Chapter 13

1727 Words
SALEM Kauuwi ko lamang sa apartment ko nang maka-receive ako ng chat mula kay Rachelle. Binuksan ko naman kaagad ang cellphone ko at mabilis na binasa ang sinabi niya. Ang sabi niya sa'kin ay iniimbitahan niya daw ako na makikain sa kanilang apartment ngayon. Napangiti naman ako dahil sa chat niyang 'yon. Ewan ko, natuwa ako dahil na din siguro ito ang pinakaunang pagkakataon na may nag-imbita sa akin ng hapunan. Naranasan ko naman na maghapunan kasama si Tita Leng pero matagal na panahon na din 'yon. Hindi na 'yon naulit dahil kapag may okasyon na sine-celebrate si Tita Leng ay umuuwi na siya sa kanila sa Probinsya. Inayos ko na lang ang aking sarili. Naligo at nagbihis. Nag-ayos ako ng damit para magmukha naman akong presentable sa harap ng Lola ni Rachelle. Parang namimisita lang. Natawa naman ako sa naisip ko'ng 'yon at akma na sanang lalabas. Nang makarinig ako ng kalabog mula sa sala. Mabilis naman akong nagbaybay patungo sa sala at hinanap ang pinagmulan ng kalabog. Nang makita ko kung sino ang may pakana ng kalabog na 'yon ay napahinga na lang ako ng malalim. "Gella," Lumapit ako sa pusa ni Rachelle na ngayon naman ay nakapasok ulit sa apartment ko. Matagal na din simula nooong huling nakapasok 'tong pusa ni Rachelle. Ngayon ay bumalik na naman. Binuhat ko kaagad ang pusa at lumabas na ng apartment ko para magtungo sa katabing apartment. Ang apartment nila Rachelle. Nang nasa harap na ako ng kanilang apartment ay hinimas-himas ko naman ang pusa na buhat-buhat ko. Kinakausap ko ito habang dahan-dahan na humaharap sa apartment nila Rachelle. "Ngayon lang kita nakita ulit, Gella. Alam mo siguro na inimbitahan ako, 'no? Sinusundo mo ba ako do'n sa apartment ko?" wika ko habang nilalaro-laro ang leeg ng pusa. Wala naman itong isinagot kundi isang meow lang. Ano naman ang aasahan ko? Kakatok na sana ako sa pinto ng kanilang apartment pero bago ko pa 'yon nagawa ay binuksan na ni Rachelle ang pinto. Nagkasalubong ang aming mga tingin. Napangiti na lang ako sa kanya at kumaway. "Good evening." "Good eve din, Sal. Halika, pasok ka!" aniya at pinatuloy ako sa kanilang apartment. Nang makapasok ako ay napatingin ako sa kabuuan ng kanilang apartment. Sa totoo lang ay wala namang pinagkaiba ito sa apartment ko. Ang nagkaiba lang ay ang placements ng mga nasa loob. May mga lamesa sila Rachelle na pinapatungan ng mga figurines, statues, at ang iba naman ay mga manika. Mga laruan niya siguro 'yon ng bata pa siya. Ang gagaling siguro nilang mag preserve ng gamit dahil hanggang ngayon ay mukhang bago pa din ang mga manika. Ang kanilang sofa ay hindi kagaya ng aking sofa na kulay puti. Ang sa kanila ay kulay pula na may pula ding mga unan. Sa akin kasi ay puti na may mga itim na unan. Sa loob ng apartment nila Rachelle ay maraming mga naka-display. Mayroong mga pictures nila sa dingding at may mga imahe naman ng mga Santo. Hindi man ito kasing-luwag ng nasa apartment ko ay masasabi kong mas may buhay pa ang loob ng tirahan nila kesa no'ng sa akin. Pinaupo naman ako ni Rachelle sa kanilang sofa. May round table sa gitna ng mga sofa. Glass ang lamesang ito at sa gitna ay may nakapatong na figurine ng isang ahas. Napakaganda ng mga figurines nila. Makikinis at halatang mamahalin. Nang mapatingala naman ako sa may itaas ng dingding ay may nakadisplay na ulo ng isang nilalang. Kung di ako nagkakamali ay isa tong usa. Ang pinagkaiba lang ay sa mga nakikita ko sa palabas. Ang ulo ng isang usa ang naka-display talaga. Dito sa bahay nila Rachelle ay bungo ng ulo ng usa na may mga sungay pa. Dagdag naman 'yon sa kagandahan ng displays dito sa kanilang apartment. Habang ako ay nakaupo ay nanlalamig ang aking mga paa. Hindi ko maintindihan pero nararamdaman ko ang paghina ng aking katawan. Hindi naman sa parang nawawalan talaga ako ng lakas. Pakiramdam ko ay parang may nawawala sa'kin ngayon. Tiningnan ko ang aking palapulsuhan, nandoon pa din naman ang relo ko. Sa kabilang pulsuhan ko ay nandoon din ang bracelet ko. Wala naman akong nakalimutan pero sa tingin ko talaga ay may nawawala sa akin. "Salem, ayos ka lang ba?" napatingin naman ako kay Rachelle nang dumating ito at umupo sa isa pang sofa. "Hindi pa kasi naluluto ang isa pang ulam. Makakapaghintay ka ba?" "Oo naman, ayos lang sa'kin. Take your time," ngumiti ako sa kanya. Napatingin ako sa gawi kung saan naroon ang kusina nila Rachelle. Naroon ang Lola niya at nakatalikod. Nagluluto ito ng handa nila. "Inimbitahan kita kasi ikaw lang naman ang nakikilala naming kapitbahay. Tsaka kaunti g salu-salo lang naman 'to," si Rachelle. "Salamat sa pag-imbita sa'kin," tugon ko naman sa kanya at ngumiti. "Naku! 'Wag ka na magpasalamat. Ako pa nga dapat magpasalamat sa'yo kasi 'di ka tumanggi," aniya naman. "Siya nga pala, ang dami niyo palang figurines, 'no? Mahilig pala kayo sa mga figurines," sabi ko pa sa kanya. Sandaling nawala ang ngiti ni Rachelle at nang makabawi ay agad naman siyang sumagot. "Ah, oo. Mahilig talaga kami ni Lola mangolekta ng mga ganyan." "Ang ganda dito sa apartment niyo. Sa'kin kasi napaka-empty. Hindi kasi talaga ako marunong mag interior design," sagot ko naman sa kanya at tumawa naman siya. "Huy! Ang ganda kaya ng apartment mo! Maluwag, wala masyadong gamit, minimal lang," aniya pa. "Salamat," sagot ko na lang sa kanya. "Bakit nga pala kayo nahumaling sa mga figurines?" Sasagot na sana si Rachelle. Nang makarinig kami ng isa pang sumagot. "Pang-protekta mula sa masasamang elemento," Ang Lola ni Rachelle. Napatayo naman kaming dalawa ni Rachelle. Inayos ko ang aking damit at ang aking pagtayo at nagmano sa kanyang Lola. Tinanggap naman 'yon ni Rachelle. Nakakatakot pagmasdan ang Lola ni Rachelle. Napaka-strikta naman kasi ng dating nito. Nakasuot ito ng itim at mahabang bestida. Naka-tsinelas at bagsak ang kanyang puti at mahabang kulot na buhok. Madami ding alahas na gawa sa mga kristal ang nasa kanyang pulso. May mga kwintas din ito na gawa din sa mga kristal at mag mga pendant na mga simbolo ng mga hayop. Hindi ko naman maiwasang mapayuko dahil sa mga titig ng kanyang Lola. "Hali ka na, Salem. Kumain na tayo," magaang sabi ng Lola ni Rachelle. Napatingin ako kay Rachelle at nakitang ngumiti sa'kin. Bumulong naman sa akin si Rachelle at sinabing "Strikta lang pakinggan 'yan pero mabait 'yan!" Kumain kaming tatlo nila Rachelle at ng kanyang Lola. Marami silang inihanda pero mas lalo lang akong nagugutom sa mga kinakain ko. Napakasarap magluto ng Lola ni Rachelle. At doon ko din nalaman na si Rachelle din ang gumawa ng mga dessert na aniya'y pagsasaluhan din daw namin mamaya. Nagke-kwentuhan lang naman kami at nagbibiruan. Marami kaming napagkwentuhan kagaya na lamang ng tungkol sa pamilya. "Siya nga pala, Sal," si Rachelle. "Ikaw lang talaga ang nakatira diyan sa apartment mo?" "Oo, ako na lang mag-isa," sagot ko naman. "Bakit? Nasaan ba ang mga magulang mo, hijo?" ang Lola ni Rachelle. Hindi naman ako nakasagot kaagad at pilit naman na ngumiti. "A-Ah, wala na po sila, Lola." "Sorry, Sal," si Rachelle. "Hindi! Ayos lang naman, Rachelle!" pagbawi ko naman sa kanya. "Kung gano'n ay isa kang malakas na binata," ang Lola ni Rachelle. "Hindi madaling mawalan ng mga magulang. Mabuti naman at nagawa mo'ng itaguyod ang sarili mo." "Ah, kinupkop din po kasi ako ni Tita Leng. Siya po ang nag-alaga sa'kin at pinatira ako sa bahay nila sa kanilang probinsya. Sinama niya po ako dito sa syudad para may makatulong sa kanya sa pagtitinda sa convenience store," mahabang pagpapaliwanag ko naman sa kanila. Tumatango-tango naman ang Lola ni Rachelle at nakikinig lang din sa akin si Rachelle. "Napagdesisyunan ko naman na bumukod na mula kina Tita Leng at magtayo ng sariling buhay. Pumayag naman si Tita Leng, pero gusto ko kasing makabawi sa kanya at makatulong kaya nanatili ako sa pagiging assistant niya sa convenience store," sabi ko pa sa kanya. "Si Leng, kilala ko 'yan," anang Lola ni Rachelle. "Magkakilala ho pala kayo?" "Oo naman! Minsan na siyang humingi ng tulong sa'kin sa pag—" "Lola!" napatingin naman ako sa pagputol ni Rachelle sa kanyang Lola. "Tinutulungan ni Lola si Tita Leng sa mga simpleng bagay. Like pagluluto and all, hehe." Kung gano'n ay matagal na din siguro nilang kakilala si Tita Leng. Hindi ko inaasahang magkakilala pala talaga ang Lola ni Rachelle at si Tita Leng. Sa bagay, sa dami ba naman ng natutuwa sa pagiging masiyahin ni Tita Leng ay baka nga kilala na niya lahat ng tao sa syudad. Mahaba-haba pa ang usapan at tawanan namin. Kumakain na kami ng dessert at masasabi kong napakasarap din pala talaga gumawa ni Rachelle ng crepe cake. May mga ginawa din siyang ice creams, at mango float. Busog na busog ako sa mga kinain namin. Matapos kumain ay sandali muna kaming nag uusap-usap bago ko naisipang umuwi dahil gabi na din masyado. At kailangan na din daw magpahinga ng Lola ni Rachelle. "Mauuna na po ako, Lola Ruth, Rachelle," pagpapaalam ko pa sa kanila. "Gusto mo ba ihatid na kita?" si Rachelle. "Nako! 'Wag na! Diyan lang naman sa kabila ang apartment ko!" tawa ko pa kay Rachelle. "Sigurado ka, ha?" "Oo, mauuna na ako," paalam ko pa at tumayo. Natigilan ako... Kung kanina ay napapansin ko ang panghihina ng katawan ko na parang may nawawala sa akin. Ngayon naman ay bigla akong nahilo. Hindi ko alam kung bakit. "Salem?" "H-Hindi ako makatayo ng...." "Salem? Okay ka lang ba?" Naririnig ko pa si Rachelle na kinakausap ako. Sinusubukan niya akong hawakan pero itinatanggi ko lang 'yon. Umiikot ang paningin ko at sa tingin ko ay nawawalan na ako ng balanse. Hindi ko naman mapigilang mapahawak sa aking dibdib nang maramdaman ko ang pag-iinit doon. "Ano'ng nangyayari?" hindi ko maiwasang tanong. "Salem," si Rachelle. "Nanghihina ang buong....." dahan-dahan akong bumagsak sa sahig. "....katawan ko.." "Salem," Narinig ko ang muling tawag ni Rachelle sa akin. Nasa harap ko siya at nakatayo lang. Hindi niya ako tinutulungan. Maya-maya pa ay isang pigira ang naaaninag ko. Nasa gilid ko na din ang Lola ni Rachelle na nakatingin sa akin. Bakit 'to nangyayari? Anong baka nila? "Salem, sorry," huling rinig ko mula sa mga salita ni Rachelle bago ako napapikit at nawalan ng malay. ITUTULOY.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD