“WOW! FLOWERS!” tili ng baklang staff nila sa salon. Ito ang humarap sa delivery man na may dalang isang malaking pumpon ng mga pulang-pulang rosas. Hindi lang iyon basta rosas. Long-stemmed at sa itsura ay yaong pinakamahal na uri.
Nagpatay-malisya si Ysabelle at itinutok ang atensyon sa appointment book. Araw ng Biernes at kapag ganoon ay maituturing na ring weekend ang araw. Bukod sa puno ang appointment book, expected na rin nila na kapag tumanghali pa nang kaunti ay darami na rin ang mga walk-in customers.
Pero wala naman sa pahinang nasa harapan niya ang isip niya. Malakas na malakas ang kutob niya na para sa kanya ang mga bulaklak na iyon. Pawang mga bakla ang staff nila sa salon. At hindi pa nangyaring pinadalhan ng bulaklak ang sinuman sa mga ito.
“Bongga ang latest admirer mo, Madam,” malanding wika sa kanya ni Charlyn sabay baba ng bulaklak sa mesa niya. “Ang bango-bango ng rosas. Mukhang bagong pitas!”
“Tonta!” sabad ng isa pang bakla na lumapit, si Ginger. Alam niya, makikiusyoso din iyon kung sino ang nagpadala ng bulaklak. “Saan ka naman makakapitas ng ganyan katinong bulaklak dito sa Maynila? Pusta ko, sa Baguio iyan galing.”
“Correction,” tili ni Kaye, ang pangatlong bakla. “Galing iyan sa Fresh Blooms. Hayan ang card, oh? Fresh Blooms.”
“Anyway, fresh namang talaga ang flowers.” Dinutdot ni Brigitte, ang kanilang manikurista, ang isang bulaklak. Bakla rin, ano pa nga ba. “Dali na, madam. Open the card na para malaman na ng madla kung sino ang nagpadala.”
“Hindi ninyo kilala,” wika niya at inabot ang card.
“Hindi namin kilala?” chorus ng mga ito, eksaherado ang shock sa tono. “May bago ka na namang victim, Madam?”
Ngumiti lang siya. Usually, alam ng staff niya ang mga lalaking nagkakainteres sa kanya. Of course, si Jonas ay hindi pa nakikita ng mga ito sapagkat nagsasara na nga sila kagabi nang dumating ang binata.
Nabitin ang pagbubukas niya ng card. Si Jonas na agad ang iniisip niyang nagpadala ng card? Paano kung iba?
Napailing siya at binuksan na ang card. Bakit ba siya mag-aaksaya ng isip kung sino ang nagpadala niyon? Di buksan na agad.
At hindi niya maipaliwanag kung bakit tila bumaha ng relief sa dibdib niya ng pangalan nga ni Jonas ang nabasa doon. Walang palabok na mensahe. Basta nakalagay lang kung para kanino at kung kanino galing ang bulaklak.
“Sino?” excited na tanong sa kanya ng mga bakla.
“Si Jonas,” sagot naman niya.
“Jonas who?” Nagtatalsikan ang mga daliri at umiikot ang mga mata ng mga ito na nagpalitan ng tingin.
“Jonas Sta. Ana, kuya ni Shelby na wedding singer ng Romantic Events. Architect by profession, Cebu-based. Nakilala ko personally nu’ng kasal ni Shelby pero dati na ay nababanggit iyon sa akin ni Shelby. Thirty-four or thirty-five years old, single of course. Tall, gorgeous and playboy.”
Nakatanga lang sa paglilitanya niya ang apat na bakla. Iba’t iba ang reaksyong nakikita niya sa mata ng mga ito pero walang nagbubuka ng mga labi upang magtanong. Alam na rin niya kung bakit. Dahil ang mga susunod pang sana ay itatanong ng mga ito ay sinabi na niya agad.
“Ano ang score sa iyo, Madam?” tanong ni Brigitte.
“As usual, what do you expect?” adelantadang sagot ni Kaye. “Basted naman ang lahat ng lalaki kay madam. Matangkad, hindi matangkad, guwapo, super-guwapo, mayaman, mayamang-mayaman, di-masyadong mayaman, lahat, pare-pareho lang. B-a-s-t-e-d. Bokya!”
Kinuha niya ang rosas. “Tumigil na kayo. Back to work na, bilis! Mamaya niyan, hindi na kayo magkandaugaga sa customers. Charlyn, pakilagay na lang ang mga bulaklak sa vase. Tatlo ang flower vase natin diyan. Hatiin mo na lang para pati iyong mesita sa reception area, mayroon ding fresh flowers.”
Kumekendeng pang tumalima ang bakla. Binalikan naman niya ang appointment book. Kapag ganoon wala naman siyang service na hair and make-up, siya na rin ang nagsisilbing receptionist sa salon. At kung talagang kulang ng tao, pati siya, nagse-service na rin sa customer. Alam naman niya ang lahat ng trabaho doon.
Pareho lang naman sila ni Kelsey. Hindi nila iniisip na sila ang may-ari ng salon. basta may customer na kailangang aasikasuhin, sukdulan sila ang mag-pedicure o mag-foot spa sa mga iyon, gagawin nila kaysa paghintayin pa ang mga ito.
