8

1404 Words
ISANG buntong-hininga ang pinakawalan ni Shelby. Tapos na ang pelikulang nasa harapan niya pero hindi pa yata siya matatapos sa pagbabalik-tanaw. Hindi siya tuminag sa kinauupuan. Hinayaan niyang maunang magsilabas ang mga nanood. Ang gabing iyon ang huling pagkikita nila ni Marcus. Kung ano ang nangyari kay Marcus pagkatapos niyon ay hindi na siya nakabalita. Ang alam lang niya, nang linggo ring iyon ay umuwi sa kanila ang Kuya Jonas niya. Ayaw na raw nitong tumira sa flat dahil na-realize na hindi pa handang bumukod. Tuwang-tuwa naman ang mommy nila. Siyempre, kahit naman binata na si Jonas ay asikasong-asikaso pa ito ng kanilang ina. At ang isa pang katwiran ni Jonas, hindi ito nakakakain nang maayos sa flat dahil parehong hind matinong magluto ito at si Marcus. Gusto sana niyang itanong kung bakit hindi na napasyal si Marcus sa kanila. Bukod sa inaabangan niyang maulit ang date nila ay talagang nami-miss niya ang binata. Minsan ay nagtanong siya sa kuya niya kung nasaan si Marcus. “At bakit mo naman hinahanap ang impakto na iyon?” pagalit na tugon nito sa kanya. Nagulat siya sa naging reaksyon ng kapatid kaya kahit na gustong-gusto niyang malaman ang tungkol kay Marcus ay hindi na siya nagtanong pa. Hanggang sa maka-graduate ang mga ito ay hindi na niya nakita si Marcus. Kahit ang mga parents nila ang nagtanong dahil na-miss din ng mga ito ang binata ay paiwas ang sagot ni Jonas. Ang mommy nila ang nag-conclude na nag-away siguro ang dalawang lalaki. At kung tungkol saan iyon, hindi na nila nakuhang alamin sapagkat tunay na tikom ang bibig ni Jonas tungkol sa paksang iyon. “Ma’am, excuse me po. Magsasara na po itong sinehan,” lapit sa kanya ng isang janitor. Noon pa lamang siya tumayo. “S-sige. Salamat.” Alam niya, nagtataka ang tingin ipinukol sa kanya ng mga empleyadong nagsasara ng sinehan pero wala siyang pakialam. Diretso niyang tinungo ang exit ng mall. Nakasakay na siya sa jeep nang marinig ang tunog ng kanyang cell phone. “Shelby, nasaan ka na ba? Gabi na, ah? Nag-aalala na kami sa iyo,” sita ng mommy niya. “Pauwi na ako, ‘My.” “Sige, paaabangan na lang kita kay Auring sa kanto.” “Sus! Huwag na. May guard naman sa subdivision. Malapit na ako, mga fifteen minutes na lang.” “Basta, aabangan ka ni Auring,” patapos na wika ni Shelley. Napangiti na lang siya. Hanggang ngayon na matanda na siya ay protective pa rin ang mommy niya. PAGBABA pa lang ni Shelby ng jeep ay nakita na niyang nakaabang sa kanya ang katulong nila. At hindi lang iyon. Pagdating niya sa bahay, obvious na nakaabang din ang mommy niya. “Tsk! Ano ba ang problema, Shelby?” tanong na agad nito sa kanya. “Wala, ‘My,” tipid na sagot niya. “Ano ba ang ulam? Hindi pa ako nagdi-dinner, eh.” “Inabot ka ng closing sa mall nang hindi naghapunan?” Bakas ang disapproval sa tinig nito. “Auring, ihanda mo ang mesa at kakain si Shelby.” “Ako na lang,” aniya. “Sige na, Auring, mamahinga ka na.” Kasunod pa rin niya ang mommy niya nang magtungo siya sa kusina. Hindi ito nagsasalita pero alam niyang nakasunod ito ng tingin sa kanya. “Sige na, ‘My. Sabihin ninyo na ang gusto ninyong sabihin kahit kumakain ako,” aniya nang dumulog sa mesa. “Kumain ka na muna,” sa halip ay sabi nito. Tumaas nang kaunti ang kanyang kilay. “Alam ko naman ang sasabihin ninyo, eh. Si Rogel, di ba?” Tila malalim pa sa Pacific Ocean ang ginawang paghinga ng kanyang mommy. “Gusto kong isipin na may tampuhan lang kayo, Shelby. At hindi iyon ganoon kalalim para paniwalaan ko ang sinabi ni Rogel na umaatras ka na raw sa kasal ninyo.” “Well, sad to say. Tama ang sinabi ni Rogel. Ayoko na ngang magpakasal sa kanya.” “Shelby, mamanhikan na sila sa Sabado.” “Mommy, kahit naman nasa simbahan na kami pareho, kung mararamdaman ko ang ganito, hindi pa rin ako magdadalawang-isip na umatras sa kasal.” “Hindi mo ba mahal si Rogel?” prangkang tanong ni Shelley. “Hindi sapat para sumige ako na magpakasal kami. And, Mom, I just realized that thing. Hindi ba dapat, magpasalamat ako na na-realize ko iyan hanggang may pagkakataon pa?” Napatitig lang sa kanya ang kanyang ina. “Sigurado ka?” Palibhasa ay ngayon siya naging aware na gutom siya, madali din siyang nakadama ng pagkapikon. “I’m sure, ‘My. Nagdududa ba kayo? Anak ninyo ako, ah?” “Anak nga kita kaya tinatanong kita. Nang sabihin mo sa amin dati na nag-propose sa iyo si Rogel, kinausap kita. Sabi mo sigurado ka nang gusto mong magpakasal kahit na sa itsura mo noon, mukhang hindi ka pa handa. Ngayong nagplano kayong magpakasal, ngayon mo lang na-realize na hindi mo pala mahal ang pakakasalan mo? Baka naman, pre-wedding jitters lang iyan.” “No, Mommy. Isosoli ko nga sa kanya ang singsing bukas.” Minsan pa ay napabuntong-hininga ito. “Mahihirapan akong mag-explain sa daddy mo. At saka siyempre, marami na rin tayong mga kaibigan na nakakaalam na mag-aasawa ka na.” “Mommy, hindi naman ako magsasakripisyong magpakasal para lang hindi ako mag-explain sa lahat. Di sabihin nating umatras ako. Period.” “May iba pa bang dahilan?” tanong muli nito. “Mayroon. Pero ang pinaka-balidong dahilan ko ngayon kaya ayaw ko na ay dahil na-realize ko nga na hindi ko naman pala siya ganoon kamahal.” “Alam mo naman sigurong parang anak ko na rin si Rogel dahil nga ang pag-asa ko’y siya ang magiging manugang ko sa iyo. Nasabi niya sa akin kanina na nag-away kayo dahil sa mama niya. Totoo bang minasama mo ang pagpapagawa ng bahay ng magiging biyenan mo para din naman iregalo sa inyo ni Rogel kapag nagpakasal na kayo?” “Totoo,” amin niya at mabilis na idinugtong: “And please, Mommy, huwag mong sasabihing ingrata ako dahil sa halip na magpasalamat ako sa generosity na iyon ay sumama pa ang loob ko. Nasasakal ako sa mama ni Rogel. Mabait sa kung mabait pero hindi ko kaya ang pagiging pakialamera niya. Mukhang pati pagpapakuan ng sabitan ng sandok ay pakikialaman niya. Iyon ang nag-trigger sa away namin. Ipinagtatanggol niya ang mama niya which is normal lang din kasi nga mama niya iyon. Pero iritado na akong talaga. Sabi ko, ayoko na.” She paused at kumuha ng tubig. Nang mainom iyon ay saka siya nagpatuloy. “I know, it was an impulsive decision. Pero matapos ang dalawang oras kong pananahimik sa sinehan, I came to realize na hindi naman ganoon kasakit sa akin ang makipaghiwalay sa kanya. Mommy, kung ganoon ang naramdaman ko, di ba, tama lang na huwag na talagang ituloy ang kasal? Kung ako mismo ang nasaktan sa desisyon ko, baka ngayon pa lang ay ako na mismo ang umaamo kay Rogel para ayusin ang gusto namin. Pero hanggang ngayon, mas matimbang sa akin napanindigan ang pakikipaghiwalay ko sa kanya.” “Wala bang third party na involved?” tanong ng mama niya. Kumunot ang noo niya. “Kung may ibang babae si Rogel, hindi ko alam.” “How about on your side? Wala bang ibang lalaki?” “Mommy?!” “Nagseselos din si Rogel sa arkitekto ng magiging bahay sana ninyo. Mukha raw may nakaraan kayo ng lalaking iyon.” Napadabog siya. “Well, numero unong mama’s boy nga pala siya. Pati pala sa inyo ay mukhang nakakapit siya sa saya. Sinabi ba niya sa inyo kung sino ang arkitektong iyon?” Umiling ito. “Si Marcus.” Nagliwanag ang ekspresyon ni Shelley. Iisang taolang ang kilala nilang Marcus. “Si Marcus? Kumusta na ang batang iyon?” “See, Mom? Nagulat ka rin. Ganyan din ang reaksyon ko nang makita ko uli si Marcus. He was… almost a part of our family kaya ganoon na lang ang tuwa ko nang makita ko siya. Pero iba ang naging pakahulugan doon ni Rogel.” Gusto niyang isipin na eksakto sa bawat letra ng sinabi niya ang talagang damdamin niya ukol kay Marcus. He was her big crush, puppy love and everything. But she was twenty-seven now at naiintindihan niyang lahat ng naramdaman niya noon kay Marcus ay maaaring dala lang ng kabataan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD