Chapter 18

2136 Words
SALEM Sabado ngayon, at wala akong duty dahil umalis si Tita Leng at umuwi muna sa kanila sa probinsya. Mukhang mahaba-haba ang pahinga ko mula sa trabaho ngayon. Siguro ay mauubos lang ito kakasabay ko kay Rachelle mamili ng mga ginagamit niya sa pag-eensayo. "Gusto kong may magawa ako sa susunod na atakehin si Lola ng mga peste," mariing aniya saka sumipsip sa straw ng kanyang milk tea. Nasa park kami ngayon. Napagdesisyunan naming mamasyal at iniwan muna si Lola Ruth sa apartment. Sabi naman daw niya ay kaya niya na daw mag-isa. Matapos noong nangyaring pag ganti sa mga may balak na patayin si Lola Ruth, naging maayos na ang kalagayan niya. Hindi lang din mawala sa isipan ko kung paano ako gumanti. Hindi nila alam na pinatay ko ang mga kalaban ni Lola Ruth. Ang sinabi ko lang ay gumanti kami. Na ibinalik ko sa kanila ang sakit na pinaramdam nila kay Lola Ruth. Natatakot akong sabihin na pinatay ko sila. Natatakot akong sabihin na pinaslang ko ang mga Voodoo Priest na nagtangka sa buhay ni Lola Ruth. Baka magalit sila sa akin. Baka kamuhian nila ako. "Maraming salamat talaga, Salem," ani Rachelle. "Hindi ko talaga alam ang gagawin ko kung wala ka." Napatingin naman ako kay Rachelle. May lungkot sa kanyang mga mata. Nababasa ko sa kanyang isipan ang tuwa na naging maayos na ang Lola niya. At hindi din nakaligtas sa akin ang nasa likod ng kanyang isipan. "Gusto kong gumaling pa. Nang sa gano'n ay ma-protektahan ko si Lola ng hindi umaasa sa iba." Iyon ang naririnig ko sa kanyang isipan. Puno ng diterminasyon ang kasabay kong Rachelle ngayon. Gusto niyang mas gumaling pa sa pag gamit ng kanyang kapangyarihan. "Rachelle," tawag ko sa kanya. "Hmm?" "Anong pakiramdam na maging Voodoo Priestess?" tanong ko sa kanya na ikinatawa naman niya. "Hindi pa daw ako Voodoo Priestess sabi ni Lola. Madami pa daw akong dapat na matutunan," sagot naman niya. "Well, may mga alam ka na din naman kagaya ng tarot reading, palm reading," sabi ko pa sa kanya. "Kaya sa tingin ko pwede ka nang tawagin na Voodoo." "Hmm. Kung tatanungin mo kung anong pakiramdam," huminga siya saglit saka sumagot. "Mahirap. Kasi naman hindi natural na may kapangyarihan ang mga Voodoo Priestess o Priests. Nakuha lang namin ang kapangyarihan namin sa pag-aaral at pagbabasa." Hindi naman ako nagsalita. Nakikinig lang ako sa kanya kahit alam ko naman iyon. Ang gusto ko lang naman kasi malaman ay kung ano ang pakiramdam na maging isang Voodoo Priestess. Nalaman ko din kasi na sila ang mga nilalapitan ng mga mortal kapagka sila ay nasumpa o may nararanasang kamalasan sa buhay. Sa kanila kumukunsulta ang mga taong may nararanasang kababalaghan o kung ano pa. "Sabi ni Lola. Hindi mo malalaman sa unang tingin ang pinagkaiba ng Voodoo at ng Witch. Malalaman mo lang kung anong klaseng magician ang isang tao kung malalaman mo kung saan galing ang mahika nila. O kung paano nila ginagamit ang mahika nila," mahabang litanya naman ni Rachelle. "Para sa akin, napakahirap talaga kasi napakadami mong kakabisaduhin. Napakarami mong babasahin. Napakarami mong alamin," dugtong pa niya. "Tapos 'yong mga binasa mo ay ipe-perform mo pa, 'di ba? Tsaka 'di pa 'yan magiging perfect kaagad. Kailangan mo pa sanayin talaga!" "Matalino ka naman, Rachelle. Siguro nga ay mas marami ka pang alam na salamangka kesa sa'kin, eh!" sabi ko sa kanya at napatawa pa. "Kung gano'n ay nag-aaral ka pa din?" Matagal bago ako nakasagot kaya napatingin ako sa kanya. Mabuti na lang walang masyadong tao dito sa park kaya malaya kaming makakapag kwentuhan tungkol sa kung ano kami. "Hindi na, tumigil na ako," sagot ko sa kanya ng hindi lumilingon. "Tumigil sa alin?" "Sa pagbabasa ng spells. Sa pag-eensayo. Sa lahat," sagot ko sa kanya. "'Di ba nga, sabi ko, titigilan ko na ang witchcraft at maninirahan na lang ako ng tahimik." "Pero, may mga alam ka pa din?" tanong niya pa. "Naaalala mo pa 'yong dati mong mga natutunan! Ginamit mo pa nga, eh!" "Oo naman, 'di na mawawala sa isip ko 'yon. Kabisado ko na 'yon," sagot ko sa kanya. "Noon ko lang din ulit nagamit ang mahika na 'yon. Ang tagal na ng panahon na 'yon na gumamit ako ng reverse spell." "Pero naglagay ka pa din ng runes sa apartment mo. Kaya noon sinubukan naming pasukin bahay mo, 'di makapasok mahika namin ni Lola, eh!" aniya pa ng nakanguso. "Kayo pala 'yon, ah!" "Heh!" pagpapatahimik niya pa sa'kin. Napatawa na lang ako sa pag nguso niya. "Pero, seryoso. Ang lakas mo." "Bakit mo naman nasabi?" "Syempre! Sabi ni Lola napakadami daw ng nagtangka sa kanya. Nagulat nga siya na nagawa mong ibalik 'yong sumpa sa mga nanakit kay Lola," sagot niya pa sa akin na ikinatahimik ko naman. "Totoo ngang napakalakas ng mga Solitary Witch! Lalo ka na!" Napalunok na lang ako at pilit na ngumiti. "S-Syempre, ako pa!" "Aba! Mahangin ka din pala, eh, 'no?" Sandali naman kaming natahimik ni Rachelle. Naglalakad lang kami sa mahabang pathway ng park. Walang naunang nagsalita sa amin. Patingin-tingin lang din ako sa paligid at pinagmasdan ang kagandahan ng buong parke. Natigil naman ako sa pag-aappreciate sa paligid nang marinig ko si Rachelle na tinawag ako. "Salem." "Bakit?" "What if..." napatingin ako sa kanya. "Sabay tayo mag-aral ng mahika?" "T-Tayo?" "Oo, alam mo na. Tayong dalawa ang best duos ngayon. Pareho tayong may magic sa kamay. Besties na tayo, eh!" aniya pa. "Wala na akong oras sa pagwi-witch—" "Come on, Salem!" pagdadabog niya pa na ikinatigil namin sa paglalakad. "It will be amazing! Tayong dalawa, magic duos!" "Kung anu-ano na iniisip mo, Rachelle," napakamot naman ako sa aking ulo dahil sa sinabi niya. Ewan ko sa kanya kung ano itong duo-duo na sinasabi niya. May balak pa yata itong isama ako sa kalokohan niya. Hindi ko naman maiwasang basahin ang isip niya nang hindi nagpapahalata. "YIIEEE! KAMING DALAWA NI SALEM MAGIGING MAGIC DUOS! TAPOS MAGIGING SUPERHEROES KAMI! WITCH AT VOODOO PRIESTESS! WOW! Ano pa kaya ibang powers ni Salem?" "Tigilan mo na 'yang kabaliwan mo, babae!" sita ko pa sa kanya. "Aba!" nangunot ang noo niya at napasinghap pa sa sinabi ko. "Ayaw mo ba'ng maging superheroes tayo?" "Tigilan mo ako diyan sa magic duos na 'yan. Alam ko pinaplano mo!" tumalikod naman ako sa kanya at nagsimulang maglakad. "At wala na akong ibang powers. 'Yon na 'yon!" "Sandali!" Hindi ko siya pinansin. "HOY!" Bahala ka talaga diyan. "Nakakabasa ka ng isip!" Napatigil ako sa sinabi niya at napalingon. Nakita ko siyang nakalapit na sa akin. Tinitigan niya ako ng mabuti. "Nakakabasa ka ng isip! Alam ko!" "Paano mo nasabi?" "Kasi alam mo na iniisip ko kung ano iba mo pang powers!" aniya at nakapamewang pa. "Tapos?" "Alam ko na ginamit mo 'yon habang nando'n tayo sa apartment. 'Yong tinulungan mo kami ni Lola!" aniya pa. "Hinawakan mo noo ni Lola tapos nag-usap kayo na parang kayo lang nakakaalam!" "Ewan ko sa'yo," sabi ko na lang at tumalikod at nagsimulang maglakad. "Sandali lang!" ***** Nakarating na kami ngayon sa sidewalk sa labas ng park. Malapit lang din naman ang apartment namin dito sa park kaya naisipan na lang namin ni Rachelle na maglakad na lang pabalik sa aming mga apartment. "Nakakapagod din pala kahit palakad-lakad lang naman tayo sa park," reklamo pa ng babaeng katabi ko na napakaingay. "Sino ba namang hindi mapapagod, eh, pinagsasabay mo 'yang paglalakad at pagbubunganga mo!" pang-aasar ko sa kanya. "Bastos ka, ah! Nakakarami ka na, Salem, ah!" pagmamaktol pa niya. Habang nasa sidewalk kami ay tahimik lang kami ni Rachelle na naglalakad. Pagod na din kasi kami mula sa pagpasyal. Nagsisimula na ding uminit ang panahon. Mausok na din sa sidewalk buhat ng mga sasakyan. Mabuti na lang ay may dala kaming mga facemasks na mabilis naman naming isinuot ni Rachelle. Pampaiwas na din sa mabahong amoy ng usok mula sa mga sasakyan. Habang kami ay naglalakad ni Rachelle ay nakarinig kami ng mga pagkabasag at mga tili mula sa aming likuran. Ang mga tao sa aming paligid ay napatingin din kaya kami rin ni Rachelle ay napalingon. Mula sa kalayuan ay tanaw namin ang pag-araro ng isang truck sa mga sasakyan na nasa highway! Mabilis ang pagtakbo ng truck at papalapit na ito sa kinaroroonan namin! Ang mga sasakyan na binabangga nito ay tila tinapon sa tabi ng daan at rinig na rinig ang nagbubundulan na mga bakal. Hindi din mawawala ang malakas na tunog ng mga nababasag na salamin at sigawan ng mga tao! Malapit na ang nang-aararong truck sa amin! Ilang metro na lang ang layo nito! "DIYOS KO! ANG BATA!" Napatingin naman ako sa gitna ng kalsada kung saan naiwan sa gitna ang isang maliit na bata! Hindi ko alam kung anong pumasok sa isip ko dahil mabilis pa sa alas kwatro ako na tumakbo patungo sa kinaroroonan ng bata! "SALEM!" Narinig ko pa na sumigaw si Rachelle para tawagin ako ngunit 'di ko na 'yon pinansin dahil mabilis akong nagtungo sa harapan ng bata at humarap sa papalapit na truck! Tila bumagal ang oras habang nakatitig ako sa paparating na sasakyan! Napakabilis ng pagkilos nito at nakita kong nasa harapan pa nito ang isang kotsa na inaararo! Tila tinutulak ng higanteng truck ang isang kotse sa kanyang harapan ngayon papalapit sa kinaroroonan namin. Hindi ko na naisip pa ang mga tao sa paligid dahil ang nasa isip ko lang ngayon ay ang batang nasa likuran ko. Ang batang gusto kong sagipin. Bago pa man kami masagasaan ng walang prenong truck at ng inaararo nitong sasakyan ay mabilis kong ikinumpas ang aking mga kamay! Iniangat ko sa ere ang aking mga palad at mga braso kasabay ng isang malakas na kalabog mula sa papalapit na mga sasakyan! Isang pwersa ang nagtulak sa tumatakbong sasakyan at kasabay nito ay ang pag-angat ng truck at ng kotseng inararo nito sa ere! Rinig ang sigawan ng mga tao dahil sa gulat takot sa nangyari. Napatitig ako sa dalawang sasakyan na ngayon ay nasa ere. Nang aking ibinagsak ang aking mga braso ay bumagsak din sa kalsada ang truck at ang kotse. Nakikita ko sa peripheral vision ko ang gulat na mga mukha ng mga taong nakakita. Pero wala na akong pakealam. Mabilis akong lumingon sa bata na nasa likuran ko. Mabilis ko siyang hinawakan sa magkabilang braso. "Ayos ka lang ba?" "O-Opo... Ayos lang po ako," sagot niya sa akin. Habang nakatitig ako sa bata ay tila naramdaman kong parang pamilyar siya. Saka ko lang naalala... “Kuya, palimos po…” napatingin ako sa isang musmos na humila sa laylayan ng aking damit. “Wala pa po kasi akong kain. Hindi pa po nakakain mama ko.” Tinuro niya ang kanyang Ina na nakahiga sa gilid ng daan. Nakabalot ito sa kumot at pumipikit-pikit. Mukhang may dinadamdam ang kanyang Ina. Habang nakatingin ako sa kanyang Ina ay naalala ko ang aking Ina. Dumukot ako ng pera sa aking bulsa at inabot sa kanya ang bente pesos na dala ko. Yun lang ang maibibigay ko. Hindi ko pa sahod at wala pa akong pera. Yan na lamang ang natitira sa bulsa ko. “Salamat po, Kuya!” hindi maitago ang saya sa mga mata ng bata. Siguro ay gutom na gutom na talaga siya at wala pa siyang natatanggap na pera mula sa mga taong dumadaan. “Mama, mama! May pangkain na tayo!” Siya ang batang nanlimos sa akin noon! "Anak ko!" Mabilis akong napatayo ng maayos nang marinig ang isang Ginang na humahangos. Mabilis na niyakap ang kanyang anak at tiningnan ang kalagayan niya. Ang Ina ng bata, umiiyak ito at kita ang labis na pag-aalala. "N-Niligtas niya ako, Mama," anang bata sa kanyang Ina. "Salem!" napatingin ako kay Rachelle na lumapit kaagad sa akin. "Ayos ka lang?" "Ayos lang ako," sagot ko naman sa kanya. Napatingin kaming dalawa sa bata na nakatitig pa din sa akin. Hinihila na siya ng kanyang Ina paalis ng kalsada ngunit nakatitig pa din siya sa akin. Napatingin kami sa sitwasyon ng kalsada. Napakaraming mga sasakyan ang nasira. Nag-aapoy ang iba dito. Maya-maya lamang ay biglang dumilim ang kalangitan. At saka bumuhos ang malakas na ulan. Pinatay ng ulan ang mga apoy na siyang tumutupok sa ibang sasakyan maging sa truck. Napatingala naman ako sa ulap at saka napatingin kay Rachelle. Nakita ko pang naging puti lahat ang kanyang mga mata ng sandali bago ito bumalik sa dati. "Halika na, Salem," si Rachelle. "Habang busy pa silang lahat." Mabilis naman kaming umalis ni Rachelle sa lugar na 'yon at lumayo. Baka kasi ay may makapansin pa sa amin matapos ang ginawa naming himala doon sa kalsada. Kinuha namin ang tsansang iyon na tumakas mula sa gitna ng maraming tao. Namangha ako sa ipinakitang atmokinesis ni Rachelle pero sa ngayon ay kailangan naming makalayo. ITUTULOY.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD