[CAPTAIN HAMZA CAMERON’S P.O.V.]
Napangisi ang kaharap ko na matandang lalaki dahil sa sinabi ko. “Ano ang pinagsasabi mo? Mapapatay mo ako gamit lamang ang kamay mo? Bakit hindi natin subukan ngayon ang galing mo at tingnan natin ang yabang mo—“
Hindi na niya natapos ang sasabihin niya nang agad akong lumapit sa kaniya at dinakma ang leeg niya. Nanlalaki ang mga mata niya nang higpitan ko ang pagkakasakal ko sa kaniya. Bigla ay mabilis na rumesponde ang mga kasamahan niya na nasa likuran niya kaya inihagis ko ang lalaking sakal ko papunta sa kanila. Mabilis na tumulong sa akin si Cade nang sugurin na kami. Wala pa akong ginagawa kundi ang umiwas lang sa bawat umaatake sa akin hanggang sa nakakuha na ako ng tamang tiyempo para masapak sila. Hindi ako masyadong gumagamit ng lakas ko dahil maaari kaming maparusahan kapag nahuli kami. Alam ko na rin naman na makakarating na ang pangyayari na ito sa military base. Sana lang ay hindi kami pagalitan nito. Hindi naman namin pipilayan ang mga sibilyan na ito.
Binabato lang ni Cade ang ibang kalalakihan samantalang ako naman ay dinadakma at idinidiin lamang sila sa lamesa. Bigla ay naglabas ng balisong ang lalaking galit na galit kanina dahilan para mapatigil ang lahat. Saka sunod-sunod na naglabas ng kutsilyo ang mga kasamahan niya at itinutok iyon sa aming dalawa ni Cade. Nagdikit kami ni Cade habang alerto pa rin na nakatingin sa mga kalaban namin ngayon. Wala kaming armas na dala dahil hindi naman kami pwedeng maglabas ng mga armas namin mula sa Army Forces. Matinding kaparusahan ang matatamo namin sa oras na may malabag kaming rules. Lalo na at hindi kami maaaring pumatay ng mga sibilyan. Kahit na kami ang may kasalanan ay malaki ang lamang namin sa mga sibilyan na ‘to.
“You know what to do,” mahinang sambit ko kay Cade. Dinali niya ang likuran ko bilang magtugon sa sinabi ko. Napangisi sa akin ang galit na matandang lalaki. Pero wala na akong panahon pa na pansinin siya. Dahil kailangan na naming kumilos ni Cade ngayon. Hindi kami dapat na magtagal dito. Kami pa ang mayayari sa oras na dumating na ang mga pulis. Sa pagkakarinig ko kasi kanina ay may tumawag na ng pulis dahil sa gulo na nagaganap sa lugar. Naghahanda na kami ni Cade sa kung ano ang dapat naming gawin sa mga oras na ‘to.
“Ano? Ngayon ninyo kami pakitaan ngayon ng angas ninyo, mga hangal! Ang tatapang pa ninyo ha!” sigaw pa sa amin ng lalaki. Tumitingin na ako ng pasimple sa paligid namin. Mabuti na lang at nakakita agad ako ng pwede naming labasan ni Cade.
“Three!”
Bago pa sila makasugod sa amin ay mabilis na kaming tumakbo papunta sa exit area ng building. Hindi na kami kailangan pa na magbilang mula isa dahil pagkabanggit ng ‘three’ ay kailangan na naming tumakbo. Alam na naman ni Cade ‘yon. Madalas na naming gawain ‘yon noon. Hindi na rin naman ito ang unang beses na napasali kami sa isang gulo. Madalas kaming napapasali sa gulo noon dahil may mga nakikita kami na binubugbog. Sa kanto man o sa iba pang lugar. Hindi ko alam kung bakit gusto ko na tulungan sila. Kahit na wala naman kaming kinalaman sa nangyayari sa kanila. Pero pakiramdam ko ay obligasyon namin na iligtas ang lahat ng mga tao na nangangailangan ng tulong namin. Dahil isa kaming mga sundalo ng aming bansa. Kahit mga simpleng sibilyan lang ang kalaban ay kailangan pa rin naming tulungan ang mga nangangailangan.
“Hoy! Bumalik kayo rito!” sigaw pa ng galit na matandang lalaki. Mabuti na lang at batak kami sa ensayo noong nagsisimula pa lang kami maging ganap na sundalo. Dahil nakakaya naming tumalon sa hagdan kaya napapalayo ang agwat namin sa mga humahabol sa aming mga lasing na lalaki. May mga katandaan na rin naman sila, kaya hindi na rin sila gano’n kabilis kung tumakbo, katulad nang sa amin.
“Damn it! Sa susunod huwag na tayong mag-inom sa twenty floors na building!” reklamo pa ni Cade habang tumatakbo kami. Hindi ko na siya sinagot pa. Siya naman ang nagyaya sa akin na uminom dito, e. Tapos ngayon ay magrereklamo siya. Kung bakit ba kasi hindi namin mapigilan ang aming mga sarili na tumulong sa mga normal na tao. Ganito pala talaga kapag isang sundalo. Unang araw ng bakasyon namin ay ganito pa ang mararanasan namin. Akala ko ay makaka-relax na ako kahit papaano dahil nakalayo muna kami sa mga giyera at misyon, ngunit ito pala ang kahihinatnan namin sa unang araw ng bakasyon. Kasalanan itong lahat ni Cade!
Kaya naman naming labanan ang mga kalalakihan na ‘yon kahit na dehado pa kami dahil wala kaming armas at lahat sila ay mayroon. Ang kadahilanan lang ay hindi kami maaaring makapatay ng isang sibilyan. Malaking problema ang kakaharapin namin kung sakaling may mapatay o masaktan kaming sibilyan. Kaya imbis na labanan pa sila ay nanakbo na lang kaming dalawa ni Cade. Hindi ko na rin naman kaya na kumilos pa dahil may nararamdaman na akong kakaiba sa katawan ko. Kanina ko pa iniinda ‘yon. Baka ako pa ang bumigay kapag pinilit ko pa ang sarili ko na lumaban. Iniisip ko na nga lang ngayon na nasa isa kaming giyera. Kaya kailangan na naming makatakas ngayon mula sa aming mga kalaban.
Nang makarating sa ground floor ay agad kaming nakalabas ng building. Nakita ko pa ang ambulansya kanina na pasara na sana ang pinto ng sasakyan nang hilahin ko si Cade papalapit roon at mabilis na sumakay doon. Hindi naman na kami makikita pa ng mga humahabol sa amin dahil hindi naman kami kita sa loob ng abulansya. Gulat na gulat naman ang nurse na nakatingin sa aming dalawa ni Cade. Nilingon ko ang lalaki na nakahiga ngayon sa harapan namin na binugbog kanina sa itaas.
“Ako ang tumawag ng ambulansya at kasamahan namin siya kaya sasama kami sa hospital,” sambit ko saka itinuro ang lalaki. Mabuti na lang at naniwala na rin naman siya agad sa sinabi ko. Kahit na hindi naman talaga ako ang tumawag. Nag-utos lang ako kanina sa mga tao na naroon para tumawag ng isang ambulansya. Mabuti na rin at may sumunod sa utos ko. Akala ko ay mga matitigas ang puso ng karamihan sa mga tao na nag-iinom sa lugar na ‘yon.
Hindi na nagsalita pa ang nurse at tuluyan nang isinara ang pinto ng sasakyan at sumakay sa tabi ni Cade. Umandar ang ambulansya saka hingal na hingal kaming dalawa ni Cade. Gusto ko ng tubig. Naramdaman ko naman na kumirot ang sugat ko sa tagiliran. Natamo ko ang sugat na ito sa huling naging misyon namin at hindi pa masyadong humihilom. Hindi ko na pinansin pa ang sakit dahil mawawala rin naman ito mamaya. Mabilis lang ay nakarating na kami sa hospital. Hindi na kami sumunod pa sa ICU kung saan dineretso ang pasyente.
“Saan na ang punta natin ngayon? Pinagod pa tayo ng mga loko na ‘yon,” ani Cade. Naglalakad kami nang bigla akong mapayuko at mapahawak sa tagiliran ko dahil sa sakit.
“Ah! Shit.” Napa-iling na lang ako nang makita ang dugo na nasa kamay ko. Mukhang nagbuka ang tahi ng sugat ko dahil sa pakikipag-laban at pagtakbo namin kanina.
“Tss, hindi pa nga pala gumagaling ang sugat mo. Tara na at sakto naman na nasa hospital tayo ngayon,” sambit ni Cade saka ako inalalayan papasok ng hospital.
Hindi naman na ako pumalag pa dahil hindi ko na rin kinakaya pa ang sakit. Ayoko naman na pumunta pa sa headquarters para doon magpagamot ng sugat ko dahil isang oras pa ang babyahe-in naming dalawa ni Cade bago pa makarating doon.
“What happened to him?”
Nakarinig kami ng isang boses ng babae mula sa likuran kaya dahan-dahan namin siyang nilingon. Tila nawala nag sakit na nararamdaman ko nang makit ako ang isang magandang doctor na papalapit na sa amin ngayon. Ako ang tinatanong niya kung ano ang nangyari sa akin. Para bang biglang tumigil ang mundo at tanging siya lang ang nakikita ko. Ang maputi niyang mukha, matangos ang ilong, mapupulang labi, at ang kulay brown niyang buhok na nakatali ay nakakapagpatigil ng t***k ng puso ko. Ang tindig at paglalakad niya papalapit sa amin ay mas lalong nakakalaks ng dating. Teka, ano ba itong mga naiisip ko? Hindi naman ito ang unang beses na nakakita ako ng magandang babae pero iba talaga ang dating niya sa akin ngayon.
Hindi ko akalain na nakakawala pala ng sakit ang ganoong uri ng kagandahan. Parang bigla ay gusto ko nang magmahal basta siya ang babae na makakatuluyan ko.
“Hoy! Ano na naman ba ang iniisip mo riyan? Ang dami nang dugo ang nawawala sa ‘yo ngayon!” rinig ko pa na sambit ni Cade.
“Parang nawala na ang sakit na nararamdaman ko na mula sa aking sugat,” bigla ay sagot ko sa kaniya. Parang nawawala ako sa sariling katinuan ko ngayon. Napapangiti pa ako dahil sa ganda ng babae na nakikita ng mga mata ko. Marami palang mga magagandang babae sa ospital. Kung alam ko lang ay sana matagal na akong dito nagpapagamot at hindi sa infirmary ng mga military bases namin.
“Nahihibang ka na ba? Anong nawala ang sakit? Hindi ka pa naman natuturukan ng anesthesia. Tsaka isa pa, sobrang dami nang dugo na lumalabas sa sugat mo. Umayos ka na nga dahil nakakahiya kay doktora.”
“Nakakita ako ng anghel, p’re.”