4

1297 Words
Twelve years ago THIRD YEAR high school na si Shelby at malapit na ang JS Prom. “Shelby, sino ang partner mo sa JS?” tanong sa kanya ng kaklase at kaibigan niyang si Arlene. “Wala. Wala naman akong balak um-attend.” “Sayang naman. May bayad um-attend man o hindi. Attend tayo, ano ka ba? Parte iyon ng high school life.” “Ikaw na lang, tutal nandoon din naman ang may crush sa iyo. Tiyak, isasayaw ka ni Dondon.” “Gaga! Gusto kong mag-attend kasi mukhang malakas ang laban ni Jerome na maging Mr. JS. Alam mo namang iyon ang crush ko. Um-attend ka din, ha?” “Ayoko nga. Wala naman doon ang crush ko.” “Teka, sino nga ba ang crush mo?” Ngumiti siya. “Hindi mo kilala.” “Sino nga, eh,” kulit nito. “May picture ka diyan? Patingin!” Kinuha niya ang wallet kung saan nakalagay ang picture ni Marcus Sandoval, ang best friend ng kuya niya. “O, guwapo, di ba?” “Wow! Saan mo natagpuan iyan?” manghang sabi ni Arlene, sa itsura ay mukhang nagka-crush na rin sa crush niya. “Best friend ng kuya ko iyan. Ang bait pa kamo!” pagmamalaki niya. “Naka! Eh, matanda na ang kuya mo, ah? Di matanda na rin iyan. Patingin nga uli!” Inagaw nito sa kanya ang wallet niya. At bago pa niya napigil ay nakuha na nito sa plastic jacket ang picture. “Sus! Na-fake mo ako, Shelby. Ginupit mo lang pala ito, eh.” “Huwag ka namang maingay. Ginupit ko nga iyan sa yearbook nila. Saka hindi naman siguro matanda iyong twenty-two. Twenty-two na si Kuya Jonas kaya twenty-two na rin siguro iyang si Marcus. Iyang picture niya na iyan, kuha iyan noong high school sila pero kapag nakita mo siya ngayon, medyo nagmukhang mama lang ang itsura. Cute pa rin.” “Tange! Guwapo ang tawag sa ganyang klase ng mukha.” Napabungisngis siya. “Siya, guwapo na kung guwapo. Arlene, kaysa naman magpakapagod pa akong magbihis sa JS, mas gugustuhin ko pa na pangarapin na lang itong si Marcus. Tuwa ko lang pag napanaginipan ko ito.” “Wait, alam ba naman niyang Marcus na iyan na crush mo siya?” “Siyempre, hindi ‘no?  Kahiya naman pag ganu’n!” “Gaga! Paano ka niyan mapapansin kung hindi pala niya alam? Wala kang kapag-a-pag-asa, Shelby. Dapat gumawa ka ng move.” “Anong move? Nakakahiya naman. Babae tayo pero tayo ang gagawa ng move?” “Noong panahon ni Maria Clara, nakakahiya ang gumawa ng move. Pero nineties na ngayon. Hindi ba, palaging palabas sa TV iyong tinatawag na woman of the 90’s? kasali na rin tayo doon. Puwede na tayong gumawa ng move.” Bagaman hindi pa lubos na kumbinsido ay naantig na rin ang kuryusidad niya. “Anong move naman ang dapat kong gawin?” “Di kung gusto mo, gayahin mo na lang ang ginawa ko.” “Ano naman iyon?” “Simple lang. Pinadalhan ko si Jerome ng Valentine card.” “Hindi ka nahiya?” “Sira ka pala, eh. Bakit naman ako mahihiya, eh, gumagawa nga ako ng first move.” “Ano naman ang nangyari nang matanggap ni Jerome?” “Di kapag nagkakasalubong kami, nginingitian na niya ako. Kahit naman lower year tayo, kilala pa rin naman tayo dahil nasa honor section tayo. Saka palagi akong muse kapag may Intrams so popular na rin ako. Pero kahit popular ako, hindi niya ako pinapansin. Pero nu’ng pinadalhan ko ng card, aba, the next day, palagi na siyang naka-smile sa akin. Di, buo na ang araw ko palagi. At malakas ang instinct ko na pagdating ng JS, isasayaw niya ako.” “Baka hindi naman ganoon si Marcus kapag ginaya ko ang ginawa mo.” “Paano mo malalaman kung hindi mo susubukan?” tulak