13

1329 Words
“WALA KA bang girlfriend ngayon?” tanong sa kanya ni Jonas. Nasa silid sila nito at maliban sa luminis na silid, tila walang nabago doon. Tila nga hindi nagdaan ang labing-dalawang taon. Dama niyang good as ever ang samahan nilang magkaibigan. “Wala. Isang taon nang wala. Ikaw?” “Mayroon,” ngisi nito. “Hindi ko nga lang ipinapakilala sa kanila. Saka na, kapag talagang desidido na akong siya na ang pakakasalan ko.” “Hindi ka pa rin nagbabago,” naiiling na wika niya. “Palikero ka pa rin.” “At ikaw? Ano ka ngayon? Baka akala mo, hindi ko nakikita ang mga tingin mo sa kapatid ko? Gago ka, pare. Baka mamaya, komo nalaman mong nakipaghiwalay iyon sa boyfriend niya, papasok ka naman? Dadaan ka muna sa akin, Sandoval.” Sa halip na mairita, natawa na lang siya. “Ulol! Kung noon, hindi ako dumaan sa iyo, ngayon pa? Hindi na menor de edad si Shelby. Kung gusto ko siyang ligawan ngayon, kahit harangan mo ako ng sibat, hindi mo ako mapipigil.” Kumunot ang noo nito sa kanya. “Anak ng… May gusto ka nga talaga sa kapatid ko, ‘no?” Ngumiti siya. “Maganda si Shelby. Hindi na iyon nakakapagtaka.” “So, liligawan mo nga siya?” seryosong tanong nito. “No,” seryoso ding sagot niya. Lalo pang kumunot ang noo nito. “Hindi ko maintindihan. Kung gusto mo si Shelby, bakit hindi mo ligawan?” Natawa siya. “Ikaw ang hindi ko maintindihan. Sa tono mo kanina, mukhang papatayin mo ako pag ang kapatid mo ang liligawan ko. Tapos ngayon naman, mukhang itinutulak mo pa sa akin na ligawan si Shelby.” Napangiti si Jonas. “Alam mo, Marc, pagkatapos ng away natin noon, I mean, noong makalipas iyong graduation at hindi na kita nakikita, naisip ko lang na mali din naman ako sa mga sinabi ko. You were right. Kung sasamantalahin mo si Shelby, bakit nga ba hindi mo na lang siya basta tinangay? But then, sinundo mo siya at inihatid kay Mommy. At ipinagpaalam mo rin nang maayos. I’m sorry, pare.” “Kalimutan na natin iyon.” Napailing si Jonas. “Alam mo bang natuklasan ko dati, wala iyong picture mo sa yearbook natin noong high school? I’m sure, si Shelby ang may gawa niyon. Nakakahiya mang sabihin, mukha si Shelby ang patay na patay sa iyo. Hindi ba’t pinadalhan ka pa ng card?” “Kani-kanya lang tayo ng trip noong high school. Iba nga lang ang ginawang adventure ni Shelby,” aniya. “Ano ba ang ibig mong sabihin? This time, wala ka nang gusto kay Shelby?” “Hindi naman sa wala. Pero huwag kang mag-alala. Kung sa ngayon, hindi ko siya liligawan.” Tiyak na tiyak siya sa sarili niya sa salita niyang iyon. “Marcus, hindi naman sa ibinebenta ko sa iyo ang kapatid ko. Saka sabi mo nga hindi na isip-bata si Shelby. Ligawan mo man siya ngayon, kung hindi ka niya magugustuhan, wala akong magagawa. Pero ito, pare, totoo ito sa akin. Dahil mas kilala naman kita kaysa kay Rogel, kung ako ang masusunod, aba siyempre sa iyo ang boto ko.” Tinawanan na lang niya iyon. “Jonas, baka akala mo hindi ko pa nakakalimutang sinapak mo ako? Tapos ngayon sasabihin mo sa akin na boto ka sa akin?” “Siyempre, kuya ako kaya ganoon ang naging reaction ko. kilala din naman kita pagdating sa babae. Kahit na mas chick boy ako sa iyo, alam ko din namang palikero ka.” “Pero nag-good boy ako sa date namin ni Shelby noon.” “Kaya nga nag-sorry na ako ngayon, eh,” ngisi ni Jonas. MATAGAL nang tulog si Jonas sa tabi niya ay gising pa rin siya. Akala niya, basta ligalig lang ang mararamdaman niya ngayong nakita niyang muli si Shelby. Pero mukhang nag-triple pa iyon ngayong nalaman niyang hindi na ito magpapakasal kay Rogel. At bukod sa sitwasyong iyon ni Shelby, ang isa pa niya ang iniisip ay ang kontrata sa bahay na sana ay para dito at sa pakakasalan nito. Pero trabaho naman iyon. May budget na ibinigay sa kanya ang mama ni Rogel at wala namang order na itigil ang pagpapagawa niyon. Kahapon, nang malaman niyang si Shelby ang titira sa bahay na iyon ay hindi niya mawari ang sarili kung magiging inspired o hindi sa pagdidisenyo niyon. At ngayon naman na lumabo ang posibilidad na kay Shelby nga iyon mapunta, lalo nang hindi siya mapakali. Ang totoo, kauna-unahang kontrata niya ang bahay na iyon. Mas bihasa siya sa paggawa ng plano ng building. Hindi pa man niya alam ang involvement ni Shelby sa bahay na iyon ay tila hirap na siyang buuin iyon. Bilang arkitekto, ngayon lang niya natuklasan na iba pala ang pakiramdam na bahay ang dinedisenyo. Nagkaroon siya sa sense of attachment sa bahay na iyon. Tuminghas ang tainga niya nang makaramdam ng kaluskos sa kabilang silid—silid ni Shelby. Tila bumukas ang pinto doon. Bumangon siya at nagsuot ng pantalon. Nagtalo pa sandali ang isip niya kung magsusuot ng T-shirt ngunit nang makita niyang nakaitsa na sa isang sulok ang hinubad niya ay napailing na lang siya. Kinabig niya ang pinto at lumabas. TAHIMIK na nagtitimpla si Shelby ng gatas. Ginutom siya ng alanganing oras ay dahil tinatamad magsandok ng pagkain, idadaan na lamang niya sa pag-inom ng gatas ang gutom niya. Hinahalo niya ang likido ay hindi niya maiwasang mag-isip. Tila ganito rin ang eksena twelve years ago. Nagtimpla siya ng gatas at nang pabalik na siya sa kuwarto ay nasalubong niya si Marcus. Mangyari kaya uli iyon? Hindi niya naiwasang itanong sa sarili. Isinalalay niya sa platito ang baso ng gatas at nagdesisyong pumanhik na. Sa kuwarto na lang niya iyon iinumin tutal naman ay hindi pa siya makatulog. Pagpihit niya ay muntik na niyang mabitawan ang hawak na baso dahil sa gulat. Pababa ng hagdan si Marcus at nakatingin sa kanya. Pinili niyang maging kaswal ang pagngiti dito kahit na kagyat ang pagkailang na naramdaman niya. “I bet, nagugutom ka at idadaan mo lang sa gatas ang gutom mo? Just like the old times,” nakangiting lapit nito sa kanya. “Nag-aalala ka bang makabulahaw?” Napalunok siya. She felt a sense of déjà vu. “B-bakit gising ka pa? Akala ko, tulog na kayo ni Kuya. Tahimik na sa kuwarto ninyo, eh,” sa halip ay sabi niya. “Ang lakas maghilik ni Jonas, paano ako makakatulog?” pabirong tugon nito. Napatango na lang siya at humakbang na. “Sige, akyat na ako.” “Shelby,” tawag nito sa kanya na tila pumigil sa hakbang niya. “Bakit hindi ka pa kumain?” Then he smiled. “Alam mo, parang nangyari na ang ganito dati.” Napangiti na lang din siya. “Nangyari na nga.” He echoed a low laugh. “Di ulitin natin. Kung gusto mo, medyo baguhin natin.” Napatingin lang siya dito. Hindi niya alam mag-react sapagkat hindi naman niya ganap na naunawaan ang ibig sabihin nito. Kumindat lang sa kanya si Marcus. “Maupo ka na. Ako na ang bahala. Kahit naman matagal akong hindi napunta dito sa inyo, at-home pa rin ako dito.” Ininom pa rin niya ang gatas niya habang nakamasid lang sa kilos ni Marcus. Nagsandok ito ng kanin at iniinit ang bulalo. Nang maglagay ito ng placemat na labis pa sa pansarili niyang kailangan, naunawaan na niya ang ibig nitong sabihin. “This is the difference,” anito nang maglagay doon ng dalawang plato. “Dati, ikaw lang ang kumain. Ngayon ako din. Nagutom akong bigla, eh. Na-miss ko din itong luto ni Mommy Shelley.” Tumayo siya. “Tutulungan na kitang maghain.” “No. kayang-kaya ko ito. Upo ka lang diyan, princess.” Princess? Shelby almost repeat aloud. Pero mas natahimik siya. Iba ang kiliting dulot ng terminong ginamit ni Marcus. At pakiramdam niya, bumalik siya sa pagiging fifteen.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD