“YSA.” Parang awtomatikong tumikom ang mga labi ng nagkakaingay na mga bakla sa buong salon. Sa iisang direksyon lamang pumako ang mata ng mga ito. Sa babaeng buntis na kapapasok lang. Walang nakuhang bumati dito gaya ng karaniwan na nilang pagbati kapag may customer na dumarating. Parang alam ng lahat na hindi naman din customer ang buntis. Ilang sandali silang nagtagpo ang mga mata. Nang humakbang ito papalapit sa kanya ay hindi pa rin siya makaapuhap ng salita. “Ysa,” sabi nito na ganap nang nakalapit sa kanya sa counter kung saan siya nakapuwesto. “Nagkalakas-loob na akong pumunta dito. Ilang beses na akong tumatawag sa iyo, hindi mo sinasagot. Sinubukan ko na ring magpatulong kay Kelsey para makausap ka pero wala ding nangyari.” “Kaya nagpunta ka na dito,” matabang na sabi niya.