nito. Kaya nang uwian na nila, sinamahan pa siya ni Arlene na magtungo sa bookshop para bumili ng card. “ANO naman ang isusulat ko dito?” tanong niya sa sarili. Simple lang din naman ang mensahe ng card. Siya ang namili niyon kahit na nga ba ang daming uri ng card na iniaabot sa kanya ni Arlene kanina. Sa palagay niya ay hindi naman akma sa nais niyang iparating kay Marcus ang mga mensahe ng cards na iyon Ang card na nasa harapan niya ngayon ay may nakasulat na: Wish you’ll be my Valentine. Isang batang babae na mukhang hiyang-hiya pa ang pagkaka-drawing. Well, iyon din naman ang nararamdaman niya ngayon. Dahilan kung bakit nawalan na rin yata siya ng lakas ng loob na gawin pa iyon. “Shelby, hinahanap ka ni Arlene. Lumabas ka riyan,” tawag sa kanya ng ina. Pero bago pa siya makalabas ay si Arlene na ang nangahas na pumasok sa kuwarto niya. Sa kabilang block lang naman ang bahay nito kaya kahit gabi na ay nakakagala pa sa kanila. “Tapos na?” tanong nito sa kanya. Umiling siya. “Parang ayoko na. Natsi-chicken ako.” “Anong chicken? Sayang naman iyang card, ang mahal niyan. Nangutang ka pa nga sa akin ng sampung piso kanina dahil hindi na kumasya ang allowance mo para ipambayad diyan. Dali na, para sasabihin mo lang naman na crush mo siya. O kaya, dagdagan mo pa, sabihin mong Valentine wish mo na maging first kiss mo siya.” “Arlene?!” “Huwag kang gaga. Kung dine-daydream mo iyang Marcus na iyan at ginupit mo pa ang picture para lang ilagay sa wallet mo, I’m sure, wini-wish mo rin na iyan ang maging first kiss mo. Puwera na lang kung may naka-first kiss na sa iyo.” Nahiga ito nang pahalang sa kama niya. “Wala pa, no? Hindi pa ako nagka-boyfriend kahit kailan.” “So si Marcus nga ang magiging first kiss mo kung sakali.” Dinampot niya ang card. Inilagay niya iyon sa drawer at tumabi ng higa kay Arlene. “Hindi ko kaya, Arlene,” seryosong wika niya. “Saka naisip ko, pag nalaman ni Kuya Jonas, patay ako du’n! At ang masama pa, iyong malaman ni Mommy. Baka imbes na hindi na ako napapalo, mapalo pa ako.” Tinitigan siya ni Arlene. “Pero talaga bang crush na crush mo ang Marcus na iyon?” “Obvious naman, di ba?” “Gusto mo siyang maging first kiss?” Her eyes gleamed. “Siyempre. Siya nga ang crush ko, eh. Di siya ang pinapangarap ko na maka-kiss sa akin.” “Saan ba nakatira si Marcus?” “Sa men’s flat sila ni Kuya sa Intramuros. Nang mag-fourth year sila, nagpaalam si Kuya na bubukod na sila para mag-concentrate daw sa mga requirements kasi nga graduating na sila. Komo si Marcus ang kasama ni Kuya, pinayagan siya ni Mommy. Good boy si Marcus. Kaya lang nakita ko dati naninigarilyo.” “Okay lang ang sigarilyo,” wika naman ni Arlene. “Saka college na sila.” “Si Kuya, hindi pinayagan ni Mommy na magsigarilyo. Kahit nga si Marcus, sinasaway niya kapag nakikita niyang naninigarilyo.” “Ano ba ang address ng flat nila?” Bago pa niya naisip kung bakit iyon itinanong ni Arlene ay nasabi na niya ang kumpletong address. “Bakit nga pala?” Bumangon na ito at nagkibit ng balikat. “Wala, curious lang. Oo nga pala, pahiram naman ng textbook mo sa Science. Naiwan ko sa school iyong sa akin.” “Kunin mo diyan,” wika naman niya. “Basta dalhin mo bukas, ha? Baka mamaya, iyan naman ang maiwan mo sa bahay ninyo.” Bumangon na rin siya at inayos ang nagusot na sapin. “Sige, aalis na ako,” wika ni Arlene na kipkip na ang libro.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD