SALEM
Nakakarinig ako ng bulong. Gising na ang diwa ko pero nakapikit pa din ako. Nararamdaman kong nakahiga ako sa malamig na sahig. Nang makabawi na ako ay saka ko na ibinuka ang aking mga mata.
Nang buksan ko ang aking mga mata ay ibang kisame ang sumalubong sa akin. Huli ko nang natandaan na nasa apartment nga pala ako nila Rachelle. Nawalan ako ng malay at...
"Gising na siya, Lola."
Napatingin ako sa nagsalita at nakita roon si Rachelle na nakatayo. Nakaupo sa sofa, isang metro ang distansya mula sa hinihigaan ko.
Anong nangyayari?
"Rachelle?"
"Salem.."
"Gising ka na pala, hijo," ang Lola ni Rachelle. Naglalakad siya ngayon mula sa kusina.
Matalim ang kanyang tingin sa akin. Hindi ko alam kung bakit pero ang tingin niyang 'yon ay parang binabasa ang buong pagkatao ko.
Inalala ko naman ang nangyari sa akin bago ako nawalan ng malay at doon ko naalala. Nahilo ako at bumagsak sa sahig. Hindi nila ako tinulungan at sa halip ay narinig ko ang paghingi ng tawad ni Rachelle.
Kung gano'n ay nilason nila ako.
"Anong kailangan niyo sa'kin?" hindi ko na maiwasang tanong at mabilis na bumangon.
Hindi siya sumagot. Ngayon ay masama na din ang tingin ko sa Lola ni Rachelle. Nakita ko naman kay Rachelle na parang nanghihingi siya ng tawad sa akin. Hindi ko maintindihan ang ginagawa nila. Bakit kailangan nilang gawin 'yon? Anong binabalak nila ng Lola niya?
"Naguguluhan ka siguro kung bakit namin nagawa 'to sa'yo?" ang Lola ni Rachelle.
Naglakad siya patungo sa bintana kung saan naroon ang lamesa na mayroong mga figurines. May kinuha siya mula sa kanyang bulsa at binuhos doon sa isang tray na may itim na buhangin.
Maya-maya pa ay nakakamanghang nag-apoy ang itim na buhangin. Hindi ito normal na apoy dahil kulay asul ito. Alam ko ang apoy na ito, hindi ko lang talaga matandaan kung saan ko ito nakita.
"Bakit niyo ba 'to ginagawa? Anong kailangan niyo sa'kin?"
"Sabihin mo..." kalmado ngunit may riing sabi ni Lola Ruth. "Warlock."
Natigilan ako sa huling sinambit ni Lola Ruth. Bakit niya ako tinawag na Warlock? Alam niya ba ang tungkol sa'kin?
"Hindi ko alam ang sinasabi—"
"Warlock!" putol ni Lola Ruth habang nakaharap na ngayon sa akin. Dala niya ang maliit na tray na may asul na apoy. "Isang lalakeng Witch. Warlock."
Lumapit siya sa akin. Hindi naman ako umurong at nanatiling nakatayo. Hindi ko alam pero kanina pa ako hindi makagalaw mula dito sa kinatatayuan ko.
Diretso lang ang tingin ko kay Lola Ruth na seryoso ding nakatitig sa akin at dahan-dahang lumapit. Ang tunog ng kanyang bakya ay rinig na rinig dahil sa kahoy na sahig ng apartment. Mas matangkad ako kay Lola Ruth kaya nakatingala ito nang ito ay makalapit sa akin.
"Sabihin mo kung bakit ka nandito? Ano ang kailangan mo sa amin?" si Lola Ruth.
"Hindi kita maintindihan! Ako nga dapat ang nagtatanong sa'yo niyan, e. Anong kailangan niyo sa'kin? Bakit hindi ako makagalaw? Sino ba kayo? Sino ka ba, Rachelle?" baling ko naman kay Rachelle na nakatayo na ngayon mula sa sofa.
"S-Sorry, Salem. S-Sinubukan k-ko—"
"Tumahimik ka, Rachelle!" putol ni Lola Ruth sa kanya.
Bumaling ulit sa akin si Lola Ruth na may matalim na tingin. Tinititigan niya ang aking mga mata na para bang makikita niya doon ang katotohanan.
Hanggang ngayon ay hindi ko maintindihan kung bakit ginagawa nila ito sa akin. Sa katunayan nga din ay naguguluhan din ako kung bakit nila ako tinatanong kung anong kailangan ko sa kanila. Hindi ba nga ay dapat ako pa ang magtanong no'n?
At isa pa, anong klaseng tao ba sila? May kinalaman ba ang mga figurines nila sa paligid? Hanggang ngayon ay tila wala akong maramdaman na lakas. Kaya ko na tumayo at gumalaw, ang pisikal na lakas ko ay nandidito pa din pero isa ang siguradong hindi ko maramdaman.
Ang kapangyarihan ko.
Hindi ko maipaliwanag ang totoong nararamdaman ko ngayon pero ang pakiramdam ko ay parang hinihigop ng nasa paligid ko ang kapangyarihan ko. Pakiramdam ko ay pinipigilan ng hangin ang katawan ko na gamitin ito ngayon.
"Wala ka nang takas ngayon, Salem. Sumuko ka na at sabihin mo sa'kin kung ano ang kailangan mo? Ano ang binabalak mo? Balak mo ba kaming patayi—"
"ANO?!" hindi ko maiwasang mapasigaw sa mga tanong niya. "Patayin? Sino? Kayo? Bakit ko naman gagawin 'yon? At tsaka, hindi ko nga alam kung ano itong ginagawa niyo. Kung anong salamangka ang ginamit ninyo para pigilan ako."
"Sinungaling."
"Anong sinungaling? Ba't ako magsisinungaling? Ano bang ibig sabihin niyong may binabalak akong masama? Naninirahan ako ng maayos at tahimik! Bakit niyo ako ginagambala?" sunod-sunod na reklamo ko sa mga paratang ng Lola ni Rachelle.
"May mga kasama ka dito sa building na 'to? Sino sila? Nasaan sila?"
"Anong kasama ba ang sinasabi niyo?" naguguluhan ko pa lalong tanong.
"Coven," sagot naman ni Rachelle. Seryoso din ang kanyang boses.
Napatingin ako sa kanya habang nakakunot ang aking noo. "C-Coven? A-Anong coven? Wala akong gano'n!"
"Isa ka nga'ng Warlock," sabi ng Lola ni Rachelle na ikinatahimik ko naman. Inamin kong isa akong Warlock ng hindi direkta. Leche naman!
"Wala kang kasama?"
"Wala nga!" pag-amin ko na lamang sa kanila. "Oo, isa akong Warlock! Isa akong lalakeng Witch! Pero wala akong binabalak na masama! At lalong wala akong coven!"
"Solitary Witch," si Rachelle. Nagkatinginan sila ng Lola niya. "Isa siyang Solitary Witch, Lola."
"Kung gano'n ay dapat mas mag-ingat pa tayo sa isang 'to. Malalakas ang mga Solitary Witch. Wala silang coven, kaya nilang gawin o gumawa ng mahika ng walang suporta sa kapwa nilang Witch," mahabang litanya ni Lola Ruth.
"Kaya mas mabuting nandiyan muna siya sa loob," dugtong ni Lola Ruth saka tumingin sa paanan ko.
'Di ko naman maiwasang mapatingin din doon. Saka lang nasagot ang tanong ko kanina pa kung bakit 'di ako makagalaw. Ni-hindi ko man lang maihakbang ang aking mga paa.
Nasa loob pala ako ng isang pentacle. Isang malaking bilog na mayroong bituin sa gitna. Sa bawat sulok ng bituin ay mayroong maliliit na bilog na tray na nag-aapoy.
Ginagamit ito ng mga witch, voodoo masters, wizards, o maging ng mga mages bilang proteksyon mula sa mga kalaban, sumpa, o atake na nagmumula sa kanilang katapat.
Doon ko lang din nalaman ang sagot sa isa ko pang tanong kanina pa. Napaangat ako ng tingin kina Rachelle at sa kanyang Lola. Napatingin ako sa mga figurines sa paligid at sa hawak-hawak na tray ni Lola Ruth na nag-aapoy.
Kaya pala napakaraming figurines at estatwa dito sa apartment nila. Kaya pala medyo madilim at napakaraming manika din sa entrada. Iyon pala ang rason kung bakit may mga buto, kristal, at iba't-ibang artifacts na naka-display.
