NANGANGAPAL ang labi dahil sa maigting na pagpawi ng uhaw at naghahabol ng hininga na hindi makapaniwala si Alessandra sa nangyari. Hinayaan niyang bumaba ang depensa niya at tuluyan na siyang nagpatangay sa tukso na isinisingaw ng kanyang katawan. Sino ba naman ang makakapagtimpi sa panunuksong ginawa ni William sa kanya?
Ano na ngayon ang susunod mong gagawin, Alessandra? Mariin siyang pumikit. Hindi niya alam ang gagawin. Hindi niya alam kung paano lulusutan ang sitwasyong iyon.
Pagkatapos malagyan uli ng sapat na hangin ang kanilang mga baga, muling inangkin ni ang kanyang labi sa isang mainit na halik. At muli ay tumugon siya. At napagtanto niya na marahil ay alam niya ang sagot sa tanong niya. Ano ang susunod? Ngayong natikman na niya ang tamis ng labi ni William at nadama ang init ng katawan nito, pakiramdam ni Alessandra ay hindi pa niya kayang huminto at bumalik sa reyalidad ng buhay niya, tila mas gusto pa niyang magpatuloy sa paglalakbay na iyon. Gusto pa niyang maglunoy sa dagat ng kaluwalhatian na hatid ng labi ni William. Para siyang nakatikim ng pambihirang pagkain at hindi pa siya handang pakawalan iyon.
Lumalim ang halik at patuloy na tinatangay ang dalaga. Pakiramdam niya ay lumilipad siya. Her skin was tingling with overwhelming sensation. At hindi siya makapaniwala sa tamis at ligayang hatid ng labi at palad ng binata. Ang pakiramdam na iyon ay bago lahat. Napakaganda niyon, napakasarap. Ang kakulangan ng hangin sa kanilang mga baga ang muling nagpahiwalay sa kanila.
“My God! I swear I can do this for the rest of our lives and still can’t get enough of you,” humihingal na wika ni William. Kinabig siya nito at ikinulong sa mga bisig nito. Hindi alam ng dalaga kung dapat ba niyang iyakap din ang mga braso niya sa binata o hindi. Pero naririnig niya ang malakas na pagtambol ng puso ng binata. Kakatwa na tila sumasabay iyon sa malakas din na pagtibok ng puso niya.
Maya-maya pa ay kumawala na ang dalaga sa bisig ni William. Hinuli naman ng binata ang palad niya. “Alessandra…?” Ang boses nito ay ang pinakamasuyo na narinig niya. Nang hindi siya tumingin rito ay hinawakan nito ang baba niya gamit ang libreng palad nito at sinalubong ang kanyang paningin. “Will you be my girlfriend?”
Girlfriend. Paano ba maging girlfriend? Wala siya ni katiting na ideya. Ang lahat ng lalaking naugnay sa kanya noon ay pulos dahil lamang sa pisikal na ugnayan. Walang labis, walang kulang. Tinatanong siya ni William para maging girlfriend nito. Wala pang lalaking nagtanong sa kanya niyon. At sa totoo lang, nauga niyon ang ngayon ay mabuway na niyang depensa. Hindi niya alam kung bakit gusto niyang mag-iwas ng paningin. Hindi niya alam kung bakit tila mas lalong hindi normal ang t***k ng puso niya. Magkahalong pananabik at nerbiyos ang nararamdaman niya. Hindi niya alam kung bakit nararamdaman niya ang mga iyon.
“Alessandra, will you be my girlfriend?” pag-ulit ni William. “Huwag kang matakot. Sumubok ka sa akin.” Tumingin si Alessandra sa kailaliman ng mga mata nito at nakita niya na handang magmakaawa si William kung kinakailangan.
Ah, baka kapag napunan na ang pagnanasa niya para sa binata, baka mawala na sa sistema niya ito. Iyon lang naman iyon, hindi ba? Pinagnanasaan lang naman niya ito. “No-strings-attach kind of relationship. Iyon ang gusto ko,” aniya.
Bumuka ang labi ni Willian sa pagkagulat. “Ano?” halos hindi nagkatunog ang tanong na iyon.
Humakbang si Alessandra ng dalawa palayo sa binata. Nagtaas siya ng kanyang noo. Sa labi niya ay gumuhit ang isang nanunuyang ngiti. “Oh, come on, William, mukha kang gulat na gulat. Alam mo kung ano ang tinutukoy ko. I am sure as hell na kaliwa’t-kanan mong nilaro ang no-strings-attach kind of relationship,” matapang niyang saad nang maalala ang sinabi sa kanya ni Shadow tungkol sa mga babaeng nadikit rito. “Pareho nating alam na malakas ang pisikal na atraksiyon sa pagitan natin. Gusto mo ako. At, oo, tama ka, gusto rin kita. Iyon lang naman ang meron sa atin, hindi ba?”
Tumiim ang bagang ng binata at animo hindi makapaniwalang naririnig nito ang mga salitang iyon mula sa kanya. Well, hindi siya nito kilala. Hindi nito alam ang mga bagay na kaya niyang gawin. “Iyon nga lang ba iyon, Alessandra? We just wanted to f**k each other?”
“Meron pa bang iba?” Pinagsalikop niya ang mga braso sa tapat ng kanyang dibdib, hinahamon ang binata.
“Commitment,” agad na tugon ni William na iminuwestra pa ang isang kamay. Marahas nitong hinaplos ang panga nito. Pagkatapos ay mariin itong namaywang. Bakas pa rin ang iritasyon at pagkadismaya.
Nagkibit-balikat si Alessandra. “Commitment? Not my cup of tea.”
“Damn you!” Gumalaw ang kalamnan sa pisngi ni William. He looks so upset. Kulang na lang ay hawakan nito ang magkabila niyang balikat at yugyugin siya.
Ngumisi siya. “Nakakagulat ba talagang marinig iyon mula sa akin? Sinabi ko na sa ‘yo na hindi mo ako kilala. I am a lot of things, William. Kasama na roon ang pagiging magaling sa kama.” Nag-isang linya ang mga kilay ni William na sinagot lang niya ng ngisi. “O baka naman, nasaling ko ang ego mo dahil ako ang nagbigay ng ganoong termino: no strings attach. Marahil ay sanay na sanay ka na ikaw ang nagbibigay ng ganoong kondisyon kaya ngayong ikaw ang sinasabihan…oh well—”
“Be my girlfriend. Be exclusively mine!” mariing wika ng binata. Tila maglalabas na ng apoy ang mga mata nito. Pagkuwa’y huminga ito ng malalim na para bang pinapayapa ang sarili. Nang muling magsalita ay kalmado na ang boses nito. “Subukan nating magkaroon ng normal na relasyon. At kapag dumating ang oras na sasabihin mong ayaw mo na then…then…” Tila nahihirapan ang binata na sabihin ang nais nitong sabihin.
“Kapag sinabi kung ayaw ko na, pakakawalan mo ako?” pagsalo niya. “Magiging matapat ako sa ‘yo sa isang bagay, William. Pinagnanasaan kita. So kapag napunan na ang pagnanasa ko sa ‘yo—kapag nagsawa na ako sa ‘yo, pakakawalan mo ba ako?”
Tiningnan siya sa mata ni William. Sa kung anong dahilan ay gusto niyang mag-iwas ng paningin dahil tila naaapektuhan siya sa lungkot na nababanaag niya sa mga mata ni William. Pero hindi siya nag-iwas ng paningin dahil dumarami na ang kahinaang ipinapakita niya sa binata. Hindi na niya iyon gustong dagdagan pa.
“Ha, William? Pakakawalan mo ba ako?”
“Oo. Pero sisiguruhin kong hindi darating ang oras na sasabihin mong ayaw mo na. Gagawin ko ang lahat para hindi ka umayaw,” buong-determinasyon na tugon ng binata maya-maya. “Para hindi ka magsawa,” tila naiinsultong dagdag pa nito. Marahil ay ngayon lamang ito nakaengkuwento ng babaeng tulad niya.
Hindi, William. Darating iyon. Nakatakdang dumating ang sandaling iyon. “Tingnan natin,” sabi na lang niya. Kapagkuwan, sa isang kisap ng mata ay nagbago ang isip ng dalaga. “Nagbago na ang isip ko. Bibigyan ko lamang ng isang buwan ang relasyong sinasabi mo. Hindi, hindi. Sa palagay ko ay ayos na ang dalawang linggo.” Kailangang kontrolado niya ang lahat ng iyon. Kailangang matatag ang mga baraha niya dahil ang namamagitan sa kanila ni William ay isang sugal na ipapanalo niya.
“You are impossible!” bulalas ng binata. Gusto niyang matawa sa magkahalong gulat at galit na nakarehistro sa guwapong mukha nito.
“Dalawang linggo. Iyon lamang. Tamang-tama dahil semestral break na simula bukas. Susunggaban mo ba o magkalimutan na lang t—”
Sa isang tiyak at mabilis na kilos ay nahapit siya ng binata. Pumaloob at sumabunot ang isang palad nito sa kanyang buhok habang ang isa ay mariing pumulupot sa kanyang baiwang. Pagkatapos ay isang marahas at nagpaparusang halik ang iginawad nito sa kanya. Hindi, hindi siya kayang takutin ni William sa pagiging marahas nito. Kung alam lang ng binata kung paanong mas nakadadagdag sa excitement niya ang kagaspangang ipinamamalas nito.
Pinakawalan din naman agad siya ni William. Pagkatapos ay walang lingong iniwan siya nito roon. Napakurap si Alessandra. William had just walked out on her. Sakit ba iyong nararamdaman niya sa tila pagkurot sa puso niya?
“H-hindi. Wala na akong kakayahang makaramdam ng sakit,” bulong niya. And yet, hindi siya makahinga sa tila pagsikip na iyon ng dibdib niya.
DAMN this lady and her guts, nagngingitngit pa rin na bulalas ni William nang makita niya si Alessandra na patungo na sa kotse nito. Uwian na niyon. Sa sobrang sama ng mood niya ay nag-walk out siya sa dalaga at hindi na sumipot sa klase.
Hindi pa rin makapaniwala ang binata sa nangyari. Oh, for goodness sake, sanay siya sa ganoong ugali ng mga babae, lalo na sa Hollywood. Lagi na ay pabor sa kanya ang ganoon. Malaya siyang nagagawa ang mga gusto niya. Kabaligtaran sa sinabi niya kanina, komplikasyon lang ang hatid ng commitment. Lagi na ay tungkol lamang sa s*x, great s*x. Pero mahal nga niya si Alessandra. At bigla, bigla ay gusto niyang magkaroon sila ng isang magandang kuwento ng pag-ibig na may magandang wakas. Bumalik ang pag-asa niya, ang pangangarap, ang tiwala…mga bagay na nawala noong matuklasan niya na siya ay produkto ng isang kataksilan. Hindi niya mapigilan ang pananariwa ng alaala noong araw na iyon…
Marahas na inihilamos ni William ang kanyang mga palad sa kanyang mukha. Pasalampak ang pagkakaupo niya sa sofa. Nasa isang mall siya kanina para ibili ng regalo kanyang mommy. Sa susunod na linggo pa ang kaarawan nito. Pinili niyang bumili na ngayon ng regalo dahil examination week na sa susunod na linggo. At kapag may pagsusulit ay abala siya sa pag-aaral at wala siyang panahong lumabas. Nabili naman niya ang regalo. Pauwi na siya nang maisipan niyang pasalubungan ng pagkain ang kanyang ina mula sa paborito nitong Italian restaurant. Pumunta siya sa nasabing restaurant…para lamang mabigla sa kanyang nakita.
Narinig ni William ang tunog ng kotse ng kanyang mommy. William gritted his teeth. Inihanda niya ang kanyang sarili sa komprontasyong nakatakdang maganap. Hinintay niya ang pagpasok ng ina sa pinto. “Nakita kita,” agad na wika ni William nang bumukas ang pintuan, nakayuko siya. Walang mababanaag na ano man sa kanyang tinig bagama’t nagngingitngit ang kanyang kalooban.
“Wil?” Bumaha ang liwanag sa kabuuan ng sala. Narinig ng binatilyo ang pagsara ng pinto. “Honey—” Nag-angat siya ng mukha. Ang kanyang titig ang pumigil sa sasabihin sana ng kanyang mommy. “Honey, what’s wrong?”
“Nakita kita, Mom! Nakita kita na kasama ang lalaking iyon. You were kissing. Hindi mahirap sabihin kung ano ang namamagitan sa inyo.” Tigagal ang kanyang ina. Namutla ito at tila hayup na nasukol ng ilaw ng sasakyan. “Gusto mong malaman ang reaksiyon ko? Una, nabigla ako kasi wala akong alam na karelasyon ninyo habang lumalaki ako. You said you love my father so much na hindi mo siya kayang palitan diyan sa puso mo. Ang pangalawa kong reaksiyon ay: ‘Okay, so nagmamahal uli ang mommy ko. Okay lang. Matagal nang dapat. Baka hindi pa niya alam kung kailan sasabihin sa akin. Baka humahanap pa siya ng tamang tiyempo. Maghihintay ako. Masaya siya kaya masaya na rin ako para sa kanya.’” Tumayo siya at namulsa. “Handa na akong umalis sa restaurant nang marinig ko ang isang diner. Sabi niya, ‘That’s Governor del Tuazon of La Union, right? Tama pala ang tsismis tungkol sa mistress niya.’” Lumunok si William. Pilit niyang pinipigil ang pagsabog ng kanyang emosyon. Sa Pilipinas siya ipinanganak pero sa US lumaki. Fourteen years old siya nang bumalik sila ng Pilipinas, ngayon ay Kinse na siya.
Ang kanyang ina ay dahan-dahang naupo sa isang settee. Maputla ito at nanginginig. “W-Wil…”
“Sabihin mo, mali sila, ‘di ba, Mom? You’re not a mistress, right?” umaasang tanong niya. Nagsaliksik na siya sa internet at napag-alaman niya na pamilyadong tao si Governor del Tuazon. At ang nakita niyang klase ng halikan sa restaurant ay hindi gagawin ng dalawang tao na magkaibigan lang. “Sabihin n’yo sa akin ang totoo! May relasyon ba kayo ng lalaking iyon?!” Umiyak ang kanyang ina. At para kay William ang aktuwasyon ng kanyang ina ay isang kumpirmasyon. Kumpirmasyon na may relasyon nga ito kay Governor del Tuazon na isang pamilyadong tao. “Mom!” sigaw ni William. Nanginig ang katawan niya. Gusto niyang kamuhian ang ina dahil roon. “May pamilya siya, Mom! At marami kang manliligaw! Nandiyan si Tito Claro, si Phillip, si Roland, si—the list is endless! Bakit pamilyadong tao pa, Mom? Bakit?”
“H-Hindi ko siya maalis sa puso ko, William. I'm sorry! What can I do? I love him so much. Sinubukan ko na lumayo pero hindi ko kaya dahil siya lang ang hinahanap ng puso ko.”
“Sinabi mo rin iyan para sa ama ko!” ganti niya. Hindi talaga niya alam kung sino ang ama niya. Ang sabi ng ina niya ay dalagang ina raw ito at hindi pinanagutan ng kanyang ama. Gusto rin naman niyang makilala kung sino ang ama niya kaya tinatanong niya ang kanyang mommy. Pero hindi ito sumasagot ng direkta, ni hindi nagbibigay ng pangalan. “Palagi mong sinasabi sa akin na nag-iisa ang ama ko diyan sa puso mo at walang sino man ang makakapalit sa puwesto niya.”
Impit na tumango ang mommy niya. “N-nag-iisa lang ang ama mo sa puso ko, Wil. Nag-iisa lang…” Malakas na humagulhol ito.
“Kung ganoon—” Bumuka ang labi ni William nang tila tadyakan siya ng isang reyalisasyon. “N-no…” Marahas na umiling siya. “N—o!” Ayon sa pagsasaliksik niya ay twenty years old na ang panganay ni Governor del Tuazon. Ipinanganak ito isang taon pagkatapos ikasal ang mag-asa. Siya ay edad kinse lamang ngayon. Kung ganoon, ang kanyang ina talaga ay… “No, no, no…”
“I—I'm sorry…N-noong ipinanganak kita, pinilit kong magbagong-buhay. Pinili kong lumayo kaya nanirahan tayo sa US. Pero hindi ko kaya, William.” Pinahid nito ang mga luha at pinalaya ang mga hikbi. “A-araw-araw, bawat oras, hinahanap ko siya. N-ni hindi ko alam kung papaano lumipas ang labing-apat na taon. Noong hindi ko na kayang magtiis, bumalik tayo rito at—”
“Liar! Liar!” hiyaw niya bago nagmamadaling umalis.
William snorted. Yeah, siya ay bastardo ng isang pulitiko. Ang kanyang ina ay isang kabit! Isang bagay na hindi niya matanggap kaya nagrebelde siya at naging tarantado noong kabataan niya. At ang mas masakit? Hindi niya naramdaman na mahal siya ng ama niya. Mabibilang pa sa mga daliri niya sa kamay ang mga pagkakataong kinakausap siya nito. Lalo niya itong kinamuhian dahil roon. Alam mo na pala ang totoo. Ako ang ama mo, William. At ayokong gumawa ka ng mga bagay na ikasisira ng pangalan ko… Iyon ang unang sinabi nito sa kanya. How cruel and insensitive can he get? Ni hindi man lang siya kinumusta, niyakap, o ano. Ni hindi manlang nito sinabi na: Babawi ako sa ‘yo. Ipakikilala kita bilang anak ko. Mga bagay na sa kaibuturan ng kanyang puso ay gusto niyang marinig mula rito. Kaya anong ginawa niya? Sinuntok niya ito sa mukha na ikinabasag ng buto nito sa ilong. Tawa lang niya noong mabalitaan niya na ilang beses itong nagpaopera para lang maisaayos ang ilong nito.
Malungkot na umiling si William. Isang kabit ang kanyang ina at namatay itong ganoon. Maraming pagkakataon na pinupuntahan siya ng mga anak ng gobernador para lang kutyain at paratangan ang kanyang ina. Oh, well, ang lahat ng tumarantado sa kanya ay nakatikim ng kanyang kamao. Mas ikinalulungkot lang niya ang mga masasakit na salita na ibinato sa kanyang ina.