“GALIT KA BA?” tanong niya. Nakasakay na sila sa taxi at napansin niyang kumibo-dili si Jonas. Seryoso rin ang mukha nito kaya naman hindi na mapakali ang kanyang pakiramdam.
“Mamaya na lang tayo mag-usap,” pakli nito na hindi niya kayang hulaan ang totoong nasa loob dahil sa matabang nitong tono.
Magtatanong pa sana siya pero bumaba na lang ang tingin niya sa kamay nitong gumagap sa palad niya. At least, sa pisikal na aspeto ay hindi niya nararamdaman ang tila paglayo ni Jonas. Saglit lang itong bumitiw sa kanya nang inalalayan siya nito sa pagsakay. Nang umandar sila, inabot nito uli ang kamay niya at ikinulong sa palad nito. Kung nagkataon na ganoong matabang nag tono nito at magkalayo din sila ng upo, baka nataranta na siya.
Pinigil niya ang mapabuntong-hininga at ibinaling na lang ang tingin sa labas. Hindi siya sanay nang ganito. Sa maigsing panahon ng relasyon nila ni Jonas, puno iyon ng lambingan at kulitan. Palagi silang masaya. Hindi pa niya naranasan ang ganitong pagka-asiwa. Kung hindi siya sanay na makipagrelasyon, mas lalo namang hindi niya alam kung paano kikilos kapag ganitong tila may hindi nakikitang pader sa pagitan nila.
Sa wakas ay nakita niyang lumiko na sila sa kalyeng patungo sa bahay ng mga ito.
“Nariyan din ba si Shelby?” kaswal na tanong niya na pambasag din sa katahimikan nila.
“Nandiyan. Siya lang din ang sinabihan ko na darating tayo.” Tinapik nito ang driver. “Pare, diyan na lang sa tabi.” Mabilis itong nagbayad at saka inalalayan siyang bumaba.
“Doon pa ang inyo, di ba?” sabi niya na hindi naiwasang magtaka.
“Yeah. Gusto ko lang mag-usap muna tayo sandali bago tayo humarap sa kanila. Dito muna tayo.” Hinila siya nito sa maliit na park sa lugar na iyon. Solo nila ang paligid. Ang unang bench na dinatnan nila ang inokupa nila.
“I’m serious about you, Ysa,” seryosong wika nito. “I really love you.”
Bahagya siyang napatango na lang.
Pero umiling si Jonas. “But I don’t see that you understand. Hindi ko nagustuhan iyong sinabi mo kanina. Hindi ito lokohan lang, Ysa. In fact…” Huminto ito at may dinukot sa bulsa. “Binili ko ito para sa iyo.”
Napakurap siya sa nakita. Isang maliit na velvet box ang binuksan nito. Nakalubog doon ang isang solitaire diamond ring. Hindi iyon kalakihan subalit gumawa ng maliliit na kislap sa munting paggalaw niyon. Hindi pa rin siya makaapuhap ng salita kahit na nang kunin iyon ni Jonas at hawakan ang kamay niya.
“I don’t care if we’ve just started this relationship, Ysa. Basta ang alam ko, mahal kita. I can’t take you off my mind. I am missing you so much it almost drive me crazy. And even now that you’re with me again, I still can’t take the feeling of wanting to have you—for all of my life. And I know that the only cure for this kind of wanting is to have you as my wife. Will you marry me?”
Hindi niya alam kung nangangarap lang siya. Parang ang hirap paniwalaan ng narinig niya. Pero aware naman siya sa mumunting galaw ng bawat bagay sa paligid niya. Ganoon din sa dulo ng daliri niya na ngayon ay parang slow motion na dinaraanan ng singsing.
Sandaling bumaba doon ang tingin ni Jonas. Nag-angat lang uli ito ng tingin sa kanya nang makitang ganap nang nakasuot sa kanya ang singsing.
“Sabi ko na nga ba, bagay na bagay ito sa iyo,” mahinang wika nito. “I love you, sweetheart.” At niyuko nito ang kamay niya at dinampian iyon ng halik.
“Jonas…” tangi niyang nasabi.
Hindi niya kayang ipaliwanag ang nararamdaman niya sa kasalukuyan. Kung posibleng sumabog ang dibdib niya sa tila pamamaga ng puso niya ay hindi na siya magtataka. Gusto niyang kurutin ang sarili. Tila sa pelikula lang maaaring mangyari ito—o dili naman kaya ay sa pocketbook.
Everything was happening so fast. Like a whirlwind. Hindi pa masyadong nagsi-sink in sa kanya na nag-welcome siya ng lalaki sa buhay niya at ngayon ay may suot na siyang engagement ring na matatawag.
“I’m waiting, Ysa,” banayad na sabi ni Jonas. Nakangiti ito pero alam na niya ngayon na seryoso din ito.
“For what?” she asked.
“I proposed marriage. I want an answer.”
Isang paghinga ang ginawa niya. “Jonas, hindi ko alam kung ano ang dapat kong isagot.” At nakita niya ang tila pagdilim ng anyo nito.
“Because you think this is so soon?” anito.
“Yes,” amin naman niya. “Sobrang bilis.”
Marahan itong tumango. “Iyan din naman ang nasa isip ko. But no matter how much I told myself that we’ve only just begun, I cannot also throw this feeling, Ysa. I’m so sure about you. I love you. Kapag pumayag ka, kahit anong oras mo gusto ay pakakasalan kita. Pero naisip ko, kagaya siguro ng ibang babae ay gusto mo rin nang magandang kasal. At deserve mo din ng ganoon. We have to wait for some time dahil siyempre kailangan din iyon ng preparasyon.”
Napatawa siya nang mahina. “P-parang nagpaplano ka na. Hindi pa naman ako sumasagot sa proposal mo.”
Kinuha ni Jonas ang dalawang kamay niya. “May engagement ring ka na dito, sweetheart. Kahit hindi ka sumagot, gusto kong isipin na oo na rin ang sagot mo dahil pinayagan mo akong isuot sa iyo ang singsing.” Bahagya nitong pinisil ang isa pa niyang kamay. “I’m sure, kung bagay sa iyo ang engagement ring, mas bagay naman sa iyo ang wedding ring. What do you want, Ysa, a plain wedding band or diamond-studded?”
“Kapag sumagot ako, para na rin akong umoo.”
At pareho silang napangiti. “Besides, bakit ka naman hihindi?” wika ni Jonas. “You love me, don’t you?”
“I do.”
“Then let’s get married!”
Namilog ang mga mata niya, napaawang ang mga labi. At sumunod na nalaman niya, nasa mga labi na naman niya ang mga labi ni Jonas.