X

2313 Words
CHAPTER TEN MERONG matataas na bakod na kawayan na nakapalibot sa malaking gulayan para hindi madaling napapasok ng mga baboy-ramo. Pero merong ilan talaga sa kanila na matigas ang bungo at makulit dahil sinisira mismo ang bakod para makapasok sila sa gulayan at manira ng mga pananim. “`Oy, ano `yan?” Nakita kong nanlalaki ang mga mata ni Carson habang nakaturo sa mga baboy-ramo hindi kalayuan at may ginagawa na namang kabulastugan sa bakod. “Hindi ka pa nakakakita ng baboy-ramo sa totoong buhay?” gulat na tanong ko sa kanya. “Bakit? `Di naman ako nakatira sa bundok, ah?” “Umakyat ka sa bakod, dali,” utos ko sa kanya at humugot ng isang palaso sa lalagyan nakasukbit sa balikat ko. “Pa’no ka?” “Akyat na,” may diing ulit ko. Nagmamadaling sumampa naman si Carson sa bakod at kumapit nang husto sa kawayan. Inasinta ko nang mabuti ang isang baboy-ramo saka pinakawalan ang palaso. Nataranta ang mga baboy-ramo at tumakbo sila palayo sa bakod. Nakabaon pa sa tagiliran ng isa ang palaso ko. Mabilis akong umakyat sa bakod at nagpahabol ng isa pang palaso. Tinamaan ko sa pwet ang isa. Akala ko, magmimintis na ako. Napaigtad pa ako nang ipalibot ni Carson ang braso niya sa beywang ko. “Hindi ako mahuhulog,” sabi ko sa kanya. “Amasona ka talaga,” sabi niya. Bahagya pang nanlaki ang mga mata niya. “Sa’n mo natutunan`yon?” “Sa apong ko. Gano’n siya kagaling. At lahat ng alam niya, itinuturo niya sa `kin,” proud ko namang sagot. “Wow.” Napabuga pa siya ng hangin. “Ibang klase talaga ang asawa ko. Pa-kiss nga.” Napahawak ako sa kawayan nang gawaran niya ng mariing halik ang mga labi ko. “Nawiwili ka na,” kunwari ay pakli ko sa kanya. “Gano’n talaga,” pilyong sagot niya. Nauna na siyang bumaba ang bakod at iniabot ang kamay niya sa akin. Tinanggap ko ang kamay at inalalayan niya akong bumaba. “Ano pa ang kaya mong gawin?” tanong niya sa `kin. “Puro ka kalokohan.” Pumasok na kami sa loob ng gulayan. “Ano ang gusto mong ulam mamayang tanghalian?” “Petsay ng asawa ko.” Akmang hahambalusin ko siya ng pana nang mabilis siyang nakatakbo sa kabilang panig ng taniman. Nasa taniman kami ng mga sili. “Hindi bastos `yon, ha!” reklamo niya habang tawang-tawa. Nagsalubong ang mga kilay ko. Natutuwa talaga ang asungot na `to kapag inaasar niya ako. “Pero kapag ikaw ang nagsasabi, ang sagwa ng dating!” “Ano bang masama sa petsay na luto ng asawa ko?” Napamaywang pa siya. Pinipilit niyang sumeryoso pero hindi niya magawa. “Petsay lang ng asawa ko ang kakainin ko. I don’t want any other petsay. Tanungin mo pa si Jun-jun.” Humugot ako ng isang palaso. “Sabihin mo kay Jun-jun, sila ng palaso ko ang mag-usap.” Tinakpan ni Carson ng mga kamay niya ang pagitan ng mga hita niya. Pagkakataon ko naman ngayon na pagtawanan siya. “Huwag si Jun-jun. Gagawa pa tayo ng malaki at masayang pamilya, eh.” Napatigil naman ako sa sinabi niya. Gagawa pa raw kami ng malaki at masayang pamilya. Posible naman kaya ang sinasabi niya? Parang ginogoyo lang naman niya `ko. Gusto ko lang naman ng anak o mga anak. Maghihiwalay din naman kami, eventually. Tama, pinapaasa lang ako ng kolokoy na `to. Napabuntong-hiningang napailing ako