ABALA si Ysabelle sa pag-aayos ng resibo sa salon. Sarado na sila at akala niya ay si Kelsey lamang ang pumasok kaya hindi na siya nag-abalang lingunin iyon. Nang mapansin niyang hindi ito kumikibo ay saka lang siya nag-angat ng tingin.
“Jonas!” magkahalo ang gulat at tuwa sa tinig niya nang makita ang taong nasa harapan niya.
“Akala ko, hindi na talaga ako papansinin, eh,” tudyo nito at lumigid sa counter upang makapasok doon.
“I’m surprised!”
“Obviously.” He grinned. “Wala ba akong kiss diyan?” lambing nito.
Bahagya lang niyang inialsa ang pang-upo at kinawit ang batok nito. Nagpatangay naman si Jonas. Ito ang umuklo upang tawirin ang distansya ng kanilang mga labi.
Their lips met. He nipped her lower lip gently then traced it with his tongue. Napaungol siya. Sinamantala naman iyon ng binata upang saliksikin ang loob ng kanyang bibig. Dumiin ang mga daliri niya sa batok nito. Sa ginagawang halik na iyon ni Jonas, wala rin siyang iniwan sa tuyong kahoy na biglang sinindihan.
Naglakbay din naman ang mga kamay ni Jonas. Buhat sa simpleng pagkakahawak sa balikat niya ay umakyat iyon sa kanyang leeg upang humaplos. At pagkuwa ay naramdaman niya iyong dumadausdos pababa.
She moaned softly when he kneaded her one breast. Lalo pang uminit ang halik na pinagsasaluhan nila. Their kiss turned wilder and hungrier. At napapaigtad din siya sa mapangahas na haplos ni Jonas sa kanyang katawan.
Kapwa sila tila natauhan nang maramdaman ang malakas na yabag ng mga paa sa hagdanan. Nagkatinginan sila ni Jonas bago ito kaswal na umunat ng tayo.
“Oh, Ysa, narito pala ang love of your life,” patay-malisya namang sabi ni Kelsey nang makababa na. “I hope hindi ako wrong timing.” At tumawa sapagkat halata namang nanunukso ito.
“Kumusta, Kelsey?” baling ni Jonas dito.
“I’m fine, siyempre,” OA na sagot nito. “Iyang babaeng iyan ang tanungin mo. Muntik ko na iyang ipadala sa mental hospital. Grabe ang pinagdadaanan, Jonas. Gising man o tulog, walang ibang alam sabihin kung hindi ang pangalan mo.”
“Hoy, masama ang sinungaling! Hindi ako nagsasalita kapag natutulog,” natatawang tanggi niya. Tumayo na rin siya at sumiksik pa sa tabi ni Jonas. “Huwag kang maniwala diyan kay Kelsey. Exaggerated lang iyan.!”
Ngumiti naman na tila kuntentong-kuntento si Jonas. “Okay lang, sweetheart. Pinaramdam mo naman talaga sa akin kung gaano mo ako na-miss.”
Namilog ang mga mata niya at kinurot ito sa tagiliran.
Tumawa lang si Jonas. Ikinawit nito ang kamay sa kanyang bewang at yumuko upang halikan siya sa pisngi.
“Bawal ang PDA dito!” tili ni Kelsey.
“Mahirap naman kapag private. Baka maging all-the-way na,” biro ni Jonas.
Tumili nang pagkalakas-lakas si Kelsey. “Teka muna pala, nasaan ang pasalubong?”
Kinuha ni Jonas ang bag na nasa counter. Mula roon ay inahon nito ang ilang dried mangoes at isang kahon na nakabalot na mabuti. “Pusit iyan saka danggit. Pina-sealed ko lang para hindi dumikit ang amoy sa bag. Sa inyong lahat iyan.”
“Sa amin?” Si Kelsey, bagaman shocked ay mukha pa ring tuwang-tuwa. “Teka, umuwi ka na ba sa inyo?”
“Hindi pa. Mula sa airport, dito na ako dumiretso. Sa inyo lang talaga ni Ysa ang mga iyan. Sina mommy naman, nagsawa na rin sa danggit kaya hindi na ako masyadong nag-uuwi ng ganu’n sa bahay.”
“Di hindi ka pa pala napapahinga? Kagagaling mo lang pala sa biyahe.”
“Okay lang. Tanggal na pagod ko, nakita ko na itong sweetheart ko, eh.” Minsan pa ay nilinga siya nito at saka siya nginitian. Gumanti din naman siya ng ngiti.
Umungol lang si Kelsey. “O, siya, ituloy ninyo na nga iyang lambingan ninyo. Halata ko namang bitin na bitin pa kayo, eh. Aakyat na ako uli. Bumaba lang ako para tulungan sanang magsara itong si Ysa. Paano, di kayo na lang ang bahalang magsara dito?”
“Sige na. Kami na,” sagot niya. “Tirhan mo ako ng dried mangoes, ha?”
“Akin na ito lahat, may papa ka naman, eh,” ngisi ng bakla.
“Kung magsasara na, di magsara na tayo,” wika naman ni Jonas. “Sweetheart, isasama kita sa bahay ngayon. Doon na lang tayo maghapunan.”
Nagulat siya. “Ngayon? Eh, nakakahiya naman sa inyo?”
“Nahihiya ka o kinakabahan ka dahil makakaliskisan ka na?” tukso ni Kelsey. “Sumama ka na para hindi na ako magsaing. Kakain na lang din ako sa labas.” Mabilis siya nitong tiningnan mula ulo hanggang paa. “O, beauty ka pa rin naman, hala, sama na! Jonas, ihatid mo iyan pag-uwi, ha? What I really mean, iuwi mo pa rin. Baka kasi bigla mong itanan palibhasa’y wala nang mga magulang. Ako ang self-appointed parent niya. In the future, sa akin ka rin mamamanhikan.”
“Kelsey,” aniya sa tonong nananaway. Hindi niya gustong maungkat ang tungkol sa kasal kahit pabiro lang. Hindi pa naman umabot sa ganoon ang mga usapan nila ni Jonas. At kung hindi rin lang ang binata ang magbubukas ng paksang iyon ay wala rin siyang balak na pag-usapan iyon.
“Let’s rephrase your sentence, Kelsey,” wika naman ni Jonas. “Make that in the near future.”
“Oh, my God!” singhap ni Kelsey. Tinitigan nito ang binata bago bumaling sa kanya. “Narinig mo ba ang sinabi niya, sister?” Tila ito hihimatayin anumang sandali.
Ikinumpas niya ang kamay. “Tama na nga ang lokohan.” At bumaling siya kay Jonas. “Ano, punta na tayo sa inyo? Ngayon na habang malakas pa ang loob ko,” pabirong sabi niya.
Pero sa kauna-unahang pagkakataon ay hindi tinanggap ni Jonas na biro ang sinabi niya. Ni hindi gumuhit ang ngiti sa mga labi nito na nakasanayan na niyang nakikita dito. Kay Kelsey ito mabilis na bumaling.
“Iiwan ka na namin,” paalam ni Jonas at inaya na siyang lumabas.