"Isa kang..." biglaang sabi ko habang nakatingin sa Lola ni Rachelle na ngayon ay nakatalikod sa akin.
Nakaharap na naman siya sa isa pang lamesa na may mga rebulto. May inaalog-alog siya sa kanyang dalawang palad na kanyang pinagsiklop.
"Isa kang Voodoo Priestess."
Sabi ko na ikinatigil sandali ni Lola Ruth at saka ibinagaak ang mga bato, kristal, at mga buto sa isang mahabang tela na nakapatong sa lamesa na kaharap niya. Sandali niyang tiningnan ang posisyon ng mga bato at kinuha ang isa, nakatalikod man siya mula sa akin ay alam kong idinikit niya ang isang kristal sa kanyang noo saka siya humarap sa amin ulit.
"Isa kang Voodoo Priestess, Lola Ruth."
Hindi naman siya sumagot sa akin at dumeretso sa kusina. Napatingin naman ako kay Rachelle na parang kinakabahan pa.
Kung titingnan siya ay mukha siyang natatae. Matatawa na sana ako sa hitsura niya pero naalala ko kung anong ginawa nila sa'kin.
"Ikaw, Rachelle," tawag ko sa atensyon niya na ikinagulat niya pa ng bahagya. "Kagaya ka din ba ng Lola mo?"
"Oo—"
"Hindi pa," si Lola Ruth ang sumagot. Bigla na lang siyang sumulpot at lumapit sa kinaroroonan ko. "Kulang pa ang nalalaman niya."
"Lola naman, eh! Ang tagal ko na nga'ng nag-aaral niyan, eh! Madami na kaya akong kayang gawin, Lola!" pagmamaktol pa ni Rachelle. "Kaya ko na nga makahula ng future, eh!"
"Kaya mo 'yon?" namamangha kong tanong.
"Oo naman, no!" aniya pa na may pagmamayabang.
"Wow! Ano pa kaya mo'ng gawin?"
"Kaya ko din makita ang mga nakaraan, atsaka makabasa ng tunay na nararamdaman ng ta—"
"Pero mali-mali," malamig na ani Lola Ruth.
"Lola naman! Minsan lang naman ako nagkakamali!" ngumuso si Rachelle.
"Talaga ba?" si Lola Ruth na ngayon ay nakapamewang na sa Apo. "Akala mo ba 'di ko natatandaan na hinulaan mo si Leng na magkakaroon siya ng botika? Oh, ngayon? Botika ba itinayo niya?"
"Lola, I can explain," si Rachelle.
"Kung ako sa'yo ay tulungan mo akong mapaamin ang isang 'to! Hindi 'yong kung anu-ano pinagmamayabang mo diyan, 'di ka pa naman marunong," si Lola Ruth.
Humarap siya muli sa akin pero bago pa man niya ako pigain ay agad naman akong nagsalita.
"Lola Ruth, maniwala ho kayo sa akin. Wala ho talaga akong binabalak na masama. Hindi po talaga ako nagbabalak na saktan kayo. Kaibigan ko po si Rachelle, kung iniisip niyo po na kinaibigan ko si Rachelle dahil sasaktan ko siya. Hindi po mangyayari 'yon. Wala po akong intensyon na saktan si Rachelle, wala ho akong intensyon na saktan kayo." mahabang litanya ko pa.
Tumingin si Lola Ruth kay Rachelle. Agad naman na ngumiti si Rachelle kay Lola Ruth na para bang nagmamakaawa din ito.
"Lola, totoo po ang sinasabi ni Salem. Nararamdaman ko po ang malinis na intensyon niya. Sana po ay pakawalan niyo na siya," si Rachelle.
Matagal bago nagsalita si Lola Ruth. "Sigurado ka ba diyan sa nararamdaman mo, Rachelle?"
"N-Nararamdaman na ano po?" nanlaki ang mga mata ni Rachelle. "NAKO! WALA PO AKONG GUSTO KAY SALEM, LOLA!"
Isang unan ang tumama sa mukha ni Rachelle matapos niyang mag-histerikal. Napasapo na lamang siya sa kanyang pisngi na tinamaan ng unan ng pagkalakas-lakas.
"Isa pa, Rachelle, ha! Isa pa!"
"Ang ibig ko po sabihin, sincere ho si Salem. Nababasa ko po sa nararamdaman niya na malinis ang kalooban niya. Wala ho siyang binabalak," si Rachelle.
Napatingin naman sa akin si Lola Ruth. Tiningnan ko siya na animo'y nagmamakaawa. Ginaya ko ang pagpapa-cute ni Rachelle sa kanyang Lola.
Nakita ko na napahinga ng malalim si Lola Ruth bago napatingin kay Rachelle. "Pag 'yang hula mo ay mali, susunugin kita!"
"Promise, Lola! Sigurado akong tama ako this time."
Tumingin si Lola Ruth sa akin. Matalim ang kanyang tingin sa akin na parang nagdadalawang isip pa na pakawalan ako. Tiningnan ko naman siya na parang sinasabi ko'ng hindi siya manghihinayang sa pagpapakawala sa akin.
"Sois libre,"
Nang banggitin ni Lola Ruth ang mga salitang iyon ay namatay ang mga apoy sa bawat sulok ng pentacle. Sandali pang namatay ang mga ilaw at bumalik muli.
Naramdaman ko naman na parang may kung anong bumalik sa aking katawan. Nararamdaman ko na ulit ang kapangyarihan ko. Napatingin ako kay Lola Ruth at napangiti.
"Maraming salamat po, Lola Ruth."
"Huwag mo'ng subukan na biguin ako, Salem," si Lola Ruth. "Pagkakatiwalaan kita dahil 'yon ang sabi ni Rachelle. Pero hindi ibig sabihin noon ay hindi na kita pagdududahan."
"Makakaasa ho kayong hindi ko kayo bibiguin, Lola Ruth," nakangiti kong tugon sa kanya.
"OMG! SALEM!" napatingin naman ako kay Rachelle na ngayon ay lumapit sa akin at yumakap. "Witch ka pala, ha! Tsaka Voodoo Priestess din ako!"
"Hindi ka pa Voodoo—"
"Lola naman, eh! Panira talaga 'to!" nakanguso niyang sagot kay Lola. Bumaling siya sa akin ulit. "Magiging powerful duo tayo, Sal! OMG!"
Natawa na lang ako sa inasal ni Rachelle. Akala ko pa naman ay matatakot ito sa'kin kapag nalaman niyang isa akong Witch, o Warlock. Pero hindi. Natuwa pa talaga si Rachelle nang nalaman niyang dalawa kami na gumagamit ng mahika. Iyon nga lang ay magkaiba kami.
Isa akong Warlock at isa siyang Voodoo Priestess....malapit nang maging Voodoo Priestess.
"Magandang partnership,to, Salem! Naisip mo ba 'yon?" si Rachelle. "Isang Witch at isang Voodoo Priestess!"
"Hindi na ako masyadong gumagamit ng kapangyarihan ko, Rachelle," sagot ko sa kanya na ikinawala naman ng ngiti niya.
"Huh? Bakit?"
"Wala, gusto ko lang manirahan ng normal. Masyadong delikado lalo na sa panahon ngayon. Kaya naisipan kong 'wag nang gamitin ang kakayahan ko." sagot ko pa sa kanya.
"Sa ngayon," biglang singit ni Lola Ruth na ngayo'y pinapatay na ang mga sinindihan niyang mga kandila kanina. "Hindi mo pa magagamit sa ngayon. Pero balang araw ay mapipilitan kang gamitin 'yan."
"Pero nangako na ho ako sa sarili ko. Para na din sa kaligtasan ng mga nasa paligid ko," sagot ko kay Lola Ruth.
"Iyan din ang magiging rason mo sa paggamit muli ng iyong kakayahan. Para sa kaligtasan ng mga nasa paligid mo," si Lola Ruth.
Dalawa na kami ni Rachelle ngayon na nakikinig sa mga sinasabi ni Lola. Isa siyang Voodoo Priestess, isang magaling na Voodoo Priestess. Kaya may punto ang sinasabi niya at malaki ang pagkakataon na magkakatotoo 'yon.
Pero pinanghahawakan ko sa ngayon ang pangako ko sa sarili ko.
"Mas lalakas ka, at mas magiging makapangyarihan," aniya pa muli at humarap sa amin.
"Alam ko, dahil nakita ko."
Huling sabi ni Lola Ruth bago siya pumasok ng kanyang silid.
ITUTULOY.