Tulad ng inaasahan ay hindi siya pumayag na hindi ko matapos ang trabaho ko sa itinalagang oras kaya ang ending nag-overtime ako. Madaling-araw na tuloy ako nakauwi sa bahay.
Pagkarating sa bahay ay agad akong nakatulog. Ilang oras lang ang naging tulog ko dahil kinailangan ko ulit bumalik sa trabaho. Nalaman ko pa nga na umiyak si Liam kagabi dahil hindi makatulog kakahintay sa akin. Nasanay na kasi siyang parati ako katabi bago matulog. Sinabi ko na lang na babawi ako at bibilhan siya ng mga bagong laruan para hindi na magtampo.
Buti na lang pumayag kung hindi tutuhurin ko ulit 'yung boss ko na hanggang ngayon ay may sama pa rin ng loob dahil sa ginawa ko. Siguraduhin lang niya na malaki ang sweldo ko at may bonus. Mahirap magpuyat para lang sa wala nuh.
Mapupungay ang mata ko habang nakatitig sa computer na nasa harap. Kanina ko pa binabasa ang bawat letra na nakasulat dito pero wala talagang pumapasok sa isip ko. Nakailang kape na ako pero wala namang nangyayari. Kahit na mag-aalas Nuebe na, antok pa rin ako. Hindi ko na talaga alam ang gagawin ko. Gising nga ang katawan ko, tulog naman ang isip ko.
"Hi! Ikaw 'yong bagong PA ni Mr. Peterson? By the way, ako nga pala si Jane, accountant assistant. And this is Melissa, kaibigan ko at internal auditor ng kumpanya. Same kami ng department." Tiningnan ko ang babaeng na nasa harap ng desk ko. Nakangiti ito dahilan upang makita ko ang ngipin nitong naka brace. Halatang friendly ito at mahilig makipagkapwa habang ang kasama naman nito ay mukhang mahiyain dahil sa panyo nitong nakatabon sa bibig nito. Kumaway ang katabi nitong babae nang mapansin ang titig ko.
Ngumiti ako sa kanilang dalawa bago tumango. "Hi, goodmorning. Oo, ako nga ang bagong personal assistant ng CEO. May kailangan ba kayo?"
"May ipapasa lang sana kami. Nandiyan na ba si Mr. Peterson?" tanong ni Jane habang sinusuri ang mukha ko. Nailang naman ako nang bahagya ngunit pinanatili ko ang ngiti sa aking labi.
"Wala pa siya eh. Iwan niyo na lang sa akin ang mga papeles. Ako nang bahalang magbigay sa kaniya." Inilahad ko ang kamay. Nanatili lang siyang nakatitig sa akin at bahagyang napatalon nang sikuhin siya ng kasama.
Napakurap siya. "Ang ganda mo po.." wala sa sariling aniya dahilan upang manlalaki ang mata ko bago natawa.
"Salamat?" patanong at nakangiting sagot ko. Tumikhim naman ang katabi nitong si Melissa bago siya sikuhin ulit.
"Umayos ka nga.. Nakakahiya ka," namumulang bulong nito na dinig ko naman. Nanatiling nakatakip ang panyo sa bibig nito kaya medyo malabo at mahina ang boses niya pero sapat na para marinig at maintindihan ko.
"Ano ka ba? Totoo naman eh. Maganda naman talaga siya. Pasensya ka na kay Melissa, Alissa. Medyo mahiyain eh. Magkatunog pa naman ang name niyo. Pansin ko lang." Humagikgik ito dahilan upang mas lalong mamula ang mukha ni Melissa. Umabot pa ang pamumula nito hanggang sa leeg na animo'y hiyang-hiya sa sinabi ng kaibigan.
"Mahiyain nga siguro si Melissa. Okay lang naman mahiya pero walang masama kung ipakita mo ang totoong sarili mo. Don't let your shyness take away the opportunity. Minsan kasi marami tayong namimiss na opportunity kapag wala tayong tiwala sa sarili."
"Oo nga naman. Tama. Kaya Melissa, bawas-bawasan mo na 'yang pagiging mahiyain mo. Maganda ka rin naman kaya wala kang dapat ikahiya." Tinapik ni Jane ang balikat nito bago bumaling sa akin. Inilahad niya ang mga papeles na hawak sa akin. "Ito nga pala 'yong mga papeles. Pakisabi na lang kay Mr. Peterson na kailangan nang ma approve 'yan this week. Kailangan daw kasi talaga."
Kinuha ko ang inaabot niya. "Sige."
"May kasabay ka bang mag-lunch mamaya? Sabay ka na sa amin kung gusto mo. Kita na lang tayo sa lobby, sa baba."
Agad namang nagliwanag ang mukha ko bago nakangiting tumango. "Sure," sabi ko.
Sa wakas may makakasabay na akong kumain. Nakakalungkot kumain mag-isa. Namimiss ko tuloy si Liam.
Maya-maya pa ay nagpaalam na rin sila habang ako naman ay bumalik na sa trabaho. Kahit papaano ay nagising din ang diwa ko. Ang daldal at ang kulit kasi ni Jane. Mabuti at may makakasama at magiging kaibigan na ko. Hindi naman pang habang buhay ay lugmok lang ako mag-isa kasama ang boss ko habang nagtatrabaho rito. Tatanda ako ng maaga 'pag nagkataon.
"Check this and find the 105 files. Edit all the error that you see and print it," ani ni boss at inabot sa akin ang USB. Agad ko naman iyong inabot. Parang may kuryenteng dumadaloy sa ugat ko nang magtama ang balat namin. Mabilis lang iyon pero ang laki ng epekto sa akin. Namula ako bago tumikhim. Seryoso lamang siya na nakatingin sa mga papeles at mukhang hindi niya naramdaman ang naramdaman ko kanina. Nahihibang na 'ata ako.
"Aalis na po ako. Tawagin mo na lang po ako kapag may kailangan pa kayo." Tumalikod na ako at nagtungo sa pinto papalabas. Nakahinga ako nang maluwag nang makalabas sa opisina niya. Mukhang kakapusin 'ata ako ng hininga dahil sa sobrang paninikip ng dibdib ko sa kaba.
"Ano bang nangyayari sa 'kin?" tanong ko sa sarili habang nasa tapat ng dibdib ko ang kamay at pinapakiramdaman ang mabilis na t***k ng puso.
DALA-DALA ang USB ay nagtungo ako sa printing room para mag-print. Mabuti na lang at medyo kabisado ko na ang pasikot-sikot dito sa kumpanya. Nang makarating ay may naabutan akong lalaki na nakatalikod at mukhang nagpi-print din.
"Tapos ka na?" tanong ko. Mukhang nagulat siya dahil bahagya pa siyang napatalon sa kinatatayuan. Hinarap niya ako habang sapo ang dibdib. Akmang magsasalita na siya nang matigilan. Napaawang ang bibig na pinasadahan niya ako ng tingin mula ulo hanggang paa bago malalim na napalunok.
"Ikaw na ba ang magiging Misis ko? Ikaw na ba si Misis Right?" biglang sabi niya. Kunot-noong tiningnan ko siya. Maputi siya, kayumanggi ang mata, medyo may katangusan ang ilong at maputla ang bibig dahil siguro sa lamig ng aircon. Clean cut din ang style ng buhok niya at may katangkaran. Ang problema ay mukhang siyang tanga na nakatitig sa akin na animo'y ngayon lang nakakita ng babae.
"Baliw ka ba?"
Natauhan naman siya at agad na umayos ng tayo. Tumikhim siya bago umiling. "Hindi ah. Paano mo naman nasabing baliw ako?"
"Dahil sinabi ko," pilosopong sambit ko dahilan upang umawang ang bibig niya.
"Siguro nga baliw ako, baliw na baliw sa 'yo." Kumindat pa siya habang wala naman akong reaksyon na nakatingin sa kaniya.
"Ano ba 'yan! Ang hirap mo namang landiin," reklamo niya. Pumadyak-padyak pa siya na parang bata dahilan upang matawa ako.
"Para kang si Gianna, pareho kayong madaldal at isip-bata."
"Gianna? Sinong Gianna? Huwag mong sabihing may kaibigan kang multo?" Niyakap nito ang sarili na animo'y kinikilabutan. Napairap naman ako bago lumapit sa kaniya na nakatayo sa harap ng printing machine.
"Wala," sabi ko na lang para matapos na bago sinaksak ang USB sa computer na nakabukas. Umupo ako at hinanap ang file na kakatapos ko lang iedit.
"Ako nga pala si Kyle. Just call me mine." Inilahad ni Kyle ang kamay sa harap ng mukha ko dahilan upang hindi ko makita ang screen. Malakas na tinabig ko ang kamay niya at nagpatuloy sa pagpi-print.
"Aray naman! Sadista ka ah! Feeling close ka 'day? Close tayo? Close tayo?"
Binalingan ko siya ng masamang tingin. "Nagtatrabaho ako. Mamaya mo na 'ko kulitin. Ang ingay mo, sa totoo lang. Bakit 'di mo gayahin si Mark. Tahimik lang."
Agad naman siyang tumawa nang malakas na animo'y may nakakatawa sa sinabi ko. "LT, gago." Tumawa pa siya habang nakahawak sa tiyan at hinampas-hampas ang lamesa.
Hindi ko na lamang siya pinansin at tinutok ang atensyon sa harap ng computer. Nang ma ready ko na ay agad akong lumapit sa printing machine at hinintay na ma print ang mga files.
Umupo sa lamesa paharap sa akin si Kyle. Mukhang nahimasmasan na siya ngunit nanatili ang malawak na ngiti sa labi dahilan upang makita ang puti at pantay-pantay niyang mga ngipin.
"I can't believe that I just met a person who's both serious and funny. Ngayon lang ako naka encounter ng ganitong babae," nakangising aniya. Sinundot niya pa ang braso ko gamit ang daliri niya. Lumayo ako. "Anong pangalan mo, Miss?" Hindi ko siya pinansin o ni balingan man lang ng tingin.
"Yohoo may tao ba rito? O kahit man lang multo? Akala ko sa online lang may seener pati rin pala sa personal, meron din. Ang hilig n'yo talaga akong hindi pansinin. Nakakahurt na ha!"
"Ang ingay mo kasi. Kalalaki mong tao, ang daldal mo."
"Ouch naman! So babae lang puwedeng mag-ingay? Gender Inequality ka ah," sumisinghot na pahayag niya, kunwaring umiiyak.
Marahas na napabuntong-hininga ako at hinarap siya. "Alissa, bagong personal assistant ng CEO? Happy? Manahimik ka na nga, please lang," naiinis na wika ko. Pareho talaga sila ni Gianna, ang iingay pero ang pinagkaiba ay kaibigan ko si Gianna. Siya naman, hindi. Kahit sanay na ako sa ingay ni Gianna. Hindi ibig sabihin ay masasanay na rin ako sa ingay niya. Ayaw ko pa naman sa maingay.
Agad na sumeryoso siya nang makitang naiinis na talaga ako.
"Sorry. Pasensya na kung maingay ako, ganito kasi talaga ako. Kung ayaw mo sa maingay, hindi na lang kita kakausapin." Agad naman akong nakonsensya nang makita ang sakit na bumalatay sa mukha niya. Kinagat niya ang pang ibabang labi na animo'y pinipigilan ang nagbabadyang luha. "Aalis na ko.."
Tumalikod siya. Agad ko namang hinawakan ang braso niya para pigilan ang tangkang pag-alis niya.
"Wait. Pasensya na. Kulang kasi ako sa tulog. Medyo bad mood lang talaga ako ngayon. At okay lang sa akin na maingay ka, sanay naman na ako. Puwede tayong maging magkaibigan kung gusto mo," nakokonsensyang pahayag ko.
Gumalaw naman ang balikat niya. Nataranta ako at hindi malaman ang gagawin. Akmang ihaharap ko na siya para patahanin nang bigla siyang magsalita.
"Ayaw ko... gusto ko more than friends."
Agad na namula ang buong mukha ko hindi dahil sa kilig kun'di sa galit. Naisahan ako! Bwesit na lalaking 'to. Binatukan ko siya. Humalakhak naman siya bago ako hinarap at binelatan.
"It's a prank! Ang dali mo namang mauto."
Kinalma ko ang sarili. Konti na lang talaga't titirisin ko na itong kutong 'to. Kinuha ko ang mga papeles na tapos nang maprint at binunot ang USB sa saksakan. Lumabas ako. Agad naman akong hinabol ni Kyle pero hindi ako huminto at mas lalo pang binilisan ang lakad.
"Uyy.. Sorry na... Huwag ka nang magalit. Bati na tayo. Uwu!" Humalakhak ulit siya nang malakas. Pinagtitinginan tuloy kami ng mga iba pang empleyado. Pero wala namang nagreklamo. Mukhang sanay na sa isang 'to.
"Tigilan mo ko." Tumigil ako sa tapat ng elevator at pinindot ang button para bumukas. Hinarap ko siya.
"Sige na nga. Titigil na. Pero friends na tayo ah?"
Tumango na lamang ako. Agad akong sumakay sa elevator nang bumukas iyon. Nakatayo lang siya sa harap ko at tinititigan ako hanggang sa sumara ang elevator.
Malalim na napabuntong-hininga ako. So much for this day.
"ANO?! Nakita at nakausap mo si Kyle?! Naku pow! Ang kulit no'n at malamang hindi ka titigilan. Sabik 'yon sa mga babaeng magaganda eh," gulat na bulalas ni Jane nang matapos kong ikuwento ang nangyari kanina.
Tumango naman si Melissa, sumasang ayon sa sinabi ng kaibigan.
"Bakit?"
"Marami nang nabiktimang babae 'yon. Kahit mukhang isip-bata, malakas naman karisma no'n sa babae kaya umiwas ka ro'n."
"Nabiktimang babae? Ibig sabihin masama siyang tao?"
"Hindi naman. Ang ibig kong sabihin ay playboy siya. Mahilig mangbabae. Gagawin ang lahat para makuha ang gusto pero kapag nagsawa na basta-basta ka na lang itatapon na parang basura. Huwag ka ng dumagdag sa collection niya sa mga babae, girl. Sinasabi ko sa 'yo. Wala kang mapapala kapag pinatulan mo 'yong babaerong iyon." Sumipsip siya sa straw para uminom ng juice matapos sabihin 'yon.
Nandito kami sa isang sikat na kainan. Lunch time na at kagaya ng napag-usapan ay nagkita kami sa lobby kanina at sabay na nagtungo rito. Medyo malayo ito sa kumpanya pero sulit naman dahil masasarap ang mga pagkain na sineserve nila.
"Talaga?" Hindi interesadong sambit ko.
Tumango silang dalawa. Napailing naman ako.
"Wala naman akong balak na patulan siya. Hindi ko siya gusto at isa pa, may anak na ako kaya wala akong panahon para lumandi."
Naibuga ni Jane ang juice na iniinom at napaawang naman ang bibig ni Melissa dahilan upang lumabas ang ngipin niyang may kulang sa gitna, wala kasing panyo na nakatakip sa bibig niya dahil kumakain kami. Parehong nanlalaki ang mga mata nila, hindi makapaniwala sa sinabi ko.
"May anak ka na?!" Sabay na sigaw nila. Napunta ang tingin ng mga tao sa pwesto namin at sinuway ang dalawa. Humingi naman sila ng paumanhin bago ako binalingan ulit ng tingin.
"Totoo?" Tumango ako. "Bakit? Paano? Hindi ako makapaniwala. Like hindi halata sa itsura at katawan mo na may anak ka na. Ilang taon na? Sinong ama? May asawa ka na rin ba?" Sunod-sunod na tanong niya. Napangiwi ako bago nilunok ang natitirang pagkain sa bunganga.
"One night stand ang nangyari. Hindi ko kilala ang tatay ng anak ko. Dalawang taon na ang anak ko. Liam ang pangalan." Lahat ng sinabi ko ay totoo except sa part na hindi ko kilala ang tatay ni Liam. Syempre kilala ko. Nakakatrabaho ko pa nga. Ang malala ay ang sariling boss ko pa.
"Gano'n ba? Ang unfair naman. Ikaw, kahit may anak na ang seksi mo pa rin, samantalang mukha na kaming losyang kahit hindi pa man kami nanganganak," nakangusong reklamo ni Jane.
Ngumiti na lamang ako. Nagpatuloy kami sa pagkain habang patuloy naman ang pag-usisa nila tungkol sa akin at sa anak ko. Sinabi ko rin na huwag nilang ipagkalat na may anak na ako at ilihim ang mga nalaman. Gusto kong manatiling sikreto ang tungkol kay Liam habang nagtatrabaho ako rito. Pumayag naman sila at nangakong hindi ipagkakalat ang nalaman. Sinagot ko ang mga tanong nila hanggang sa matapos kaming kumain at bumalik sa trabaho.
Alas diyes nang matapos ko ang lahat ng trabaho ko. Napagpasiyahan ko na ring umuwi. Tumayo ako at naglakad patungo sa opisina ni Boss. Kumatok muna ako bago pumasok.
Naabutan ko si Boss na tutok na tutok sa laptop. Nakakunot ang noo niya habang nagtitipa ng kung ano sa keyboard ng laptop. Pero kahit na gano'n ay hindi halata sa mukha niya ang stress. Sa katunayan ay mukha pa siyang fresh kahit na buong araw na babad sa trabaho. Kahit na ayaw ko sa kaniya ay inaamin ko sa sarili na guwapo talaga ang isang 'to. Puwede nang isabak sa hollywood movie.
Agad na tumigil siya sa ginagawa at magkasalubong ang kilay na inangat ang tingin sa akin nang tumikhim ako.
"Boss, uwi na po ako," paalam ko. Mas lalong kumunot ang noo niya at napatingin sa wrist watch na suot. Tiningnan niya ang wall glass bago isinara ang laptop at tumayo.
"Ihahatid na kita. I will discuss some things with you." Kinuha niya ang coat na nakapatong sa likod ng upuan niya at isinuot ito. Binitbit niya ang mga importanteng papeles at laptop bago naglakad papunta sa direksyon ko.
"Let's go." Nilampasan niya ako at nauna nang lumabas. Napairap ako bago sumunod sa kaniya.
Tahimik lamang kami sa loob ng sasakyan. Pinapakiramdaman ang isa't isa. Hindi ko alam kung anong trip niya at sinabay ako pauwi.
"Anong pag-uusapan natin?" I opened a discussion. Mukha kasing wala siyang balak na magsalita. Sinabi ko na rin na ibaba niya na lang ako sa 7/11 na medyo malayo sa bahay namin. Ayaw kong malaman niya ang eksaktong address kung saan ako nakatira. Baka bigla-bigla na lang siyang bumisita at pumunta roon ng walang paalam. Baka malaman pa niyang may anak siya.
"As I said, I will discuss some things with you. We will have an out-of-town business trip next week. I will meet some clients and I need you to come with me," seryosong wika niya. Napaisip naman ako. Out of town? Ibig sabihin matagal kaming mawawala?
"Gaano katagal tayo roon?" tanong ko. Hindi kasi pwede na masiyadong matagal. Hindi pa naman sanay si Liam na wala ako sa tabi niya nang matagal. Baka magtampo at umiyak iyon pero hindi naman ako puwedeng tumanggi o magreklamo sa boss ko. Boss siya eh, siya ang masusunod at mataas naman ang sweldo ko kaya okay lang.
"Maybe 1-2 weeks. Just bring clothes, good for 2 weeks to make sure."
Nakahinga ako nang maluwag at tumango. Mabuti at hindi aabot ng isang buwan o higit pa. Pero mahaba-habang paliwanag pa rin ang dapat kong sabihin kay Liam. Kahit medyo matured na mag-isip si Liam ay hindi maipagkakailang matampuhin at gusto na laging masusunod ang gusto no'n. Nagmana siguro sa ama.
"You want to eat something?" Biglang tanong ni Boss habang nasa daan ang tingin. Agad na bumaba ang tingin ko sa tiyan at hinimas iyon.
"Drive thru na lang tayo. Gutom na ko," suhensyon ko na tinanguan lang niya. Agad kaming umorder ng pagkain sa Jollibee. Fries, sundae, chickenjoy, coke at spaghetti ang inorder ko samantalang coke, burger at fries lang ang sa kaniya.
Habang nasa byahe ay nilalantakan ko ang mga pagkain samantalang si Boss naman ay nasa pagmamaneho pa rin ang atensyon. Iniabot ko ang burger na nasa dashboard bago tinapat sa bibig niya.
Kumunot naman ang noo niya at bahagyang napaawang ang bibig. Saglit niya akong sinulyapan bago ibinalik ang atensyon sa daan.
"What?" He asked.
"Kain na. Baka kanina kapa nagugutom. Matagal pa naman ang biyahe. Baka bawasan mo pa ang sweldo ko kapag ginutom kita."
Matagal siyang natahimik. Pansin ko ang pamumula ng tainga niya o baka naman namamalikmata lang ako. Medyo madilim kasi rito sa loob ng kotse at tanging street lights lang ang nagbibigay liwanag dito sa loob.
Nangangalay na ako at akmang ibaba na ang kamay nang bigla niyang ibinuka ang bibig niya at kumagat ng burger. Muntik ko nang mabitawan ang hawak na pagkain dahil sa bahagyang pagdampi ng labi niya sa daliri ko.
Kinilabutan ako sa nangyari. Ramdam ko ang pag-iinit ng pisngi ko. Malambot at mainit ang labi nito. Itinatak ko sa isip na kailangan ko agad maghugas ng kamay pagka uwi dahil sa laway nitong dumikit sa kamay ko. Tahimik lamang kami sa biyahe habang patuloy ko siyang sinusubuan hanggang sa maubos ang lahat ng pagkain na inorder namin. Binigyan ko rin siya ng mga pagkain na inorder ko. Mabuti at hindi siya maarte pagdating sa pagkain. Halos siya nga lahat ang umubos ng pagkain. Gutom siguro siya o baka naman sadyang matakaw lang siya.
Ilang sandali pa ay nakarating na kami sa tapat ng 7/11. Agad akong bumaba sa kotse at nagpaalam na. Tinanaw ko ang kotse niyang papalayo. Ilang minuto muna ang pinalipas ko at nang makasigurong hindi na siya babalik ay agad akong pumara ng traysikel pauwi sa bahay.
Hindi ko alam kung hanggang kailan ko maitatago sa kaniya ang anak namin lalo na't magkatrabaho kami at nasa iisang lugar. Pero isa lang ang sigurado ako, hinding-hindi ko ibibigay si Liam. Magkamatayan man...