SALEM
Napatingala kaagad akoa sa TV nang marinig ko ang balita ng isang reporter. Nakatutok pa din ako dito habang nakakarinig naman ako ng bulungan mula sa mga customers na nakikinood na din.
"Nagkagulo kagabi lamang sa Tokyo, Japan matapos umano'ng umatake ang isang nilalang na kawangis ng gagamba! Base sa footage na ipinost ng isang OFW na si Jean Griego. Makikitang nagpalakad-lakad ang dambuhala sa kalagitnaan ng syudad. Itinalang nasa mahigit dalawampu ang namatay sa nasabing pag-atake. Kinikilala naman ngayon ang mga taong sinasabi nila'y kumalaban umano sa dambuhala."
Napatingin kaagad ako sa kuha ng video kung saan naka-focus sa mga taong lumilipad sa ere. Makikita ang mga liwanag na kumakawala sa kanilang mga kamay at tumatama ito sa higanteng nilalang.
Gabi nang makunan ang trahedya kaya hindi ko masyadong maaninag kung ano ang hitsura ng sinasabi nilang gagamba. Ngunit hindi naman gagamba ang kawangis nito.
Mukha lamang itong gagamba dahil sa mayroon itong walong binti. Mukha itong insekto at ang bibig ay tila bibig ng isang agila. Matinis din ang sigaw nito na para bang isang ibon.
Pero hindi sa halimaw nakabaling ang tingin ko kundi sa mga lumilipad sa ere na mga tao. Binabato nila ng mahika ang nagwawalang nilalang. Napansin kong sila 'yon!
Wizards!
"Salem."
Napatingin ako sa nagsalita at nang nagbaba ako ng tingin ay nangunot ang noo ko. "Rachelle?"
"Salem, kailangan ko ng tulong mo."
"Ha? Bakit?"
Nakita kong halos maluha-luha na si Rachelle. Bakit parang naiiyak siya? Ano ang problema niya?
Napatingin naman ako kay Tita Leng na ngayon ay nagtataka din na lumapit sa amin.
"Rachelle? Bakit naiiyak ka?" nag-aalalang tanong ni Tita Leng. "Anong nangyari, hija?"
"Si Lola, po."
"Anong nangyari sa Lola mo?" si Tita Leng ang nagtanong.
Para naman akong nabingi sa sinabi ni Rachelle. Ano naman kaya ang nangyari kay Lola Ruth?
"Salem, tulungan mo naman ako, oh. Ikaw lang ang malalapitan ko ngayon. Ikaw lang ang kilala kong—"
"Tita Leng," pinutol ko si Rachelle sa pamamagitan ng pagtawag kay Tita Leng. "Pwede ho ba akong sumama muna kay Rachelle?"
"Oo naman! Bilisan mo do'n! Balitaan niyo kaagad ako kung ano na ang kalagayan ni Tita Ruth," may pag-aalala din sa boses ni Tita Leng.
Nakita ko naman ang mga customers na naguguluhan din sa mga nangyayari sa amin. Napatingin naman ako kaagad sa dalawang simbolo na nasa ibabaw ng entrance.
Oo, dalawa. Dinagdagan ko si Jehu ng Algiz nang sa ganon ay maprotektahan naman si Tita Leng kapag may leave ako. Baka kasi maulit na naman ang pangho-hold up sa amin nang wala ako sa trabaho. Mabuti nang may proteksyon si Tita Leng sa tindahan niya.
Mabilis ko naman na sinamahan si Rachelle. Nangmamadali naman kaming sumakay ng taxi at kaagad na nagtungo pabalik sa aming mga apartment.
Nang makarating kami sa harap ng building kung saan kami nakatira ay patakbo kaagad kami na pumasok. Nagmamadali kaming pumunta sa floor namin at nagtungo sa apartment nina Rachelle.
Nadatnan namin sa kwarto si Lola Ruth na nakahiga. Umuubo at tila hindi makagalaw. Nakakumot ito at tila naiiyak na dahil sa hirap ng dinadanas.
"Lola Ruth!" nagmamadali kong lapit sa kanya.
Napatingin naman siya sa akin. "T-Tulungan mo 'ko... M-Maawa ka.."
