CHAPTER ELEVEN
BUMALIK na rin ako sa pagtuturo nang sumunod na araw. Okay lang naman sa principal kung sulitin ko ang leave ko pero kapag wala naman akong ginagawa, naiisip ko lang si Carson. Mas mabuti na `yong meron akong pinagkakaabalahan para hindi ako mabato. Lokong Carson `yon. Wala sa usapan namin na magpapa-miss siya sa `kin.
“Teacher Cris!” bati sa akin ni Teacher Mai nang magkasalubong kami sa corridor. Magkatabi lang ang classroom namin. “Good morning.”
“Good morning, Teacher Mai,” tugon ko.
“Hindi pa kita nakikitang ganyan ka-blooming. Ang aliwalas ng aura mo today. Nakaka-good vibes,” tukso niya sa akin.
“Hindi ko alam kung sasama ang loob ko dahil ngayon mo lang napansin `yan,” pasakalye ko naman.
“Nasa’n na si Mr. Florencio?”
“Bumalik na sa kanila. Marami kasi siyang naiwang trabaho do’n.”
“So pa’no `yan? Hindi kayo nakatira sa isang bahay? Okay lang sa kanya `yon?”
Si Teacher Mai talaga. Ang daming alam itanong.
“Nagkasundo na kami. Okay lang naman ang ganitong set up.”
“For sure, nami-miss ka na n’on,” tukso pa niya sa akin. Nagulat ako nang sikuhin pa niya ako. “Sige, dito na ang classroom ko. Kita tayo mamayang lunch.”
“Sige, Teacher Mai.”
Napabuntong-hininga na lang ako. Simple lang naman ang usapan namin ni Carson at nagkasundo naman kami kaagad pero pakiramdam ko, parang may mali. Oo na, aaminin ko na. Medyo nami-miss ko nga siya.
“Si Teacher Cris!” narinig kong sigaw ng mga estudayante ko pagkapasok na pagkapasok ko pa lang ng classroom. Halatang hindi nila inaasahan na babalik na ako sa pagiging adviser nila. “Good morning, Miss Tuazon!” masigla pa nilang bati sa akin.
“Hello!” Inilapag ko ang laptop at lesson plan pagkalapit ko sa mesa ko. “Good morning! Na-miss ko kayo, ha. Pero, class...” Kumuha ako ng chalk at nagsulat sa black board. Isinulat ko doon ang mga salitang ‘Mrs. Florencio’. “Hindi na `ko ‘Miss’, ha. Ako pa rin si Teacher Cris n’yo pero dapat ‘Mrs. Florencio’ na ang itatawag n’yo sa `kin. May asawa na `ko, eh.”
“Ayieee!”
Nagulat ako sa pagbaha ng tuksuhan sa classroom.
“Si Teacher Cris, kinikilig!” tukso sa akin ni Nicole.
Napamaang ako pero sandali lang iyon dahil natawa na lang ako sa kalokohan nila.
“Bakit may alam na kayong mga ‘kilig-kilig’ diyan, ha? Wala akong naalalang tinuruan ko kayo niyan.”
“Ayieee!”
Nakagat ko na lang ang ibabang labi ko at napailing. Mga batang `to talaga!
ILANG araw ko na ring pinaaalalahanan ang sarili ko tungkol sa kasunduan namin ni Carson. Hindi ko alam kung ano ang ginagawa niya nitong mga nakaraang araw at kung gaano siya ka-busy. Ang alam ko lang, hindi ko siya pwedeng istorbohin dahil wala nga namang dapat magbago sa lifestyle namin kahit kasal na kami. Pero iniisip din kaya niya ako? Nilu-look forward din kaya niya ang makita ako uli? O baka nakalimutan na agad niya na meron siyang magandang babaeng pinakasalan? Masarap ding magbuhat ng bangko paminsan-minsan.
“Cris, ano nang balita kay Carson? Kailan daw siya babalik dito?” tanong sa akin ni Nanang habang nagme-merienda ako ng binatog sa kusina. Si Nanay naman ay hindi pa nakakauwi dahil meron silang meeting nina Apong at ng mga magsasaka sa gulayan.
“Hindi ko po alam, `Nang, eh.”
“Hindi ba kayo nagkakausap?”
Alanganin ang ngiting umiling ako. “H-hindi ho masyado, `Nang. Baka kasi busy rin siya. Alam n’yo naman pong malaking kompanya ang mina-manage niya. Ayoko lang pong makaistorbo sa kanya.”
“Ano ka ba? Hindi ka makakaistorbo kasi asawa ka niya. Dapat kahit busy siya, kinukumusta mo pa rin siya. Pinapaalalahanan mo dapat siyang kumain sa tamang oras at huwag magpupuyat. Kasi lalong hindi siya makakapagtrabaho kung magkakasakit siya,” litanya sa akin ni Nanang.
Tumango-tango naman ako.
“Kailangang maramdaman ng asawa mo na nag-aalala ka para sa kanya at mahalaga siya sa`yo,” dagdag pa niya.
“Ang dami naman n’on, `Nang,” pabirong reklamo ko.
“Siguradong nami-miss na n’ong kumain ng binatog.”
Napangiti na lang ako. Sa tingin ko rin. Sayang. Willing pa naman akong mag-share ng binatog kay Carson kung nandito lang siya. Ikinain ko na lang ang pagka-miss ko sa kanya.
“Naririnig mo `yon?” biglang kalabit sa akin ni Nanang.
“Ang ano po?” takang tanong ko pero agad din akong natigilan nang marinig ko ang pamilyar na tunog ng chopper. Papalakas nang papalakas iyon habang papalapit nang papalapit. Kumabog ang dibdib ko at nabuhayan ako ng loob. Posible kaya?
“Si Carson na `yon!” tuwang-tuwang bulalas ni Nanang. “Ano pang hinihintay mo? Salubungin mo na ang asawa mo!”
Gustuhin ko mang mataranta ay pinili kong kalmahin ang sarili ko.
“Eh, `N-Nang, pa’no kung hindi?” nag-aalangang sabi ko.
“Si Carson `yon, maniwala ka sa `kin.”
“Nag-text ho siya sa inyo?”
“Magmadali ka na!”
Tumayo ako pero bago pa man ako lumabas ng bahay ay humigop muna ako ng binatog. Hindi pa ako nakakapagpalit ng uniform ko. Hindi ko masabi kung ano ba talaga ang nararamdaman ko ngayon. Kung si Carson `yon, bakit hindi man lang siya nagpasabi? Pero pa’no kung tauhan lang nila?
Tama. Magpapalusot na lang ako ng kunwari naghahanap ako ng signal sa cellphone ko. Pero bakit ayaw kumalma ng puso ko? Nakita kong nakababa na ang chopper hindi pa man ako tuluyang nakakalapit.
Paano kung hindi pala si Carson? Mag-a-about face na lang siguro ako saka magmamartsa pabalik ng bahay na parang walang ano mang nangyari. But I stop on my tracks nang makita ko ang lalaking tumalon mula sa chopper na may dalang malaking backpack. I held my breath. Muling umangat sa ere ang chopper hanggang sa mawala na ito sa kalangitan.
Hindi ko alam kung bakit kailangan kong kilabutan habang nakikita ko si Carson na papalapit sa akin. Masyado ba akong na-overwhelm? Aaminin ko na bang hindi ‘medyo’ lang ang pagka-miss ko sa kanya?
Habang papalapit siya sa akin, meron akong bagay na napansin na parang hindi ko maipaliwanag. It is as if... it is as if I’m seeing him in a different way, in a different level. Naguguluhan na ako sa sarili ko. Normal ba `to?
“Hi.” Nakangiting napasuklay si Carson sa buhok niyang... umikli.
Ah! Kaya siguro naisip kong nakikita ko siya sa ibang paraan. Dahil nagpagupit siya!
“Plano kong i-surprise ka pero okay na rin `yong sinalubong mo `ko.”
“Surprise daw, o,” kunwari ay napaismid na pakli ko. “Paano ako masu-surprise? Ang ingay-ingay ng chopper mo.”
“Ah.” Natawa siya. “Sana pala sa laruang chopper na lang ako sumakay.”
Napatakip ako sa bibig ko. “Ang corny, ha,” pigil ang tawang sabi ko.
“Ang benta kaya ng joke ko.”
Pinagmasdan ko uli ang mukha ni Carson. Ang linis tingnan ng gupit niya. Nakakapanibago pero napatunayan kong may iaaliwalas pa pala ang mukha niya.
“`Yan ba ang uniform mo?” tanong pa niya nang hagurin ang kabuuan ko. “Alam mo bang nag-alangan ako dati na pakasalan ka? Akala ko talaga, menor de edad ka pa lang.”
Pinagkrus ko ang mga braso ko sa tapat ng dibdib ko at tinaasan siya ng kilay.
“I’m turning twenty-five. Ikaw naman, mukha kang abusador ng mga menor de edad.”
“Grabe naman `yon,” reklamo niya. “I’m just thirty.”
Pagkakataon ko na naman sana para pagtawanan siya pero basta na lang niya akong hinapit sa baywang at siniil ng halik ang mga labi ko. Gosh, na-miss ko nang husto ang mga halik niya.
“Teka lang,” napatikhim na itinulak ko siya sa dibdib. “H-huwag dito. Nagpi-PDA tayo tapos naka-uniform pa `ko, o,” pagalit ko pang sabi.
“Sarap. Lasang binatog,” pilyo pang sabi niya at inakbayan ako.
“Nagluto si Nanang, pang-merienda.”
“Halika ka na, kung gano’n! Baka lumamig na ang binatog.”
“MAGANDANG hapon po!” masiglang bati ni Carson pagkapasok na pagkapasok namin sa bahay. Agad namang napatakbo sina Nanay at Nanang mula sa kusina para salubungin kami. Tuwang-tuwa silang dalawa na makita siya. Talo pa nila ang nakakita ng artista.
“Carson, hijo, isa `tong sorpresa!” si Nanay.
“Sabi ko na, eh. Ikaw `yong sakay ng chopper!” sabi naman ni Nanang.
“Kumusta ho kayo, `Nay, `Nang? Pasensiya na kung ngayon lang ako nakabalik. Ang daming trabahong sumalubong sa `kin sa opisina.” Nagmano si Carson sa kanila.
Napapangiti na lang ako. Parang komportableng-komportable na nga si Carson sa pamilya ko.
“Sabi ko na nga ba’t mami-miss mo ang asawa mo. Nagluto ako ng binatog, alam kong gustong-gusto mo `yon.”
“Na-miss ko talaga siya nang sobra.”
Pasimple ko naman siyang kinurot sa tagiliran.
“Dito na lang kayo sa sala kumain. Magluluto na kami ni Nanang ng panghapunan.”
Nagpasalamat pa si Carson kina Nanay. Niyaya ko naman siya sa sala.
“Bakit nga pala nagpagupit? Anong nakain mo?” tanong ko sa kanya nang maupo na kami.
“Lately kasi, nasasabunutan ko ang sarili ko dahil sa stress. Masakit kaya nagpagupit na lang ako.”
“Bagay naman,” napalabing sabi ko.
“Alam kong sasabihin mo `yan.” Carson wiggles his eyebrows. “By the way...” Kinuha niya ang backpack niya. “Noong isang araw ko pa pinag-iisipan kung ano ang ipapasalubong ko sa`yo kapag bumalik ako rito pero nai-stress lang ako.”
Natawa naman ako.
“Halos naman lahat ng kailangan at gusto mo, nandito na. Tapos may nadaanan akong lolang nagbebenta habang pauwi ako. Binili ko na para makauwi na siya sa mga apo niya.” Meron siyang inilabas sa bag niya. Dalawang pack ng butterscotch at dalawang box ng brownies. “Sa susunod, tatanungin na lang kita kung ano ba ang gusto mo.”
Napalunok ako nang tanggapin ko ang pasalubong niya para sa akin. Binili ni Carson ang mga `to sa isang lola para raw makauwi na ito. Hindi ko akalaing may ginintuang puso rin pala ang asawa kong gwapo pero sira-ulo. Parang may kumurot sa puso ko. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko.
“Nagustuhan mo ba?”
Itinakip ko ang mga iyon sa bibig ko para subukang itago ang mga ngiti ko.
“Paborito ko `tong mga `to. Salamat. Nag-abala ka pa. Nasabunutan mo tuloy ang sarili mo.” Hinalikan ko siya sa pisngi. “Salamat talaga.”
Akmang hahalikan na naman ako ni Carson sa mga labi pero bigla akong lumayo sa kanya nang makita kong padating si Nanay.
“Heto, kumain kayo nang marami.” Inilapag ni Nanay sa mesa ang malaking bowl ng binatog, isang mangkok at dalawang kutsara.
“My favorite!” bulalas ni Carson.
“`Nay, o. Pasalubong ni Carson.” Ipinakita ko kay Nanay ang pasalubong ng asawa ko.
“Wow, spoiled sa asawa, ah,” tukso naman ni Nanay. “Amin na lang ni Nanang ang butterscotch. Favorite namin `yan.”
Ibinigay ko naman sa kanya ang isang pack ng butterscotch.
“Salamat, hijo. Sige, kain lang kayo diyan.”
“Ibig sabihin ba niyan, hindi ka na busy ngayon?” tanong ko sa kanya. Ipinaglagay ko siya ng binatog sa mangkok.
“Busy pa rin. Tumakas lang ako sa trabaho dahil baka mabaliw na `ko.”
At ako ang naisipan niyang puntahan sa pagtakas niya sa trabaho. Parang gustong tumalon ng puso ko mula sa ribcage ko. Kahit puro siya kalokohan, nami-miss ko sa kanya `yon.
“Binatog lang ang katapat niyan,” sabi ko naman sa kanya.
“At ikaw.”
Sinundot ko naman ng daliri ko ang pisngi niya. Loko-loko talaga. Akala naman niya, maniniwala ako sa kanya.
“Kain na kasi.”