February 14
“See? Effective din naman ang ginawa ko, ah?” wika sa kanya ni Arlene nang pauwi na sila. “Tamo, may date na kayo ngayon ni Marcus.”
“Oo na. Kaya nga pinatawad na kita, eh.”
“Excuse me, pinatawad mo na ako dati pa. Ang suwerte mo, Shelby. May date ka na. Samantalang ako, hanggang sa ngitian pa rin ni Jerome.”
Napangiti na lang siya. “Mauuna na ako sa iyo, baka naghihintay na sa bahay si Marc.” Nang lumiko siya sa block nila, daig pa niya ang may pakpak ang mga paa. “Mommy!” malakas na tawag niya. Natanaw niya si Shelley na nasa bakuran at nag-aalis ng tuyong dahon sa mga paso.
“O, bakit? Anong nangyari sa iyo?” sagot naman nito sa kanya.
“Nandiyan na si Marcus?”
“Bakit, pupunta ba dito si Marcus? Si Jonas ang dumating kanina. Dinala iyong maruruming damit niya.”
Ganoon na lang ang pagbigat ng dibdib niya. “Akala ko lang pupunta si Marc,” palusot niya at pumasok na sa bahay.
Parang maiiyak siya sa sama ng loob pero nagpigil siya. Mas hinayaan niyang mangibabaw ang inis niya kay Marc. Inisip niya na niloko lang siya ng binata at pinaasa. Ano nga ba ang malay niya? Baka hindi naman totoo na wala itong girlfriend. Ang masaklap pa, baka ang ka-date nito ay ang talagang girlfriend nito.
“Yiiiihh!?” gigil na wika niya. Padaskol niyang kinuha sa sabitan ang damit na inihanda na niya kagabi pa para sa espesyal na araw na iyon. Wala siyang pakialam kahit na malukot iyon nang ibalik niya sa aparador.
Inis na inis niya. pakiramdam niya ay naloko siya. Umamin na nga siya na crush niya ang lalaki, ang tanga-tanga pa na umasa sa date nila.
Nahagip ng tingin niya ang ball pen sa study table niya. Kinuha niya iyon at sa isang papel ay nagsulat nang nagsulat.
I hate you, Marcus. I hate you.
Mapupuno na niya ang papel nang maalala ang picture nito sa kanyang wallet. Kinuha niya rin iyon at pupunitin na nang marinig niya ang tawag ng ina.
“Shelby, nandito si Marcus. Hinahanap ka.”
Bahagya lang siyang nakadama ng tuwa. Ibinalik niya sa wallet ang picture nito at saka lumabas. “Bakit?” Sambakol ang mukhang iniharap niya sa binata.
“Tara na!” sing-tamis naman ng asukal ang ngiti nito. “Ganyan ka na lang, naka-uniform?”
Matulis pa rin ang nguso niya. “Sabi mo, nandito ka na pagdating ko,” sumbat niya.
“Na-late lang nang kaunti. Ano, tara na? Ipinagpaalam na kita kay Mommy Shelley. Sabi ko, mag-a-ice cream tayo.”
“Ano, Araneta Center!”
Tumawa ito. “Oo nga pala, Araneta Center. Tara na?”
“Magbibihis muna ako.”
Mabilis pa sa alas kuatro na nakapagpalit si Shelby ng damit. Naiinis siya dahil lukot na ang damit na inihanda niya pero kaunting inis lang iyon kumpara sa excitement na nararamdaman niya. At nang humarap siya sa salamin, hindi lang siya basta nagsuklay at nagpulbos. Nagpahid pa siya ng lipstick na dinugas niya sa drawer ng mommy niya.
Sa wakas, matutuloy na ang date nila!
“KANINO kotse iyan?” tanong ni Shelby kay Marcus nang paglabas nila ng bahay ay makitang may nakaparadang kotse sa tapat.
“Sa daddy ko. Kaya nga ako na-late ng dating kasi may pinuntahan pa pala. Hindi ko na nga sana hihiramin kasi baka maiinip ka pero nu’ng paalis na ako, dumating na siya. Kaya hayan, may kotse tayo.”
“Kahit naman nagba-bus puwedeng mag-Araneta Center, ah?”
“Oo nga. Eh, gusto kong isakay ka sa kotse, eh. Siyempre, special ka. Ikaw yata ang valentine ko.”
Daig pa ang kiniliti ang puso niya. Napangiti siya. “Mali ka naman yata du’n. ikaw ang valentine ko. Di ba, iyon ang wish ko?”
“Okay, ganito na lang. Valentine natin ang isa’t isa.” Nang mapahinto sila sa may intersection ay may inabot ito sa kanya. “For you, Shel.”
“Gift!” gulat na wika niya. “Bakit?”
He laughed. “Anong bakit? Valentine kita, di may gift ka. Hindi mo ba bubuksan?”
Kating-kati siyang buksan ang regalo pero nahiya naman siya. “Wala akong gift sa iyo,” aniya.
“It’s okay. May card ka namang pinadala sa akin.” He winked at her.
Lumabi siya. “Heh! Ayaw ko na iyong maalala. Nahihiya ako.”
“Huwag ka nang mahiya. Okay lang iyon. Flattered nga ako, di ba?”
“Kahit na. Kung maibabalik ko lang, ni hindi ko bibilhin ang card na iyon.”
“Para namang kanta iyan, eh. Kung maibabalik ko lang…” At kumanta nga.
“Nakakainis ka naman, eh!” pikon na wika niya.
“Okay, para hindi na ako kumanta, buksan mo na iyang gift ko sa iyo.”
Tumalima siya. “Wow!” Tunay ang paghangang bumadha sa mukha niya nang makita ang regalo. A musical jewelry box. Itinayo pa niya ang ballerina sa ibabaw at ilang sandaling pinanood ang pag-ikot-ikot niyon sa munting salamin. “Thank you, Marc. Ang ganda!”
“May laman pa iyan sa loob. Open it,” nakangiti ring wika nito.
“Bracelet?” aniya nang makita ang laman. “Marc, sobra naman ito. B-baka mahal ito?”
Napatawa ito nang mahina. “Hindi, mura lang iyan. Kahit gusto ko ng mahal, hindi ko pa rin naman kaya.” Kinuha nito ang bracelet at isinuot sa kamay niya.
“Ang ganda,” sinserong paghanga niya. Itinaas pa niya nang bahagya ang braso para sipatin ang bracelet. “Thank you, Marc.”
“You’re welcome.”
Nanood sila ng sine at pagkatapos, siyempre pa ay ice cream house ang tinungo nila. Bagaman kinakantiyawan siya ni Marcus sa labis niyang pagkahilig sa ice cream ay hindi naman siya napikon. Natutuwa pa nga siya sapagkat kahit na inaalaska siya nito, sunod din naman ang layaw niya kay Marcus. Pati yata tonsil niya ay nagyeyelo na nang sa wakas ay sumuko siya sa pagkain ng ice cream.
“Uuwi na ba tayo, Marc?” tanong niya sa binata habang naghihintay sila ng sukli sa ibinayad ni Marcus.
“Ayaw mo pang umuwi?” ganting-tanong naman nito.
“Ayoko pa. Nag-e-enjoy pa ako, eh,” amin naman niya.
“Well, kahit gusto kitang pagbigyan, I simply can’t. Gabi nang masyado para sa iyo, Shel. Tiyak na mag-aalala na si Mommy Shelley kapag hindi pa tayo umuwi.”
“Di tumawag tayo sa bahay. Sabihin natin, may pupuntahan pa tayo.”
“May pasok pa tayong pareho bukas, Shelby. Saka malay mo, may next time pa?” Nginitian siya nito.
Nanlaki ang mga mata niya, walang dudang na-excite sa narinig. “Kailan iyon, Marc?”
“Depende. Kapag wala kang pasok at wala din akong pasok. Ano uwi na tayo?”
Tumayo na siya. “Sige na nga. Basta may date pa tayo uli, ha?”
Natawa si Marcus.
Magkahawak-kamay pa sila nang magtungo sila sa parking. Pakiramdam ni Shelby ay nasa langit na siya. She was indeed imagining Marcus as her boyfriend. Kulang na lang ay mapapikit-pikit pa siya sa mga sandaling iyon.
Kung dati ay crush lang niya si Marcus, sa palagay niya ay in love na siya ngayon sa binata. Because of that special night, he had become not just her crush but puppy love and first love. Si Marcus ang kabuuan ng lahat ng pantasya niya.
At naniniwala siyang si Marcus lang talaga ang karapat-dapat na pag-ukulan niya ng ganoong damdamin.
Nilinga niya si Marcus na ang anyo ay daig pa ang idinuduyan sa alapaap. “Marc…”
“What?” baling naman nito agad sa kanya. “Don’t tell me, hihirit ka pa? Hindi na talaga puwede. Kailangan na kitang iuwi.” Like a true gentleman, ipinagbukas pa siya nito ng pinto ng kotse at inalalayan siya sa pagsakay.
Her dreamy expression didn’t left her face. Hinintay niyang makaupo si Marcus sa tapat ng manibela at saka niya muling ibinuka ang mga labi.
“Hindi naman ako hihirit. May gusto lang akong malaman,” sabi niya sa tonong sadyang pinalambing.
“What do you want to know, Shel?”
“Natupad na ang una kong wish, Marc. Gusto ko lang malaman kung matutupad din kaya iyong isa pa?”
Napatitig ito sa kanya, bahagyang kumunot ang noo.
Hindi siya nawalan ng lakas ng loob. “The kiss, Marc. I’m also wishing that you would be my first kiss.”
Walang anumang pagkagulat na bumadha sa mukha ng binata pero hindi rin ito bumitaw ng titig. At hindi niya alam kung makakaramdam na siya ng hiya o kakabahan. Hindi niya mahulaan kung ano ang nasa isip ni Marcus.
Isang paghinga ang ginawa ni Marcus. Dumukwang ito sa kanya at lalo nang sumasal ang kabog sa kanyang dibdib. Ipinikit niya ang mga mata at hinintay na dumampi ang mga labi nito sa kanya.
“Shelby,” he said softly at hinaplos nito ang kanyang mukha.
She gasped inwardly. Pakiwari niya ay malulunod na siya sa antisipasyon. She opened her mouth slightly. Lalo na siyang umasam na mararamdaman ang mga labi nito.
“I’m sorry, Shel. Hindi ko maipagkakaloob sa iyo ang kahilingan mong iyan,” sabi nito na tila may kahalong lungkot ang tinig.
Bigla siyang napadilat. Ang unang nadama niya ay ang labis na pagkapahiya pero nang makita niyang malamlam ang mga matang nakatitig ito sa kanya ay napalitan iyon ng pagtataka.
“Hindi pa ito ang tamang panahon para doon, Shelby,” wika uli nito. “Kapag pinagbigyan kita, siguradong aatakehin ako ng guilt. Bata ka pa, Shelby. Mayroong mas tamang panahon para maranasan mo iyon.”
“P-pero, Marc. I-ikaw ang gusto ko.”
Napangiti ito. “Thank you. But I can’t grant your wish. Kung sarili ko lang ang iisipin ko, bakit hindi? Lalaki ako. Puwede kong sunggaban ang pagkakataon kung sarili ko lang ang iisipin ko. Mukha ka nang dalaga, Shelby. Tiyak, hindi lang isa o dalawa ang nanliligaw sa iyo. Pero alam nating pareho, bata ka pa rin.”
“Pero nag-date na tayo!” she cried.
“A friendly date.”
Gusto niyang sumigaw. Gusto niyang sabihin kay Marcus na para sa kanya ay hindi iyon friendly date lang. Pero ni hindi naman niya ginawang ibuka ang mga labi.
“S-sige, Marcus. Umuwi na tayo,” sabi na lang niya mayamaya.
“Ayokong sumama ang loob mo, Shelby. Tell you what, kapag nag-mature ka na. Maybe, kapag eighteen ka na at ako pa rin ang crush mo, ibibigay ko sa iyo ang first kiss na hinihiling mo.”
Hindi siya sumagot. Pero sa isip niya, alam niya na hindi mangyayari na mawala ang crush niya kay Marcus. In love nga siya rito, sa paniniwala niya.