Hindi ko maipaliwanag kung bakit nakaramdam ako ng kirot nang marinig ko'ng sinabi niya 'yon. Dinampi ko ang aking palad sa noo ni Lola Ruth at pumikit. Pinakiramdaman ang kanyang isipan.
"S-Salem... Gumaganti sa a-akin ang mga kalaban ko... Tulungan mo ako..."
"Sinong mga kalaban, Lola? Anong ibig niyong sabihin?" tanong ko sa kanya at muling binasa ang kanyang isip.
"May itim na mga Voodoo Priestess na kumakalaban sa akin, Salem. Mayroon ding mga Voodoo Priest. Marami sila, Salem. Hindi ko na sila kaya."
Hindi ko alam kung bakit naglalaban sila. Hindi ko din alam kung bakit walang awa nilang pinagtutulungan si Lola Ruth. Ano naman kaya ang kailangan nila sa kanya at bakit kailangan pa nilang pahirapan si Lola ng ganito?
"S-Salem.." napatingin naman ako kay Rachelle na ngayon ay umiiyak na. "Tulungan mo kami. Maawa ka sa Lola ko, Salem. Kailangan namin ng tulong mo."
Tumutulo ang luha ni Rachelle at kahit na anong pahid niya ay hindi pa din tumitigil sa pagbuhos ang kanyang mga luha. Naaawa ako sa kalagayan niya habang nakatayo lamang sa gilid na parang hindi alam ang gagawin.
"Tulungan mo ang Lola ko, Sal. Hindi ko alam kung anong gagawin ko. Ikaw lang talaga ang malalapitan ko ngayon, Sal. Maawala ka, Sal. Tulungan mo kami ng Lola ko," daing pa ni Rachelle.
Napatingin ako kay Lola Ruth na ngayon ay naluluha na din. Hindi na siya nakakapagsalita at nagiging mababaw na ang kanyang paghinga. Ang kanyang balat ay namumutla na at parang ilang sandali na lang ay malalagutan na ng hininga si Lola Ruth.
Ipinangako ko sa aking sarili noon pa man na hindi ko na gagampanan pa ang pagiging isang witch. Hindi na ako babalik pang muli sa paggamit ng kapangyarihan at gagamitin na lamang ang mg simbolo upang maprotektahan ang mga taong malapit na sa akin.
Pero sinusubukan talaga ako ng tadhana at tila ngayon, kinakailangan kong makasagip ng buhay. Sa akin umaasa ngayon si Rachelle. Nakikita ko sa kanya at nababasa ko sa kanyang isipan na hindi alam ang gagawin kapag nawala sa kanya ang pinakamamahal niyang Lola.
"Maawa ka, Salem. Iligtas mo ang Lola ko," naiiyak pa din na sabi ni Rachelle na ngayon ay nakaluhod na sa gilid ng kama ni Lola Ruth.
Sa huli, nakapagdesisyon na din ako. Kinakailangan ni Rachelle at ni Lola Ruth ngayon ng tulong. Hindi ko dapat tanggihan ito. Hindi ko dapat biguin si Lola Ruth. At lalong hindi ko dapat biguin ang kaibigan kong si Rachelle.
"Lola," napatingin ako kay Lola. Nakatitig lang din sa akin ang nanghihina niyang mga mata. "Panatilihin mo ang koneksyon mo sa kalaban. 'Wag mong hahayaan na mawala ang koneksyon mo sa kanila."
Napangiti ako kay Lola Ruth. "Gaganti tayo."
Ngayon ay wala nang atrasan pa. Kailangan kong iligtas si Lola Ruth. Hindi na dapat ako uurong pa. Tutulong ako sa kanila.
Bilang isang witch.
Tumayo ako ng maayos at dumistansya ng kaunti sa kama ni Lola Ruth. Pumikit ako at muling pinakiramdaman ang sensasyon na matagal ko nang hindi nararamdaman.
Ibinagsak ko ang aking braso at ibinuka ang aking palad. Dahan-dahan kong iniangat ang dalawa kong mga kamay sa ere at kasabay din noon ay ang paglayo ng aking mga paa sa inaapakang sahig.
Nang maramdaman ko ang aking paglutang ay kaagad kong iniangat ang aking mga binti na para bang nakatalungko ako sa ere. Ipinatong ko naman ang aking mga kamay sa aking mga tuhod. Naramdaman ko ang malamig na hangin na humahaplos sa aking mukha.
Nasa tamang posisyon na ako. Ngayon, oras na para gumanti sa mga nanakit kay Lola Ruth.
****
THIRD PERSON
Ang kaninang maaliwalas na panahon ay hindi maipaliwanag na nagbago. Bigla na lamang dumilim ang paligid dahil sa itim na mga ulap na nakatakip sa sinag ng araw.
Ang mga tao naman ay nagtakbuhan dahil sa nagbabaydang ulan. Ang mga may dalang panangga ay agad na inilabas ang kanilang mga dala.
Bago pa man bumagsak ang ulan ay isang nakabubulag na kidlat at nakabibinging kulog ang sumakop sa himpapawid. Malamig at malakas na hangin ang siyang sumalubong sa mga motorista at mga sibilyan na naglalakad.
Sa oras na iyon. Isang misteryosong bulong ang maririnig.
"Maledictus e contrario."
Ramdam ang napakalamig na hangin maging sa tagong kweba sa itaas ng bundok, malayo sa syudad. Ang hangin na nagmula sa labas ay pumasok sa loob ng kweba kung saan naroon ang grupo ng mga nakaitim na balabal.
Marami sila. Kung bibilangin ay aabot sa isang daan o higit pa ang mga taong nakabalabal. Nakaharap sila sa isang larawan sa ibabaw ng isang malaking bato.
Ang larawan ng matandang babae na si Ruth. Napalilibutan ito ng itim na mga kandila at mga simbolo na siyang nagdadala ng matinding karamdaman sa babaeng binibiktima. Lahat sila ay nakaitim na balabal at sa paligid ng mga taong nagriritwal ay may mga kandila na nakapalibot.
Iyon ang tila nagbibigay liwanag sa buong kweba. Napakaraming kandila. Napakarami din ng mga nakabalabal. Sabay-sabay nilang binibigkas ang mga engkantasyon na nagpapalubha ng karamdaman ng biktimang si Ruth.
"Oremus pro tenebris benedictionem Domini. Da nobis potestatem cruciandi."
Sabay na sabay ang kanilang pagbigkas. Palakas din ito ng palakas habang ang kanilang biktima ay mas lalo lamang nahihirapan. Ang kanilang hinihiling na itim na kapangyarihan ay binibigay na sa kanila.
Sa kanilang bilang ay malabo itong malabanan ni Ruth. Si Ruth na isang magaling at malakas na Voodoo Priestess. Ngunit kahit na gaano siya kalakas.
Wala siyang laban sa mahigit isang daang kagaya niya. Na ngayon ay nanghihingi ng basbas sa itim na Diyos na siyang mas nagpapalakas sa mahika ng mga nakabalabal.
"Da nobis potestatem maledicendi. Da nobis magicam intumissimam. Per commutationem animarum nostrarum."
Sa gitna ng kanilang pagdadasal ay isang malamig na hangin ang pumasok sa kweba. Pinatay nito ang ilan sa mga kandilang nakasindi sa paligid nila. Ang iilan sa mga nakaitim na balabal ay napansin ang pagkamatay ng mga kandila na naging dahilan upang maibuka nila ang kanilang mga mata at mapatingin sa paligid.
Namatay na lamang ang mga ito matapos sila haplosin ng isang nakakapanindig balahibong hangin. Ang mga nawala sa focus ay napatingin sa paligid. Iilan sa kanila ay natigil sa pagdadasal at marami naman ang nagpapatuloy.
"Vocem meam audi."
Nawala ang ilan sa focus nang makarinig ng isang bulong mula sa hangin. Ang bulong na iyon ay naghatid ng kakaibang lamig sa kanilang katawan. Nakakapangilabot ang bulong.
"Vocem meam audi."
Habang nagriritwal ang karamihan ay unti-unti nang nakakaagaw ng pansin ang misteryosong bulong na nagmumula sa labas. Napapatingin na sila sa paligid at napatigil na sa pagriritwal.
"Bakit ka tumigil? Magdasal ka!" mariing bulong ng isang nakabalabal sa kanyang katabi.
"May bumubulong," tugon naman ng babaeng iniikot ang tingin sa paligid.
"Anong—"
"Vocem meam audi."
"Ano 'yon?"
"Naririnig mo na din ba?" curious na tanong ng babaeng nakalabal sa kanyang kasama.
"Oo, 'yon ba ang ibig mo'ng sabihin?"
"Oo. May bumubulong!"
"Bumalik na lang tayo sa pagdadasal."
Bumalik na ang kanilang atensyon muli sa pagdadasal at pilit na 'di pinapansin ang bumubulong sa hangin.
"Offerimus tibi corpus hujus creaturae in magna virtute tua. Dirige nos et inscrutabilem tuam nobis da magi—"
"Maledictus e contrario."
"ARGH!!!"
Napasigaw na lamang sa kirot ang dalawang babae na kanina lamang ay nagbubulungan. Mula sa kanilang pagkaluhod ay tila umangat ang kanilang katawan at napaliyad nang makaramdam ng matinding pagsakit ng kanilang likod!
"AH! T-TULONG!"
"AH! S-s**t!"
Napatingin sa kanila nang dahil sa gulat ang mga kasama nilang nagriritwal. Maya-maya pa ay hindi lamang silang dalawa ang biglaang namilipit sa sakit ng tila nababaling buto!
"AH!"
"f**k!"
"P-PUTANGI—AH!!"
Maya-maya pa ay ang ilan sa mga kandila ay biglaang natumba. Ang iba ay misteryosong natapon at napunta sa mga nakabalabal!
Nasunog ang laylayan ng isang balabal na siyang nagpasigaw sa lalake! Nilamon ng apoy ang kanyang kasuotan ng mabilis na naging sanhi ng kaguluhan sa buong kweba!
"Maledictus e contrario."
Muling narinig ng karamihan ang bulong at kasabay noon ay ang biglaang p*******t ng likod ng karamihan. Sobrang sakit! Nakakapamilipit!
Habang napapasigaw ang lahat dahil sa gulo at ang iba naman ay nababaliw dahil sa misteryosong pagkirot ng kanilang katawan. Hindi nila napapansing unti-unting nabubura ang simbolo na nakaguhit sa palibot ng larawan ni Ruth.
Napapawalang bisa ng bulong ang pentacle!
Maya-maya pa'y mas lalong lumala ang kanilang dinadamdam! Sa halip na p*******t lamang ay biglaan na lamang...
Nagsisigaw ang mga nakabalabal.
Nakakapanghilakbot ang mga nangyayari.
Naglupasay sa sahig ang mga nakabalabal na kanina pa namimilipit sa sakit.
Ngunit hindi iyon ang nakakapanghilakbot na nangyari. Dahil ang kaninang p*******t ng katawan.
Ay naging pagkabali ng mga buto!
Habang tumatakbo ang mga nakabalabal ay napapadaing na lamang sila sa biglaang pagkabali ng mga buto nila sa katawan. Napapaiyak at napapasigaw na sila dahil sa biglaang pag-ikot ng kanilang mga braso at mga binti dahil sa nababaling mga buto!
Lumuwa mula sa balat ang mga nabaling buto! Ang mga matitibay nilang mga buto sa likod at biglang bumibigay na tila mga sanga na nabali!
Lumalabas mula sa balat ang mga buto nila! Ang mga leeg nila'y bigla na lamang umiikot at bumabaliktad!
Tatakbo na sila sa labasan ng kweba. Ngunit 'di pa man nila abot ang liwanag sa labas ay nagkandapira-piraso na ang mga buto nila sa katawan. Lumuluwa at lumalabas mula sa kanilang mga balat.
Nagtalsikan ang mga dugo at mga laban loob na lumabas mula sa katawan ng mga nakabalabal. Kahindik-hindik ang kanilang sinapit dahil sa misteryosong bulong.
Tila pinipisa ng kung anong pwersa ang kanilang mga katawan. Lupaypay sa mabatong lupa ng kweba ang mga katawan ng nakabalabal.
Walang natira.
Lahat ay bali-bali.
Lahat ay naliligo sa sariling dugo.
Lahat ay hindi nakalabas ng kweba.
Lahat ay nakatikim ng sarili nilang sumpa.
Lahat ng buto ay durog. Walang itinirang buo.
Lahat ay nagantihan.
Lahat ay...
Namatay.
ITUTULOY.