5

1148 Words
“SISTER, i-open kaya natin ang K&Y Salon for franchising?” wika ng baklang si Kelsey habang nagkukuwenta sila ng kita ng dalawang salon para sa buwang iyon. “Maganda ang pagtanggap ng masa sa salon natin, sis. Hindi tayo nawawalan ng client kahit na weekdays. Hiring na nga tayo ng dagdag na staff.” “At franchising ang sagot sa clamor?” nanunudyong sabi niya. Hindi rin maikakaila na proud siya sa sinabi niya. Ang laking achievement na kasi nila ang malakas na negosyo nila. “Why not? Mas maraming K&Y Salon sa bansa, mas maraming client ang mabibigyan ng magandang service. At affordable pa!” Tumikwas pa ang mga daliri ni Kelsey nang kumumpas ito. “Imagine if we can have ten salons. Or fifty? Or one hundred? Or more than that? Iyong para na lang tayong 7-11 stores na kilala ng lahat.” Nanlaki ang mga mata niya. “Wagi ka sa pangarap at vision. Darling, kung ako ang masusunod, masaya na ako sa dalawang branch ng K&Y. Baka kasi kapag dumami na ang branches natin, hindi na natin matutukan lahat. Kapag pumalpak tayo sa isang branch, masisira ang buong K&Y.” Tinitigan siya ni Kelsey at umarko ang kilay nito. “We are never too old to dream big. Bigger. Biggest! Magvi-vision na rin lang tayo. Ah de, itodo na. Siyempre kapag sumulpot na parang mga kabute ang branches natin, mnagha-hire na din tayo ng mga supervisors and managers. Alangan namang tayo pa ring dalawa iyon.” “Nakaka-proud naman. Pero honestly, hindi ako nag-isip ng ganoon kalaki para sa salon natin.” “Parang ayaw mo yatang yumaman? Bakit tumatanggi ka sa grasya, Ysabelle? Nakatagpo ka na ba ng mina ng kayamanan?” Todo ang pag-arko ng kilay ng bakla habang inuurirat siya. “Hindi, ah! Ang sa akin lang, itong dalawang branches ang tutukan natin. Mag-extend tayo ng oras kung kailangan. Pero saka na muna iyong pagba-branch out uli. Mas lalo na kung io-open mo for franchising. Hindi tayo sigurado sa quality ng service na ibibigay nila. Please don’t misinterpret me. Open naman din ako for expansion. Kaso nga lang, huwag muna sana ngayon. Parang kailangan pa nating pagplanuhang mabuti iyong tungkol sa franchising na iyan. ” Nagkibit ng balikat si Kelsey. “Well, suggestion lang naman ang sa akin. Nakaka-overwhelm lang naman kasi ang dami ng client natin samantalang wala pa tayong one year na may salon. Iyong mga taga-malayo na client, sila ang nagpu-push sa akin na maglagay tayo ng branch sa malapit sa kanila para mas accessible sa kanila.” “Let’s keep our mind open for that possibility. Pero sa ngayon, mas gusto kong dalawang salon muna ang inaasikaso natin. Remember, mayroon pa akong connection kay Eve. At hindi ko naman matatalikuran iyon. Iyong mga weekends ko, may booking ako palagi.” “Oo, alam ko namang emote na emote ka sa pagiging wedding girl mo. Ewan ko lang ba naman kung bakit hindi mabili iyang beauty mo samantalang kumpleto naman sa alaga.” Tiningnan siya ng bakla mula ulo hanggang paa. “Ang buhok mo, talo pa ang mga nagpapa-rebond. Ang mukha mo, maganda. Hindi pretty, hindi cute. Maganda, period. And you have the body. Saan sila hahanap ng ganyan ka-kurbang katawan samantalang ang workout mo ay kumain ng anim na beses isang araw puwera pa doon ang meryenda bago matulog at ang mga ura-uradang eat-all-you-can? Aba, biyaya iyan. Kaya nga madaming naghahanap ng hustisya. Kung hindi ba naman may favoritism ang kalikasan, ikaw itong ginagawang parang tubig lang ang soft drinks pero flat na flat pa rin ang tiyan. At ang legs mo, sister, pangkandidata ng Binibining Pilipinas. Ano na nga ang height mo?” “Five-six. O five-seven yata?”   “Isasali kita sa Binibining Pilipinas. Marami akong friends na organizer ng beauty contest.” “Tumigil ka, Kelsey. Matanda na ako sa mga ganyan. Saka kahit noong medyo bata pa ako, wala akong interes. Alam mo namang dati pa, pansinin na ang height ko. Na para bang height ko lang ang magpapanalo sa akin bilang beauty queen. Huwag mo na akong bolahin, okay? Kahit naman magunaw at mabuo muli ang mundo ikaw pa rin ang best friend ko. Hindi kita ipagpapalit kahit kanino.” “Sa akin naman, alam mong hindi lang basta best friend ang turing ko sa iyo. Ikaw ang pamilya ko.” Suminghot ang bakla. Napangiti siya pero kumislap din ang luha sa mga mata. “Pareho lang tayo. Ulila na ako, di ba?” “Hindi tayo pareho,” hirit ng bakla na tuluyan nang umiyak. “May parents pa ako at mga kapatid, hindi lang nila matanggap na ganito ako. Sa dami ng mga baklang respetado at successful sa Pilipinas at sa buong mundo, hindi pa rin bukas ang isip nila na tanggaping bakla ako. Hindi naman ako masamang anak. Nagkataon lang na sa ganito ako maligaya.” Niyakap niya si Kelsey. “Hayaan mo, darating din ang panahon, matatanggap ka nila. For the meantime, isipin mong sila ang lugi dahil hindi ka nila accepted. Imagine, imbes na libre sila sa gupit, foot spa at kung anu-ano pang services natin, nagbabayad pa sila sa iba?” Natawa si Kelsey sa biro niya. “Nagpapadala din ako sa kanila kaso tinatanggihan nila. Hay naku! Tama na nga itong kadramahan. Mabuti pa, magsara na tayo. Kakain tayo sa labas.” Umiling siya. “Nagsaing na ako, bakla. Bumili na lang tayo ng lutong ulam kasi wala na tayong stock sa ref. Itlog na lang ang nandoon, pang-almusal natin bukas.” “Ano ka ba? Iti-treat nga kita, eh.” “Huwag na. Mag-save tayo. Mahirap ang buhay ngayon. Kung ayaw mo ng lutong-ulam, magbubukas ako ng de-lata. Mamili ka, sardinas, meat loaf o corned beef?” “Alam mo, Ysa., suwerte ng mapapangasawa mo. Yayaman kayo agad. Ang tipid mo, kainis ka!” Natawa lang siya. Dinampot niya ang walis at dust pan at nagsimulang maglinis sa salon. Bagaman dalawa ang salon nila, ang puwestong iyon ang mas bahay nila ni Kelsey. Sa itaas niyon ang kanilang bahay. At sila na rin ang cleaning staff doon kapag pinauuna na nilang umuwi ang iba nilang tauhan. Ang isa pang K&Y salon ay nasa España Street. Mga kolehiyala ang karamihan sa kliyente nila doon. Si Kelsey ang madalas na hands-on sa salon nilang iyon samantalang siya, kung hindi nasa main branch ay tiyak na may service siyang bridal hair and make-up. Umunat siya ng tayo matapos dakutin ang mga pinaggupitang buhok. Beinte singko pa lang siya pero bakit yata parang sumasakit agad ang bewang niya. Sapo ang balakang na bumaling siya sa main door. Hindi pa pala nila nababaligtad ang welcome sign doon. “Miss, sandali!” wika ng lalaki na nagkakatok pa sa makapal na bubog na pinto. Awtomatiko naman ang pagtaas ng kilay niya. “Ikaw?!” “Magpapagupit ako!”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD