FIVE years ago…
MAYA’T MAYA ang pagsulyap ni Nicole sa orasan. Ala una na nang madaling-araw pero hindi pa rin umuuwi ang kanyang asawa. Tinawagan na niya ang sekretarya nito pero malinaw ang pagkakasabi sa kanya na bago pa natapos ang office hours ay lumabas na ng opisina si Edsel.
Nag-aalala na siya. Hindi ugali ni Edsel na paghintayin siya ng ganito. Sanay siyang ipinapaalam nito sa kanya ang mga lakad nito maging business date man iyon o kasama ang mga kaibigan nito.
“Mommy Nicky,” tawag sa kanya ng isang batang babae na pitong taong gulang.
Nilingon niya ito. “O, Tiffany, bakit gising ka pa?”
Lumapit ito sa kanya at yumakap. “I had a bad dream, eh. Nagpunta ako sa room ninyo ni Daddy Edsel, wala kayo pareho.”
“Hinihintay ko pa ang Daddy Edsel mo.” Tumayo siya at inakay ito. “Tara sa room mo, matulog ka na uli. Tatabihan kita para hindi ka na magkaroon ng bad dream.”
Tinabihan nga niya sa paghiga ang bata. Yumupyop naman ito sa dibdib niya at pumikit nang mariin. “Embrace mo pa ako, Mommy Nicky. Huwag kang aalis hanggang hindi pa ako tulog, ha?” malambing na hiling nito.
“Of course,” sagot naman niya at hinagod pa ang likod nito.
Ilang sandali pa ay nakatulog na si Tiffany. Nanatili naman siyang nakahiga sa tabi nito. Sa nakaraang isang buwan ay si Tiffany ang gumagamot sa kalungkutan nilang mag-asawa. Tatlong taon na silang kasal ni Edsel pero hindi pa rin sila nagkakaanak. Naiinip na silang pareho. Bagaman marami ang nagsasabi na bata pa naman siya sa edad niyang beinte sais, nape-pressure na rin siya na mabuntis.
Edsel was already thirty-eight. Sa kanilang dalawa, hindi niya masisisi na ito ang mas sabik na magkaanak na sila. Nasa kanila na ang lahat ng nanaisin ng mga bagong mag-asawa. Kahit na triplets pa ang unang maging anak nila ay walang problema. Kayang-kaya nila iyong buhayin nang masagana.
Pero hindi pa nga siya nabubuntis. Ni false alarm ay hindi pa niya naranasan sa buong panahon ng kanilang pagsasama. At dahil gusto niyang maibigay ang ibayong kaligayahan sa kanyang asawa, siya na ang nagpasya na magpa-check up sa doktor.
Tensyonadong-tensyonado siya nang magpunta siya sa doktor. Inilihim pa niya iyon kay Edsel sapagkat ayaw man sana niya ay parang may nangungulit naman sa likod ng isipan na niya baka wala siyang kakayahang magkaanak.
But Edsel found out. Nang tumawag ang sekretarya ng doktor para kumpirmahin ang susunod niyang appointment ay si Edsel mismo ang nakasagot ng tawag na iyon.
Naging supportive naman sa kanya si Edsel. Sa mga susunod niyang appointment ay sinamahan pa siya nito. Hindi niya alam na mahabang serye ang pagbisita nila sa fertility clinic. May ilang pagkakataon na kahit na schedule na nilang pumunta sa clinic ay si Edsel ang nagpapasya na i-postpone iyong dahil masyado daw siyang stressed.
Pero ngayong huling isang buong linggo, anuman ang gawin niya ay hindi talaga siya mapakali. Ngayon niya malalaman ang resulta ng pagpapa-check up niya. At kahit anong positive thinking ang gawin niya, hindi pa rin niya maiwasang matensyon.
Kay lalim ng buntong-hiningang pinakawalan niya. Hindi yata niya matatanggap kung halimbawang wala siyang kakayahang magkaroon ng anak. Isang malaking kabiguan iyon sa pagsasama nila ni Edsel. Ang kanyang asawa pa naman ang mas masikhay na magkaroon sila ng anak.
She made another deep breath. Mientras tumatagal ay lalong nababalot ng tensyon ang dibdib niya. Bumangon na siya at kinumutan si Tiffany. She kissed her lightly at nagpasyang bumaba na uli para hintayin ang kanyang asawa.
Alas dos nang madaling-araw…
NAALIMPUNGATAN si Nicole sa malakas na pagpreno ng isang sasakyan. Nang dumungaw siya ay nakita niyang dumating na si Edsel. Base sa pagmamaneho nito, alam niyang lasing ito. Malungkot siyang napailing. At lalo rin iyong nagpatindi sa kabang nakadagan sa dibdib niya.
“Edsel,” may pangingiming salubong niya dito.
Isang matalim na tingin ang ipinukol nito sa kanya at nilagpasan siya.
Napangiwi siya. Hindi siya sanay sa ganoong trato ng kanyang asawa. At dahil doon ay lalong umahon ang mga negatibong ideya sa isip niya.
“K-kumain ka na ba?” habol niya dito.
“Sino ang magkakaroon ng ganang kumain kapag nalaman mo ang nabalitaan ko?” paangil na sagot nito.
Nakagat niya ang ibabang labi. Walang kibo na sinundan na lang niya ito papasok sa kanilang kuwarto. Pagulapay na nahiga ito sa kanyang kama. Napuno ng amoy-alak ang silid pero sa pagkakataong iyon ay hindi siya nagsalita ng anumang reklamo. Umuklo siya sa paanan nito at tinanggalan niya ito ng sapatos pero pasipa nitong iniiwas ang sarili.
“M-may problema ba, Edsel?” puno ng tensyong tanong niya.
Bumangon ito at sandali siyang hinarap. “Tinawagan ako ng doktor, Nicole,” may pait na wika nito.
Lalo nang tinambol ng kaba ang dibdib niya.
“Hindi tayo magkakaanak. Wala nang kuwenta ang pagsasamang ito.”
Pumalya ang t***k ng puso niya. Hindi niya alam kung alin ang nauna. Ang waring pamamanhid ng buong katawan niya o ang tila pagkabingi niya. Mga mata lang niya ang tila may kakayahang kumilos ng mga sandaling iyon. Ni ang utak niya ay tila tumanggi na gumalaw. Parang palabas sa TV na sinundan lang niya ng tingin si Edsel na tinungo ang banyo. Nang sumara ang pinto, parang pinagsarhan na rin siya ng buong mundo.
Wala siyang ideya kung gaano katagal na wala siyang katinag-tinag man lang. Ni hindi niya namalayang napaiyak na pala siya. Basa ang harapan ng kanyang damit pero wala siyang pakialam doon. Nakatitig pa rin siya sa pinto ng banyo. At sa pakiramdam niya, ang pagkakalapat ng sara niyon ay mayroon pang ibang mas malalim na kahulugan.
Napakurap-kurap siya. At sa minsan pang pagtitig niya sa nakapinid na pinto ay sinaklot siya ng ibang klase ng kaba. Tila nanunudyo ang lalamunan na humakbang siya patungo doon. Mayroon ding panginginig ang kanyang kamay nang itaas niya iyon para katukin ang asawa.
“Edsel,” papiyok na tawag niya dito. At ang tangi niyang narinig ay ang patuloy na paglagaslas ng tubig sa loob. Inutusan niya ang sarili na maging kalmante at itinuloy ang pagkatok. “Edsel.”
Wala pa ring tugon. Nagpasya na siyang itulak ang pinto. At ganoon na lamang ang pagkamangha niya nang makitang nakahandusay sa baldosa ang asawa.
“Edsel!” sigaw niya at dinaluhan ito.
Nanginginig at takot na takot siya nang makapang basa ng dugo ang likuran ng ulo nito. She cried for help.
At ang sumunod na pangyayari ay hindi na ganap na malinaw sa kanya.
EDSEL died of internal hemorrhage. Masama ang naging pagbagsak nito nang madulas sa banyo at napuruhan ang ulo nito.
Nicole was in shock. Ilang araw na hindi siya makausap nang matino. Ang mga biyenan niya na nanggaling pa sa Amerika ang mas nag-asikaso ng burol ni Edsel kaysa sa kanya.
Palibhasa ay may pangalan si Edsel sa larangan ng negosyo, hindi na nakakapagtakang mabalita pa ang pagkamatay nito. At nang bigyan ng kulay na foul play ang pagkamatay nito, mismong biyenan pa niya ang nagtanggol sa kanya.
Iginalang naman ng lahat ang damdamin niya. Walang namilit na kumausap sa kanya. No one knew na hindi lang ang biglang pagkamatay ni Edsel ang dinaramdam niya. Kahit kanino, hindi niya sinabi na bago ang masaklap na sandaling iyon ay parang pinagtakluban na rin siya ng langit at lupa sa mapait na katotohanang natuklasan niya. At hanggang sa mailibing si Edsel ay nanatili ang pananahimik niya.
“Mommy Nicky, kinukuha na ako ng Mommy ko,” wika sa kanya ni Tiffany.
“Nicole, hindi mo naman siguro mamasamain kung kukunin ko na ang anak ko,” segunda ng isang babae na ilang taon lamang ang tanda sa kanya. “Tutal, wala na naman si Edsel. Wala na sigurong problema kung hindi man matapos iyong usapan natin dati na dalawang buwan sana dito si Tiffany.”
Hindi siya agad nakakibo. Napamahal na sa kanya ang bata kahit na hindi ito permanenteng nakatira sa kanila. Itinuring na rin niyang tunay na anak ito.
Marahang tango ang itinugon niya. Wala naman siya talagang magagawa dahil si Cristina ang tunay na ina nito at hinihiram lang nila ang bata.
“Puwede bang magkita kami ni Tiffany kahit paminsan-minsan lang?”
“Bakit naman hindi? Kaya lang, Nicole, nakapagpasya na rin kami ng asawa ko na sa Middle East tumira dahil nandoon naman ang trabaho niya. Siyempre, kasama ko si Tiffany. Huwag kang mag-alala. Hangga’t inayos ang papeles namin, puwede mong dalawin ang anak ko. Kung gusto mong hiramin ng ilang araw, pagbibigyan din kita. Naiintindihan ko naman na malungkot ka ngayon.”
“Salamat,” matamlay na sagot niya.
“ANO ANG plano mo, Nicole?” tanong sa kanya ng biyenan niyang babae. “Mag-isa ka na lang sa bahay na ito. Sa isang linggo, babalik na kami ng papa mo sa Amerika. Wala ka namang problema sa travel documents mo, bakit hindi ka na lang sumama sa amin?”
“Hindi pa po ako nag-iisip ng kahit na ano, eh. Siguro po dito na lang muna ako. Iyong agency, ilang linggo nang hindi ko napupuntahan. Iyon pa naman ang latest na business venture ni Edsel bago siya nawala.”
“Malungkot mag-isa, Nicole. Baka mas mahirapan kang makabangon kung wala kang kasama dito,” sabi naman ng biyenang lalaki.
“Tsk! Iyan ang hirap, eh,” napapailing na wika ng babae. “Pareho kayong solong anak ni Edsel. Ikaw, wala na ring mga magulang. Tayo na lang ang pamilya ngayon, hija. Kung magsasama-sama tayo sa Amerika, mas mabuti siguro para magamot ang pangungulila natin kay Edsel.”
“Napag-usapan na namin ito ng mama ninyo, Nicole. Bata ka pa. Hindi malayo na dumating ang panahon na mag-asawa ka uli. Bukas naman ang isipan namin sa posibilidad na iyan. Hindi ka namin pipigilan, hija.”
“Hindi na po siguro mangyayari iyon.”
“Don’t say that, Nicole. Alam kong nagluluksa ka lang ngayon kaya mo sinasabi iyan. Pero pagkatapos ng ilang panahon, maghahanap ka rin. And you don’t have to worry about us. Dahil kung magiging maligaya ka, siyempre, magiging masaya na din kami para sa iyo.”
“Huwag na lang po nating pag-usapan ang tungkol diyan,” paiwas na wika niya.