-Ivan’s POV-
“Hanggang kailan ka magpapaloko at magpapagamit sa babae na ‘yan? Hindi mo ba napapansin na ginagamit ka lang niya?” napapikit na lang ako habang nakikinig sa mga sinasabi ng nanay. Pagkabalik na pagkabalik kasi namin ni Clara ay agad niya akong tinawag para kausapin.
Kaya lang ay hindi ko inaasahan na tungkol pa rin sa pagtulong ko kay Clara ang magiging problema namin, akala ko ay pumayag na siya dahil ilang araw din ang lumipas at hindi na niya nabanggit pa ang tungkol sa bagay na ‘to. ‘Yon pala ay kinukumbinsi ko lang ang sarili ko hindi lang siya sanay na may ibang tao.
“Pero wala naman siyang ginagawang masama!” pagtatanggol ko kay Clara. Hindi naman nakasagot agad ang nanay at pinanlakihan niya lang ako ng mata. Alam ko naman na gusto niya lang akong protektahan pero wala namang ginagawang masama si Clara para pagsabihan niya ng gano’n.
Nakikita ko kung gaano gustong makipag-usap ni Clara sa kanya pero siya ‘tong pilit na umiiwas at lumalayo, kaya naman hindi ko maintindihan kung bakit ayaw niya kay Clara. Lahat ng gusto niya ay sinusunod ko kahit na labag sa loob ko, pero kahit ngayon lang hindi ba ako pwedeng maging masaya?
“Nay, hindi pa ba sapat ‘yong kabutihan na pinapakita niya sa atin? ‘Yong pagtulong niya rito sa bahay?” seryosong wika ko sa kanya pero mukhang parang wala lang naman sa kanya ‘yong sinabi ko. “Ngayon lang ako humingi ng pabor sa’yo, hindi ba pwedeng mapagbigyan mo ‘yon?”
“Ayan! Dahil d’yan. Masyado kang nagpapadala sa matatamis na salita kaya naman ang dali lang para sa mga tao na utoin ka at lokohin,” inis na sabi niya sa akin. “Siguraduhin mo lang na hindi mo pagsisisihan ‘yang desisyon mo, Ivan,” dagdag niya pa at saka naglakad palayo.
Hindi naman na ako nakasagot pa dahil matapos niyang magsalita ay tinalikuran na rin niya ako. Napasabunot na lang ako sa sarili ko dahil hindi ko na rin alam kung anong gagawin ko. Hindi ko alam kung bakit masyadong mainit ang dugo niya kay Clara samantalang wala naman ‘tong ginagawang masama.
Hindi ko rin maintindihan kung bakit pilit niyang gustong paalisin si Clara kahit na sinabi ko pa sa kanya na may humahabol dito. Hindi ko naman pwedeng basta-basta paalisin si Clara o kaya naman patuluyin sa ibang lugar dahil baka mahanap siya ng boss niya.
Napabuntong hininga na lang tuloy ako dahil hindi ko na alam ang gagawin ko. Halos araw-araw akong nakikiusap sa nanay na hayaan na lang si Clara rito pero hindi naman niya ako pinapansin, tapos ngayon ay gusto na niya itong paalisin sa lugar namin.
“Ivan?” agad naman akong napaangat ng tingin ng marinig ko ang pangalan ko. “Ayos ka lang ba?” Nang mag-angat ako ng tingin ay nag-aalalang mukha ni Clara ang bumungad sa akin. Parang may kumirot na kung ano sa puso ko ng dahil do’n pero hindi ko na lang masyadong pinansin ang bagay na ‘yon.
“Ayos lang ako. Masyado lang ata akong napagod kanina,” pagdadahilan ko sa kanya. Hindi ko magawang sabihin sa kanya ang tunay na dahilan dahil natatakot ako. Natatakot ako na baka bigla niyang maisipan na umalis na lang at magising ako isang araw na wala na siya.
Masyado akong nasanay sa presensya niya kaya naman hindi ko alam ang gagawin ko kung sakali man na isang araw ay biglang wala na siya, na baka isang araw ay hindi ko na makita pa ang mga ngiti niya, na baka isang araw ay bumalik na naman ako sa dating ako.
“Gusto mo bang mag-kape? Ipagti-timpla kita,” nakangiting sabi niya kaya naman tumango na lang ako. Imbes na maunang maglakad papuntang kusina ay hinatak niya ako kaya naman nagpadala na lang ako sa kanya. Nang makarating sa kusina ay nagsimula na siyang ipag-timpla ako ng kape.
Habang nakatingin sa kanya ay hindi ko maiwasan na mapangiti. Ilang beses na akong napag-timpla ng kape ng nanay pero hindi naman ganito ang nararamdaman ko. Ewan ko ba, sa tuwing nakikita ko si Clara ay parang kinakabahan ako, at sa tuwing ngingiti siya ay bumibilos ang t***k ng puso ko.
“Ito na,” nakangiting sabi pa ni Clara at inilapit sa akin ang kape. Bahagya pa akong nagulat dahil hindi ko napansin na tapos na pala siyang magtimpla. Agad din naman siyang naupo sa harapan ko kaya naman mas malinaw kong natitignan ang mukha niya.
At dahil wala naman na masyadong gagawin ay nag-kwentuhan lang kami ni Clara hanggang sa ilang oras na rin pala ang lumipas. Akala ko pa no’ng una ay wala siyang balak i-kwento ang tungkol sa kanya pero kanina ay puro tungkol sa kanya lang ang pinag-usapan namin.
Kahit papano ay hindi ko tuloy maiwasan na mainggit sa kanya. Nai-kwento niya kasi sa akin ang masasaya at nakatutuwang alaala niya sa trabaho niya kaya naman nainggit ako. No’ng nagta-trabaho kasi ako ay wala akong naging kaibigan dahil masyado akong tahimik.
Hindi rin naman ako nakikipag-usap no’n sa mga ka-trabaho ko dahil mas sanay talaga ako na mag-trabaho mag-isa. Kaya nga sobrang nanibago ako no’ng unang araw ko dahil hindi ako sanay sa gano’n, pero ngayon, naisip ko n asana pala ay nilakasan ko ang loob ko.
Kahit na hindi ko pa nakikilala ang mga ka-trabaho niya ay naisip ko na kaagad na parang ang saya nilang kasama. Habang nagku-kwento rin kasi siya ay nakangiti siya at bakas sa mukha niya ang tuwa kaya naman minsan ay hindi na ako nakikinig pa at nakatingin na lang sa kanya.
Mabuti na lang at hindi niya napansin ‘yon dahil abala siya sa pagku-kwento. Bigla naman akong na-alarma ng mapansin ko na lumungkot ang ekspresyon niya kaya naman nag-aalalang napatingin ako sa kanya.
“Anong problema?” agad na tanong ko sa kanya at napabuntong hininga naman siya.
“Naalala ko lang ‘yong mga kaibigan ko, bigla ko kasi silang na-miss,” malungkot na sabi niya. Hindi ko tuloy alam ang sasabihin ko sa kanya dahil wala naman akong mga kaibigan. Kaya lang ay parang ayaw ko na ma-miss niya ang mga kaibigan niya dahil posible na umalis siya rito.
“G-gusto mo ba silang makita?” maingat na tanong ko. Gusto ko sanang marinig na sagot sa kanya ay hindi, pero kung sakali man na um-oo siya ay wala naman akong magagawa dahil ang mga kaibigan niya lang din ang makakapagpasaya ulit sa kanya.
Ilang segundo pa akong naghintay ng sagot niya hanggang sa umiling siya. “Ayoko. Baka kasi kapag nakita ko sila ay mahirapan ulit akong umalis,” sagot niya pa. Hindi ko tuloy alam kung matutuwa ba ako o malulungkot sa sinabi niya, pero mas lamang ang saya dahil ibig sabihin ay hindi siya aalis.
“Pwede mo naman silang kausapin hindi ba? May cellphone ka naman, pwede mo silang matawagan,” sabi ko sa kanya kaya naman biglang nagliwanag ang mukha niya. Nagulat pa ako dahil bigla niyang hinawakan ang kamay ko na nakapatong sa mesa, ramdam ko tuloy ang pag-init ng mukha ko.
“Oo nga! Nawala sa isip ko na may dala pala akong cellphone,” natatawang sabi niya pa at napakamot sa ulo niya. No’ng una ay hindi ko masyadong maintindihan kung ano ba ‘tong nararamdaman ko, pero ngayon ay mukhang sigurado na ako kung bakit madalas akong kabahan kapag nakikita siya.