“MAY I?”
Napangiti si Nicole. Inaasahan na niya ang paglapit na iyon ni Art. Tapos na ang ibang bahagi ng program sa kasalang iyon at natapos na rin ang traditional dance ng mga bagong kasal. Nang iwan ni Art ang grupo ng mga principal sponsors na kausap nito, sa lugar na niya ito dumiretso ng hakbang.
All the time, she was aware of that. Buhat kanina ay mas nakuha na ni Art ang buong atensyon niya kaysa sa ibang bagay. At dahil doon ay lalo na siyang hindi mapakali. Naglalaro sa isipan niya ng mga bagay na gagawin niya sa kanilang muling paghaharap—ang kanilang business meeting.
“Sure!” masiglang wika niya at tumindig na. Ang nasa isip niya ay ang business proposal niya dito.
Dinala siya ni Art sa dance floor. Sweet music filled the room. Bawat parehang nagsasayaw ay tila mukhang in love na in love sa isa’t isa. Sa wari ay nahawa sa romantikong pakiramdam ng mga bagong kasal.
If ever you wondered if you touch my soul, yes you do
Ang ilang kabataan ay hindi napigil na mapabulalas ng kilig. Napailing na lang si Nicole. Sa nagdaang ilang linggo, kahit saan yata siya magpunta ay ang kantang iyon ang naririnig niya. malapit na nga niyang kasuklaman ang kantang iyon.
Ang palad na umabot sa kanyang kamay ay mainit-init. Dinala ni Art sa batok nito ang mga kamay niya at saka siya hinapit sa bewang.
Napalunok siya. His gaze was fixed on her. Tila wala itong pakialam sa lahat ng nasa paligid. And she didn’t know what happened to her. Parang napako na rin ang kanyang tingin dito. And suddenly, the music that filled the air seemed made for both of them alone.
Never thought I’d fall in love with you…
In love with him?! Muntik nang mapaigtad si Nicole nang matanto ang tinatakbo ng lyrics. Bakit siya maapektuhan ng kantang iyon gayong hindi naman iyon bagay sa kanila. Ngayon nga lang sila nagkakilala ng personal. At isa pa, may hidden agenda siya sa lalaki.
She tore her gaze away. Pinili niyang ipako sa kawalan ang tingin. Umindak siya sa saliw ng tugtog at iniwasang bigyan ng iba pang kahulugan ang pagsasayaw na iyon.
Pero hindi pala madaling gawin iyon.
She couldn’t simply ignore the warmth of his hands that seemed to touch the sensitive insides of her. And when he lowered his face and she felt the warm breath of him against her, kulang na lang ay maupos siya sa sahig sa labis na sensasyong napukaw sa kanya.
“E-excuse me…” aniyang hindi na nakatiis at bumitaw dito ng hawak.
“Nicole?” may pagtatakang react ng lalaki. Ang isang kamay nga nito ay hindi agad na bumitaw sa kanya.
“I… I need to go to the rest room,” dahilan niya at mabilis nang lumayo.
At tila para panindigan ang sinabi, doon nga siya tumuloy. Natutuwa siya na bakante ang lugar na iyon. She locked the door at ilang sandali na pinuno ng hangin ang dibdib.
Hindi niya maunawaan ang sarili. She never expected it could happen to her. Ilang taon na bang walang lalaki sa kanyang buhay? Five years. Sapagkat nang mamatay ang kanyang asawa ay wala na ring iba pang lalaki na hinayaan niyang makalapit sa kanya. At anumang damdamin na natural lang na maramdaman niya at maramdaman sa kanya ng isang lalaki ay kinalimutan na niya.
And yet, Art seemed different. Tila may taglay itong kapangyarihan para pukawin ang mga pakiramdam na inilibing na niya kasama ang kanyang asawa.
Napapitlag siya nang may kumatok sa pinto. Isang mabilis na paghinga ang pinakawalan niya at binuksan agad iyon.
“Oh, you’re here,” gulat na wika sa kanya ni Eve. “Kanina lang ay namataan kita sa dance floor, ah?” At alam nilang pareho na sa kaswal na komentong iyon ay naroroon ang panunudyo ni Eve.
“Call of nature, eh,” pagsisinungaling niya.
Tumaas ang kilay ni Eve. “O baka naman umiiwas ka? You and Art looked good together.”
Tumawa siya nang walang tunog. “Ano ka ba naman? I have different interest.”
“But if you could hit two birds in one stone, bakit mo pa palalampasin? Isang tingin ko pa lang kay Art, alam ko nang attracted siya sa iyo.” Kinindatan siya nito. “Mukhang hindi ka mahihirapang ilapit sa kanya ang business proposal mo, Nicole. Just use your charm to your advantage.”
Napailing siya. “I always use my charm to my advantage. Pero hindi iyong garapal. Let’s say para lang mapadaling mapasaakin ang gusto ko. But never did I use indecency to any circumstances. Kilala mo naman ako.”
Si Eve naman ang napatawa. “Yeah, kilala nga kita. Hindi ko nga maintindihan kung bakit ayaw mo na pagkatapos ni Edsel. Sinasayang mo ang chance na maparami ang magandang lahi mo, Nicole. Bata ka pa. At hindi lang panandaliang relasyon ang makikita mo. You could easily find a man who will love you for the rest of your life. Baka nga mas matinding pa ang pagmamahal na kayang ibigay sa iyo ng lalaking iyon kaysa sa pag-ibig na ibinigay sa iyo ni Edsel.”
“Please, Eve, huwag na natin iyong pag-usapan.”
“Do you love Edsel so much kaya ayaw mo nang mag-asawa o may problema kayo noon ni Edsel at nadala ka na?” prangkang tanong nito sa kanya.
Malungkot siyang ngumiti. “We had a happy life together. It was just unfortunate that he passed away so soon.”
Tinapik siya nito sa balikat. “It had been five years. Open your door again, Nicole. Talagang masaya ako sa bagong pamilya ko ngayon kay Ryan kaya bilang kaibigan, gusto kong maramdaman mo rin ang sayang iyon. I have a feeling that Art is very much interested in you. Give it a chance, sis. Kung hindi kayo mag-work out, fine. At least, you wouldn’t have regrets later kung hindi mo sinubukan.”
“I don’t know,” paiwas na sagot niya. “Iba namang talaga ang priority ko, eh.”
NAKADAMA ng pagkainip si Artemis. Halos bantayan na niya ng tingin ang hall na patungo sa restroom pero hindi pa niya natatanaw na lumalabas si Nicole doon. He couldn’t explain the attraction he was feeling for her. Sanay siya sa magaganda at sopistikadang babae. In fact, tila nga wala nang dating sa kanya ang ganoong mukha pero iba si Nicole.
Though she was also sophisticated and beautiful, tila may iba pa siyang nasisinag sa anyo at kilos nito.
“Wine, sir?” lapit sa kanya ng gumagalang waiter.
“Thank you,” aniya at kinuha ang inaalok nito. Matapos lumagok ay sinulyapan niyang muli ang hall. Wala pa rin si Nicole.
Isang paghinga ang pinakawalan niya. He was attracted to her, all right pero hindi niya dapat na kalimutan ang mga planong ginawa na niya para sa kanyang sarili.
And at long last, namataan niya si Nicole na naglalakad palabas ng hallway. Tinitigan niya ito, yaong uri ng pagtitig na ang focus ay para sa kanyang kapakanan at hindi ang mismong paghanga niya dito.
His eyes went to her bosom. Tila may inaanalisa na kung ano. At pagkuwa ay bumaba pa ang kanyang tingin sa tiyan nito at sa maimbay na balakang. Napalunok siya. again, he felt the stirring in his loins. At bago pa siya bigyan ng mas malaking problema ng pakiramdam niyang iyon ay ibinaba pa niya ang tingin sa mga mahahabang biyas nito.
Sinaid niya ang wine na hawak niya. “Perfect,” he breathed at muli nang ipinako ang tingin sa mukha ni Nicole. Nang magtama ang kanilang tingin ay ngumiti siya at nilapitan na rin ito. “May we dance again?”