“SHELBY, bangon na,” gising sa kanya ng mommy niya. “Tulungan mo akong mag-prepare sa kusina. Tumawag ang kuya mo. Darating siya at mayroon daw kasama.”
Mas nagising siya sa excitement sa tinig ng kanyang mommy. Alam niya ang kahulugan niyon. Buhat nang tumuntong ng treinta ang kuya niya ay kinukulit na nila itong mag-asawa. Baka ang mapapangasawa na nito ang isasama nito.
“Wala yata sa schedule ang uwi ngayon ni Kuya?” aniya nang bumangon na.
“Ano bang wala? Talagang uuwi siya ngayon dahil ang alam niya ay mamamanhikan nga sa iyo sina Rogel. Baka inagahan lang ng isang araw ang uwi niya para medyo matagal din tayong magkasama-sama.”
Natigilan siya. “Alam na ba nina Daddy at Kuya na nakipagkalas na ako kay Rogel?”
Umiling ito. “Naisip kong mas dapat na ikaw na ang magsabi sa kanila. Tutal, tiyak namang magtatanong pa ang mga iyon at ikaw din naman ang magpapaliwanag. Saka tumawag si Rogel kanina. Gusto ka raw niyang makausap. Sabi ko lang, tulog ka pa. Baka gusto mong mag-usap muna kayo ni Rogel bago mo sabihin sa kanya ang pakikipagkalas mo. Baka mamaya, maayos din ang problema ninyo ni Rogel.”
Hindi na lang siya kumibo at tinungo na ang banyo. Nang lumabas siya, bisita na niya si Rogel at ang ina nito. She sighed. Hindi niya alam kung ano ang uunahing isipin. Pero dahil sa presensya ng mama ni Rogel, naisip niyang malabo na talagang magkabalikan pa sila ni Rogel. Paano naman siya magpapakasal sa isang taong hindi makahiwalay sa saya ng ina?
Nasa bulsa na niya pati ang certificate ng engagement ring nang humarap siya sa mga ito.
“Good morning, Shelby,” bati sa kanya ni Rogel, nasa anyo at tono ang pagkailang.
“Hija, mukhang may mahalaga kayong pag-uusapan ni Rogel. Doon na muna ako sa mommy mo. Mukhang may matututuhan ako sa recipe niyang ginagawa,” optimistikong wika naman ni Mrs. Madlang-hari.
“Hindi ko sinabi sa mama na mayroon tayong kaunting problema,” sabi ni Rogel pagkuwan.
“Hindi kaunting problema iyon, Rogel.” Dinukot niya sa bulsa ang singsing at kapirasong papel. “Isinosoli ko na iyan sa iyo.”
Bumadha ang pagtutol at pagkagulat sa mukha ng lalaki. “Shelby, baka nabibigla ka lang. Galit ka kagabi at hindi mo masyadong napag-isipan ang sinabi mo. B-baka naman pride lang ang umiiral sa iyo ngayon kaya gusto mong panindigan ang pakikipagkalas sa akin.”
Payak siyang napangiti. “Sigurado ako sa pasya ko, Rogel. Kagabi ay maaari ngang nabigla lang ako. Pero hindi na ako nabibigla ngayon. Napag-isipan ko na ang pasya ko at tama lang na huwag nang ituloy ang mga plano natin.”
“Shelby—”
“I’m sorry, Rogel. Huwag mong isipin na ang bahay o ang mama mo ang dahilan kung bakit tayo nauwi ngayon sa ganito. Iba ang dahilan.”
“Si Marcus?” nangibabaw ang selos sa tinig nito.
“No,” mabuway na sabi niya. “Please, Rogel. Huwag mo na akong pilitin pang sabihin sa iyo ang dahilan. Hindi ko gustong masaktan ka pang lalo.”
Naningkit ang mga mata nito. “At sa palagay mo ba, papayag akong basta ka lang makipagkalas sa akin? Sabihin mo na ang totoo, Shelby. Hindi naman kita titigilan hangga’t hindi ko nalalaman ang totoo.”
Napahugot siya ng hininga. “I… I realized na hindi pala ako handang magpakasal sa iyo, Rogel.”
Sa kabila ng galit sa ekspresyon nito ay nakita niya ang biglang paglungkot ng mga mata nito. Mayamaya ay napailing-iling ito. Pilit na isiniksik sa palad niya ang singsing at papel.
“Itago mo muna iyan, Shelby. Naniniwala akong maaayos pa natin ang problemang ito. Kung bigla kang kinabahan dahil mamamanhikan na kami, puwede naman nating huwag munang ituloy iyon. Saka na lang uli tayo magplano ng kasal.”
“Pero—”
“Shelby, please,” samo nito. “I love you. Huwag mong sabihin sa akin na hindi mo ako mahal. H-hayaan mo, mag-uusap kami ng mama. Tama nang nagpaumpisa siya sa atin ng pagpapagawa ng bahay na iyon. Tayo na lang ang magpatapos. And I will also make sure na hindi aabot sa pakikialam ang mga kabaitan sa atin ng mama ko.”
She sighed again. Bumuka ang kanyang mga labi para panindigan ang kanyang pasya pero inabot ni Rogel ang kamay niya at napalitan ang anyo ng buong pagmamakaawa.
