20

1114 Words
“MAY MALIIT tayong problema,” sabi ni Shelley Sta. Ana, ang biyenan-to-be ni Ysa. Lumipas na ang state of shock ng mga magulang ni Jonas. Salamat na lang at naroroon si Shelby. Ito ang nagdala ng sitwasyon, katuwang ang asawa nitong si Marcus at si Jonas siyempre. Natural na kabahan siya nang ipakilala siya ni Jonas. All the while, ang alam ng mga magulang nito ay kaibigan at kasamahan siya ni Shelby bilang wedding girls ng Romantic Events. Nabigla ito nang sabihin ni Jonas na siya ang girlfriend nito—fiancée, ang mas tamang termino. At upang bigyang pruweba pa ang anunsyong iyon ay itinaas ni Jonas ang kamay niya. Her engagement ring became the center of attention. Bandang huli, namalayan na lang niya na niyayakap siya ni Shelby sa labis na tuwa nito. At mayamaya, niyakap din siya ni Shelley. Kinamayan naman siya nina Joseph at Marcus. “Anong problema?” sabi ni Joseph. “Nasa edad na sila. Kung si Shelby nga nauna na, si Jonas pa ba na siyang panganay ang hindi natin bibigyan ng blessing para lumagay na sa tahimik? Nasaan ang problema?” “Dad, hindi naman ang pagdadamot ng blessing ang nasa isip ko,” malambing na sabi ni Shelley sa asawa. “Ang nasa isip ko lang naman ay kakakasal pa lang nitong si Shelby. At limang buwan pa bago lumipat ang taon. Di magsusukob sa taon naman ang mga anak mo kung magpapakasal na rin agad itong sina Jonas at Ysa?” Napatawa si Jonas. “Uso pa ba hanggang ngayon ang pamahiin? Isa pa, hindi naman ako naniniwala sa ganyan. Basta ako, I’m thirty-five years old, ripe enough to be a family man. Aba, hahabol ako, ‘no? Itong si Marcus at Shelby nakabuo na. Na-overtake-an na ako sa pagbibigay sa inyo ng unang apo.” “Kasalanan ba namin iyon, bayaw?” nakangiting depensa ni Marcus. “Kasalanan nitong si Shelby,” sagot ni Jonas na itinuro pa ang kapatid. “Kung ipinakilala ba naman niya sa akin agad si Ysa, di sana, nauna pa ako sa inyo.” Umungol si Shelby. “Mapansin mo naman kaya si Ysa kung pinakilala ko siya sa iyo noon pa? Ikaw itong jingle lang yata ang pahinga sa dami ng girlfriends.” Bumaling ito sa kanya. “Ysa, my future sister in law, sa bridal shower mo, ang ireregalo ko sa iyo ay matalas na matalas na balisong. Kapag hindi tumigil sa pagiging palikero iyang si Kuya, putulan mo.” “Ooops! Sobra naman iyon. Mamatamisin ko pang ma-lethal injection kaysa mawalan ng hagdan paakyat sa langit.” Nauna pang mag-react sa kanya si Jonas. Parang feel na feel nito ang scenario na sinalo pa ng magkabilang kamay ang harapan nito. “Teka muna,” aniyang nakangiti pero may talim din ang paraan ng pagkakatingin sa binata. “Parang sintunado yata ang sagot mo, sweetheart.” “Nasaan ang mali doon?” depensa nito. “Siyempre, kelangan kong ipagtanggol ang panggagalingan ng lahi ko.” “Hindi ba mas dapat na isagot mo na hindi ka matatakot dahil magiging faithful ka naman sa akin?” Itinaas niya ang kilay. “Oo nga,” halos duet na sagot nina Shelley at Marcus. “Bayaw, umayos ka ng sagot,” kantiyaw sa kaya ni Marcus. “Ah… I’ll rephrase it,” maagap na sabi ni Jonas. “Don’t worry, sweetheart. I’ll be faithful to you. Scratch na ang lahat ng babae kahit na sing-ganda pa ni Ashley Judd.” “Iyan, matututo ka kasing sumagot ng tama, Kuya,” nakangising sabi ni Shelby. “Kayo naman kasi, eh. Nabigla lang ako ng sagot. Siyempre kapag may threat, defensive agad. Ikaw kaya ang mabantaan na puputulan? Dedepensa ka agad, di ba, bayaw?” linga nito kay Marcus. “Ewan ko sa iyo,” buska nito. “Basta ako, lalo ngayong magkaka-baby na kami, mas lalo akong in love dito sa misis ko.” Inakbayan pa nito ang asawa. And almost automatically, humilig naman si Shelby sa dibdib nito. Halata na rin ang pagbubuntis ni Shelby lalo at maternity blouse na ang suot nito. Natuwa naman siyang pagmasdan ang mga ito. Larawan ng tunay na nagmamahalan. Nang magtama ang tingin nila ni Shelby, nagpalitan sila ng ngiti. May mabining init na gumapang sa dibdib niya. Damang-dama niya ang pag-welcome nito sa kanya. “Teka, balik tayo sa sinasabi ko kanina,” wika ni Shelley. “Ano ba ang balak ninyo? Apurahan ba ang kasal?” Bumaba ang tingin nito sa tapat ng tiyan niya. Hindi man dapat ay biglang nakadama ng guilt si Ysa lalo at iba ang titig sa kanya ni Shelby. “Apurahan kasi excited na ako na maging misis ito,” sagot ni Jonas at inakbayan din siya.  “Hindi ka kagaya ni Shelby?” banayad na tanong ni Shelley. “You know what I mean.” Umiling muna siya. “Ay, hindi po.” “Excuse me, Mommy. Noong ikasal ako ng civil, hindi ako buntis!” depensa naman agad ni Shelby. At nagkatawanan sila. “Well, nagtatanong lang naman ako,” kibit ni Shelley ng balikat. “Wala namang problema sa akin kung magkakasunod ang dating ng aking mga apo. Masaya nga iyon. Iingay uli itong bahay. Kayo ni Jonas ang magdesisyon kung kailan ninyo gustong magpakasal. Basta kami, naririto lang, nakasuporta sa inyo.” “Thanks, Mom,” ani Jonas at tumingin sa kanya. “Sweetheart, start calling them mom and dad, too. Naka-three in one ka pala, Ysa. Magkaka-husband ka na, magkaka-parents ka pa uli. At may bonus ka pang hipag--- na nagdilang-anghel. Ayan, Shelby, natupag na wish mong maging hipag si Ysa.” “Oo nga pala, wala ka na bang mga magulang, hija?” tanong ni Daddy Joseph. Marahan siyang umiling. “Si Kelsey na po ang pinaka-pamilya ko. Wala naman po akong malapit na kamag-anak dito. Iyon pong kaisa-isang kapatid ng mama ko, nasa Middle East. Ilang taon na din pong wala kaming communication.” “Hindi bale, hija, mula ngayon, kapamilya mo na rin kami,” sabi nito. Nangislap ang luha sa mga mata niya sapagkat naramdaman niya ang sinseridad sa tinig nito. “Salamat po.” “O, iyan, sweetheart, para ka na ring artista. Kapamilya. Di ba, iyong sa Channel 2, ang tawagan nila kapamilya?” “Heh!” nakangiting singhal ni Shelley sa anak. “Ikaw talaga, puro kalokohan.” “Eh, kasi naman, Mommy, pinapaiyak na ninyo itong bride-to-be ko, eh.” Tumayo si Jonas tangay ang kamay niya. “Excuse us. Gusto na namin mapagsolo. Sa susunod na lang natin pag-usapan ang detalye ng kasal. Basta alam ninyo na ngayon na balak namin.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD