12

1177 Words
“WE’RE home!” malakas na tinig ni Jonas ang narinig nila. Excited na lumabas sila sa para salubungin ito. Nauuna na ang kanyang mommy. At mabuti na lang at nagpahuli siya. sapagkat kung gaano kabilis ang pagkilos niya para salubungin ito ay ganoon din kabilis ang tila pagkakapako ng kanyang mga paa sa flooring nang makita kung sino ang kasama nito. Si Marcus. Napatutop si Shelley sa dibdib nito sa labis na pagkagulat. At tila nakabawi lang matapos na halikan ito sa pisngi ni Jonas. Si Marcus ang hinarap nito. Sinapo nito ang magkabilang pisngi ng lalaki at saka hinalikan. “Anak ng kamote!” aliw na wika ni Jonas. “Ako ang anak ninyo, ah? Bakit mas mukhang na-miss ninyo si Marcus kaysa sa akin?” Nakatawang bumaling dito si Shelley. “Noong isang buwan lang ay nandito ka. Itong batang ito, mahigit sampung taon kong hindi nakita.” “Anong bata? Baka nga kamo nakagawa na iyan ng bata!” Mataas ang energy na sabi ni Jonas. Walang dudang masaya itong makasamang muli ang kaibigan. “Kumusta ba, hijo? Nag-asawa ka na ba?” tanong dito ng daddy nila. “Hindi pa ho. Binatang-binata pa rin ho.” At sumulyap ito sa kinatatayuan niya. Napangiti lang siya. Hindi niya gustong isipin na may kahulugan ang ginawa nitong pagsulyap sa kanya sapagkat tiyak na maliligalig lang siya. “Kaya naman pala bigla ko na lang naisipang mag-bulalo. Si Marcus pala ang espesyal na bisita.” Hindi nawawala ang tuwa sa anyo ni Shelley. “Tayo nang dumulog. Talagang kayo na lang ang hinihintay namin.” “Mommy, babae ang ine-expect nating iuuwi ni Kuya, di ba?” paalala niya at kumindat kay Jonas. “Masaya pa ako sa buhay ko,” depensa agad ni Jonas. “Huwag mo na akong piliting makipag-double wedding sa iyo.” Nagkatinginan sila ng ina. “Kain na muna tayo. Mamaya na tayo magkuwentuhan. At mayroon ding announcement si Shelby sa inyong mga lalaki.” “Mommy…” Maski paano ay nakadama siya ng pagkailang. Hindi niya inisip na makakasali si Marcus sa gagawin niyang anunsyo. “Baka naman ia-announce mo sa amin na buntis ka kaya mamamanhikan na iyon? Sasapakin ko iyon!” tipikal na kuya ang tono ni Jonas. “Hindi, ah!” mabilis naman niyang tanggi. Hindi niya alam kung bakit kailangan niyang mapasulyap muli kay Marcus nang sagutin niya ang tanong na iyon. At hindi rin niya maipaliwanag kung bakit hindi siya mapakali na nakatitig pala sa kanya si Marcus. “Mabuti naman. O, tara na sa mesa. Baka mag-sebo na ang bulalo,” aya ng daddy nila. “TINAWAGAN ako ng mokong na iyan kagabi, eh,” bida ni Jonas. “Gulat na gulat nga ako, eh. Sa sobrang pagkagulat ko, nakalimutan ko na magkagalit pala kami,” natatawa na naiiling na dagdag pa nito. “Ano ba naman kasi ang pinagkagalitan ninyo?” usisa ng mommy nila. Sandaling nagkatinginan ang dalawang lalaki. “Huwag ninyo nang itanong,” pakli ni Jonas at nakita niyang tumango ng pagsang-ayon si Marcus. “Basta mula ngayon, Mom, Dad, baka mapadalas na uli dito si Marcus. Alam ninyo naman iyan, gusto nang magpaampon sa pamilya natin kahit noon pa.” “Hanggang ngayon ba nasa abroad pa rin ang mommy mo?” tanong ng daddy nila. Nurse sa Middle East ang mommy nito at mula’t sapul yata ay bakasyon lang ang pamamalagi niyon sa Pilipinas. “Nasa Canada na si Mommy. Si Daddy, pinetisyon na niya kaya mas ulila na ako ngayon,” wika naman ni Marcus. “Iyong announcement mo, Shelby, ano ba iyon?” ani Jonas. Napatingin siya sa ina. “Mamaya na, kumakain pa tayo, eh.” Napatikhim ang daddy nila. “Nakakawalang-gana ba sa pagkain ang announcement, Shelby?” “H-hindi naman, Dad.” Napadali tuloy ang hapunan nila sapagkat nais na ng mga ito na malaman ang sasabihin niya. Kanina, palagay niya ay normal lang ang pakiramdam niya, pero ngayong naghihintay na sa kanya ang halos lahat, tila bigla siyang natensyon. At ayaw niyang isiping dahil sa presensya ni Marcus ang tensyong iyon. “Baka naman, Shelby, hihintayin mo pang lumamig ang kape bago ka magsalita?” tudyo ni Jonas. Kagaya ng nakagawian, after dinner ay kape ang nagsisilbing pinaka-dessert nila. “I think hindi naman bad news,” wika niya na kahit natetensyon ay nagdesisyon nang huwag nang magpa-suspense pa. “Kailangan ninyo lang malaman na hindi na mamamanhikan si Rogel bukas.” Bigla ang paghahari ng katahimikan. Ibinaba niya ang tingin sapagkat hindi niya gustong makita ang reaksyon ng mga kaharap niya. Tinig ni Jonas ang unang narinig niya. “Bakit, nagsawa na agad sa iyo ang lalaking iyon?” magaspang na wika nito. “Kuya, hindi. Ako ang umatras.” “Bakit?” tanong ng daddy niya sa tonong hindi niya alam kung nagagalit o natutuwa. Pinukol niya ng tingin ang ina na tila nagpapasaklolo. “Men,” talima naman ni Shelley. “Wala naman talagang problema. Kagabi pa kami nag-usap ni Shelby. She got cold feet, ganoon kasimple.” Napanganga siya. Bagaman sa simpleng pangungusap ay nabigyan paliwanag ng mommy niya ang katanungan ng mga ito ay parang kulang pa rin iyon. Pero sa daddy at kuya niya, tila sapat na ang sinabi ng mommy niya. Ewan nga lang niya kay Marcus. Dahil sa minsan pang pagsulyap niya dito, nakita niyang tila hindi pa kumbinsido ang binata. “Well, kung hindi ka naman naagrabyado ng lalaking iyon, wala talagang problema. Akala ko, makakabangas ako ng mukha ng lalaki, eh,” sabi ni Jonas. “Hanggang ngayon ba naman, Jonas, ganyan ka pa rin pagdating kay Shelby?” wika ni Marcus na hindi niya alam kung seryoso o nagbibiro lang. Tinitigan ito ni Jonas. “Kahit ano ang mangyari, kahit kelan, kuya pa rin ako ni Shelby. Kahit na mag-asawa na siya, kung aapihin lang iyan ng mapapangasawa niya, makakatikim sa akin ang lalaking iyon.” “Aw, Kuya! Sobrang hero ka naman sa akin,” idinaan niya sa biro ang pagka-touched niya sa sinabi nito. “Bueno, Shelby, naniniwala naman ako sa iyo na walang ibang problema sa hindi pagkakatuloy ng pamamanhikan nila dito. Ang gusto ko lang malaman, kung may relasyon pa ba kayo ni Rogel o wala na?” tanong ng daddy niya. “Para sa akin, wala na kami.” “Mahirap iyan,” sabad ni Marcus na ikinabigla niya. “Well, basta ba hindi ka guguluhin ni Rogel,” wika ng mommy niya. “Kung ayaw mo na, hindi ka talaga mapipilit.” “Maiba ako, Mommy. Since nandito ako, siyempre, ampon ninyo na rin pansamantala si Marcus. Dito na rin siya matutulog ngayong gabi. Saka bukas. The day after tomorrow, pagbalik ko sa Cebu, bahala na siya sa buhay niya. Ano, pare?” ngisi ni Jonas. “Walang kaso sa amin,” tugon ng mommy niya. “Marcus, always remember, welcome ka palagi dito. Kahit wala si Jonas dito, basta gusto mong pumunta, go ahead.” “Salamat po,” magalang namang tugon nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD