"Paano kayo nakakasiguro, Tita?" Salubong ang kilay na tanong nito.
Isang makahulugang ngisi ang kumurba sa gilid ng mga labi ng mama ni Russu. "Takot niya lamang sa'kin, Trixy. Binibigay sa kaniya lahat ng aking anak at maging pamilya niya'y hindi pinabayaan. Sa palagay mo'y hahayaan pa siya ng pamilya niya na pakawalan ang anak ko?" Umiling ito kay Trixy.
"Pero, Tita--" agad itong pinutol ng ginang.
"A lady who's uneducated. Walang trabaho. At tanging kagandahan lamang ang meron. Sa palagay mo'y maiisipan niya pang ipagpalit ang anak ko? Aba'y napakabobo niya na kung pakakawalan niya pa ang anak ko." Seryosong sambit nito.
Nalaglag ang kaniyang panga dahil sa narinig mula sa ina ng nobyo. Hindi siya nakatuntong ng kolehiyo pero naiintindihan niya ang sinabi nito. At sobrang nalito ang puso niya sa narinig.
Hindi agad nakapagsalita si Trixy dahil sa sinabi ng matanda.
"Nagsabi sa akin si Russu kanina pagtawag niya, mukhang matamlay daw si Chasa nang makausap niya kagabi. See? May kailangan na naman siya sa anak ko. Hindi niya lamang masabi pero inutusan ako ni Russu na tanungin siya mamaya." Nagpakawala ito ng isang malalim na buntong-hininga.
"I don't get you, Tita. Bakit mo hinahayang pagkaperahan nila si Russu? Why don't you convince him to find another woman? Sa'yo na mismo nanggaling, ganda lamang ang meron sa babaeng iyon," walang kagatol-gatol na sambit nito.
Sumeryoso ang mukha ng ginang. "Gusto mo bang harangin ko ang kasiyahan ng pinsan mo, Trixy? Hindi ko hinangad maging kontrabida sa buhay ng pinsan mo. Ipagdarasal ko na lamang na matauhan siya nang kusa." Anito.
Rason kung bakit may kirot na sumagid sa kaniyang puso.
Ngumisi si Trixy, "sabagay ay tama ka diyan, Tita."
Nanlulumong isinarado niya ang pinto nang tuluyan.
Pakiramdam niya'y nanliliit siyang lalo sa kaniyang sarili. Pinagmasdan niya ang sarili sa salamin.
Maganda siya. Iyon lamang ang tingin sa kaniya ng lahat. Isang manggagamit pero hindi siya makatanggi sapagkat tumatanggap naman kasi siya ng tulong mula sa nobyo.
Sobrang sama ng pakiramdam niya. Gusto niya na lamang umuwi at magmukmok sa loob ng kaniyang kuwarto.
Sanay naman na siyang pinag-uusapan ng mga tao pero iba ito. Hindi niya inaasahan na darating ang ganitong pagkakataon. Na mismong sa ina ng nobyo niya iyon maririnig.
But then, she loves Russu so much than they could ever imagine.
Pinalagpas niya ang ilang minuto bago nagpasyang lumabas mula sa banyo.
Inihanda niya na kaagad ang malaking ngiti sa kaniyang mga labi. Nagkunwari siyang nagulat nang mabungaran ang mga ito.
"Magandang umaga po, Tita..." bati niya sa matanda at itinalon ang tingin kay Trixy. "Trixy..." Malaki ang pagkakangiti sa kaniyang mga labi.
Sa likod niyon ay ang sakit sapagkat nanatili ang mga bakat at latay ng matatalas na salitang naiwan sa kaniyang puso.
Nagkatinginan ang mga ito. Nagmaang-maangan siyang tumingin sa mga ito kahit na ang totoo'y alam niya ang iniisip ng mga ito.
"C-Chasa, Iha. Nandito ka na pala." Balisa ang mukha nito ngunit nanatiling nakapigkit ang ngiti sa mga labi nito.
"Opo, Tita... Halos kadarating ko lamang po." Maagap na paliwanag niya rito.
Mukhang nahimasmasan naman ito nang manatili siyang kalmado.
Samantalang si Trixy ay tahimik lamang na nakamasid sa kaniya. Nanliliit ang mga mata nito habang sinusuri siya ng tingin mula paa hanggang ulo.
Natapos ang misa na mabigat ang kaniyang loob. Wala siyang sinisisi kundi ang sarili. Masyado siyang nakampanti sa ipinapakita ng pamilya ni Russu. Nakalimutan niyang higit sa lahat, ang pamilya nito ang may masasabi at masasabi tungkol sa kaniya.
How can someone like her compared to those women na matalino, edukada, may class, may trabaho, at maganda?
"Pakisabi kay kumare, Hija. Maraming salamat kamu sa padala niyang isda." Gaya ng dati'y napakaganda ng pagkakangiti nito sa kaniya na animu'y walang masamang iniisip tungkol sa kaniyang pamilya.
Lumunok siya at pinilit na ngumiti muli. "Walang ano po 'yon, Antie." Pakonsuelong sagot niya rito.
Mag-isa na ulit ito sa mansion nito dahil kanina pa umalis si Trixy bago sila magsimba. Ayon dito'y may pupuntahan pa daw ang mga ito.
"Mauna na po ako," paalam niya sa ina ni Russu.
Inaanyayahan siya nitong kumain muna bago umuwi ngunit nagrason siya agad rito kung bakit kailangan niya nang umuwi agad.
"Ma, andito na po ako..." Sumilip siya sa kusina at naabutan niyang nagluluto ang kaniyang ina.
Agad niyang nalanghap ang nakakatakam na amoy ng pinakbet na niluluto nito. Nagutom tuloy siyang bigla.
Nilingon siya ng ina. Mababanaag ang pagod sa hitsura nito. "Anong sabi ni Kumare?" Tanong nito sa kaniya.
Tahimik na inilapag niya sa ibabaw ng lamesa ang bitbit na purse at nagsalin ng tubig sa baso para uminom ng malamig na tubig.
Naalala niya ang narinig na pag-uusap ng pamilya ni Russu kanina. May parte ng isip niya ang gustong sabihin sa ina ngunit mas malaki ang parte na nagsasabing hindi na kailangan.
Napabuga siya ng isang malalim na hininga.
"O? Bakit halos sumayad na 'yang baba mo sa lamesa?" puna ng kaniyang ina sa kaniya.
Pinaglaruan niya sa kaniyang palad ang baso at pinaikot-ikot iyon.
"Wala po..." pagsisinungaling niya rito at agad na ding tumayo.
Paalis na siya nang muli siyang tawagin ng ina.
"Chasa, anak..." muling tawag nito sa kaniya. "Nasabihan mo na ba si Russu?" Ungkat nito na ikinalaki ng kaniyang mga mata.
Nagsalubong ang kilay niya at kumunot ang kaniyang noo. "N-Nahihiya po ako, Nay." Gusto niyang makiusap rito na huwag siyang kulitin sapagkat ayaw niya nang tapakan ang nahuhuling pride niya sa pamilya ng nobyo pero hindi niya maibuka ang bibig.
Nanlalaki ang mga mata nito sa kaniyang sinabi. "Nahihiya?!" tumaas kaagad ang boses nito. Namaywang ito at dinuro siya. "Ano bang ikinakahiya mo sa boyfriend mo? Napakabait ni Russu. Paniguradong ibibigay niya kaagad sa'yo 'yon ng wala nang tanong-tanong pa. Hindi ba't sinabi ko sa'yo na asikasuhin mong maigi ang nobyo mo para naman hindi ka nahihiya kapag may ibinibigay siya sayo." Makahulugang sambit nito na ikinadoble ng laki ng mga mata niya.
“Pap-paano niyo nasasabi ang lahat ng ‘yan, inay?!” sasabog na yata ang kaniyang dibib sa sobrang bigat. Nagtaas-baba siya sa paghinga at nagpipigil sa sariling damdamin.
“Dahil lahat ng pinagdaraanan mo, napagdaanan ko nang lahat ng ‘yan, Chasa!” mariing sambit nito sa kaniya.
Padabog siyang umahon mula sa pagkakaupo at tinadyakan ang kaniyang inupuan.
“Sa’n ka pupunta, Emrys?” nakapamaywang na kuwestiyon sa kaniya ng ina. “Kinakausap pa kita!”