4

1180 Words
“ONE… TWO… three…” Masiglang gumalaw ang mga paa ni Jonas. Iba ang pakiramdam niya nang magdaop ang palad nila ng dalaga. Nginitian niya ito at sinenyasang sumunod sa step niya. “Hindi nga ako marunong magsayaw,” atubiling sabi ni Ysa. “Madali lang, sweetheart,” aniya at inilagay pa ang palad sa likod ng bewang nito. “Sundan mo lang ang steps ko.” Nagkakasayahan sa paligid. Buhat nang ianunsyo ni Marcus sa madla ang pagdadalang-tao ni Shelby ay ramdam na nadagdagan pa ang sigla ng okasyong iyon. He was glad too. Bakit nga ba hindi ay magkakaroon na siya ng pamangkin. Pero iba ang kasiyahang nararamdaman niya ngayong kasayaw niya si Ysabelle. The moment he had laid his eyes on her, mga tatlong oras na ang nakakalipas ay hindi na siya mapakali. Nagpapasalamat siyang hinanap niya si Shelby kanina. Wala naman siyang balak mag-drama kanina. Pero parang may humila sa kanyang mga paa para puntahan si Shelby. He was never a dramatic person. Palibhasa ay malaki ang agwat nila ni Shelby, lumaki sila na siya ang knight in shining armour nito. Walang makakaapi sa bunso. At mas lalong hindi naman siya ang mangungunang mang-api dito. Likas lang silang nag-aasaran na magkapatid pero alam nila, anuman ang mangyari, masasandigan nila ang isa’t isa. “Malay mo, maging hipag pala kita…” Eksaktong binuksan niya ang pinto ay narinig niyang sinabi iyon ni Shelby. Hindi niya alam kung maaasar or kikiligin. Pinili niya ang huli. Palibhasa, hindi vocal si Shelby sa mga naging girlfriends niya. Sa totoo lang ay palagi pa nga itong nakakontra sa mga nakarelasyon niya. Puro kapintasan ng babae ang alam sabihin ni Shelby. Napakabilis nitong manglait, inaasar man siya o hindi. Parang walang tamang babae sa kanya kapag si Shelby ang tatanungin. Kaya naman lumalim ang interes niyang makilala kung sino ang babaeng sinabihan nito. Kauna-unahang pagkakataon iyon na marinig niya mismo dito na para siyang inirereto nito. God, he was almost thirty-five at para sa kanya ay kakornihan na lang ang lahat ng kilig na may kinalaman sa pag-ibig pero tila kakainin niya ang mga sinabing iyon. Nang ganap siyang makapasok sa kwarto ay alam na niya agad kung sino ang tinutukoy ni Shelby. Isa lang ang kasama nito doon. Ang make up artist nito. And Lord, she was beautiful! Kung hindi lang niya agad na narendahan ang sarili ay baka magmukha siyang katawa-tawa doon. Just one look at her and he almost forgot everything. Muntik na niyang malunok ang dila sa pagkamangha dito. She was so simple yet very attractive. Aminado siyang marami nang babaeng nagdaan sa kanya pero iba ang nakaharap niya. She took his breath away. Ysa. Ysabelle. What a beautiful name. Hanggang sa "pinalayas" siya ni Shelby kanina ay hindi niya nalaman ang pangalan nito. Pero hindi siya si Jonas Sta.Ana kung ganoong bagay lang ay hindi niya magagawan ng paraan. At ngayon nga ay naroroon na silang dalawa sa dance floor. At kailangan niyang aminin sa sarili na para siyang bata na inabutan ng isnag supot na candies. Masayang-masaya siya. “Don’t call me sweetheart,” cautious na wika ni Ysabelle sa kanya. “What?” he asked. Malakas ang sound system at totoong hindi niya naunawaan ang tinuran ng kasayaw. Isa pa ay para siyang nakalutang. Hindi niya inaasahan na magiging ganito ang epekto nito sa kanya. “Don’t call me sweetheart,” flat na wika ng dalaga. Nagulat siya. Pero mabilis niyang sinabi sa sarili na hindi na siya dapat magulat. Iba si Ysabelle sa maraming mga babaeng una niyang nakilala. He grinned secretly. For somebody who had been a playboy since fifteen, alam na niya kung ang babae ay nagpapakipot lang o hindi. Mayroon ding mga babaeng nagpapa-hard-to-get lang. Mayroon namang matitigan lang ng limang segundo ay kusa nang lumalapit na para bang napaliguan na niya ng gayuma. Pero hindi kasali si Ysabelle sa alinman sa dalawang kategoryang iyon. Consistent ang dalaga—consistent ito sa pagtataray at kawalan ng interes sa kanya. At ibayong hamon ang naidulot niyon sa kanyang ego. Hala, hindi pa siya nabasted sa tanang buhay binata niya! He vowed to himself long ago, no woman can refuse Jonas Sta. Ana’s charm. At hindi si Ysabelle ang sisira sa mantra niyang iyon. He touched her lightly. Kung hindi makukuha ang dalaga at pagtitig at salita, puwes dadaaninn niya sa dahas, este, sa gawa. Kahit kailan ay hindi pa pumalya ang karisma niya. Palaging may paraan para makuha niya ang atensyon ng babae. At si Ysa? Gusto niyang maniwala na kahit hindi ito nagpapa-hard-to-get ay tiyak na mayroon din itong weakness. At kapag natukoy niya iyon, tiyak na ang kanyang panalo. Panalong makamit ang puso nito. He felt warm at his thought. Umakyat ang palad niyang nakadantay sa maliit na bahagi ng likod nito. Sa pagitan ng pagsasayaw ay naglakbay din iyon sa likod ng dalaga. At nang minsang makahanap ng pagkakataon ay nangahas naman iyong dumako sa mas mababa pa sa likod ng bewang nito. Naramdaman niya ang tila biglang paninigas ng kalamnan ni Ysa. Nang magtagpo ang kanilang tingin, nabitin ang tangka niyang pagngiti dito. Kulang na lang ay apoy ang ilabas ng magagandang mga matang iyon. “Ayoko ng bastusan!” mariin nitong sabi at iniwan siya sa gitna ng dance floor. “Panis ka kay Ysa, ‘no?” kantiyaw sa kanya ni Shelby na malapit lang pala sa kinatatayuan niya. Noon lang niya napansin na nagsasayaw din pala ang mag-asawa. He was so oblivious a while ago. Nakalimutan na niya ang nangyayari sa paligid. “Bayaw, mukhang hindi effective ang appeal mo sa kaibigan ni Shel,” buska din sa kanya ni Marcus. “Ulol!” pikon namang sabi niya na kay Marcus nakatingin  “Nagpapakipot lang iyon.” Umiling si Shelby. “I don’t think so. Iba si Ysa. Hindi niyon ugaling magpakipot. At sorry ka na lang, Kuya. Mukhang kandidato ka na sa mga lalaking ididispatsa niya very soon.” “Akala ninyo lang iyon,” mas pikong sabi niya. “Siyanga?” pang-aalaska naman sa kanya ni Marcus. “Umamin ka na kasi. Nakatagpo ka ngayon ng karma, este ng katapat mo.” Naningkit ang mga mata niya. Sa halip na magsalita pa, tinalikuran na lang niya ang mga bagong kasal at nilinga ang direksyong tinungo ni Ysabelle. Nahagip pa niya ng tingin ang hakbang nito palayo. “Kuya!” habol ni Shelby. “Ano iyon?” “Kuya, huwag si Ysa, please,” seryosong sabi nito. “Kung natsa-challenge ka lang sa kanya, kung hindi ka naman magseseryoso, please spare her. Kaibigan ko siya. Kapag sinaktan mo siya, siyempre, hindi maiiwasan na magkakaroon ng gap ang friendship namin.” "Hindi ba at ikaw pa ang nagsabi kanina na gusto mo siyang maging hipag? Ano naman ang malay mo kung pagbibigyan ko pala ang wish mo?" Nanatiling seryoso ang anyo ni Shelby. "Basta huwag mo siyang sasaktan, kuya. She's very nice. She doesn't deserve to have a heartbreak." Hindi siya sumagot ng anuman. Tiningnan lang niya ang kapatid at tinalikuran na ang mga ito.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD