“HOW ABOUT you, Ysa? Kelan ka naman susunod?” nakangiting tanong sa kanya ni Scarlett nang tumabi siya ng upo sa mag-asawa. Nasa likuran lang ng entourage ang bench na inokupa nila. Bago siya sumagot dito ay nginitian niya muna si Rod bilang pagbati. Relaxed na nakaupo ito sa kabilang gilid ni Scarlett.
“Next question please,” kunwa ay tikwas ang nguso na sagot niya. “Balita ko, buntis ka na? Congrats, Calett.” At muli ay nilinga niya si Rod. “Congrats sa malapit nang maging daddy.”
“Thanks. Excited na nga kami,” maluwang ang ngiti na tugon sa kanya ni Rod.
Awtomatiko namang hinimas ni Scarlett ang tiyan. “Thanks. Four months na ito pero may morning sickness pa rin ako. Buti pa si Shelby, mukhang hindi naglilihi. Tingnan mo at ang ganda-ganda pa rin.”
“Calett, palagi ka rin namang maganda, ah?” sabad ni Rod sa kanila.
Eksaherado itong bumuntong-hininga. “Maganda ba iyon kulang na lang ay maging magkamukha na kami ng toilet?” Pabiro nitong inirapan ang asawa at saka muling bumaling sa kanya. “Dusa ang first trimester ko, Ysa. Parang hindi ko na gustong mabuntis uli.”
“Oy, hindi puwede. Nagkasundo na tayo dati,” sabad na naman sa kanila ni Rod. “The more, the merrier.”
“Ikaw kaya ang maglihi?” asik naman dito ni Calett. “Kung puwede lang ipasasa iyo ang pagbubuntis, kahit ilang anak ang gusto mo, payag ako.”
“Kung puwede ko lang talagang akuin, aakuin ko na. Para sa tenth asnniversary natin, mga siyam na ang anak natin.”
“Dios mio, Rodelio!” Umiikot ang mga matang sabi ni Calett.
Napailing na lang siya na natatawa din. Mula pa nang una niyang makita sina Calett at Rod na magkasama ay aso’t pusa na ang drama ng dalawa. Naisip niya tuloy na ang saya siguro ng mga ito sa bahay. Walang boring moments.
“Hi!”
Napalingon siya sa lalaking bigla na lang tumabi sa kanya. Pinigil niya ang sarili na magpakita nang masamang mukha bagaman ang pagtataas ng kilay ang balak sana niyang gawin nang makilala ang lalaki.
“Dito na ba ngayon ang puwesto ng best man?” walang tonong tugon niya pero halata din naman doon ang pagtataray. Si Jonas Sta. Ana ang lalaki, ang kapatid ni Shelby. Kanina pa ito aali-aligid sa kanya. At sa dami ng manliligaw niya—na dinispatsa rin niya, alam na niya ang kahulugan ng paglapit nito.
At malamang, makakasama rin si Jonas sa statistics ng mga lalaking dinispatsa niya. Isa lang ang dahilan. Hindi niya ito type. Kahit na obvious na guwapo ito. Bistadong-bistado na niya ito kanina na palikero, galing na rin mismo ang imposmasyong iyon sa bibig ni Shelby. Kaya lalong basa na nag papel nito sa kanya.
“Formality lang naman ang best man-best man. Malaki na si Marcus. Kaya nga siya nag-asawa na, eh. Alam na niya ang gagawin niya.”
This time, hinayaan niyang halos umabot sa kanyang hairline ang kilay niya. “Bumalik ka na sa puwesto mo, Jonas. Nakakahiya naman sa ibang bisita.”
“Nakita kong wala kang katabi dito, eh.”
Pinanlakihan niya ito ng mga mata. “Anong tawag mo sa mga kahilera ko? Invisible ba sila sa iyo?”
Ngumiti ito. Sa itsura ay hindi naapektuhan ng katarayan niya. “May partner si Calett, samantalang ikaw, nag-iisa.”
“I can survive.”
“Mas masaya ang may partner. I’m willing to be your partner.”
“Oh, please,” matabang na sabi niya.
“Ysa,” wika nito na tila walang balak sumuko. “Magsayaw tayo mamaya, ha?”
“Hindi ako marunong sumayaw,” matabang na sagot niya. At saka niya naisip, bakit ba hindi na lang siya tumanggi agad?
Ipinako niya ang tingin sa mga ikinakasal. Dahil sa paglapit ni Jonas ay hindi na tuloy siya kinausap ni Calett. Ibinigay na nito ang lahat ng pagkakataon kay Jonas na kausapin siya. And worst, sa minsang pagsulyap niya kay Calett ay walang dudang panunukso ang nakita niya sa mga mata nito.
“Guwapo,” nabasa niyang buka ng mga labi ni Calett.
“Bagay kayo.” Iyon naman ang ibinuka ng mga labi ni Rod.
Napasimangot siya pero hindi rin napigil ang sarili na obserbahan ang lalaki.
Of course, nagawa na niya iyon kanina habang nangungul;it ito kay Shelby sa prep room. Pero dahil wala naman siyang gagawin at wala din naman siyang atensyon sa wedding ceremony, nag-second chance siya na opbserbahan ito.
Guwapo nga talaga si Jonas. Walang duda. Matangkad at malakas ang dating. Boyish ang features ng mukha nito. Mukhang hindi pa nakaranas ng anumang problema sa buhay sa kinis ng mukha gayong nasabi na sa kanya ni Shelby na kaedad na nito si Marcus na nasa mid-thirties na.
Sampung taon ang tanda niya sa akin, she took note. Pero sa itsura ni Jonas na baby-faced, hindi nga mahahalata ang tunay na edad nito. Kung hindi man likas na mahal ito ng kalikasan ay malamang na happy-go-lucky type ito. Sa bukas ng mukha ay tila wala itong sineseryosong bagay. At negative pogi points iyon sa kanya. Lihim siyang napailing. Mientras inoobserbahan niya ito, lalong nababasa ang papel nito sa kanya.
“Madali lang naman ang waltz,” narinig niyang wika muli ni Jonas. “Ako ang bahala, hindi mahahalata ng iba na hindi ka marunong sumayaw.”
“Ayo—”
“Don’t say no, please?” he said charmingly. “Sa lahat ng bisita dito, ikaw lang ang gusto kong makasayaw. Huwag mo naman akong tanggihan.”
Naglaro sa sulok ng mga labi niya ang panibagong katarayan pero naisip niyang baka sumosobra na ang mga pagtataray niya. Pero naisip din niya, kailan pa siya naging aware sa bilang ng pagtataray niya sa isang lalaki? Dati ay wala siyang pakialam. Basta gusto niyang mangsopla at magtaray, sige lang nang sige. Hindi niya iniisip kung mapahiya na nang husto ang isang lalaki. But now… namalayan na lang niya ang sarili na tumango nang marahan.
“Thanks.” Daig pa naman ni Jonas ang batang binigyan ng isang supot na candy sa tamis ng naging ngiti nito.
“Bumalik ka na sa puwesto mo,” taboy naman niya. Napansin niyang lumilinga si Marcus. “Hinahanap ka na yata ng groom.”
Isang matamis na ngiti pa ang ibinigay nito sa kanya bago lumayo.