“K&Y Salon, good morning. This is Ysa speaking, may I help you?” magiliw na sagot niya nang tumunog ang telepono.
“Hello, Ysa,” buo at suwabe ang tinig na narinig niya buhat sa kabilang linya. Sa isang sandali ay naisip niyang mayroon yatang DJ ng FM radio na nag-interes sa kanilang salon. but she was just fooling herself. Dahil familiar na rin naman sa kanya ang tinig na iyon.
“How can I help you, sir?” patay-malisyang sagot niya.
“Do you believe in love at first sight?” sa halip ay sagot ni Jonas.
Bahagyang inilayo ni Ysabelle sa sarili ang aparato at sandaling nag-isip kung ibababa na lang kaya niya iyon?
“I beg your pardon?” gayunman ay wika niya pagkaraan.
“Narinig mo ako, Ysa.” Kaswal ang tinig ni Jonas pero hindi niya maintindihan kung bakit tila sa likod ng tonong iyon ay ang isang pinipigilan tawa. Nalukot tuloy ang noo niya.
“Hindi po ako naniniwala,” pormal na tugon niya.
Then she heard him laughed. It had a low pitch, eksakto sa uri ng tawang nahulaan niyang pinipigil lang nitong gawin kanina.
“Sabi ko na nga ba, eh,” sabi nito. “Iyan nga ba ang ine-expect kong isasagot mo. Let’s go down to business, anyway.”
“Business?” aniya, tila namamatanda.
“Business. Okay ang gupit ng buhok ko kaya naisip ko na ring subukan pa ang ibang services ninyo. Do you recommend hot oil?”
Isinantabi niya ang personal na impresyon at pinagana ang isip bilang negosyante. Natatandaan niyang maganda ang buhok ni Jonas. Ang natural na kulot ay malambot. Alam niyang maganda ang texture kahit na hindi pa niya iyon nahawakan. Nakita na naman niya iyon nang malapitan.
“Hindi advisable sa inyo ang hot oil, sir,” sagot niya.
“Jonas. Call me Jonas.”
“Customer kayo, sir—”
“Ysa, sweetheart, did you receive the flowers?” bigla ay wika nito.
“Yes. Salamat.”
“Call me Jonas,” kaswal pa ring sabi nito subalit nahimigan niya ang pag-uutos nito.
“Jonas, all right. Thanks for the flowers pero ang totoo hindi mo naman kailangang gawin iyon. ”
“Welcome. Pero huwag mo sana akong pipigilan kung gusto man kitang bigyan ng bulaklak. Just let me be. So what do you recommend for my hair? Rebond?”
“No, sir, err… Jonas. Wala namang problema sa buhok ninyo.”
“Ano na nga iyong iba pang services offered ninyo?”
Kahit kabisado na niya ay tiningnan pa rin niya ang kanilang brochure. “Blow dry, color treatment, highlights, perming. We also offer facial treatment, threading, wax treatment for unwanted hair. Manicure, pedicure and foot spa. And hair and make-up, of course.”
“Sa klase ng services ninyo, mukhang mga babae ang target market ninyo,” sabi nito.
“Women and gay. Bihira ang male customers namin. And usually, hair cut lang ang sa kanila. At saka nga pala minsan, meron ding nagpapalinis ng kuko at nag-a-avail ng foot spa.”
“Foot spa,” ulit nito. “Palagi kong naririnig iyan pero hindi ko pa nasubukan. Kailangan ko pa bang makipag-appointment for that service?”
“Mas advisable iyon kung ayaw ninyong maghintay,” wika niya in business manner.
“Puwede bang bandang seven o’clock? May lalakarin pa kasi ako ngayong maghapon. Gabi pa ako makakalibre.”
Mabilis niyang kinonsulta ang appointment book. “Puwede. Ten minutes lang ang waiting time ng staff. Kapag hindi ka dumating or hindi ka nagpasabi na made-delay ka nang kaunti, bibigyan ko na ang staff ng ibang customer. Saka almost closing na kami ng oras na iyon. Hanggang seven-thirty lang ang appointment.”
“Magkano nga pala ang service?”
“Two-fifty. May kasama na iyong light massage. Kung gusto ninyo ng spa to the knee at mas matagal ang masahe, may additional na one hundred pesos.”
“Sige, doon na ako sa spa to the knee. Wait, hindi ba ikaw ang gagawa ng service?”
Pinigil niyang mapasimangot. Ramdam niyang tila nambubuska na naman ang binata kahit na nga ba seryoso ang tinig nito.
“No. Si Ginger ang in-assign ko na mag-service sa iyo. Magaling siya. Oh, well, magaling naman lahat ng mga staff dito pero si Ginger ang most requested for foot spa service.”
“Hindi ka ba nagse-service kung hindi rin lang hair and make-up sa kasal?”
“Nagse-service. Pero paminsan-minsan lang. Kapag kinakailangan.”
“Sana iyong paminsan-minsan na iyon ay mamaya na.”