Chapter 08

2182 Words
Nagmamakaawa ang tingin ko kay Pacquito. Halos magkanda iyak ako at kulang na lang ay magwala. Pero `di ko `to pwedeng gawin sa harap ng kapitan. Sa halip na makaligtas ako, baka tuluyan lang akong ligwakin nito sa puder nila. Applicable kaya ang sinabi niya sa akin kanina noong naroon kami sa cabin niya? Na ipo-provide niya kung anong gusto kong mangyari? O baka trip-trip lang niya iyon? Kagaya namin, his outfit is also formal. Ang pinagkaiba lang ay kulay ginto ang kaniyang waistcoat at hindi siya nakasuot ng bandana. Sumagi bigla sa isip ko na baka iyong dapat na gagamitin niya ay ginagamit ko ngayon bilang pamalit sa bra. Hindi naman siguro gano’n dahil marami siyang stock sa closet niya. Imposible. Itinuwid ni Pacquito ang kaniyang tingin sa kapitan. Napayuko na lamang ako at hinintay ang susunod na maririnig. “Nada capitán.” (Nothing, captain.) Nagtaka ako bigla kung anong ibig sabihin nito. Grabe, kailan ko kaya sila magagawang intindihin sa ganyang lenggwahe? Honestly, nangangapa talaga ako. Nangangamba rin dahil baka pinag-uusapan na nila ang pagpalit sa akin. “Por qué estás gritando? Vi cómo la trataste,” sagot ng kapitan na ngayo’y tila iritado. (Why are you shouting? I saw how you treated her.) “Lo siento. No lo volveré a hacer.” (I'm sorry. I won't do it again.) “Sé amable con ella sin importar tus diferencias, Pacquito.” (Just be nice to her regardless of your differences, Pacquito.) And just like that, their conversation ended. Dumapo muna sa akin ang tingin ng kapitan saka umalis. Naiwan akong tulala at medyo nakaawang ang labi. Gustuhin ko mang alamin kung ano ang ibig sabihin ng pinag-usapan nila, pinangungunahan ako ng takot rito kay Pacquito. Kaming dalawa na ulit ang naiwan dito na kusina. Saktong paglaho ng kapitan ay dali-dali siyang tumungo sabungad at isinara ang pinto. Bumalik siya sa tabi ko upang kausapin naman ako. Lumunok ako at tumingala sa kaniya. “Anong ginawa mo sa kapitan?” paasik niyang tanong. Naguluhan naman ako. “H-huh?” “Bakit ang bait n’on sa’yo? Bakit— shit.” Ginulo niya ang kaniyang buhok sa inis. “Sa dinami-dami ng mga bihag na dumaan sa amin, sa’yo lang siya naging gan’to.” Hindi ko maunawaan kung anong ibig niya sabihin dahil hindi ko naman lubusang kilala ang kapitan nila. Wala akong ideya kung paano ito t-um-rato ng tauhan at kung paano makihabilo sa iba. Pero sa inisyal kong obserbasyon, parang okay naman siya at hindi ganoon kalupit? Baka sa una lang? Baka sa una lang siya maayos makitungo sa akin? I mean, kinikilala pa yata niya ako kaya ganoon. Sana, huwag dumating sa punto na halos magkandakuba-kuba na ako sa hirap na pagdadaanan ko. “Dapat galit siya! Dapat pinagmumura ka na niya dahil hanggang ngayon, `di pa siya kumakain ng tanghalian!” Nais ko sanang idahilan sa kaniya na hindi ako aware na dapat kanina pa pala nagsimula ang trabaho ko. Na dapat pagkaligo ko ay isa na akong ganap na katulong o utusan o alipin. Pero kahit nga aware na ako ro’n, siguradong mangangapa ako dahil wala akong muwang sa mga parte ng barkong ito. How could I fulfill my job if I’m still ignorant about this pirate ship? Ang sarap niyang sigawan pero… huwag na lang. Bwisit. Hindi ako nagsalita kaya napabuga na lang siya ng hininga niya. Namangha pa ako nang bahagya dahil amoy mint iyon. Daig pa ang bagong toothbrush na ang toothpaste ay Colgate. Nakuryoso tuloy ako. Paano ang toothbrush ko? Inutusan na ako upang ituloy ang hinihiwa ko. Kailangan na raw naming magmadali dahil sa ilang sandali pa ay magsisimula na ang pagpupulong. Bawat minuto ay nakaririnig ako ng mahihinang usal ng mura sa kaniya. Minsan tagalog, minsan spanish, at minsan, english. I wonder how he learned that fast with fluency. Nakakainis man siya sa parteng malupit ang pagkakautos niya sa`kin, `di ko naman mapigilang humanga sa kaniyang abilidad. “Prito, marunong ka?” he asked when I finished chopping the vegetable leaves. Mula sa stove habang hawak ang sandok at naghahalo sa kaldero, lumingon siya upang maharap ako. “Anong prito? Hotdog ba, isda, itlog—” “Kahit ano basta prito.” Umiling ako. “Pasensya na pero baguhan pa ako pagdating sa pagluluto. K-kung uutusan mo ako ngayon, baka hilaw lang o `di kaya’y sunog.” “Anak ng teteng. Paano sasaya asawa mo sa’yo niyan?” Nagsalubong ang kilay ko. “Asawa? Masyado pa akong bata para mag-asawa—” “Doon ka rin papunta. Kung tatanda kang walang alam sa mga gawaing bahay, kawawa ka.” Umiwas ako ng tingin at sumimangot. Na-offend na lang ako at nakaramdam ng hinanakit. Nauunawan kong pirata siya at wala sa bokabularyo nila ang pagiging mabuti. Pero kahit kaunting respeto lang naman sana. Tao rin sila kaya mauunawaan nila ako. Lugmok na nga ako at malayo sa pamilya ko, tapos heto siya, pinapamukha pa kung ano ang kahinaan ko. Oo, tanggap kong tamad ako sa gawaing bahay at bobo sa mga gawaing dapat matagal ko nang alam. Tanggap ko namang wala akong kwenta pagdating sa ganitong bagay pero bakit ang sakit pa rin marinig? Nanggilid na lang bigla ang mga luha ko ngayong nakatitig na ako sa mga pinaghihiwa kong mga gulay. Saglit akong pumikit upang pawiin ang mga mata saka naglakad patungong lababo. May ilang hugasin doon kaya iyon na ang pinuntirya kong hugasan. At least, maipakita ko man lang na may alam din akong gawin kahit paano. Hahawakan ko na sana ang sponge pero `di ko na nagawa nang bigla akong tawagin ni Pacquito. Pagtingin ko sa kaniya sa aking likuran, nakita kong hindi pa rin nawawala ang iritasyon sa kaniyang mga mata pero hindi ko rin dapat isawalang bahala na parang may guilt akong napansin. Baka nag-iilusyon lang ako. Wala lang iyon. “Maupo ka. Ako na mamaya mag-asikaso niyan,” aniya na ikinailing ko. “`Di ba’t natural lang na gawin ko ito? Katulong ako.” “Huwag na makulit. Gawin mo na lang kung anong pinapagawa ko.” “Ikaw ba ang boss ko?” Bigla akong nagsisi nang matanto kung ano ang nasabi ko. Oh God. He replied, “Hindi ako boss mo, oo.” Huminto siya sabay kuha ng gulay sa hapag at buhos sa kumukulong tubig sa kaldero. “Pero tandaan mo na sa barkong ito, katulong ka lang at pirata ako.” Kaysa lumala pa ang galit niya, mas pinili ko na lang sumunod sa pinagawa niya. Umupo ako sa hapag at pinagmasdan ang kaniyang mga kilos. Hindi ko alam kung anong pumasok sa isip niya at bakit ayaw niya akong pagawain ng kung ano. Kaya nga nagkusa akong lumapit sa lababo para kahit paano’y may mapatunayan. Ang gulo. Habang abala siya sa niluluto, pinakinggan ko ang mga sinasabi niya. Prente kong ipinatong ang mga kamay ko sa lamesa at sinigurong maayos ang pagkakaupo. “Kapag luto na `tong ulam, tulungan mo akong i-serve to sa main deck kung saan magaganap ang pagpupulong. Pitong tao ang naroon kasama si Kapitan. Maging alerto ka sa mga utos nila, maliwanag?” “O-oo.” “Huwag na huwag mong susubukang makipag-usap sa kahit na sinong naroon maliban kay Kapitan. Utang na loob, may mga pamilyang binubuhay ang mga trabahador dito kaya huwag kang mandamay.” “Pwede magtanong? Bakit hindi ako pwedeng makipag-interact sa inyo?” “Utos ni Kapitan.” “Eh bakit nakikipag-usap ka sa’kin kung bawal?” Naaasar niyang idinapo ang paningin sa’kin. “Sige nga, paano ka matututo kung `di kita kakausapin?” “Uh… I mean…” “Common sense, Saiah. May exceptional sa bawat batas ng pirata.” Namilog ang mga mata ko. Paano niya nalaman ang pangalan ko? Tatanungin ko na sana pero baka sampalin na naman ako ng common sense niya. I told my name to Yaelo. Magkapatid sila kaya natural lang na mapag-uusapan nila. Pero magkapatid kaya sila? Iyong isa ay mabait. Ito naman ay saksakan ng sungit. Suplado pa at insensitive. Bakit hindi man lang siya nahawaan ng bait ni Yaelo? Bukod sa madali iyong pakisamahan, mahinahon pa kausap. Nakagagaan ng loob. Sana ay si Yaelo na lang ang nagsisilbi kong mentor ngayon. Hindi lang para maging komportable ako kundi para na rin hindi ako matakot magsalita. Dito kasi kay Pacquito, isang pagkakamali lang ay malala na ang epekto. Masyado siyang pranka at masakit kung magsalita. Kung `di ko pa lalakasan ang loob ko sa ganitong mga sitwasyon, baka kanina pa ako hindi makakilos. “Bakit pinaupo mo ako? Anong gagawin ko?” I asked but he didn’t answer. Nag-focus siya sa niluluto at tinikman iyon. Kumuha siya ng mangkok at nagsalin ng kaunting sabaw at ilang ingredients. Akala ko ay para sa kaniya pero para pala sa’kin. Humugot pa siya ng kutsara sa paminggalan saka inilagay din sa mismong mangkok. Pagkalapag niya nito sa harap ko, binitawan niya ang sandok at kapwa itinuko ang mga braso sa lamesa nang nakaharap sa akin. “Tikman mo kung pwede na ang lasa. I want your honest opinion.” I nodded like a child. Bumaba ang tingin ko sa mangkok saka hinawakan ang kutsara. Marahan akong sumalok ng kauting sabaw, tinikman, at ninamnam ang lasa. Tumango-tango ako nang malasahan ang saktong pagkakatimpla ng asim at tamis nitong sinigang. “Okay naman…” bulong ko sabay lapag ng kutsara. “Iyon lang?” tanong naman niya nang nakatuko pa rin ang magkabilang kamay. Seryosong seryoso ang mukha niya at animo’y may hinihintay pang marinig sa akin. “Sakto lang. Masarap.” “Ano pa?” “Uh… `yon lang.” “Tss.” Kinuha niya ang mangkok at itinapat naman sa kaniya. Para akong binuhusan nang malamig nang makita kung ano ang sumunod niyang ginawa. Dahil sa halip na kumuha siya ng panibagong kutsara, talagang kutsara na ginamit ko ang ginamit din niya. Tila ba hindi niya inalintana na may laway ko na `yon. I mean, knowing na mababa ang tingin niya sa`kin, `di niya ba naisip `yon? “Anong klaseng dila mayroon ka?” he asked right after he tasted what he cooked. “Anong ibig mong sabihin?” Itinabi niya muna ang mangkok saka sumagot. “Hindi pa ako naglalagay ng condiments. Walang asin. Walang pampalasa. Kaya paano mo masasabing sakto at masarap? Alien ka ba?” Muntik na akong matawa sa sinabi niya kahit batid kong naiinis siya. How did I even find him funny despite the way how he treats me? Dios ko. “`Di ko naman alam na wala pa palang pampalasa `yan.” “Paano ka magiging magaling niyan kung simpleng pagtikim hindi mo ma-master?” “Kaya nga tuturuan mo ako, `di ba?” Natigilan siya, mistulang hindi nagustuhan ang narinig mula sa akin. Pero paulit-ulit na kasi siya. Kaya nga willing ako magpaturo para gumaling. Hinding hindi ko makakaya ito nang ako lang. “R-right… tuturuan kita,” he muttered. “Pero ayusin mo ang pananalita mo. Huwag kang bastos.” Ngumuso ako. “Okay… sorry.” “Tss. Kung `di lang mabait sayo si Kapitan, baka kanina pa kita tinulak sa dagat. Buwisit.” Right after he said that, kumuha na siya ng mga pampalasa at binudbod doon sa niluluto niya. Tamang masid lang ako rito nang nakanguso at naghihintay sa mga ipapagawa niya. Lumipas ang ilang minuto ay doon na ako kumilos. Inutusan na niya akong magdala ng plato, kutsara, tinidor patungo sa main deck. Inabisuhan niya akong mag-ingat kaya mabagal ang bawat hakbang ko habang dala itong mga kubyertos. May kabigatan dahil medyo marami. Hindi naman gaanong madilim habang umaakyat ako sa main deck. May mga nakasasalubong ako na pormal din ang suot at himala na wala silang pakialam sa akin. They look so foreign. Siguradong sigurado ako na mga mexicano rin ito at wala ni isa sa kanila ang mukhang pilipino. Kailan kaya darating iyong araw na hindi na ako ang mag-isang taga-silbi rito? Iyong pilipino din sana at hindi pagbabawalin na makipag-interact sa akin. Dahil sa ngayon, sa ayaw ko man o sa gusto, it seems na mababa ang pagtingin ng mga Mexicanong ito sa race ko bilang Pilipino. Iyon lang ang pansin ko pero sana, hindi naman humantong sa mas malala. Nang tuluyan na akong makatuntong ng main deck, kagaya ng kanina kong naranasan ay bumungad na naman ang mas prominenteng simoy ng hangin. Kalmado ang buong dagat at nanatiling steady ang barko. Wala akong ibang naabutan kundi ang mas malawak na hapag at hanay ng mga upuan. Nakalantad na rin ang silong dahil sa mataas na tirik ng araw. Maingat kong ipinatong ang mga kubyertos at isa-isang ipinuwesto ang mga plato sa tapat ng bawat upuan. Pares-pares din ang kaniya-kaniyang mga kutsara’t tinidor at babalikan ko pa sa baba ang mga wine glass at mga bote ng alak. Hahakbang na sana ako pabalik sa lower deck ngunit nang tumingala ako sa quarterdeck, nakita ko si Kapitan Rael na nakatayo lang doon at nakayuko sa akin. At sa pagtama ng aming mga mata, doon pa lang niya iniwas ang tingin at kunwari’y hindi ako nakita.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD