Hindi na lumingon si Eve habang naglalakad palayo sa bahay ng mga Castillo. Habang papalayo siya nang papalayo, napagtanto niya na sadyang malayo pala talaga ang agwat ng estado ng buhay nila ni Nick. Iniisip niya na maaring tama nga si Lerma at Lindy na isa siyang ambisyosa na gustong abutin ang langit. Galit siya pero hindi niya alam kung kanino siya nagagalit. Sa sarili ba niya dahil hindi nito napigilan ang kanyang baliw na puso? Sa mga magulang ba niya na iniwan siyang mag-isa sa mundo at naghirap? Kay Nick ba na hindi siya nakuhang pinaglaban o sa mga matapobreng magulang pamilya nito? Ang mga kamay niya ay nakakuyom, pilit na pinipigil ang pangangatog ng kanyang buong katawan. Pilit niyang iniinda ang kirot sa kanyang puso, ngunit hindi niya matakasan ang katotohanang sa isang iglap, nawala ang lahat ng pangarap niyang makasama si Nick.
Hindi niya alintana ang ingay ng paligid, maging ang mga matang sumusunod sa kanya tila nag-uusyoso. Wala siyang pakialam sa kanila. Gusto niyang isigaw ang lahat ng hinanakit niya, ngunit kahit ang boses niya ay tila nawala na rin sa tindi ng sama ng loob. Habang naglalakad siya, panay pahid niya rin sa mga luha ng kanyang mga mata dahil halos hindi siya makakakita sa dami ng mga ito.
Nang makarating siya sa kanto, isang pamilyar na boses ang pumigil sa kanyang paglakad.
"Eve?"
Napalingon siya at nakita si Jen, na may dalang mga aklat. Siguradong galing ito sa eskwela. Kita sa mukha nito ang pagkalto at pag-aalala
"Jen..." mahina niyang tawag bago siya tuluyang humagulgol na parang batang gustong mag-sumbong at makakuha ng simpatiya sa magulang.
Agad siyang sinalo ng kaibigan, mahigpit siyang niyakap at pilit na balansehen ang katawan dahil sa bigat ng katawan ni Eve. Para kasing naubusan ito ng lakas at unti-unting bumabagsak. "Anong nangyari? Bakit ka umiiyak?" nag-aalalang tanong nito kay Eve habang hinahaplos ang likod nito.
Hindi agad nakasagot si Eve. Humahagugol pa rin ito at mahigpit na yumayakap kay Jen. Hinayaan lamang ito na Jen. Nang makahinga ng kaunti, bumaling ito kay Jen at saka sinabing, "W-wala na kami ni Nick, Jen..." madamdamin niyang bulong. "A-alam na nila ang tungkol sa amin at hindi ako pinaglaban ni Nick." Pilit nitong tinapos ang linya kahit pa apektado ang pananalita dahil sa kanyang paghikbi.
Mas humigpit ang yakap ni Jen. Hindi na siya nagtanong pa. Hinayaan nitong humagulhol siya, hinayaang ibuhos niya ang sakit na hindi niya kayang itago.
Maya-maya, marahang inangat ni Jen ang mukha ni Eve. "Saan ka ngayon pupunta? May matutuluyan ka ba?"
Umiling siya, pinahid ang mga luha ngunit patuloy itong bumabagsak. "Wala... Hindi ko alam kung saan ako pupunta."
Hinawakan siya ni Jen sa kamay. "Tara, hahanap tayo."
"'Wag ka na sumama baka hanapin ka nila. Baka ikaw naman mapagalita."
Hinawakan ni Jen ang magkabilang balikat niya at saka tumingin sa kaniya at pinahid ang mga luha niya.
"Huwag mo akong alalahin. Kaya ko ang sarili ko. Hindi kita pwedeng pabayaan na lang ng walang matutulugan ngayong gabi." Pagkarining niyon ay naiyak na naman si Eve.
"Shhh. Tahan na. Kailangan mo ng lakas para lumaban. Mas mabuti pa umalis na tayo at maghanap ng paupahan." Naging masurin naman si Eve at tango lang ang tugon nito sa kaibigan.
Nagmamadali silang naglakad, sinuyod ang mga lugar kung saan may mga nagpapaupa ng kwarto. Ngunit sa bawat pintong kanilang kinakatok pare-pareho ang sagot na natatanggap nila—walang ng bakante o kung hinid may ay masyadong mahal ang upa.
Sa isang bahay na pinuntahan nila, sinuyod ng tingin si Eve ng may-ari mula ulo hanggang paa bago mapait na ngumiti. "Pasensya na, hija. Hindi kita pwedeng patuluyin. May reputasyon akong inaalagaan."
Nagsalubong ang kilay ni Jen. "Ano pong ibig ninyong sabihin?"
Humalukipkip ang babae, hindi man lang ikinubli ang panghahamak sa kanyang tingin. "Alam ko ang kwento ng batang 'yan. Narinig ko kanina sa pamangkin ko na kaibigan ng bunsong anak ng mga Castillo. Kung napalayas siya sa poder ng mga Castillo, ibig sabihin may ginawa siyang hindi kanais-nais. Hindi ko ipagpapalit ang tahimik kong pamumuhay para lang sa gulo."
Napailing na lang si Eve sa narinig. Gusto niyang patulan ang babae dahil sa panghuhusga nito sa kaniya. Pero napagtanto niya na kahit pa sagutin niya ang babae wala din namang mangyayari. Hindi rin naman mababago ang tingin nito sa kaniya.
Hindi nakatiis si Jen. "Wala kang karapatang husgahan siya! Bakit, alam mo ba ang buong kwento?" sigaw nito, pero hindi na niya hinintay ang sagot ng babae. "Tara na, Eve. Wala naman kwenta ang bahay na 'to!" Hinila niya si Jen palayo.
Pero kahit pa malayo na sila, nag-iwan pa rin ng hapdi sa puso ni Eve ang masakit at mapanghusgang mga salita ng babae.
Sa bawat lugar na kanilang pinuntahan, tila lumalabo ang pag-asa nilang makahanap ng matutuluyan. Ang ilan ay ayaw sa mahirap. Ang iba ay hindi nagtitiwala sa dalagang wala ni anumang maipapakitang garantiyang makakabayad siya. Maging si Jen ay nagsimula nang mapagod, pero hindi ito sumuko.
"Isa pang lugar, Eve," anito, pilit na ginagawang matatag ang boses. "Subukan pa natin."
Sa dulo ng isang eskinita, narating nila ang isang lumang bahay sa may tabing-ilog. May bitak-bitak ang dingding, at tila ilang bagyo na ang dinaanan nito. Ngunit may nakapaskil na 'For Rent' sa bintana. Dahan-dahan silang lumapit at kumatok.
Maya-maya, bumukas ang pinto at lumabas ang isang may-edad na babae. Payat ito, may mga puting buhok na at nakasuot ng kupas na kamiseta. Tiningnan sila nito nang may pag-aalinlangan.
"Ano 'yon?" tanong nito sa kanila. Medyo malabo na paningin nito kaya pinilit inaayos ang salamin para makita sila nang maayos.
"Nakita po naman na may for rent dito. Naghahanap po kasi kami ng mauupahang kwarto. May nakakuha na po ba?" maingat na sabi ni Jen.
Tiningnan sila nang maigi ng may-edad. "Kayo lang ba?"
"Itong kaibigan ko lang po ang uupa. Sinamahan ko lang po siya," tugon ni Jen.
"Ako lang po ang uupa." Nanalangin si Eve na sana ay pumayag ang may-edad. Pinagmasdan uli siya ng may-edad na para bang iniisip kung dapat ba siyang pagkatiwalaan.
"Simple lang ang kwarto na maiaalok ko sayo, ineng. Mag-isa na lang ako kaya di mapagawa ang kwarto," sabi nito. "Sa likod ang bakanteng kwarto at may maliit lang na ilaw at papag. Okay lang ba sa'yo?"
Napakapit si Eve sa braso ni Jen, sabik sa pag-asa. "Kailan po ako pwedeng lumipat?"
"Ngayon na, kung gusto mo." Walang kagatol-gatol na wika nito. Napatalon si Eve at Jen sa tuwa at nagyakapan pa.
"Sandali lang po. Magkano po ang buwanan?" tanong ni Eve.
"Two hundred fifty kada buwan. Libre ang tubig at ilaw."
"Medyo mataas. Wala na po bang tawad doon?" wika ni Jen.
Sumingit agad si Eve baka magbago pa ang isip ng may-edad. "Pwede na 'to, Jen. Kukunin ko na po ito."
"Sige. Marami ka bang gamit?"
"Ay hindi po. Isang maleta lang ang gamit niya at kukunin ko pa mamaya at ihatid ko po dito," wika ni Jen. Oo. Hindi nakapagdala ng anumang gamit si Eve nang umalis ito sa pamamahay ng Castillo. Kaya nagboluntaryo na lang si Jen na siya ang kukuha ng mga gamit nito.
Hindi na napigilan ni Eve ang mapaiyak muli—ngunit sa pagkakataong ito, hindi na ito dahil sa sakit kundi sa kaunting liwanag na sumilip sa kanyang madilim na mundo.
Pinuntahan agad nila ang nasabing kwarto. Habang nakatayo at sinuyod ng buong kwarto, pinunasan niya ang kanyang mga mata at muling pumikit. Sa kanyang isipan, isang tanong ang bumabagabag sa kanya - 'Ito na ba ang simula ng buhay ko nang wala si Nick?'