“Please, Shelby. M-mag-cool off tayo kung gusto mo pero huwag kang makipagkalas sa akin. I… I will give you some space kung iyon ang magiging daan para mabuo uli itong relasyon natin. Hindi muna ako magpapakita sa iyo, kung gusto mo.”
Napipi siya. Alam niyang isang malaking sakripisyo sa panig ni Rogel ang tinurang iyon. Sa buong relasyon nila ay ito ang demanding, hangga’t possible ay gusto nitong araw-araw silang magkasama. Kaya naman tila ngayon pa lang siya maniniwala sa pagmamahal nito kung handa nitong isakripisyo ang ganoon.
“Huwag kang umasa, Rogel. Nang magdesisyon ako na ayaw ko nang magpakasal sa iyo, desisyon ko na rin iyon na tapusin ang relasyon natin.” Ibinalik niya dito ang singsing.
“Please, Shelby. Itago mo na lang ang singsing kung hindi mo gustong isuot. Hangga’t nasa iyo iyan, aasa ako na mag pag-asa pa ang relasyon natin.”
Napailing siya. Alam niyang sa anyo ni Rogel, hahaba na lamang ang usapan nila pero iyon pa rin ang ipipilit nito.
“A-ako na lang ang magpapaliwanag kay Mama na hindi na muna kami mamamanhikan bukas.”
KAHIT ang daddy niya ay nasa mukha ang pag-asam na mamamanhikan sa kanila si Rogel kinabukasan. Parang gusto na tuloy niyang ma-guilty. Ang mommy lang niya ang medyo distant nang kaunti ang pakikiharap sa mama ni Rogel sapagkat alam na nito ang tunay na score sa kanila ng lalaki.
“Bukas na tayo uli magkita, balae,” wika pa ni Mrs. Madlang-hari nang magpaalam sa kanila, wala ring kamalay-malay sa totoong estado ng relasyon nila ngayon ng anak nito.
Isang buntong-hininga ang ginawa ng daddy niya nang makalayo na ang sasakyan nina Rogel. “Mawawalan na talaga ako ng baby,” wika nito sa kanya, nasa tono ang magkahalong lungkot at tuwa. “Di, bale, hija. Basta bigyan mo na lang kami agad ng apo, ha?”
“Hay, naku, Daddy! Dapat ay si Kuya ang mas kulitin mo sa ganyan. Tutal, may kasama daw siyang uuwi dito. Kung mag-aasawa na siya, pauunahin ko siya.” Nakapagpasya na siya na mamaya na lang niya sasabihin dito ang totoo. Hihintayin niya si Jonas para isang paliwanag na lang ang gagawin niya.
“Tino-torture mo ang daddy mo,” pabulong na wika sa kanya ng mommy niya. Malapit na ang oras ng hapunan at mas lalo itong naging abala sa paghahanda ng mesa. “Tingnan mo nga at hindi mapakali. Kahit naman tanggap na namin na nasa edad na kayo para mag-asawa, siyempre, mas matimbang pa rin sa amin ang lungkot. We couldn’t help looking back at those times na naka-depende pa kayo sa amin. Lalo na sa iyo, talaga namang baby ka ng daddy mo.”
“Ibig sabihin, mas matutuwa pa si Daddy kung malalaman niya na hindi pala tuloy ang pamamanhikan nina Rogel?”
“Malamang. Magtataka iyon pero wala namang magiging problema sa kanya lalo at malalaman niya na ikaw ang umatras sa kasal ninyo. Siyempre, ibang usapan naman kung si Rogel ang umiwan sa iyo. Alam mo namang ayaw na ayaw ng daddy mo na nasasaktan ka.”
“Tawagan mo nga ang Kuya mo. Alas dos ang flight niya from Cebu, bakit wala pa? Pasado alas sais na, ah?”
Napangiti siya. “Baka ninenerbyos pa ang kasama niya. iniisip siguro na kakaliskisan natin.” Lahat naman sila sa bahay ay umaasang mapapangasawa na ni Jonas ang kasama nito.
“Alam ninyo namang hindi kami kumokontra sa mga pinipili ninyo para sa inyo. Basta ba mabuting tao at mahal ninyo ang isa’t isa, ano ang irereklamo namin? Teka nga pala, sasabihin mo ba sa kuya mo na nagkita kayo uli ni Marcus? Palagay ko ba’y nagkagalit ang dalawang iyon dati. Aba’y kambal-tuko ang mga iyon tapos bigla na lang hindi na nagpunta dito sa atin si Marcus. At hindi mo rin matanong nang maayos si Jonas kapag tungkol na sa kaibigan niyang iyon ang paksa.”
“Kinumusta siya sa akin ni Marcus, eh. Binigay ko naman iyong number niya. I’m sure, natawagan na ni Marcus si kuya. Mukhang na-miss din niya si Kuya, eh.”
“Kahit naman ako, na-miss ko ang batang iyon. Parang anak ko na rin iyon, ah? Ilang taon bang halos labas-masok siya dito sa bahay natin?”
Hindi na lang siya kumibo. Kung ganitong si Marcus ang paksa nila, baka mamaya ay madulas pa ang dila niya at kung ano pa ang masabi niya tungkol sa nakaraan nila ni Marcus.