at ibinalik na ang palaso sa lalagyan nito. “Puro ka kasi kalokohan diyan. Halika na rito, `di na `ko galit.” Sumuot naman si Carson sa mga tanim na sili papunta sa akin. Nakangisi na siya na parang bata. “Petsay naman talaga ang paborito kong gulay,” sabi pa niya. “Oo na, petsay is life na.” CARSON stayed for three days more. Halos lahat ng lutong alam ni Nanang ay iniluto niya para kay Carson. Wala naman akong narinig kay Carson na nabo-bore na siya. Hindi siya nawawalan ng magandang sasabihin tungkol sa Bianon at kapag nag-retire na raw siya ay dito niya gugustuhing tumira. We didn’t make love whenever we have the time. We made time to make love. Mukhang magkapareho lang kami ng kagustuhan na mabuntis agad ako. So far, wala namang nadagdag sa kasunduan namin noong unang gabi namin bilang mag-asawa. Hindi ko lang inaasahan na makakaramdam ako ng confusion. Gustong-gusto ko kapag nagiging clingy siya. Gusto ko kapag hinahalikan niya ako nang walang dahilan, madalas hindi pa siya nagpapaalam. Halatang hindi siya sanay pero kitang-kita kong sinusubukan niyang maging maasikaso sa `kin kahit ako naman ang dapat na gumagawa n’on bilang asawa niya. Higit sa lahat, gustong-gusto ko kapag inaangkin niya ako. I feel so cherished, desired, and adored. Nagkakaroon na ba kami ng emotional connection? Dapat bang maalarma ako? Normal lang ba iyon o dapat kong pigilan ang sarili ko? Umpisa pa lang, malinaw na sa amin na hindi magtatagal ang marriage namin. We’ll just get what we want and then we’re good. At habang naglalakad kami ngayong hapon papunta sa sundo niyang chopper ay wala halos kaming imikan. Lalo akong nalilito. Hindi pa man umaalis si Carson pero nami-miss ko na siya at natutukso na rin akong tanungin siya kung kailan siya babalik dito. Pero pinaalalahanan ko na naman ang sarili ko na hindi nga pala magbabago ang lifestyle naming dalawa dahil lang sa mag-asawa na kami. Bahala siyang magpaka-workaholic doon sa opisina niya habang ako naman ay magandang teacher sa mga estudyante ko. At kung may balak man si Carson na dalawin ako rito, siya lang ang nakakaalam. Besides, hindi naman siguro niya ako mami-miss. Siguradong makakakuha siya ng babaeng sasamahan siya sa lahat ng trip niya doon sa siyudad. At napapaisip na rin ako ngayon ng mga bagay na hindi naman dapat. “Aalis na `ko, wala ka man lang bang sasabihin?” pagbasag ni Carson sa katahimikan na ipinagpasalamat ko. “A-ano bang sasabihin ko?” Napakagat-labi ko. Actually, gusto ko talagang sabihing, “Ingat ka. Saka ipaalam mo sa `kin kung nakauwi ka nang safe sa inyo.” “Wow! Ang sweet din pala ng asawa kong amasona.” Nasapo ni Carson ang dibdib niya na parang tinamaan siya doon. “Yes, Misis. I will.” Kinindatan pa niya ako. Napatikhim ako at kunwari ay inirapan siya para itago ang pag-init ng mukha ko. “Huwag kang masyadong assuming diyan. S-si Nanang talaga ang nagbilin n’on. S-saka si Nanay. Kaya mag-text ka sa `kin kapag nakauwi ka na sa inyo. Kalimutan mo na lahat, huwag lang `yon!” Totoo naman kasi iyon. Alam siguro nina Nanang na wala akong lakas ng loob na sabihin iyon ni Carson kaya sila na lang ang nagpaalala. “Oo na, oo na.” Inayos na ni Carson ang pagkakasukbit ng backpack niya. “Kakalimutan ko na lahat, huwag lang ang asawa ko!” Pabiro ko siyang sinuntok sa balikat. Ikinulong naman niya ang mukha ko sa mga palad niya at ginawaran ako ng mariing halik sa mga labi. I parted my lips and let him explored my mouth. Hindi na rin masamang pamamaalam. Kaya kung sino man ang piloto ng chopper na susundo sa asawa ko, siya ang mag-adjust. Bitin pa nga ako nang matapos ang halik. Pabiro ko siyang itinulak sa direksiyon ng chopper at kinawayan. Hindi pa nakontento si Carson at nagpahabol pa ng malutong na halik sa noo ko. Kumakaway siya habang tinatakbo ang chopper. Natawa na lang ako sa kanya. Hindi pa muna ako umalis hanggang sa hindi umaandar muli ang chopper at umaangat iyon sa ere. Kakaiba ang katahimikan ng bahay at ng kwarto ko nang makabalik ako. Ito naman ang nakasanayan ko pero ngayon, parang hindi na ako sanay. To think na ilang araw pa lang kaming nagkakasama ni Carson. Nahiga na lang ako sa kama hanggang sa nakatulog ako. GINISING lang ako ni Nanay nang papalubog na ang araw para magpatulong sa pagluluto ng hapunan. Agad kong tiningnan ang cellphone ko at baka merong text galing kay Carson. Three missed calls! At meron din siyang ipinadalang messages. Nakauwi na ang mister mo, Misis. Safe naman. =) Masaya ka na ba? Hindi na ba ako mapapagalitan? Wala bang reply diyan? =( Napakamot na lang ako sa ulo habang papunta ako sa kusina. Plano ko namang abangan ang pag-text o ang pagtawag niya pero hindi ko naman inaasahan na makakatulog ako! Baka ano na ang isipin ni Carson sa akin. Imbes na tulungan si Nanay ay naupo ako at nag-type ng reply sa kanya. Mabuti naman at safe kang nakauwi. Nakatulog ako kaya hindi ako naka-reply. Okay na siguro `to. Hindi sweet ang dating. Tama. Ayoko naman kasing isipin niya na feel na feel ko ang pagiging asawa niya. Saka masaya na rin ako na malamang safe siyang nakauwi. At hindi ko inaasahan na tatawag agad si Carson. Hindi ko alam kung bakit bigla na lang akong nataranta. Napatikhim pa ako bago sinagot ang tawag. Nakita ko pang nginitian ako ni Nanay habang nagbabalat siya ng carrots. Siguradong may ideya siya. “H-hello,” nautal pang tugon ko. “Hi! Buti ka pa nakatulog. Sinubukan kong matulog kanina no’ng hindi ka nag-reply kaso nanibago ako.” “Bakit naman?” Kung alam lang niyang nanibago rin ako. “Parang hindi na ako nasanay na hindi ka katabi.” Napaubo ako nang wala sa oras. Seryoso ba siya? Nararamdaman din niya ang nararamdaman ko? Nasapo ko ang pisngi ko. Bakit kailangang sabihin niya `yon? “Okay ka lang?” tanong pa niya. “O-oo,” napatikhim na sagot ko. “Naubo lang ako. Pero tigil-tigilan mo `ko sa mga paganyan-ganyan mo.” I heard him chuckle. “Nakita mo na ang wedding pictures natin?” pag-iiba niya. Napatigil ako. Speaking of wedding pictures, hindi sila pumasok sa isip ko nitong mga nakaraang araw. Dahil kaya wala na `kong ibang naisip nitong mga huling araw dahil magkasama naman kami ni Carson? Pero na-excite naman ako sa ideyang `yon. “Sina Nanay yata, nakita na nila ang mga pictures no’ng kasal.” Si Calla lang naman ang official photographer noong kasal at `yong mga katribo ko ay cellphone camera lang ang gamit. Sa mga katribo ko nagpapasa ng pictures si Nanay. Nginitian naman ako ni Nanay. “I-upload mo kaya `yon, `Nak?” sabi pa niya. Kunwari ay umingos ako. “Pero hindi mo pa siguro nakikita ang mga kuha ni Calla,” narinig kong sabi ni Carson. “Anong name mo sa Messenger? Ise-send ko sa`yo ang mga kuha.” “Kailangan pa ba? Search mo na lang ang Mary Cris Tuazon tapos `yong profile picture kaming tatlo nina Nanay at Nanang habang nakasuot ako ng toga,” sagot ko. “Bakit hindi mo pa pinapalitan ang pangalan mo? I-edit mo `yang pangalan mo at ilagay mo ang apelyido ko.” Napamaang ako sa sinabi niya. Hindi rin demanding ang tono ni Carson sa lagay na `to. Napakamot tuloy ako sa kilay ko. “Papalitan ko mamaya. Nawala lang sa isip ko nitong mga nakaraang araw. Saka hindi ko rin kasi masyadong nagagamit ang Messenger ko.” “Oh, okay.” I can only imagine him beaming. “Ise-send ko na ngayon.” “Sige. Mamaya na lang ulit. Tutulungan ko pa si Nanay na magluto ng hapunan.” “Ano’ng ulam n’yo?” Hindi ko alam pero parang gusto kong matawa sa kanya. “Chopsuey,” sagot ko naman. “Naiinggit ako.” Grabe siya! NAPAILING na lang ako matapos kong dugtungan ng ‘Florencio’ ang apelyido ko. Paano ba ako napasunod ng Carson na `yon? Pati pangalan ko sa Messenger, kailangan pang mag-adjust. Binuksan ko sa laptop ko sa sala para makita ko nang mas maayos ang mga picture na ipinadala niya sa akin. Nakitingin din sina Nanay at Nanang. Manghang-mangha sila sa mga kuha ni Calla. Para raw professional ang dating. “Bagay na bagay talaga kayo ni Carson, `Nak. Tingnan mo ang mga tingin niya sa`yo. Buti `di ka natunaw no’ng araw ng kasal n’yo,” tukso sa akin ni Nanay. Natawa naman ako. “`Nay, bago ako matunaw sa mga titig niya, magiging abo muna siya sa mga titig ko.” Nag-scroll down pa ako hanggang sa huling picture na ipinadala sa akin ni Carson. `Yong selfie namin kasama ng mga estudyante ko. Iyon ang picture na pinakamatagal kong tingnan. Hindi ko alam pero kakaiba ang dating n’on sa puso ko. “Ano, anak? I-upload mo na `yan.” “Parang ayoko, `Nay. Baka pagpiyestahan lang `tong mga picture namin ni Carson. Mabuti na `yong tayo-tayo lang ang nakakakita. Saka kilala ang pamilya nila, `di ba?” sabi ko. “Tama, tama,” sang-ayon naman ni Nanang. “`Yong mga taon ngayon, gustong-gusto nilang nakikita ng ibang tao ang mga nangyayari sa buhay nila para magyabang kaya `yong sincerity nila, nawawala na. Ingatan mo `tong mga litrato n’yo ni Carson.” Napangiti naman ako sa sinabi ni Nanang at humilig sa balikat niya. “Kami na lang ni Nanang ang maghahanda ng hapunan. Kausapin mo si Carson. Baka nami-miss ka na niyan.” Natawa na lang ako habang naghahagikhikan naman sila habang papunta ng kusina. Kinuha ko naman ang cellphone ko at tinawagan si Carson. “Salamat. Tuwang-tuwa sina Nanay at Nanang.” “Walang ano man! So, ano ang plano mo sa pictures?” “Wala. Itatago ko lang. Hindi ko ibabalandra sa social media `to. Ayokong mawala ang essence ng moment.” “Ang sweet naman n’on,” he teases. “Tse,” pakli ko. “Sige na. Kakain na kami. Kumain ka na rin diyan.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD