14

1467 Words
NANLAKI ang mga mata ni Nicole. Ang init na naunang lumukob sa buong katawan niya ay kaiba sa init na bigla na lamang gumapang sa buong mukha niya hanggang sa magkabilang tenga at leeg. Hindi imposibleng isipin na may taong naghihintay sa kanila. Pero ang madatnang naroroon ang mga iyon—may hawak na lobo at nakasuot pa ng party hats bata man o matanda ay tunay na isang malaking sorpresa. At sa wari ay nasorpresa rin ang mga taong iyon. Maliban sa isang salitang sabay-sabay na binigkas ng mga ito, wala na itong sinabi. At iisa rin ang itsura ng mga mukha. Ang mga labi ay nakaawang, ang mga mata ay walang dudang gulat na gulat. Wala ring kumikilos maliban sa mga mata na salitang lumilipat ang tingin sa kanya at kay Artemis. At pagkuwa ay isang babaeng malaki ang hawig kay Artemis ang biglang ngumiti at humakbang palapit sa kanila. “Happy birthday, Kuya!” Sa isang iglap ay bigla na lamang naramdaman ni Nicole na nakatapak na siya sa lupa. Hindi na niya maisip kung ibinaba ba siya ni Art o kusa siyang nagpadausdos. At ramdam niyang hindi pa siya ganap na handang makatayo sa sarili niya. Her knees were shaking. Isang malaking tulong ang isang bisig ni Art na nakaalalay pa rin sa bewang niya. Tumalikod siya sa mga ito. Ang mga daliri niya ay hindi halos magkandatuto sa pagsasara ng mga butones niya. “Bayaw!” bati ng isa pang lalaki. Tinapik nito sa balikat si Art. “Tumanda ka na naman ng isang taon.” At ang sumunod ay ang tila hindi magkamayaw na pagbati. Bagaman nasa tabi ni Art, may pakiramdam siya na wala siya roon. Bigla ay para siyang nakadama ng alinsangan. Bigla ay naisip niyang hindi sana totoo ang nangyayari. Bigla ay inisip niyang sana ay wala siyang talaga roon. Anhin na lang nya ay maglaho siya doon sa isang kurap niya. But she couldn’t deny it. Dahil pagkatapos na batiin ng mga taong iyon si Art ay parang awtomatiko na ring sa kanya lumilipat ang tingin ng mga ito. Mayroong mga ngiti sa sulok ng mga labi, mayroon ding naman puno ng pagtatanong ang mga mata. Pero ang mas nakakapagpatining sa pagkapahiyang nararamdaman niya ay ang tahimik lamang na pagtingin sa kanya ng pinakamatanda sa lahat ng naroroon. Ang mama marahil ni Artemis. “Are you surprised, Kuya?” tanong ng babae na naunang gumawa ng hakbang kanina. “Surprise na surprise na surprise!” sagot ni Art na tila nakabawi na sa pagkagulat kaya nakita na niya ang pamilyar na ngiti nito. “Teka muna, everybody.” At tumalikod ito. Inayos nito ang sinturon at pantalon. Nagkaroon ng tawanan sa paligid. Pero hindi niya magawang makisali sa tawanan. Pakiramdam ni Nicole, siya ang mismong pinagtatawanan. “I’m Tricia,” lapit sa kanya ng babae at ubod nang tamis ang ngiting ibinigay sa kanya. “Bunso at pinaka-paborito ni Kuya sa lahat ng kapatid niya. Ako kasi ang pinakamaganda.” “Sabihin mo, magaling kang sumipsip!” sabad ng isa pang babae na lumapit din. Kahawig din ito ni Artemis pero mas mukhang magkamukha ang dalawang babae. “I’m Beattie. Ate ako ni Tricia pero kahit kailan, hindi yata ako iginalang,” pabungisngis na sabi nito. “At long last, may ipapakilala na rin sa amin si Kuya na magiging hipag namin. You are…” “Guys, she’s Nicole!” agaw ni Artemis na sa itsura ay hindi lang ang nagulong damit ang naiayos kung hindi ang mismong emosyon. Isang tingin pa lang dito ay alam na niyang hawak na nitong muli ang sitwasyon. “Hello, Nicole!” chorus na wika ng lahat. “Welcome to the family!” Gumanti siya ng ngiti pero halata roon ang pag-aalangan. Ang matriarka ng mga Monterubio, nasulyapan niyang tila siya kinakaliskisan! Pakiramdam niya, ang ngiting isinukli niya sa lahat ay mauuwi sa ngiwi anumang sandali. Naramdaman niyang iginiya siya ni Artemis sa may edad pero walang dudang donya. Eleganteng-elegante maging ang estilo ng pagkakaupo. “Mama, si Nicole,” may respetong pakilala ni Artemis nang lumapit sila dito. Gumuhit ang ngiti sa mga labi nito. “I’m Marina Monterubio. Kumusta ka, hija?” “M-mabuti po,” bahagyang naasiwa na sagot niya. Ngumiti ang babae. Kasing-tamis ng ngiti na naunang ibinigay sa kanya ng mga kapatid ni Artemis kaya maski paano ay nakahinga siya nang maluwag. “Tawagin mo akong Mama kagaya ng tawag ng lahat sa akin,” she said warmly. “We planned this surprise party pero hindi namin inaasahan na kami pala ang higit na masosorpresa.” At lumipat ang tingin nito kay Artemis. “Mabuti naman, hijo, at naisip mo nang ipakilala sa amin ang mapapangasawa mo.” Nilinga niya ang binata. Hinintay niyang magkaroon ito ng ibang reaksyon pero hindi nabago ang ekspresyon nito. relaxed na relaxed pa rin. “Mama, don’t assume anything. Bisita ko si Nicole. I invited her here for a few days. Akala ko ay masosolo namin itong bahay. Hindi ko inaasahan na naririto pala kayong lahat.” “Bayaw, wala kang dapat na ipag-alala. Kami naman, pagkatapos ng kainan ay sisibat na! Siyempre, naiintindihan naman namin. By the way, Nicole, I’m Harris. Asawa ako ni Beattie buhat noong pikutin niya ako eight years ago,” kenkoy na wika nito. “Aba’y pareho pala tayo ng kapalaran!” sabad ng isang lalaki, maluwang ang pagkakangisi. “Si Tricia man ay pinikot din ako. I’m Greg, Nicole.” “Nice meeting you both,” sabi naman niya. “Hey! Ako ang pinaka-guwapo sa mga Monterubio, in case you don’t realize yet,” sabad ng isang lalaki na mukhang kakambal ni Artemis maliban na lamang na mas matangkad ito at medyo may beer belly na rin. “Albert Monterubio, Nicole. At your service,” at yumukod pa ito sa kanya. “And I’m Cita, his wife. Ako naman ang masuwerteng nakapikot sa kanya,” pabirong wika ng isa pang babae. “So, pare-pareho pala ng kapalaran ang mga naririto, puro napikot?” kantiyaw ni Artemis. “Ngayon ko lang nalaman iyan, ah? All right, kids, it’s your turn now. Come to Tita Nicole and give her a kiss.” Pito ang mga batang lumapit sa kanya. Mga dalawang taon ang pinakabata at sa tingin niya ay pitong taon ang pinakamatanda. “Kids, magpakilala kayo. Sabihin ninyo kay Tita Nicole kung kanino kayo nagmana ng kaguwapuhan at kagandahan,” sabi ni Albert. “Bonbon po, six years old. Si Albert po ang papa ko. Ito po ang sister ko, si Chin-chin. Iyon pong baby sister namin, nasa room. Tulog.” “Smart,” comment niya, nakangiti siyempre pa. “Hep! Hep! Mas smart ang mga anak ko,” ani Beattie. “Sige, Darling, magpakitang gilas ka.” Tumalima naman ang pinakamalaki sa mga bata. “I’m Darling Marie Gutierrez, Seven years old. Magaling akong sumayaw saka kumanta. One, two, three… spaghetti pababa, pababa, pababa! Spaghetti pataas, pataas nang pataas!” Napuno ng tawanan ang paligid. “Ako din magaling sumayaw!” wika ng isang bata. “Ate, iyong s*x Bomb ang gusto ko.” At kaagad nang gumiling with matching singing. “s*x bomb, s*x bomb, s*x bomb!” “Aba, mas magaling yatang sasayaw si Bea!” ani Tricia. “Beattie, mukhang pagkakakitaan mo nang husto ang mga anak mo. Ipasok natin sa Star Circle.” “Ehem!” anang ama ng mga bata. “Sa akin nagmana ang mga iyan.” “Oo nga, kasi dati kang member ng Bayanihan Dancer,” kantiyaw dito ni Beattie. “Teka, iyong bunso ko ang pakantahin mo. Come here, little Harry. Sing us a song.” Namilog ang mga mata ng batang lalaki na sobrang cute. “Because of you my life has changed… thank you for the love and the joy you bring…” Nasamid si Nicole. Parang iyon din ang kanta noong magsayaw sila ni Artemis! “Ang galing-galing ng anak ko, ah!” proud na proud na sabi ni Bettie at niyakap ang bunso nito. “Eh, tingnan na lang natin kung sino ang pinakamatalino sa lahat,” kunwa ay mayabang na wika ni Tricia. “Sino ang first honor sa prep?” “Ako po!” sagot ng bata na kamukha nito. “Ana Patricia Azarcon.” “Eh sino ang champion sa Math Quiz bee?” “Ako po! Tricia Joyce.” “Eh, iyong bunso mo, mahal kong asawa, saan magaling?” pilyong tanong ni Greg sa asawa. “Six months pa lang naman iyon. Di, sa pagdede!” sagot naman ni Tricia at tinitigan ang asawa. “Parang ikaw.” Sumabog na naman ang tawanan. “Tama na nga iyan,” saway ng mama ni Artemis. “Kumain na tayong lahat at lalamig pang lalo ang pagkain.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD