isang babae at hawak pa niya ang kamay nito.
“Baka ikaw kamo ang hindi, balita ko madami kang nililigawan,” sagot naman nung babae na halatang nagpapacute. Isang matamis na ngiti lang ang binigay ni Jovann ngunit halos mamilipit na yung babae. Hindi ko tuloy naiwasang mapataas ang kilay dahil sa kakirihan nilang dalawa.
“Wag kang nagpapaniwala sa tsismis, mahalaga mag uusap tayo mamaya ha,” matamis ang ngiting wika ni Jovann habang malagkit ang titig sa mata ng babae.
Pakiramdam ko ay masusuka ko sa mga landian nila kayat nagmadali na akong humakbang palayo ngunit sa kamalasan ay natapakan ko ang isang plastic bottle kayat gumawa iyon ng ingay. Nang lumingon ako ay nagtama ang mga mata namin ni Jovann. Patay nakita niya ko, baka isipin sinasadya kong makinig sa kanila.
Mabilis akong humakbang palayo upang makaalis na. Hindi na ako muling lumingon dahil nakakahiya, baka komprontahin pa ako ng lokong iyon hindi naman ako interesado sa lovelife nya.
“Ay tipaklong!” Sa gulat ay nawika ko nang bigla na lamang may umakbay sa akin. Napahinto tuloy ako sa paglalakad at nang lingunin ko ay gayong nalang ang panlalaki ng mata ko dahil si Jovann na nakangiti ngunit nakataas ang kilay ang siyang nakita ko.
“Anong ginagawa mo?” kunwari ay pagalit kong tanong saka pilit inalis nag kamay niya ngunit sa laki niya ay hindi ko nagawang tanggalin. Napatuloy kami sa paglalakad habang sinusubukan paring tanggalin ang kamay niya ngunit pamisan ay tumitigil ako dahil nakakapagod.
“Kanina ka pa don?” tanong niya kayat saglit ko siyang sinulyapan bago huminto sa paglalakad at saka siya kinurot mula sa kanyang braso upang mabitawan niya ako.
“Arayyy, grabe ka naman,” nasasaktang wika niya na nginisihan ko lang.
“Hindi ko sinasadya na makita at marinig kayo, sadyang masyado lang malakas iyang bibig mo kayat dinig na dinig ang pakikipaglandian mo,” pag uuna ko na sa kanya dahil baka saan pa mauwe ang pag usap namin.
“Grabe naman sa landian,” natatawang sabi nito habang panay ang haplos sa kamay niyang kinurot ko. Nakaramdaman naman ako kaunting konsensya nang makita ang pamumula ng balat niya dahil sa may kaputian ang lokong ito bakat na bakat ang kurot na ginawa ko.
“At ano ba ang tawag sa ginagawa mo? Ilang babae na ang nililigawan mo, sino ba talaga sa kanila?” nakapamewang kong tanong sa kanya na may kasama na ring pagsesermon. Muli ay ngumiti lang siya at talagang walang balak magseryoso.
“Wala naman akong nililigawan—
“So flirt lang lahat yun?” pagputol ko sa sinasabi niya. Isang ngiti at tango ang kanyang sinagot habang nagkakamot ng ulo. Nagpatuloy siya sa paghakbang at iniwan ako. Agad akong sumunod sa kanya at pinigil siya sa paglalakad.
“Hoy Jovann, payong kaibigan ha. Magtino kana, hindi tama yang ginagawa mo, ang dami mo nang nasasaktan. Masaya kabang nakakapag paiyak ka ng mga babae?”
“Relax ka lang Zaina, hindi ko naman sila pinapaiyak, hindi ko na kasalanan kung mga iyakin ang mga yon. Dapat kase kapag tapos na tanggapin na lang, ganon talaga ang buhay walang permanente sa mundo,” wika niya na saglit kong kinatahimik. Bigla ay naisip ko ang sarili ko, dapat tanggapin kung tapos na, dahil walang permanente sa mundo, so ibig sabihin nakatandaha talagang magkahiwalay kami at matapos ang lahat?
“Bahala ka, baka lang kase dumating ang araw na pagsisihan mo ang lahat ng ito dahil hinahabol kana ng karma,” wika ko habang nakatingin sa kanya.
Muli ay ngumiti siya at umakbay sa akin.
“Wag kana mag alala, magpapakatino rin naman ako when the right girl came,”wika niya kayat napataas ang kilay ko habang nakatingin sa kanya, seryoso siya at walang kangiti ngiti.
“Actually she came, but she’s not mine yet,” dagdag pa niya saka sumilay ang isang ngiti. Hindi ko maintindihan kung anong klaseng ngiti iyon, hindi ko masigurado kung malungkot o masaya ba, tila magkahalong emosyon na hindi niya nais ipaalam.
“Ewan ko sayo, bitawan mo na nga—
Natigil ako sa sasabihin ko sana pati sa pag aalis ng kamay niya nang masalubong namin si Ricky. Nakatingin ito sa amin, tulad namin ay nakahinti rin ito sa paglalakad at nakamasid sa aming dalawa.
Naramdaman ko ang unti unting pag aayos ng kamay ni Jovann mula sa balikat ko nang hindi nagpapahalata. Tahimik kaming nagpatuloy sa paglalakad saka nilagpasan si Ricky.