“GOOD morning!” matamis ang ngiting bati sa kanya ni Marcus. Nakabihis na siya nang panlakad nang lumabas siya ng silid. Buong akala niya ay nakaalis na ito sapagkat alas nueve na.
“Good morning,” sagot niya. “Si Kuya?”
“Magaling na host ang kuya mo. Note na lang niya ang nakita ko. May tumawag daw sa kanya na prospective client. Kung mahihintay ko daw siya, hintayin ko na lang. Otherwise, magtawagan na lang kami.” Nagkibit ito ng balikat at alam niyang balewala lang naman dito ang ginawang iyon ni Jonas. “Saka isang gabi pa akong magiging ampon dito. Bukas pa ang balik niya s Cebu, di ba?”
“Yeah. Wala ka bang ibang lakad?”
“Well, ako ang amo ng sarili ko. Ikaw ang mukhang may lakad. Hindi ka ba mag-aalmusal muna? May pagkain sa mesa. Si Mommy Shelley, nasa palengke. Sa akin ka na ibinilin.”
Napatawa siya. “Alam mo, Marcus, member of the family ka nga. Nag-breakfast ka na? Sabayan mo na ako kung hindi pa.”
“Tapos na kami. Sumabay ako kay Daddy Joseph.”
Nilagpasan niya ito. She couldn’t contain the silly grin on her lips. At dahil alam niyang may pagkamakulit si Marcus, mas mabuti pang hindi na lang nito makita ang ngiti niyang iyon sapagkat tiyak na magtatanong pa ito.
She was in love! She was fifteen nang huli niyang maramdaman na tila mahipan lang siya ng hangin ay mapapabungisngis na siya. At iyon din ang mga panahon na makasilay lang siya kay Marcus ay parang inakyat na siya sa langit.
“Why are you smiling?” tanong sa kanya ni Marcus na talagang ikinagulat niya.
“W-wala!” sagot naman agad niya. “Ayaw mo ba talagang kumain? Tatanghod ka na lang sa akin?”
Natawa ito. “Para naman akong aso sa sinabi mo. Well, bukod kay Auring na busy sa paglalaba niya, tayong dalawa lang naman ang nandito. Di magkuwentuhan na lang tayo habang kumakain ka.”
“Para namang hindi pa sapat ang kuwentuhan natin kagabi—inabot na nga tayo nang madaling-araw. May song number pa nga tayo, di ba?”
“I missed you so much, princess.”
Hmm, princess again, pansin niya. “Tsk! Masama na yata iyan. Baka naman napanaginipan mo pa ako,” tudyo niya.
“Well, kung sasabihin kong oo, maniniwala ka ba?”
She laughed. Daig pa yata niya ang idinuduyan sa sarap ng pakiramdam. “Let’s say, gusto kong maniwala.”
“Good. Dahil totoo namang napanaginipan kita.”
“Ano ang panaginip mo, Marc?”
“Napanaginipan ko na fifteen ka lang at twenty-two naman ako.”
Bigla siyang natigilan. “A-ayaw ko yatang pag-usapan natin iyan.”
Tinitigan siya nito. “Ayaw mo nang maalala na crush mo ako dati?”
Lumabi siya. “Please. Bangungot iyon sa buhay ko.”
“Bangungot? Shelby, hindi mo maitatanggi na ako ang first date mo.”
“And so?” She didn’t like what they were talking about. Kagabi pa tila nauulit ang nakaraan. At sa usapan nila ngayon, mukha talagang babalikan nila ang nakaraan.
“At muntik mo pa akong maging first kiss.”
“H-hindi ikaw ang first kiss ko.” Damn, hindi ba puwedeng ibang paksa na lang ang pg-usapan nila?
“That’s okay. Puwede naman kahit hindi na first.”
Aw, s**t! “What do you mean by that, Marcus Sandoval?” may paghamon sa tinig niya.
“Well, kung natatandaan mo, sinabi ko sa iyo noon na pag eighteen ka na ay ibibigay ko sa iyo ang kiss na hinihiling mo. And you are twenty-seven now. That kiss is nine years overdue.”
“D-don’t tell me, gagawin mo nga?”
“Gusto mo bang gawin ko?” he asked back.
Tinapos niya ang almusal. “Ang aga-aga, naglolokohan tayo,” paiwas na sabi niya.
“Seryoso ako, Shel,” sunod sa kanya ni Marcus nang dalhin niya sa kusina ang pinagkainan niya.
“Hindi. Nagbibiro ka lang,” pilit naman niya.
“I’m not.”
“You are.”
Narinig niya ang isang paghinga ni Marcus. Akala niya ay iiwan na siya nito. Nang lumingon siya, bigla na lang nitong tinawid ang pagitan ng kanilang mga mukha.
“I’m not kidding, princess,” he said huskily. Ang mga labi ay milimetro lang ang layo sa mismong mga labi niya. Nararamdaman na rin niya ang mainit-init na buga ng hanging nagmula sa bibig nito.
“M-Marc…” she said. Kung ano ang dapat pa niyang sabihin ay hindi niya biglang maisip. Bumaba ang tingin niya sa mga labi nito. She closed her eyes. Inisip niyang sa susunod na segundo ay lalapat iyon sa sarili niyang mga labi.
“SAAN ba ang lakad mo?” tanong sa kanya ni Marcus na muling nagpadilat sa kanya. Hindi niya alam kung magagalit o ano. Shelby was so sure na halos ganito rin ang nangyari noon. Kung kailan inaasahan niyang hahalikan siya nito ay saka naman siya nadismaya.
“Sa kasal. Kakanta ako sa kasal ngayon.” Sinikap niyang maging kaswal ang tono. Marcus did a step backward. Ang kaunting distansyang naglayo sa kanila ay ikinalungkot niya.
“Anong oras ba ang kasal?”
“Alas onse. Sa reception lang naman ako kakanta. Pinsan yata nu’ng bride ang organista, kaya iyon na rin ang kakanta sa simbahan.”
“Magko-commute ka lang?”
“Yeah, taxi.”
“Ihahatid kita. Or kung gusto mo, sasamahan kita.”
“Bakit?” she asked.
“Gusto ko. Gusto kitang makasama.” At pagkuwa ay nginitian siya nito. “Mahilig ka pa rin ba sa ice cream hanggang ngayon? Kung hindi makakasama sa boses mo, di mag-ice cream tayo pagkatapos.”
“Wala ka bang pasok?”
“Amo ko ang sarili ko.”
“P-paano ang trabaho mo?” And when their eyes met again, parang nagkaintindihan sila na dumating na ang paksang iniiwasan nilang pag-usapan.
“Katatapos lang ng mga kontrata ko maliban doon sa La Vista. Puwede ko naman iyong hindi puntahan.”
“On-going pa rin ba ang pagpapagawa niyon?”
“Wala namang order na itigil ang pagbabaon ng haligi. Pagkatapos niyon, I have to contact Mrs. Madlang-hari. Hindi pa kami nagkakasundo kung payag na siya sa una kong ginawang plano. Baka mamaya, iba ang gusto niya.”
“O baka mamaya, gusto na niyang ipatigil ang pagpapagawa niyon,” agaw niya.
“Talaga bang wala na kayo ni Rogel?”
“Para sa akin, wala na kaming talaga. Huwag na lang natin siyang pag-usapan.” Sinulyapan niya ang oras. “Isa pa, kailangan ko nang umalis.”
“Sasama ako.” He said that in a flat tone at sandali siyang iniwan. Alam niya, sa tono nitong iyon, hindi kailangan ng pagpayag niya o pagtanggi. Nang bumalik ito, isang key ring ang nilalaro nito sa daliri. “Okay lang ba ang attire ko? Kung hindi mo ako puwedeng isama sa reception, okay lang din sa akin na maghintay sa sasakyan.”
He was wearing a sports shirt and slacks. Ngumiti lang siya. “Walang problema sa attire mo. Hindi naman formal theme ang wedding. Ako na ang bahala basta makakapasok ka sa reception. Makikita mo kung paano ako kumanta. May libre pa tayong food.”
Sabay silang natawa. “Iyan na rin ba ang suot mo?”
“No. Doon na lang ako magbibihis. Ang nasa isip ko kasi, magta-taxi lang ako.”
“Kung dito ka na magbihis agad? Hindi ka na magta-taxi ngayon.”
“Tama lang ito. Hindi ba, pupunta tayo sa ice cream house pagkatapos?” she grinned.
Tila pati mga mata nito ay nais humalakhak sa narinig. “Alam mo, Shelby, dahil hindi ka na fifteen ngayon, kahit hindi lang sa ice cream house tayo magpunta, game ako. Ngayon ka mag-aya at humirit, I’m game.”
Ipaalala ko kaya sa iyo ang kiss na nine years overdue? “For now, kailangan muna nating pumunta sa reception. Trabaho muna bago lakwatsa.”