IPINARADA ni Alessandra ang kanyang sasakyan sa parking lot ng Jimmy’s. Isa iyong kilalang restaurant. Naroon ang susunod niyang misyon, kumakain. Pinatay niya ang makina ng kanyang sasakyan, pagkuwa’y saglit na sinilip ang sarili sa rearview mirror. Napangiwi si Alessandra nang makita niya na may maliit na hiwa sa itaas ng kanyang kanang kilay. Iyon at ang kaliwa’t-kanang tama sa kanyang katawan ang natamo niya sa pakikipag-boxing kay Shadow. Na hindi sana mangyayari kung naka-focus siya. Pero distracted nga siya kaya ngayon ay nananakit ang katawan niya sa lakas ng suntok ni Shadow. Ah, babawian niya ito sa susunod. Kabababa lang niya sa sasakyan ng walang ano-ano ay tila hangin na sumagitsit sa tabi niya ang isang motorsiklo sakay ang lalaking laman ng kanyang isipan.

