“ANO ANG isusuot ko?” helpless na wika ni Ysa. Ilang bestida na ang inilabas niya. Tatlo roon ay naisukat na niya at inihubad uli. Hindi kalabisang sabihin na pinagpapawisan na siya pero hindi pa rin siya nakakapagdesisyon kung ano ang isusuot niya.
“Hmm, ganyan ba ang napipilitan lang makipag-date?” sungaw ni Kelsey sa kanyang silid. “Magse-seven na, Ysa. Ni hindi ka pa naka-makeup.”
“Paano ako magme-makeup, hindi pa nga ako nakakapag-decide kung ano ang isusuot ko?” sagot niya. “Alam mo namang particular ako sa color coordination. Kailangan, alam ko na muna kung anong kulay ang damit ko bago ako mag-apply ng makeup.”
“I know. At dapat lang iyon.” Pumasok na ito sa kanyang silid. “Saan daw ba ang dinner?”
“Ewan, basta formal daw, eh.”
Sinipat ni Kelsey ang mga damit na nakalatag sa kama. “Nai-try mo na ba ito?” Itinaas nito ng bahagya ang isang mid-calf na bestida. Electric blue iyon na diretso lang ang tabas pero dahil malambot ang tela, bakas na bakas naman ang hubog ng katawan niya roon. Spaghetti-strapped pa kaya tila mas mukha iyong pantulog kaysa evening dress.
“Oo. Ayoko niyan, masyadong sexy.”
“Vahket,” maarteng wika ni Kelsey at dinampot na ang bestida. “Sa akala mo ba, hindi ka sexy kahit ano ang isuot mo? Hala, huwag mo nang pahirapan ang sarili mo at iyan na ang isuot mo. Dali! Upo na dito at ako na ang bahala sa buhok mo.”
“Kelsey, baka naman isipin ni Jonas, inaakit ko siya kapag iyan ang isusuot ko,” nag-aalangang sabi niya habang sinisimulan na ng baklang ayusin ang buhok niya.
“Gaga! Kahit naman hindi mo sadyain, kaakit-akit kang talaga. Bakit ba kung anu-ano ang iniisip mo? Bawasan mo kasi pag-inom ng kape. Ninenerbyos ka, ‘no?”
“Eh, alam mo namang hindi talaga ko sanay makipag-date.”
“Kundangan ba naman kasing sa dami ng lalaking nagkakainteres sukat binabasted mo agad, di ngayon, nangangapa ka kung paano makipag-date,” sermon ni Kelsey. “Don’t worry, Ysa. Mukha namang harmless si Jonas. That is, of course, kung hindi mo siya papayagang maging harmful.” At tumawa ito nang ubod ng landi.
“Nakakainis ka naman, eh,” irap niya dito.
“Tinatanggal ko lang ang nerbyos mo, sister. If I know, mukhang type mo rin si Papa Jonas. Kung hindi mo type, bakit ka pumayag makipag-date?”
Sandali siyang naumid. “Ewan ko nga ba,” amin naman niya. “Hindi naman ako talaga papayag, eh. Kaso iyon na nga. Napapayag na niya ako.”
“Hmm, I smell something. Baka magka-boyfriend ka na sa wakas, sister! Congrats in advance.”
“Hindi pa ako ready.”
“At kailan ka magiging ready, kapag singkuwenta anyos ka na? Magsabog ka na ng kalandian mo, Ysabelle. Masyado ka nang nagpapaka-manang, you don’t know what you’re missing, darling.”
Itinaas niya ang kilay.
“Sige, itirik mo lang nang itirik ang kilay mo riyan. Baka mamaya, marating mong bigla ang seventh heaven, ako pa ang sisihin mo na hindi kita itinulak na bumigay noon pa.”
“Ano ka ba naman,” halatang naeeskandalong sabi niya. “Dinner date ito, Kelsey. Sa salita mo namang iyan, para namang motel ang bagsak namin.”
“Aba, sister, ang formal dinner, usually sa hotel. Ano ba naman ang hotel, di marami ding suite sa itaas. Kung gusto ninyo ba pareho na mag-check in doon, ano ba ang magagawa ko. Sige lang, sister. Basta ba hindi ka niya pipilitin, di go!”
“Excuse me! Kakain lang kami sa labas.”
Tumawa lang si Kelsey. “Siya, ikaw na ang mag-makeup sa sarili mo dahil forte mo naman iyan.” Ibinaba nito ang hair spray at iniwan siya. Nagsisimula na siyang mag-makeup nang bumalik ito. Ibinaba sa tokador niya ang isang bote ng pabango. “O, iyan ang gamitin mo. Bagay ang amoy niyan sa look mo.”
“Bakit ganito?” aniya nang amuyin ang pabango. “Para namang napaka-sexy ng amoy?”
“Exactly, sis. Iyan talaga ang scent niya dahil I’m sure, kapag naisuot mo na ang damit, sexy talaga ang magiging look mo. Kapag nagkandaihi si Papa Jonas sa ganda mo, hindi na ako magtataka.”
Hindi siya kumibo. She applied her makeup skillfully. Talent niya iyon kaya naman sa mabilis na sandali ay nagawa niyang i-enhance ang bawat features ng kanyang mukha. Nang maisuot ang damit, tinulungan pa siya ni Kelsey sa finishing touches.
“Ay, may evening bag ako na bagay sa get-up mo. Wait lang,” anito at lumabas muli ng silid.
Tinitigan niya ang sarili sa harap ng salamin. Bahagya ay nabawasan ang kanyang kaba nang makita ang magandang anyo. Pero pansamantala lang iyon. Nang marinig ang tunog ng doorbell ay umahon uli ang kaba. Tila nadoble pa nga.
“Nandiyan na si Papa Jonas,” kinikilig na wika sa kanya ni Kelsey. “Pinatuloy ko na. Juice ko, ang guwapo-guwapo! Tama nga ang sabi ng staff natin. TG&P! Tall, gorgeous and… playboy. Oh, well, parang hindi yata ako convinced sa playboy. Doon na lang ako sa tall and gorgeous… ay may naisip na akong pamalit sa P. Papa-ble. Sabagay, kung kayo ang destined sa isa’t isa, di hindi na siya masasabihang playboy. He’ll become a one-woman man dahil sa pag-ibig niya sa iyo. Anyway, bagay na bagay kayo, sister!”
“Ang dami mong sinasabi, Kel,” napailing na lang na sabi niya. “Hindi ba alangan ang bihis ko sa suot niya?”
“Hindi. Tamang-tama lang. Oh, wait. Hindi ka pa nagpapabango.” Ito na ang dumampot ng bote saka lumayo sa kanya ng dalawang hakbang. Noon pa lang nito in-spray sa kanya ang pabango.
“Baka naman nakakabahin na ang amoy ko. Ang dami mo yatang in-spray,” aniya.
Tumirik ang mata nito. “Hindi. Kaya nga dumistansya ako, eh. Parang mukha kalang naambunan ng pabango,hindi natigmak sa ulan. Ano ka ba? Kung anu-ano ang iniisip mo. Relax, okay? Enjoy your date.” Bahagya siya nitong itinulak palabas ng pintuan.
“Hindi ka na ba lalabas?”
Umiling ito. “Mamaya na lang pag alam kong nakaalis na kayo. Baka mapalawit ang dila ni Jonas sa sobrang beauty mo, hindi ko mapigil ang sarili ko na mapahagalpak ng tawa.”
“Sobra ka naman.” She made a deep breath at saka tuluyan nang lumabas.