KAHIT maliit lang ang espasyo ay sarili niya ang kuwarto. Pareho nilang desisyon ni Kelsey na hatiin ang nag-iisang kuwarto para na rin sa kanilang privacy. Kahit naman sigurado siyang isandaang porsyentong bakla si Kelsey at lalaki rin ang hanap nito, mahalaga pa rin sa kanya ang privacy.
At si Kelsey man. Kahit na nga ba hindi ito nagpapatulog ng “papa” nito sa munti nilang palasyo ay gusto rin nitong magkabukod ang kanilang kuwarto. Nakakapuyat din naman kasi ang lakas ng paghilik nito.
Nag-shower siya at isinakatuparan ang night rituals—the basic steps: cleanse, tone and moisturize. Iyon ang sikreto niya. Nang ma-absorb ng balat niya ang face cream, pinahid din niya ng tissue ang sumobrang cream sa mukha para naman hindi manlagkit ang kanyang unan at saka nagbihis ng pantulog. Nothing fancy and sexy. Mas kumportable siya sa lumang T-shirt na mas matino pa yatang tingnan ang kanilang basahan.
Pinatay niya ang ceiling lamp at ang ilaw sa night table ang binuksan. At gaya ng sinabi ni Kelsey, pocketbook nga ang hinarap niya.
Pero hindi niya agad naintindihan ang binabasa. Ang naiisip niya ay ang mga sinabi ng bakla. Tama nga yata ang reasoning nito. Malaki ang impluwensya ng mga romance books sa kanya.
Sa bawat lalaking magkainteres sa kanya, ang hinahanap niya ay ang pamilyar na pakiramdam ng bidang babae kapag nakatagpo na ang bidang lalaki. At hindi niya binibili ang ideyang hate at first sight. Hindi uso iyon sa kanya. Ang hinahanap niya, romance fire at first sight.
Pero dahil nga negative agad ang nakikita niya sa mga lalaki, thumbs down na agad ang dating sa kanya.
Minsan ay nag-iisip din siya. Normal nga ba siya? Bakit ba unreasonable na yata ang pagiging masungit niya sa mga lalaki. Bakit si Kelsey, lalaki pa rin naman ang housemate at best friend niya, ah? Bakla nga lang pero lalaki pa rin.
Pero ayaw din naman niyang isipin na hindi siya normal. Mayroon di naman siyang crush—si Neo ng The Matrix. At aware naman siya na maraming may crush kay Neo sa buong mundo kaya normal siya.
Pero ngayon ay hindi lang iyon ang basta iniisip niya. Parang kinakabahan na rin siya.
Si Kelsey kasi, eh, sisi niya sa kaibigan.
Mukhang totoo ang sinasabi nito na baka makarma nga siya. Napansin din niya lately na hindi na ganoon karami ang nagbibigay ng atensyon sa kanya. Suko na sa isang irap pa lang niya. Ang katwiran niya dati, wala siyang pakialam. Kapag destiny niya, kahit magkasugat-sugat pa ang katawan sa kaiirap niya, hindi pa rin susuko. Pero bakit lahat ay suko yata agad?
Not Jonas Sta. Ana, she reminded herself.
Interesado pa sa kanya ang lalaki. Katunayan na ang pagpunta pa nito sa kanilang salon. Pero hindi siya maniniwala agad na si Jonas ang destiny niya. Si Shelby yata ang mismong nagsasabi na chick boy ang kuya nito. Kaya nga lumampas na ng treinta ay dahil hindi pa rin ito nagsasawa sa kung sinu-sinong babae. Ano ang malay niya, baka natsa-challenge lang ito sa kanya?
Besides, as far as she knew, Jonas was based in Cebu. Paano niya mapapatunayan kung totoo ang hangarin nito gayong ang layo din naman ng distansya ng Cebu at Maynila?
Naalala niya ang pagsasayaw nila noong kasal ni Shelby. Ang totoo, hindi naman siya ganoon kainosente sa waltz. Kaya nga nang turuan siya nito ay madali din siyang nakasunod ng hakbang. But that dance made her feel different. Gusto niyang isipin na dahil iyon sa hindi naman talaga siya sanay sa ganoong pagkakataon, much more ang may lalaki na nakadaiti sa kanyang katawan.
But somehow, his touch made her comfortable though. Hindi kagaya ng sa ibang lalaki na alalayan lang siya sa siko ay ganoon na lamang ang pagpiksing ginagawa niya. kay Jonas, nakapagsayaw naman sila nang maayos. She let herself danced to the beat. Iyon nga lang, hindi talaga siya natuwa sa ginawang paghagod ng kamay nito sa kanyang likod.
The shivers that spread up and down her spine made her breathless. May ilang segundo na parang nadarang sa init ang buto niya sa masarap na kilabot na iyon. Parang gusto niyang matangay, Para siyang makakalimot. But her mind ruled afterward. Nang lumabas sa bibig niya ang salitang ipinukol kay Jonas, parang gusto pang tumutol ng isang bahagi ng utak niya.
Pero kailangan niyang panindigan ang pagtataray kaya nag-walk out siya.
And of course, ang pagtataray pa ring iyon ang pinanindigan niya nang makita sa salon si Jonas.
But there was something else.
Una ay ang gulat. Hindi niya inaasahan na makita pa uli si Jonas. If he was really based in Cebu, hindi ba dapat ay bumalik na ito doon dahil lampas isang linggo na ang lumipas mula nang ikasal si Shelby?
And second, Jonas’ presence was confusing her. Parang hindi na niya matukoy kung front lang ba niya ang pagtataray dito. Parang hindi na kagaya ang dati ang rason niya. She felt that deep within her, there was this kind of fear that she didn’t know how to explain. In fact, hindi nga rin niya alam kung tatanggapin nga ba sa sarili na takot nga ang kahulugan ng damdaming iyon.
Ano ba ang ikakatakot niya? Pero kung hindi iyon takot, hindi rin niya mahanapan ng ibang salita na makakapag-akma doon.
Pero ang reaksyon niya buhat nang una pa lang na makaharap niya si Jonas ay iba na. It rattled her.
In her head.
In her gut.
Even down in her toes.
Jonas was handsome. Bagaman totoo namang mayroon pang mas guwapo dito sa mga naging manliligaw niya, iba ang dating nito. Maybe because of his playboy image. Parang kayang-kaya nitong ihulog siya sa karisma nito. Iba ang dating ng s*x appeal nito. Para siyang minamagneto at natatakot siyang hindi na siya makakawala.
Kaya hindi niya gustong masilo ng tila sapot ng karisma na iyon.
Mayroon bang phobia for falling in love?
Sa isang kagaya niyang romance books ang katabi sa bawat gabi, parang balintuna na takot siyang ma-in love. Kaya niyang makibagay sa pantasya ng iba’t ibang love story pero tila hindi niya magagawang dalhin ang sakit at hirap ng mga bida. Lalo na siguro kung mangyayari iyon sa kanya.
She was afraid to fall in love. Because she was afraid to feel the hurt. Because she was afraid of the possibility of being ended up heartbroken.
Ayaw niyang iwan lang siya kapag nagkataon. Maaga siyang naulila sa ama. Nasa elementary siya nang mamatay ito. She was a papa’s girl kaya ganoon na lang ang sakit na naramdaman niya nang mangyari iyon. Taon ang nagdaan bago niya nagawang maalala ang ama na hindi na napapaiyak. Then her mother died. The second loss was also painful. Sa sobrang tindi ng sakit, hindi na niya alam kung alin ang mas masakit sa dalawa.
It wasn’t easy to recover. Kaya naman habang ang mga kaedad niya ay kinikilig sa mga first love at boyfriends, siya naman ay hindi nag-interes na makipagrelasyon. Hindi niya iyon kailangan. Ang katwiran niya, kung ang mismong mga magulang niya ay iniwan siya, ano pa kaya ang isang lalaki na hindi naman niya kaanu-ano? Ilan ba sa mga kaklase niya ang umiiyak kada semester dahil sa mga boyfriends na umiwan sa mga ito para ipagpalit sa iba?
Hindi garantiya ang pagiging maganda at sexy. Dahil palagi na ay mayroong lilitaw na mas maganda at mas sexy. At ang mga lalaki ay bumabaling ang atensyon sa mas nakakahigit ang katangian.
Ayaw niyang magaya sa mga kaklaseng naiiwang luhaan.
Hindi bale nang walang love life.
Alam niya, sa panahon ngayon ay bihira na ang mga bagay na sigurado. At alam niya, hindi rin siya sigurado kung tuloy-tuloy na ligaya ang mararanasan niya kapag na-in love siya.
Pero ano ang gagawin niya? Wala din naman siyang lakas ng loob na sumugal sa ngalan ng pag-ibig?